Chapter 2

1256 Words
Buhay na buhay ang Daes, kapital ng Daestre dahil sa magaganap na banal na pagsalin. Hitik sa iba’t ibang kulay ng telang sinabit sa mahabang daan patungo sa dambana kung saan gaganapin ang pagsalin. Malaki ang bukana sa itaas ng dambana na kung saan magliliyab sa oras na matagumpay na naisasalin kay Nia ang responsibilidad ng pagiging susunod na prinsesa. Abala ang mga mamamayan sa pagsalubong sa susunod na prinsesa. Sa harapan palang ng Daes ay kumpol na ang mga tao hawak ang kanya-kanyang watawat na kulay dilaw na may korona sa gitna na kanilang iwinawagayway. Bakas ang saya sa bawat mukha ng mga tao, matanda man o bata. Magandang senyales ang pagsalin sa susunod na prinsesa dahil ito ay hudyat ng kaliwanagan sa kanilang hinarap. Malalaki ang mga bahay na dinaraanan ng karitelang sinasakyan ni Nia. Gawa na ito sa mga pinagpatong-patong na bato at kahoy na malayo sa mga kubo sa Ilmis na gawa lang sa kahoy at dayami. Kaiba rin sa paningin ni Nia ang mga kasuotan ng mga mamayaman doon. Makukulay ang mga suot nila at mukha silang edukado’t mga prominente. Hindi niya maiwasang manliit sa mga naiisip. Bagama’t nakapag-aral si Nia ay alam niyang sa lawak ng mundo ay kulang na kulang ang mga nalalaman niya. Tumigil ang karitela sa tapat ng dambana. Agad siyang pinagbuksan ng pinto ng isa sa mga kawal. Hindi pa man siya nakakalabas ng karitela ay nakayuko na ang mga tao sa paligid niya. Labis ang kaba sa kanyang dibdib. Gayunpaman, nilakasan niya ang loob upang tuparin ang hiling ng kanyang lola na huwag siyang ipahiya roon. Walang ideya si Nia sa kung ano at sino ang mga makakaharap niya. Unang beses palang siyang nakapunta sa Daes at wala siyang alam sa kung anong klaseng pamumuhay meron doon. Sa kanyang pagbaba ay hindi niya napigilang tingalain ang dambana na sobrang laki at taas. Nagmistulan siyang langgam sa laki niyon. “Mag-uumpisa na ang seremonyas. Naghihintay na ang prinsesa.” Yumuko ang kawal at hinintay si Nia na maglakad sa daang pinamulatian ng pulang alpobra. Tumango si Nia at nag-umpisang maglakad. Sa pagpasok palang sa dambana ay malalaking rebulto ang sumalubong sa kanya. Pawang mga magigiting na sundalo ang itsura ng mga iyon at sa pinakadulo ay dalawang mas malaking rebulto ng dalawang babaeng mukhang mga diyos dahil sa magarang kasuotan. Anim na kalalakihan ang nakapalibot sa gitna ng templo ang sunod niyang nakita. Sa likuran ng mga ito ay may siwang na kung saan nakakarinig si Nia ng pag-agos ng tubig. Naalala ni Nia ang kwento ng kanyang lola tungkol sa anim na kawal na pumoprotekta sa prinsesa na kung tawagin ay Kusai. May kadiliman sa lugar kaya hindi niya gaanong nakikita ang kanilang mga mukha pero silang lahat ay nagbigay pugay nang makita siya. “Maligayang pagdating.” Malambing na boses ng babae ang bumati kay Nia. Lumabas ang isang maliit na babae sa pinto sa kabilang banda ng templo. May hawig ang babae sa lola ni Nia. “Ako si Prinsesa Ifri. Ikinagagalak kong makilala ka…” Bahagyang ikiniling ni Prinsesa Ifri ang kanyang ulo na pawang nagtatanong sa pangalan ng kanyang kausap. “N-nia. Nia Olivia po ang aking pangalan.” Bahagyang yumuko si Nia upang magbigay galang sa prinsesa. Hindi siya makapaniwala na kahit matanda na ang prinsesa ay mukha pa rin itong bata. “Nia Olivia. Napakagandang pangalan.” Masuyong ngumiti si Prinsesa Ifri bago ito lumakad sa pinakasentro ng templo. “Halika.” Inilahad niya ang kamay kay Nia na agad namang sumunod sa kanya. “Alam kong kinakabahan ka. Ganyan din ang naramdaman ko nang ako ang nasa posisyon mo. Huwag kang mag-aalala. Gagabayan kita.” Inakay ng prinsesa ang kamay ni Nia at inilagay siya sa gitna ng templo kung saan mayroon simbolo ng araw. Nginitian siya ng prinsesa bago nito sinimulan ang kanta na alay sa dalawang diyos na kanilang sinasamba. Sa pagtatapos ng kanta ay lumiwanag ang mga mata ng prinsesa at nagsimulang bumigkas ng mga salitang hindi naiintindihan ni Nia. “Porense proeani curitur inmiuentur iquaede!” Bagamat hindi naiintindihan ay naramdaman ni Nia ang dulot ng mga salitang iyon. Dumaloy sa kanyang mga paa ang liwanag na galing sa simbolo ng araw na kinatatayuan niya. Uminit ang kanyang katawan hanggang sa sikmura. Ang kaninang liwanag ay unti-unting nagiging apoy na lumalabas sa tuktok ng dambana. Tuwang-tuwa ang mga mamamayan dahil sinisimulan na ang banal na pagsalin. Ngunit tumigil ang lahat. Laking gulat ni Nia nang sumugod ang isa sa mga kalalakihang naroroon na nilaslas ang katawan ng prinsesa. Nagawang makapaglabas ng makapal na usok ang prinsesa na naging dahilan upang matigil ang lalaki sa krimeng ginagawa. Agad na nasalo ni Nia ang nanghihinang katawan ng prinsesa. “Tulong! Sugatan ang prinsesa!” Halos mapatid ang ugat sa leeg ni Nia sa kakasigaw. Isa-isa niyang tinignan ang mga Kusai na nakapaligid sa kanila. “Ano pang tinatayo n`yo riyan? Hindi n`yo ba nakikita! Sinugod ng kasamahan ninyo ang prinsesa!” Ngunit walang kumikibo sa kanila. “P-prinsesa, kumapit ka. Tatawag ako ng tulong.” Maingat na nilapag ni Nia ang katawan ng prinsesa sa simbolo ng araw at sa kanyang pagtayo ay siya namang pagsugod muli ng Kusai. Bumaba na ang usok kaya naman nakaatake na naman ang lalaki. Masuwerteng nakaiwas si Nia ngunit malaslas ng patalim ang kanyang braso. “Nakakapanghinayang ang ganda mo, Prinsesa Nia. Gusto mo bang maglaro muna bago kita patayin?” Humalakhak ang lalaki. Sa tuluyang pagbaba ng usok na gawa ni Prinsesa Ifri ay nakita ni Nia ang mukha ng kriminal. Bakas sa mukha ng lalaki ang mahabang pilat mula sa mata nito hanggang sa kanang pisngi. Puti man ang kanyang buhok ay hindi ito nalalayo sa edad ni Nia. Nanlilisik ang kanyang mga mata na tila ba kumukulo ang dugo sa ginagawa. “Vexx, tapusin mo na `yan.” Nagsalita ang isa sa mga Kusai na nasa likuran ni Nia. Bagamat nanatili ito sa kinatatayuan ay naramdaman ni Nia ang nakakikilabot na lamig sa boses ng lalaki. “Mga traydor kayo! Plano ninyong lahat ito! Pero bakit?” Inilapat ni Nia ang palad sa sugat sa kanyang braso na tumutulo na ng dugo. “Isa itong himagsikan!” Bago pa man makaisip si Nia sa nangyayari ay muli na namang sumugod si Vexx sa kanya. Direktang ipapatama ng lalaki ang matalim at nagliliyab na dulo ng kanyang espada sa dibdib ni Nia. Wala mang hawak na armas ay lakas-loob na sinugod ni Nia na balak sipain ang paa ng kanyang kalaban. Ngunit bago pa man tumama ito ay yumugyog ang lupa dahilan upang mawalan ng balanse si Nia at mahulog sa siwang kung saan may umaagos na tubig. “Patay na ang prinsesa. Malaya na tayo! Malaya na ang mga Kusai!” Humalakhak si Vexx na para bang nakawala ito sa isang sumpa. “Nakita ng babaeng iyon ang ginawa mo. Makakalabas siya sa ilog at makakatakas. Hindi mo ba siya hahabulin?” Muling nagsalita ang isa sa mga Kusai na may nakakikilabot na boses. “Kahit saan pa siya magtago ay hindi siya makakatakas sa pagpatay niya sa prinsesa.” Ngumisi si Vexx. Planado niya ang lahat. Sa pagbuga niya ng hangin ay nawala ang mala-demonyo niyang ngisi at bumalik sa itsurang inosente. Tumakbo ito palabas ng dambana na hangos-hangos pang hinarap ang mga mamamayan. Takang-taka ang lahat sa pagtigil ng apoy sa tuktok ng dambana. “H-hindi na matutuloy ang seremonya.” Yumuko si Vexx na tumulo pa ang luha. “Patay na si Prinsesa Ifri.” Awang ang bibig ng mga mamamayan na hindi makapaniwala sa narinig mula sa pinagkakatiwalaang Kusai. “Pinatay siya ng bagong prinsesa!”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD