HEIDE
Pagkatapos sa trabaho, hindi ko inaasahan na tutuparin ni Zacchaeus na susunduin niya ako. Naisip ko kanina na baka nagbibiro lang talaga siya.
“Uy! Manliligaw mo ba si pogi?” tanong sa akin ng katrabaho ko. Inaayos ko ang mga books at iba pang magazine na nasa lalagyan.
“Hindi. Friend ko lang siya.” Tipid na sabi ko, kahit labas sa ilong ang sinabi kong friend. Ayokong maging kaibigan iyon, ew! I’m just being plastic, ala Orocán. Alam ko ang mga ganoong klaseng tao. Hindi sila totoo sa mga salita nila. So ganoon din ang gagawin ko sa kanya.
“Swerte mo dun, girl, bukod sa guwapo, mukhang mapera. Kung iyon ay makatuluyan mo, hihiga ka ng pera.”
Napairap ako sa sinabi niya. Ako hihiga ng pera? Pagkakaalam ko, sa mga Intsik ay kuripot at matapobre. Gusto nila, mga kalahi lang nilang chinsansu ang gusto nila para sa mga anak nila.
“Hindi totoo iyan. Chinese iyon, bawal sa kanila na ang ibang lahi ang makatuluyan nila. Hindi ko type ang chinsansu,” sabi ko. Tumawa ang katrabaho ko.
“Grabe ka naman sa chinsansu. Di ba cream ng mga Chinese iyon?” sabi niya. Tumango ako.
“Kaya nga, ‘di ba, China galing iyon? O eh di chinsansu nga,” sabay tawa ko. Hinampas ako ng katrabaho ko.
“Baliw ka talaga.”
Nang makapag-out ay lumabas na ako ng bookstore. Nakita ko agad si Zacchaeus. Lutang na lutang ang kaputian niya.
“Kanina ka pa ba?” tanong ko nang makalapit sa kanya.
Napatingin ako sa suot niya. Ang formal ng suot niya. Nakakahiya naman itong suot kong T-shirt at maong na pantalon.
“Ang formal naman ng suot mo. Kakain lang naman tayo.”
“Siyempre, date natin. Kaya nagsuot ako ng pormal.”
Talaga ba? Ganito ba makipag-date ang mga mayayaman? Kailangang nakasuot ng formal? Hindi ako sanay sa ganito. Mukha tuloy akong katulong niya. Nakakahiya yata!
“Magpalit ka kaya ng suot mo. Okay lang naman sa akin kahit simple lang ang suot mo. Tingnan mo nga ang suot ko sa suot mo? Hindi ka ba nag-iisip?”
Gusto yata ng lalaking ito na mapahiya ako sa mata ng mga tao. Sinasabi ko na nga ba na may agenda ang lalaking ito. Nangunot ang noo ko nang may binigay siyang paper bag sa akin.
“Ano iyan?” tanong ko sa paper bag na binigay niya sa akin.
“Bumili ako ng maisusuot mo para maging partner tayo.”
Talaga ba? Sinilip ko ang laman ng paper. Mukhang mamahalin ang damit. Grabe, sikat na brand ng damit ito, ah? Prada! Halos lumuwa ang mata ko sa nakita ko.
“Bakit bumili ka pa ng ganito kamahal na damit at may sapatos pang kasama? Wala akong pambabayad sa iyo. Kahit isang taon akong magtrabaho, hindi ko mababayaran ang halaga ng bawat isa nito,” sabi ko habang sinisipat ang damit at sapatos. Halos lumuwa ang mata ko nang makita ang halaga ng sapatos at damit. Diyos ko, Prada ba naman.
“Hindi ko naman pinababayaran sa iyo ang mga iyan. Bigay ko sa iyo iyan,” sabi niya habang nakangiti. Ang guwapo naman ng chinsansu na ito.
“Salamat kahit nakakahiya. Next time, huwag mo na akong bigyan ng mga bagay na ganito kamahal. Diyos ko, hindi ko keribels ang mga presyo. Nakaka-heart attack sa sobrang mahal!” sabi ko. Napahawak ako sa tapat ng puso ko. Natawa nang mahina si Zacchaeus sa sinabi ko.
“Joker ka pala,” sabi niya. Tumaas ang kilay ko. Ako ang nagbibiro?
“Hindi ako nagbibiro. Kung sa inyo wala lang ang ganoong halaga, sa amin napakalaki na nun. Diyos ko, makakagawa na ng simpleng bahay ang ganito kamahal na damit at sapatos. Hindi ko maintindihan kung bakit ganito kayo gumastos ng pera? Parang hindi kayo nanghihinayang.”
Napapailing ako.
“Come on, let’s go. By the way, may ipapakilala ako sa iyo.”
Nawala ang ngiti ko sa sinabi niya. “Sino?” Kunot-noong tanong ko. Nginitian lang niya ako.