PROLOGUE: THE ENDING OF AN OLD LIFE
Bata pa lamang, nakakaramdam na ako ng kakaibang tawag mula sa itaas; kakaibang tawag na noong una’y hindi ko maipaliwanag. Ito ang tawag sa bokasyon sa pagpapari.
Ewan ko ba kung paano nagsimula ang lahat. Basta ang alam ko, isang araw, nagising na lamang ako na gusto ko nang mag-pari. Hindi ko nga maintindihan kung bakit ako ‘yong tinawag ng Panginoon, eh. Napapatanong din ako kung bakit hindi na lang ‘yung ibang tao? ‘yung hindi kasing gago kagaya ko. Aamin ako, hindi ako perpekto. Katulad din ako ng ibang tao na nagkakasala. Marami akong pagkakamali na nagawa na matagal ko nang pinagsisihan.
"Ganyan talaga kapag tinawag ka, hijo, hindi mo kayang i-paliwanag kung ano, bakit at paano. Ang pagtawag ng Diyos ay parang sulat ng isang doktor, parang isang abstract painting, at higit sa lahat ay parang calculus na mahirap intindihin. Oo, mahirap intindihin sa una, pero kapag binuksan mo ‘yong puso’t isipan mo, darating ang araw na ipapaliwanag ng Diyos sa'yo kung bakit ikaw ang tinawag Niya." ‘Yan ‘yong isa sa hindi ko makakalimutang payo sa akin ng isang pari na nakadaupang palad ko sa isang simbahan noong bata pa lamang ako. Katunayan, 'yung mensaheng iyan ang isa sa mga naging dahilan ko kung bakit mas naging pursigido ako na pumasok sa isang minor seminary kahit na ayaw akong payagan ni lola. Sabi kasi niya, hindi ko pa raw kaya. Ni hindi ko nga raw alam maglaba ng damit ko tapos papasok raw ako sa isang lugar na bawal ang taong tatamad-tamad? Nadagukan tuloy ako ng katotohanan.
Sabi pa niya, sutil at lampa raw ako kaya hindi raw ako pwede sa lugar na iyon. Hintayin ko na lang daw ‘yong tamang panahon na ibinigay ng Diyos para sa akin. Tamang edad raw na kaya ko nang tumayo sa sarili kong mga paa. Tamang edad na hindi na ako dedepende sa iba. Baka maging sakit lang ako ako sa ulo ng mga pari.
Nang dumating na ‘yong tamang edad na tinutukoy ni lola ay hindi na ako nagdalawang isip pa na ituloy ang balak kong pagpasok sa seminaryo. Katunayan ay kumuha ako ng pagsusulit sa tulong ng pari sa parokya namin.
At mas lalo pang umusbong ‘yung apoy ng bokasyon ko no’ng tuluyan akong makapasa sa pagsusulit sa seminaryo. Sobrang saya ko no'ng mga panahong iyon. Tila ba ang lapit ko na sa pangarap ko. ‘yung tipong dati, isa lang ako sa mga nangangarap makapagsuot ng damit pang seminarista, pero natutupad na.
Nang makapasok na ako sa seminaryo, nakilala ko ang iba't ibang klase ng tao; iba't ibang klase ng tao na kapareho ko ring nais pagsilbihan ang Panginoong Diyos. Isa na roon si kuya Rjay na beadle namin, si bro Railey na siyang time keeper, si Kurt na self-proclaimed saint, si Brad Anthony na habulin ng chiks, si Christian the corny, si Mario na tahimik, si Markus na rich-kid, si King na weird, si Koko na tarantado ay este talentado, si Paulo na dating atheist, si Arthur na nerd, at si kuya Rico na isang balik-loob sa seminaryo.
Iba-iba kami ng personalidad, pero nakakatuwa lang na kaming lahat ay nagkakaisa. Iba-iba man kami ng personalidad pero pamilya pa rin naman ang turingan sa isa’t isa. Iba-iba nga kami ng personalidad pero nagkakaintindihan naman. Oo, nagkakaintidihan kaming lahat... No’ng una; noong una lang dahil hindi ko inaasahan na darating pala ang araw na magkakagulo kaming lahat. Nangyari iyon nung binulabog ng diyablo ang mga pagkatao namin dahil sa isang trahedya; isang trahedya na gumulo, hindi lamang sa pangarap ko, kundi sa pangarap din ng mga kasama ko; isang trahedya na gumulo sa bagong tahanan na tinuturing ko—ang seminaryo.
Alam kong ang trahedyang iyon ay hindi lamang isang aksidente. Pakana ‘yon ng isang tao. Sinadya iyon ng isang tao; isang tao na alam kong gumagala lamang sa paligid ko; Isang tao na kasama namin dito sa seminaryo. Malamang sa malamang, kabilang din siya sa aming labing tatlo. At kailangan ko na siyang mahanap habang tumatakbo pa ang oras ko.