NAGDIDILIG ng mga halaman si Mirabella isang umaga nang mahagip niya ang isang babaeng nakatayo sa harap ng gate ng mansyon. Nang siyasatin niya ito ay nakita niya ang may kalakihang backpack nito at isang may kalakihan ding shoulder bag. Isinara niya ang gripo at tinungo ang gate. “May hinahanap ka ba, Miss?” tanong niya. Matamis na ngumiti sa kaniya ang babae. Noon lang napagtuunan ni Mirabella ang mukha nito. Maganda ang babae. Bagay rito ang pagiging morena. Maganda ang hubog ng katawan at kulot ang dulo nang hanggang likod na buhok. Sa tantiya niya ay halos magkasing edad lamang sila at magkasing-taas pa. Napakurap si Mirabella nang magsalita ito at natigil sa pagsuri sa babae. “Galing pa akong Victorias. Gusto ko sanang mag-apply ritong katulong,” wika ng babae. “Katulong?”

