B a l a t k a y o
Chapter 2
LIMANG TAON na rin ang nakalipas mula ng lumipat sina Clara sa maynila. Nakapagtapos na rin siya sa kursong gusto niya at nakapagtrabaho bilang isang nurse sa pribadong ospital sa Quezon City. Sa, Dr. Alvarez Eye Clinic. Natigil kasi siya noon sa pag-aaral dahil nga sa mga nangyari sa kanya. Subalit ngayon ay natupad na iyon.
Nurse din kasi ang Nanay niya na nasa Guam at iyon din ang pangarap niya. Kahit paano rin ay nakakalimutan niya na ang mga nangyari sa kanya. Pero hindi na niya binalik ang dating mukha na kinahuhumalingan sa kanya noon. Nasanay na rin naman siya sa pangit niyang mukha ngayon kahit palagi siyang nakakarinig ng mga panlalait.
"Clara!"
Tinig ng isang babae habang papalapit sa kanya. Kaya't agad siyang napalingon rito.
"Ikaw pala, Sissy," nakangiting usal niya habang sinasalubong ang kaibigang papalapit.
"Sissy, pinapatawad ka ni Dr. Allan Alvarez. May sasabihin yata sa 'yo," wika nito agad kay Clara.
"Bakit raw?" takang tanong niya.
"Hindi ko alam, e. Puntahan mo na lang kaya. Mukhang importante, eh."
"Okay sige."
Matapos ang pag-uusap nila ng kanyang kaibigan ay agad na pinuntahan ni Clara si Dr. Alvarez. Subalit laking gulat niya sa sinabi nito sa kanya.
"Po! Bakit po ako, Dok? Marami naman pong ibang nurse dito sa ospital na pwedeng kausapin, pero bakit ako po?"
Sinabi kasi nito sa kanya na ipapadala siya nito pansamantala sa kaibigan niya sa Tagaytay para maging private nurse ng inaanak niyang kagagaling lang sa operasyon sa mata.
"Pumayag ka na, Miss Bartolome. Magbabayad naman siya ng malaki, e. Tsaka, hindi ko kasi matanggihan si Donya Guada. Malaki ang utang na loob ko sa kanya sa pagtulong niya para maipatayo itong ospital ko."
"Dok, alam niyo naman po na hindi ko pwedeng iwan ang Lola ko dahil matanda na siya. Wala pong mag-aalaga sa kanya kapag wala po ako," katwiran niya.
"Two hundred thousand pesos, Miss Bartolome."
"A-ano pong sabi niyo, Dok? T-two hundred thousand? G-gano'n po kalaki ang magiging sweldo ko kapag pumayag ako?" gulat nitong usal habang nanlalaki ang mga mata.
"Yes, Miss Bartolome. Take it or leave it?"
Napaisip agad si Clara dahil sa malaking pera na makukuha niya kapag pumayag siya. Ilang saglit lang sumagot na siya.
"Sige, Dok. Kakausapin ko muna si Shiela na doon muna siya sa bahay habang wala ako."
"Sure. But, I need your response as long as possible. Minamadali na ako ng kaibigan ko."
Matapos ang pag-uusap nilang iyon ay agad na kinausap ni Clara ang kaibigan. Sinabi niya ang malaking halaga na sasahurin niya kapag pumayag siya. Kaya't malugod naman na pumayag si Shiela na doon muna siya titira sa bahay nila habang wala siya.
Pumayag din naman ang Lola niya dahil iyon naman ang tungkulin ng Apo. Kaya't tinawagan na ni Clara si Doktor Alvarez para sabihing pumapayag na siya. Sinabi na rin sa kanya ni Dr. Alvarez ang condition ng pasyenteng aalagaan niya. Halos isang na rin naman siya sa ospital ni Dr. Alvarez kaya't kabisado na niya kung paano mag-alaga ng bulag na pasyente.
Matapos ang ilang oras na biyahe ay nakarating na siya sa Tagaytay. Sinipat siya sa bulsa ng kanyang bag ang Address na sinabi sa kanya ni Doktor Alvarez. Ilang saglit pa ay may tumigil na tricycle sa harap niya kaya't agad siyang napatingin dito.
"Miss, saan po ang punta niyo?" tanong sa kanya ng tricycle driver habang pinapasadahan siya ng tingin mula ulo hanggang paa.
Agad naman na umarko ang makapal niyang kilay sa tila nang-iinis na driver. Pero kailangan niyang tanungin kung alam niya ang address na binigay ni Doktor Alvarez.
"Ahm, Manong. Alam niyo po ba ang address na 'to?" Inabot niya sa driver ng tricycle ang kapirasong papel para makita ang nakasulat.
"Montefalco, mansyon?" Muling ibinaling nito ang paningin kay Clara at agad na sumagot. "Oo Miss, alam ko. Sakay na," usal nito sa kanya kaya't agad na rin siyang sumakay.
At makalipas ang ilang minuto ay tumigil na ang sasakyan sa isang napakalaki at magarang gate.
"Narito na tayo, Miss."
Matapos sabihin iyon ng driver ay agad na siyang bumaba bitbit ang bag na dala.
"Ito na po ba 'yun, Manong?" tanong niya habang pinapasadahan ng tingin ang malaking gate na nakikita.
"Oo, Miss. Wala naman ibang Montefalco mansyon dito kung hindi 'yan e."
"Ah, okay po. Magkano po?" Agad nitong dinukot sa bulsa ng bag ang kanyang pitaka.
"Singkwenta lang, Miss."
"Sige po." Sinipat niya agad ang singkwenta pesos na nakaipit sa wallet niya at agad na binigay sa tricycle driver. Nagpasalamat din siya dito bago siya iwan.
Napabuntonghininga muna siya bago pinindot ang doorbell na nasa gilid ng gate. At ilang saglit lang ay binuksan ang gate ng isang guwardiya na nagbabantay rito.
Pinasadahan pa siya ng tingin mula ulo hanggang paa na tila natatawa pa sa itsura niya. Kaya't sumama na naman ang timpla ng mukha niya. Ngunit kailangan niya iyong pigilan kaya pinilit niyang ikalma ang sarili.
"Manong, ito po ang Montefalco mansyon?"
"Oo, Miss. Bakit mo naitanong? Mag-a-apply ka bang katulong dito? Sorry, Miss, pero hindi na tatanggap ng katulong si Donya Guada," agad na bungad nito sa kanya. Kaya't biglang umarko ang kilay niya at pataray na sinagot ang guwardiya.
"Hindi po ako mag-a-apply ng katulong, Manong! Nurse ako mula sa Dr. Alvarez Eye Clinic! Ako po ang nurse na pinadala ni Doktor Allan Alvarez para kay Charles Montefalco!" inis niyang usal.
Natigalgal naman agad ang guwardiya sa sinabi niya.
"P-pasensya na. Akala ko mag-a-apply kayong katulong dito. Tuloy kayo, Miss."
"Mukha ba akong katulong, ha? Oo, pangit ang itsura ko, pero hindi ibig sabihin nun, pwede mo na akong insultuhin!"
Humingi ulit ng pasensya sa kanya ang guwardiya. Pagkatapos ay sinamahan na siya nito papasok sa loob at tinawag ang mayor doma ng mansyon.
"Maupo muna kayo, Nurse—"
"Clara po," nakangiti niyang usal ng kanyang sa babaeng may edad.
"Nurse Clara. Tatawagin ko lang po si Donya Guada."
"Sige po, Manang." Ilalapat na sana niya ang kanyang pwet sa malambot at magandang sofa nang may marinig siyang ingay mula sa taas.
"Labas! 'Di ba ang sabi ko, walang papasok dito sa kwarto!" sigaw ng isang boses lalaki na tila galit na galit. Rinig na rinig niya rin ang mga nagbabasagang gamit mula sa taas. At sa tingin niya ay mula iyon sa silid ng lalaking naririnig niya.
Kaya't naudlot ang pag-upo niya at bigla siyang nakaramdam ng kaba. Pakiramdam niya rin ay nanginginig na ang kanyang mga tuhod dahil sa naririnig. Nagwawala kasi sa galit ang lalaking naririnig niya.