AKEESHA'S POV
Siguro, kung babalik ang pagmamahal sa akin ni Ryan, baka kahit kaunti, pwede pa. Pero sa ngayon, umiwas iwas ka muna sa akin.
Isang buntong hininga ang pinakawalan ko dahil sa paulit-ulit na pagplay sa utak ko ng huling sinabi sa akin ni Athena. Tiningnan ko siya na kasalukuyang pinagmamasdan ang ibang Water Elementalist na nagsasanay. Dahil sa iniwan na niya ako ay naupo na lang muna ako.
Naalala ko ang mga nangyari kanina. Hindi nakatakas sa paningin ko ang mga mumunting ngiti na namutawi sa labi niya nang sabihin kong hindi ko maramdaman ang element ko. Ramdam ko pa rin ang galit niya sa akin kaya hindi ko siya masisisi kung matuwa siya sa posibilidad na mapaalis ako sa mundo nila. But she was wrong.
I felt my elements. Yes, elements. Hindi lang isa ang element ko kundi apat pa rin. Nagsinungaling lang ako kay Athena dahil ayaw kong malaman ng lahat na apat pa rin ang element ko. Paniguradong magkakaroon ng special treatment at 'yon ang ayaw kong mangyari. Pero dahil na rin sa pagbabanta ni Athena ay kailangan ko nang mapagdesisyunan kung anong element ang kailangan kong gamitin. Mahirap na desisyon ito dahil kung anong element ang mapipili ko ay 'yon lang ang dapat kong gamitin hanggang sa huli.
"Nagtataka ka ba Akeesha kung bakit apat pa rin ang element mo?"
Agad akong napatayo nang marinig ang boses na iyon. Kilala ko ang boses na 'yon kaya nagpalinga-linga ako sa paligid.
"Huwag kang mag-alala. Hindi nila ako maririnig o makikita. Kinakausap kita sa isip mo."
Muli akong umupo at huminga ng malalim. "Hindi na ako nagtataka Aries."
Siya si Aries, ang Fire Psyche, ang tagagabay sa mga Fire Elementalist.
"Gusto ko lang ipaalala sa 'yo ang nakatakda Akeesha. May kasunduan tayo kaya nakabalik ka sa Elemental World."
Hindi na ako sumagot dahil unti-unting naglaro sa utak ko ang mga nangyari sa akin nang maglaho ako.
AKEESHA'S FLASHBACK
Sobrang panghihina na ang nararamdaman ko at any moment ay maaari akong bumagsak pero hindi dapat ako sumuko. Kailangan kong siguraduhin na muling mabubuhay ang Elemental tree bago ako mawala.
Ilang saglit pa ay wala nang element ang lumalabas sa aking kamay. Pinakiramdaman ko ang aking katawan pero wala na akong maramdamang element. Tiningnan ko ang bunga ng mahiwagang puno at kumikinang na muli ito dahil sa kulay nito.
Agad akong bumaba dahil pati pakpak ko ay unti-unti na ring nawawala. Tumingin ako kay Ryan at marahang ngumiti. Tapos na ang misyon ko.
Napatingin ako sa mga kamay ko at naluha ako nang makitang unti-unti akong naglalaho. Muli akong tumingin kay Ryan at tumakbo siya palapit sa akin.
Ryan, please bilisan mo. Gusto kong maramdaman muli ang yakap mo bago ako tuluyang maglaho.
Pero bago pa man makalapit ng tuluyan sa akin si Ryan ay tuluyan na akong naglaho.
Nagising na lang ako sa hindi pamilyar na lugar. Alam kong wala na ako sa Elemental World dahil mas malakas ang pwersang bumabalot sa lugar na kinaroroonan ko ngayon. Bumangon ako mula sa higaan na gawa sa mga sanga ng puno.
Nang tumayo ako ay unti-unting gumalaw ang mga sanga at bumalik sa dati nitong pwesto. Inilibot ko ang paningin ko sa buong lugar. Puro puno at bulaklak ang nakikita ko, sa may bandang kanan ko ay may isang bukal na napakalinis at napakalinaw ng tubig. Marami ring iba't ibang hayop ang naninirahan dito at mas hamak na mas magaganda sila kaysa sa mga hayop na nasa Elemental World. Ganoon din ang mga bulaklak na kapag humahangin ay humahalimuyak ang kanilang bango.
Ipinikit ko ang mga mata ko at dinama ang payapang lugar na ito. Pakiramdam ko ay gumaan ang puso ko at kumalma ang isip ko.
"Maligayang pagdating, Akeesha."
Isang boses ang muling nagpamulat sa akin. Bumungad sa akin ang limang nilalang na kakaiba ang mga pananamit. Ang babae sa kanan ay naka-asul na damit na hanggang tuhod ang haba. May kulay asul din siyang korona na kung pagmamasdan ko ay parang gawa sa tubig. Kulay asul din ang mga mata niya at ang kaniyang alon-alon na buhok ay kulay abo. Mahaba ang kaniyang buhok na umabot na sa kaniyang talampakan. Hindi siya gaanong matangkad at sa kanilang lima ay siya ang pinakamaliit. Mapupungay ang kaniyang mga mata na parang kayang kaya niyang manghipnotismo.
Ang katabi niya ay ang lalaking kulay pula ang buhok. Matipuno ang katawan niya at mayroon siyang malaking tattoo sa kanang braso, isang dragon. Fierce ang mga mata niya at mahahalatang istrikto at seryoso siya pero hindi makakatakas sa paningin ko ang mumunting lungkot na bumabalot sa kaniyang pagkatao.
Ang pangatlong nilalang ay lalaki rin na kulay brown ang mga mata. Matipuno rin ang katawan niya pero mas matangkad siya sa lalaking kulay pula ang buhok. Nakangiti ito kaya kitang kita ang dimples sa magkabilang pisngi niya.
Ang pang-apat na nilalang ay isang babae na kulay puti ang buhok na kasing puti ng nyebe. Ang damit niyang kulay berde ay umaabot na sa kaniyang talampakan. Maamo ang kaniyang mukha at mahahalata ang kaniyang angking hinhin sa pagtayo pa lamang niya.
Ang panglimang babae ang siyang pinaka-nakaagaw ng atensyon ko. Mahaba rin ang kaniyang kulot na buhok at kulay itim ito. Ang kaniyang kulay pink na damit ay umabot din sa kaniyang talampakan at mayroon siyang rosas sa kanang tainga. Ang kaniyang mata ay kulay abo at ang labi niya ay kakulay ng rosas sa tainga niya.
"Sino po kayo at nasaan ako?"
"Nasa Psyche World ka Akeesha." Mahinhin na sagot sa akin ng pang-apat na nilalang.
"Ako si Aries, ang Fire Psyche, taga-gabay ng mga Fire Elementalist." Pakilala sa akin ng lalaking kulay pula ang buhok.
"Ako naman si Hayron, ang Earth Psyche, taga-gabay ng mga Earth Elementalist." Sabi naman ng lalaking kulay brown ang mga mata.
"Ako si Ahana, ang Water Psyche, taga-gabay ng mga Water Elementalist." Sabi nang babaeng kulay asul ang mga mata.
"Ako si Aira, ang Air Psyche, taga-gabay ng mga Air Elementalist." Sabi nang babaeng kulay puti ang buhok.
"At ako si Ehris, ang Emotion Psyche, taga-gabay ng mga emosyon ng lahat ng Elementalist." Sabi nang babaeng may rosas sa kanang tainga.
Hindi ako makapagsalita. Kaharap ko ngayon ang limang Psyche at sa pagkakataong ito ay pangalawang Elementalist pa lamang ako na nakaharap at nakausap ang mga sagradong Psyche.
"Ikinagagalak ka naming makilala Akeesha, ang nakatakdang maging Elemental Balance Psyche." Nakangiting sabi sa akin ni Ahana.
Para akong nanghina sa narinig ko. Napaupo ako sa damuhan at akmang tutulungan ako ni Hayron pero pinigilan siya ni Aries.
"Ano ba talagang dahilan kung bakit ako nabuhay? Sabi nila, nabuhay lang daw ako upang maging pansamantalang taga-pangalaga ng mga Element ng apat na prinsesa kaya tinawag nila akong Legendary Elementalist. Tapos ngayon, heto naman? After nito, anong susunod na mangyayari sa akin?"
Hindi ko na napigilan ang umiyak dahil sa mga nangyayari sa akin. Sa daming twists ng buhay ko, wala na akong maintindihan kahit isa. Hindi ko na rin halos makilala kung sino ba o ano ba talaga ako.
"Akeesha, makinig ka. Parte ng pagsasanay mo ang pagiging Legendary Elementalist mo. The Elemental World serves as your training ground." Paliwanag naman sa akin ni Aira.
"How about Normal World? Remember, doon ako lumaki." Nagdududa kong tanong.
Nagkatinginan silang lahat at nag-aalinlangan kung sasagutin ba ang tanong ko o hindi. Pagak akong tumawa at saka mabilis na tumayo.
"Ibalik niyo na ako sa Elemental World." Plain kong sabi sa kanila.
"Hindi mo maaaring talikuran ang nakatakda sa 'yo Akeesha." Seryosong sabi sa akin ni Aries.
Pinunasan ko ang mga luha ko at huminga ng malalim. Pinakiramdaman ko kung may element pa ba ako at medyo nagulat ako nang maramdaman ko ang lahat ng element ko. Nakakapagtaka dahil ibinigay ko lahat ng element ko sa Elemental Tree kaya ako naglaho at napunta sa mundong ito.
Lumapit sa akin si Ahana pero iniiwas ko ang sarili ko. "Totoong naubos ang element mo noong digmaan. Pero muli kang biniyayaan ng apat na elements dahil kailangan mong tupadin ang nakatakda sa 'yo Akeesha."
"No. Pagod na ako sa mga ganitong bagay. Pagod na akong tumupad ng mga nakatakdang ni minsan ay hindi ko naman hiniling. Ang gusto ko lang naman ay mabuhay ng normal. Ano bang nagawa kong mali para pagdaanan ang mga ganito?"
"I'm sorry Akeesha. Wala ka nang magagawa. Kailangang mong tanggapin ang nakalaan para sa 'yo." Malungkot na sabi ni Aira.
"Sandali. Bibigyan kita ng pagkakataong makabalik sa Elemental World pero sa isang kondisyon." Biglang sambit ni Aries.
"Aries!" Sabay-sabay na pagtutol naman ng apat.
"Anong kondisyon?" Puno ng pag-asa kong tanong.
"Pagkalipas ng dalawang buwan ay babalik ka sa Psyche World at tatanggapin ang pagiging isang Elemental Balance Psyche."
"No Aries. Hindi mo pwedeng gawin 'yan." Pagtutol ni Ehris na ngayon lang yata nakisali sa usapan.
Pero hindi siya pinansin ni Aries bagkus ay tumingin ng mataman sa akin. "Binigyan na kita ng option Akeesha. Desisyon mo na lang ang kailangan dahil tanggapin mo man o hindi ang alok ko, magiging Psyche ka pa rin. Makakasama mong muli ang mga kaibigan mo sa loob ng dalawang buwan at pagkatapos ay haharapin mo na ang obligasyong iniatang sa 'yo ng Psyche World."
Napaisip ako sa alok na 'yon ni Aries. Maraming pwedeng mangyari sa loob ng dalawang buwan. Maaaring mabago ko pa ang tadhana ko kaya hindi na ako nag-isip pa.
"Okay sige. Tinatanggap ko ang kasunduang inaalok mo."