KABANATA II

2894 Words
II: TIME IS GOLD The time-keeper's pov As they say, time is the most precious thing you could give to a person. Especially for the people you love. Because it can serve as the manifestation on how willing are you to give a part of your life to them. Time, as they say is also like that of a river water, na once na umagos na sa harap mo ay hindi na babalik kailanman. Kagaya ng mga pangyayari sa paligid. Kung nasubukan mo na nang mapag-iwanan ay mas maiintidihan mo ako. ‘Yung tipong mag-isa ka na nga lang tapos iiwan ka pa? Kagaya na lamang ng bus na dapat sasakyan mo kaso nahuli ka kaya iniwan ka. Kagaya ng mga kaibigan mo na hindi ka sinama sa galaan niyo. At kagaya ng isang kasintahan na magaling mang-iwan, ‘yung tipong parang wala kayong pinagsamahan. Masakit maiwan 'di ba? Oo, masakit maiwang mag-isa lalo na kung iiwanan ka nang walang paalam. ‘yong tipong hindi mo alam kung babalikan ka pa ba o hindi na; ‘Yung tipong hindi mo alam kung hanggang kailan ka aasa sa pagbalik niya. Marahil, ganyan din siguro ‘yong naramdaman ng single parent kong mama na tuluyan kong iniwan kahapon maisakatuparan ko lamang ang pagpasok ko dito sa seminaryo. Gusto ko kasing magpari. At alam natin na kapag sinabing magpapari ka, ibig sabihin, kaialangan mong kalimutan ang sarili mo para sa mas nakararami. Kagaya na lamang ng buhay mo sa labas. Isa sa mga ito ay ang pag-iwan sa mga bagay na nakagawian mo, nakakalungkot mang isipin pero kabilang sa mga kailangan mong iwan ‘yung mga taong mahahalaga sa’yo. Parang kahapon lang n’ung nag-eempake pa ako ng mga gamit ko sa bahay namin. Pero ngayon, binabagtas ko na ang liblib na daan papunta sa seminaryo. Pinili ko itong lakarin dahil hindi sapat ang pera ko para sa mahal na pamasahe. Kakaunti lang kasi ang naipon ko at hindi ko na maatim pang gastusin iyon para lang sa pamasahe papunta sa pinakaloob-looban ng lugar na ito. At isa pa, hindi rin ako sinusuportahan ni mama, hindi lamang sa pang-pinansyal kundi pati na sa emosyonal na pangangailangan. Buti nga at nakahanap pa ako ng mga mabubuting loob na tumutulong at tutulong sa akin, eh. Kung hindi, baka wala ako rito ngayon. Gayunpaman, hindi ko masyadong ramdam ang pagod sapagkat nakabalandra sa akin ang magandang tanawin na nakapalibot sa seminaryo—ang sari-saring mga puno, at halamang namumulaklak, mga tupa na tila nakikipaglaro sa mga d**o, magandang istruktura ng seminaryo at mga pader na kasing taas ng isang poste ng kuryente. Ang ganda. Grabe, ang ganda! Para akong nasa isang tahimik na paraiso. Hindi mo maiisip na paglabas mo pala ng liblib na ito ay isang magulong siyudad ang sasalubong sa’yo. Sa wakas, sa sampung minuto kong paglalakad mula sa labasan, natatanaw ko na ang arko ng seminaryo. Haays, medyo magiging mahirap pala ang magiging buhay namin dito kung sakali. Anlayo kasi namin sa kabihasnan! Pero ito ‘yong pinili ko, eh. Ginusto ko 'to kaya dapat lang na yakapin ko. Parte 'to ng pagsasakripisyo ko. Nang tuluyan akong makapasok sa arko ay tumambad sa akin ang naglalakihang mga bakod na pumapalibot sa buong seminaryo. Sinamahan din ito ng matatayog na gate na parang kapag sinarado mo, hindi ka na makakalabas pa dahil mahihirapan kang umakyat. Sayang, balak ko pa man ding tumakas paminsan-minsan para mag-Dota sa labas. Balita ko kasi bawal ang laptop at cellphone dito. Pero syempre, biro lang. Isa sa pinangakuan ko nang malaman kong nakapasa ako sa pagsusulit ang pagtalikod ko sa mga bisyo ko sa labas. Isa na diyan ang paglalaro ko ng Dota. Mabuti na nga lang at hindi ako nahilig sa paggamit ng telepono, eh. Dahil unang-una wala naman akong pambili nun. Hahaha! Minsan may naidudulot ding maganda ang kahirapan, eh. Nang tuluyan akong makapasok sa gate ay sinalubong ako ng isang lalaki. Teka, para bang nakikilala ko siya! Sa pagkaka-alam ko ay siya ‘yong isa sa mga nag-interview sa amin n’ung unang apak ko pa lamang dito sa seminaryo. Siya ‘yong napagkamalan n’ung isa sa mga kasamahan kong aspirant bilang Father Paul. Teka, Jay-ar ata pangalan niya? Basta sounds like! Bumati ito sa akin saka niya ako tinulungan sa mga bagahe kong parang 15 kilos ang bigat. "Halla! N..naglakad ka?" Tanong ng lalaki sa akin. "Opo" Sabi ko. Tumawa naman ito. “Sumakay ka na lang sana.” Suhestiyon pa nito. Ngumiti lang ako. Hindi niya naman alam ang kwento ko. “ Nga pala welcome dito sa seminaryo, teka ano nga ba uli ang pangalan mo?” “Railey po.” “Ah, Railey.. O ganito, Railey, dumeretso ka muna sa kwarto mo nang sa gayon ay makapagpahinga ka kahit kaunti. "M..May kwarto na po ako?" Tanong ko. "Ah, gusto mo ba dito ka sa labas matulog? Hindi naman ‘di ba? Syempre, meron kang kwarto. Sumunod ka na lang sa akin." Sabi nito saka ngumisi. Ay attitude si kuya. Habang naglalakad ay hindi ko mapigilang mapangiti. Napakalawak ng seminaryong ito. Dalawang palapag iyon. Sa baba ay puro mga classroom, samantalang sa itaas nito ay mga pansariling kwarto. Oo, tag-iisa raw kami ng kwarto. Nang makarating kami sa loob ay isang tahimik na at malawak hallway na puno ng magkakatabing kwarto ang sumalubong sa amin. Gawa sa kahoy ang istructura ng seminaryo kaya naman maririnig moa ng bawat hakbang ng mga naglalakad. Gayon pa man ay makikita mong matibay ang pundasyon nito. Hindi ito marupok katulad ko. "Sa kabila ang east wing at dito naman ang west wing. Sa east wing ang magiging kwarto mo. Room number 5. Ito ang susi.” Bilin niya sa akin na para bang landlord siya ng seminaryo. "Okay po, kuya Jay R" Sagot ko sa kanya. Akmang paalis n asana siya nang mapalingon siya sa akin. "Jay R? Sino ‘yun?” tanong nito na tila nagtataka kung sinong tinutukoy ko. Wait, sino ba siya? “Kayo po ‘yun ‘di ba?” tanong ko. Ngumisi naman ito. “Rjay ang pangalan ko.." sagot nito saka niya inilahad ‘yung kamay niya sa akin. Akmang makikipagkamay. Bago ko siya kinamayan ay pinagpag ko muna ‘yung kamay ko. "Ahh. Rjay po pala, akala ko JayR. Simula po ngayon, di ko na kayo makakalimutan." Sabi ko. Tumawa lang siya. Ba’t ang hilig niyang tumawa? Nakakabaliw ba dito sa seminaryo? Hmm. Tama ba ‘tong pinasok ko? "Siya nga pala, eto ‘yong house rules ng seminaryo, nakikiusap akong basahin mo.” Sabi niya sa akin sabay abot n’ung isang papel na may lamang printed texts. "Okay po, kuya Rjay." Sagot ko. "O, sige maiwan na kita dahil sasalubungin ko pa ‘yong iba mong kasama." Sabi niya saka ito umalis. Ako naman ay nagpalinga-linga saka dumeretso sa east wing para pumunta sa kwartong ibinigay sa akin. Nang makita ko ‘yong ikalimang kwarto ay pumasok agad ako dun. Tumambad sa akin ang isang cozy type room na pininturahan ng puti. Pwede na para sa isa. Sa tutuusin mas malaki pa ito sa kwarto ko sa bahay. Ay teka, wala nga pala akong kwarto sa bahay namin! Nanaginip na naman yata ako. Inikot ko pa ‘yong mata ko sa paligid, napako ang tingin ko nang makita ko ang isang kama na may manipis na kutson. Sa tabi nito ay isang malaking cabinet na gawa sa kahoy at isang electricfan na nasa dingding. Ang ganda! Wala kami nito sa bahay, pwede kayang iuwi ko ‘tong mga gamit na ito? Ay oo nga pala, hindi na nga pala ako uuwi. Ayoko na no. ganda na ng buhay ko dito. Napabuntong hininga ako. Bigla naman akong nakaramdam ng init sa paligid kaya naisipan kong isindi yung electrifan kaso nalaman ko na hindi pala ito gumagana. So, display lang pala ‘tong electricfan na ito? Pati ba naman dito sa loob ng seminaryo, may fake news. Nang wala na akong magawa ay umupo na ako sa kama saka ko tinignan ‘yong papel na binigay sa akin ni kuya Rjay kanina. "SEMINARY HOUSE RULES," pagbabasa ko sa titulo ng papel na iyon. Sa loob na iyon ay punong-puno ng mga pangungusap na nakasalin sa Ingles. "Rule number 1: Lights off every 10:00 Pm; Rule number 2: No using of gadgets specifically of cellphones, tablets and laptop inside the room; Rule number 3: Maintain the cleanliness of your room; Rule number 4: Follow the time structure of the seminary. Schedule: 5:00 am – Rising 5:30 am – Lauds/Mass 6:30 am – Breakfast 7:00 am – Classes 10:00 am – Midday prayer 11:00 am – Lunch 12:00 pm – Siesta 2:00 Pm – Classes 4:00 pm – gardening/ sports 5:00 – showers 6:00 pm – vespers 7:00 pm – dinner 8:00 pm – Compline 9:00 pm – study period 10:00 pm – Lights off Note: Schedule during Weekends vary. - Napatigil ako sa pagbabasa. Napa-angat ako ng mukha. Grabe. Tila sumakit ata ‘yong ulo ko sa nabasa kong house rules, lalo na ‘yung schedule. Masyado kasing maaga ‘yung oras ng paggising namin. Kailangan kong mag-adjust. Tamad pa man din akong gumising nang maaga. Maya-maya pa ay isa-isa kong inilipag ‘yong gamit ko sa sahig. Binuksan ko iyon saka ko inilabas ‘yong mga damit na laman ng bagahe ko. Habang isa-isa kong inaalis sa bagahe ko ay tumambad sa akin ang picture ko kasama ni mama n’ung bata pa ako. Sa picture na iyon, kalong-kalong niya ako sa mga bisig niya. Ang mga mata nito'y nangungusap na para bang nagmamakaawa. Bigla ko tuloy naalala ‘yong mga nangyari kahapon. Naalala ko pa ‘yong eksaktong nangyari na ngayo'y bumabagabag sa pagkatao ko. Ganun na ganun kasi ‘yong hitsura niya kahapon nang hindi ko siya pinansin nang tanungin niya ako kung desidido na ba talaga ako sa pagpasok ko sa seminaryo. Para siyang nagmamakaawa na wag ko nang ituloy pa ang pagpasok ko dito. Pero hindi ko siya sinagot sa tanong niyang iyan. Hindi rin ako tumango at sa halip ay tinignan ko lamang siya, pagkatapos non ay wala na. Umalis na ako sa bahay na parang isang usok. Sa totoo lang, ayaw ko nang magpaliwanag. Pagod na akong magpaliwanag kay mama. Kahit naman kasi ilang beses kong sabihin sa kanya na gusto ko talagang pumasok sa seminaryo ay hindi niya pa rin ako maiintindihan. Alam kong magkakaroon na naman kami ng diskusyon. Mas lalala lang ang away naming mag-ina. Kaya mas mabuti kung ‘wag ko na gatungan pa ng isa pang kahoy ang nagbabagang apoy. Hindi kasi kami okay ni mama. Katunayan ay araw-araw kaming nag-aaway at nagsusumbatan at madalas, tungkol 'yon sa mga bagay na gusto ko na hindi niya gusto. ‘yun lang naman ang dahilan ng away, eh—mga hindi pagkaka-intindihan ng dalawang utak na may magkaibang pinaniniwalaan. Kamakailan nga lang ay nagkaroon kami ng isang matinding sumbatan; isang sumbatan ng hindi pagkakaintindihan at dahilan para kagalitan ko siya nang sobra. Nangyari ‘yung away namin ni mama nang malaman niyang pumasa ako sa pagsusulit dito sa seminaryo. Hindi kasi siya sang-ayon sa plano kong pumasok. Ayaw niya akong pumasok dahil baka raw maging panggulo lang ako. Baka raw mahawaan ko lang ng kasamaan ‘yong makakasama ko sa loob ng seminaryo. Ewan ko nga kung ‘yun talaga ‘yong dahilan ni mama o ayaw niya lang akong pumasok dahil ayaw niya akong matulad kay papa? Dati kasing seminarista si papa pero n’ung makilala niya si mama, iniwan niya rin ang seminaryo. Pero dumating din ‘yong araw na pati pala kami ay iiwan din niya. Oo, inaamin ko naman na basagulero ako noon, na hindi ako matino noon, na bulakbol ako noon, na batugan ako noon. Pero lahat nang iyon ay ibinaon ko na sa limot simula n’ung makilala ko ang Panginoon. Ewan ko ba kung bakit may mga taong tumitingin sa nakaraan ng isang tao. Por que ba nakagawa ng kasalanan noon, makasalanan pa rin hanggang ngayon? Hindi ba uso sa kanila ang salitang "pagbabago"? lahat naman tayo nagkakasala, ang kaibahan lang, hindi lahat handing magsisi. Ang isang puting tela ba na nadumihan ay hindi na maaring labhan pa? wala ba itong karapatang malinis para matanggal ang mantsa? Hindi ba't nililinisan pa rin naman ito upang kahit papaano’y magmukhang bago? At kahit papaano ay bumango sa amoy ng ibang tao? Kagaya ng maduming tela, tayong mga tao na makasalanan ay maari ring malabhan sa pamamagitan ng pagtalima sa Panginoon. Kaso nga lang, mukhang hindi ata nakikita iyon ng paligid. Mukhang hindi bukas ang isip nila sa pagbabago! Kaya galit ako sa kanila, eh. Galit ako lalo na kay mama! Sobrang sakit lang talaga na ‘yung mismong pamilya mo pa ang hindi naniniwala sa’yo. Sobrang sakit ng katotohanan na ‘yong isang tao na inaasahan mong maniniwala sa kakayahan mo ay siya palang unang tatalikod sa'yo. Napatigil ako sa kakaisip ng malalim nang biglang may pumasok sa kwarto ko na isang lalaki. Isang maputing lalaki na hindi ko kilala. Sa pagkakaalam ko ay ka-edad ko lamang ito, marahil ay isa rin siya sa mga kasama ko dito sa seminaryo. Napaayos ako ng upo saka humarap sa kanya. "Oh, bro, ba’t andito ka pa? Nasa baba na lahat, halika na." Sabi nito habang nakangiti sa akin. Sa loob-loob ko, napapa-isip ako na ganito ba talaga dito? Kahit hindi mo kakilala, kakausapin ka na para bang kilala niyo na ang isa't isa? Hanep ah! O baka feeling close lang 'tong isang 'to? "Ha? Bakit?" Nagtataka kong tanong. "Kakain na tayo, tanghali na kaya, 'di ka ba nakakaramdam ng gutom?" Sabi nito sa akin habang hinihimas niya ‘yong tiyan niya. Teka, anong oras na ba? Tila ba nakaligtaan ko na ang oras dahil sa aking pagdra-drama. "Ah, ss..sige lang, okay lang lang ako, bro, hindi pa naman ako gutom, eh." Pag-iwas ko sa kanya saka ko pinunasan ‘yong kaunting luha na nabuo sa mga mata ko kanina. "Teka, umiiyak ka ba? Sorry mukhang naistorbo ata kita sa pagdadrama mo." Sabi nito saka tumawa. Pasimple akong napakuyom ng kamao. "Hindi ako umiiyak." Sagot ko pero tumawa pa rin siya. Nakakainis lang. "Okay, sabi mo, eh. Siya nga pala, ako nga pala si Kurt Sanchez, aspiring saint someday." Pagpapakilala nito saka niya inilahad ‘yong kamay niya sa akin. Woah, santo talaga agad? ang taas naman ng lipad, brader. "Ah, okay, ako naman si Railey Perez." Sagot ko saka ko siya kinamayan pabalik. "Aspiring ano ka?" Tanong pa nito sa akin. Napakunot tuloy ako ng noo sa tanong niya. "Ha?" "Ang sabi ko, ano’ng gusto mo maging?" Dagdag pa niya sa akin. "Maging Pari syempre." Sagot ko saka ako ngumiti sa kanya. "Ah, akala ko gusto mo ring maging santo tulad ko." Sagot naman niya. “S..Syempre gusto, pero pasensya na bro, ha? Pero parang ang taas naman ata agad nun? " Napapangiti kong sagot kahit na medyo nayayabangan na ako sa kanya. Ay teka, medyo pa lamang ba itong nararamdaman kong kayabangan niya? "Haha, libre mangarap, bro, ano ka ba. Lahat tayo ay pwede maging santo. Hindi ‘yun exclusive sa iisang tao lang. Unless.." Sagot niya sabay tapik sa balikat ko. “Unless?” tanong ko.. “Wala wala.” Sagot nito. "Kunsabagay." sagot ko na lang kahit wala naman talaga akong pakeelam sa mga sinasabi niya. "O, paano, sunod ka na lang sa baba, ha? Gutom na ako, eh." Pahabol pa nito saka kumaway para tuluyang lumabas ng kwarto ko. Sa totoo lang ang sakit niya sa ulo. Para siyang electricfan na naka-number 3, sa sobrang hangin niya ay nilalamig na ako. Palitan na lang kaya niya yung elctricfan kong sira? Haays. Sana lang talaga, hindi lahat ng makakasama ko dito ay kagaya niya. Ayokong manlamig na parang bangkay dito sa seminaryo kung puro mahangin na tulad niya ang makakasama ko. --- Dalawampung minuto pa ang lumipas nung magpasya akong bumaba para sana sumunod sa hapag kaso wala na akong naabutan. Naghuhugas na sila ng plato nang datnan ko sila sa baba at mukhang ansaya-saya pa nilang nagkwe-kwentuhan. Napatigil tuloy sila sa paguurong ng mga hugasin nang mapansin nila ako. Nagmukha tuloy akong suspect na pinagtitinginan nang lahat kasi nakagawa ng isang kasalanan. Ano ba kayo, ako lang 'to, ang that's my Railey ng Tondo! "Oh, hijo, nahuli ka ata? Saan ka nanggaling?" Bungad ng isang pamilyar na boses sa likod ko. Agad ko iyong tinignan at halos mapatalon ako ng malaman kong si Fr. Adriano pala iyon. "F..Father, kayo ho pala," nagmano muna ako sa kanya bago ko ipinagpatuloy ‘yong sinasabi ko, " Ahm. nag-ayos po kasi ako sa kwarto ko, father." Sabi ko saka ako ngumiti. "Mahalaga ang oras dito sa loob, hijo. May oras para sa lahat. May nakalaang oras para sa pagkain, nakalaang oras para sa paggising, nakalaang oras para sa pag-aayos at higit sa lahat, may nakalaang oras para sa pagdarasal." "Okay po padre, hindi ko na po uulitin ang mahuli." Sagot ko saka yumuko. "Hindi ka na talaga makakaulit pa dahil simula ngayon, ikaw na ang gagawin kong time-keeper sa formation year na ito." sabi sa akin ni padre. Halos manlaki ‘yong mata ko sa mga narinig ko. "Po?" Sabi ko na para bang biglang nagising lahat ng natutulog na brain cells ko. Ano raw? Ako raw ang magiging time keeper ng formation year na ito? Seryoso ba si padre? Padre, nagbibiro ka lang naman ‘di ba? "Ayoko na ulitin." Seryosong sagot ni padre dahilan para mapalunok ako. "O..okay po, f..father." Nauutal kong sagot. Pagkatapos nun ay tuluyan na siyang umalis sa harapan ko. Naiwan tuloy akong tulala… at gutom. Maya-maya pa ay lumapit sa akin si kuya Rjay, tinapik niya ang balikat ko sabay sabing, “Hayaan mo na. istrikto kasi talaga si padre pagdating sa oras. Sa susunod, alam mo na gagawin mo, ha?” Tumango ako saka ito ngumiti at umalis. Naku po! Ang isang tulad ko na isang dating batugan ay naging time-keeper nang wala sa oras! Naloko na! Oo, naloko na talaga! Teka, ba't ba ako nagrereklamo? 'di ba sabi ko kanina, nagbago na ako? Teka, nagbago na nga ba talaga ako?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD