ATHENA'S POV
"Athena, hanggang ngayon ba ay wala ka pa ring date?" Hindi makapaniwalang tanong sa akin ni Riya.
Nandito kami ngayon sa training ground naming apat at katatapos lang ng training namin. Binigyan kami ng isang oras na pahinga bago mag-lunch time dahil kami ulit ang naka-assign na magtetrain sa aming mga element group.
Uminom ako ng tubig bago sinagot ang tanong ni Riya. "Hindi na siguro ako pupunta sa Foundation Day. Nakakatamad."
"Ano ka ba Athena? Ngayon ka pa tinamad kung kailan required sa atin ang umattend dahil myembro na tayo ng Council. Nahihibang ka na ba?" Sagot naman niya sa akin.
Tumingin ako kay Ryan na abala sa pag-aayos ng kaniyang gamit. Akala ko kasi this year, si Ryan na ulit ang magiging date ko pero nagkamali ako. Imposible nang yayain niya ako dahil nandito na ulit si Akeesha.
"So anong gagawin ko? Ieenjoy ang Foundation Day nang mag-isa?" Maldita kong tugon kay Riya.
"Sa dami naman kasi nang nagyayaya sa 'yo, ewan ko ba kung bakit lahat sila tinanggihan mo. And huwag mong idadahilan na hinihintay mo si Ryan dahil sinasabi ko sa 'yo, maghihintay ka lang sa wala."
"Bakit? May date na ba siya?" Kahit alam kong si Akeesha ang date ni Ryan, gusto ko pa ring makumpirma na niyaya na niya ito as his date. Parang nabigla naman si Riya sa tanong ko dahil alanganin siyang ngumiti.
"Yes. And alam kong alam mo na kung sino ang date niya. Kailangan pa ba talagang itanong 'yon?" Sagot niya.
Oo nga naman. Bakit ko pa ba tinanong? Pero gusto ko lang din nang assurance na may ibang date na nga si Ryan para matigil na ang mumunting pag-asa sa puso ko.
"Tara na. Malapit nang matapos ang morning class." Pag-aya sa amin ni Ryan.
Tiningnan ko ang orasan ko at mag -aalas dose na nga. Lihim akong napabuntong hininga. Simula kasi nang dumating si Akeesha ay hindi na ako sumasabay sa pagkain sa kanila. Kaya mararamdaman ko na naman ang pagiging mag-isa ko.
"Athena, bakit hindi ka na sumasabay sa amin kapag lunch?" Baling na tanong sa akin ni Ryan na ikinagulat ko naman.
Simula rin nang dumating si Akeesha ay ngayon na lang niya ata ulit ako kinausap. Hindi ko napigilan ang kiligin pero itinago ko na lang 'yon dahil ayokong ipakita kay Riya 'yon.
"Oo nga Athena. Sumabay ka na sa amin ngayon. Tara na." Pag-aya rin sa akin ni Jethro.
Tumingin ako kay Ryan na kasalukuyang naghihintay din ng isasagot ko. Tatanggi pa ba ako kung sila na ang nagyayaya sa akin? Pagkakataon ko na ito para ipakita kay Ryan na ako ang karapat-dapat sa kaniya at hindi si Akeesha.
"Okay." Masaya kong sagot sa alok ni Jethro.
Sabay-sabay na kaming umalis ng training ground. At dahil sa magkasintahan na sina Riya at Jethro ay sila ang magkasabay sa paglalakad. Kaya naman kaming dalawa ni Ryan ang nakasunod sa kanilang dalawa. Hindi ko maitago ang sayang nararamdaman ko ngayon dahil magkalapit lang kami ni Ryan. Sana araw-araw kaming ganito kahit hindi niya ako masyadong kinakausap.
"Ayun na pala si Akeesha o." Biglang sabi ni Riya na ikinasimangot ko agad. Dali-dali kasing lumapit si Ryan kay Akeesha kaya naiwan akong mag-isa. Nagmadali rin maglakad sina Riya kaya wala akong nagawa kundi ang sumunod sa kanila.
Pagkalapit namin kay Akeesha ay ang kwintas niya agad ang napansin ko. Hindi ito ang kwintas na suot niya kahapon. Marahil ay ito na ang kwintas na bigay ni Ryan tanda na siya ang date nito.
"Kumusta ang morning class mo?" Narinig kong tanong ni Ryan kay Akeesha.
"Nakakaantok, as usual." Sagot naman ni Akeesha.
Kanina lang ay ang saya-saya ko dahil makakasabay ko si Ryan sa pagkain. Pero dahil nandito na si Akeesha, napalitan ng inis ang sayang 'yon. Pero kailangan kong makisama sa kaniya dahil hindi ako makakapayag na mawala ulit sa akin ang mga kaibigan ko.
Naglalakad na kami papunta sa cafeteria nang maisipan kong sabayan sina Ryan at Akeesha sa paglalakad. Halatang nagulat sila pareho pero hindi na lang sila nagsalita.
"So Akeesha, nalaman mo na ba kung anong element mo?" Pabulong kong tanong kay Akeesha kahit alam ko namang rinig ito ni Ryan. Nasa gitna kasi namin si Ryan at isa pa, nasabi ko sa kaniya kahapon ang sitwasyon ni Akeesha.
"Hindi pa." Deretsong sagot niya sa akin.
"Don't worry Babe. I'm sure malalaman mo na 'yan." Sabi naman ni Ryan.
"Babe? C'mon Ryan. Akala ko ba ayaw mo ng mga korning endearment. Remember? Wala tayong endearment dati." Tatawa-tawa kong komento sa pangit na endearment nilang dalawa.
"Athena." May himig pagbabantang sabi sa akin ni Ryan. May sinabi pa siya kay Akeesha na hindi ko naintindihan dahil sobrang hina ng boses niya.
Palihim kong tiningnan ang reaksyon ni Akeesha pero nagulat ako na wala man lang akong mabasang ekspresyon sa mukha niya. Weird. Kung sa ibang babae 'yon ay baka nainis na siya sa akin dahil sa pag-ungkat ko ng nakaraan namin ni Ryan.
Pumasok kami sa cafeteria at naghanap ng bakanteng table. Kahit kasi myembro na kami ng Council ay hindi kami binibigyan ng designated table sa cafeteria. May isang bakanteng table sa malapit sa bintana kaya doon kami agad nagderetso.
"Anong kakainin mo Babe?" Tanong ni Ryan kay Akeesha.
"Hmm. Carbonara na lang at isang slice ng chocolate cake." Nakangiting sagot naman ni Akeesha.
"Ryan, 'yong dating order pa rin sa akin please." Malambing kong sabi kay Ryan. Ngumiti naman sa akin si Ryan at hindi na nagtanong pa. Ibig sabihin ay alam pa rin niya kung anong lagi kong kinakain dito sa cafeteria.
Umalis sina Jethro at Ryan para umorder ng pagkain namin kaya kaming tatlo lang ang nasa table ngayon. Humalumbaba ako at sinundan ng tingin si Ryan na nakapila na sa may counter.
"Nakakatuwa naman si Ryan. Hanggang ngayon ay tanda pa rin niya ang paborito kong pagkain dito sa cafeteria."
Naramdaman kong sinipa ako ni Riya pero hindi ko siya pinansin. Nakita ko sa may peripheral view ko ang pagtingin sa akin ni Akeesha kaya mas lalo kong hindi inalis ang tingin kay Ryan.
Pagkabalik nang dalawa ay nagtaka ako dahil pagkain lang nila ni Akeesha ang dala ni Ryan. Ang dala naman ni Jethro ay pagkain nila ni Riya.
"Where's mine?" Tanong ko sa dalawa.
Pagkasabi ko noon ay may lumapit sa aming isang lalaki na may bitbit na isang tray. Kung hindi ako nagkakamali ay siya si John, ang Fire Elementalist na sinasabi ni Aileen na may gusto raw kay Akeesha.
"Athena, kilala mo naman siguro si John dahil kabatch natin siya noong hindi pa tayo myembro ng Council. May gusto raw siyang sabihin sa 'yo." Panimula ni Jethro.
Lumapit sa akin si John at inilapag ang tray na hawak. "Athena, ito na ang pagkain mo at may ibibigay sana ako sa 'yo."
"What?" Mataray kong tanong sa kaniya.
Nagpalabas siya ng fire element niya sa palad niya pero agad din niyang diniffuse ito. Bumungad sa akin ang isang pumpon ng bulaklak at isang kahon na sa tingin ko ay kwintas ang laman. Hindi na kasi bago sa akin ang mga pakulong ganito dahil sa dami nang nag-aaya sa akin na maging date ako.
"Please be my date." Maikling sabi ni John.
Sa ilang taon ko nang nag-aaral sa academy, si John ang least expected kong maging date sa Foundation Day. Kung nagkataon lang na kaming dalawa lang ang nandito ngayon, paniguradong irereject ko agad siya. Pero nandito ang mga kaibigan ko. Nandito si Ryan na nanonood sa munting palabas na pakana ng lalaking ito. Tiningnan ko si Ryan para makita kung may bahid ng pagseselos o hinanakit sa nasaksihan pero wala. Plain lang ang mukha niya. Isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan ko bago ibalik ang atensyon kay John.
"Okay. Sure." Tipid kong sabi kay John.
Ngumiti naman sa akin si John at muling iniabot sa akin ang bulaklak na tinanggap ko naman. Binuksan niya ang kahon at kinuha ang kwintas. Inabot niya sa akin ito at isinuot ko naman ito tanda na si John ang date ko sa Foundation Day.
"So John, sumabay ka na sa amin ng lunch." Nakangiting alok ni Riya kay John.
"Okay lang ba?" Alanganin naman niyang tanong sa amin.
"Oo naman. Dahil ikaw ang date ni Athena, mas mabuti na 'yong nakikilala ka rin namin." Sabi naman ni Ryan.
Tumingin ako kay Ryan at mababakas ang saya sa mukha niya. So masaya siya na may ka-date akong iba at hindi siya?
"Salamat sa inyo. Lalo na sa 'yo Athena. Salamat na pumayag kang maging date ko."
Nginitian ko lang si John. Hindi ko alam kung bakit ako ang niyaya niyang date kung si Akeesha naman ang gusto niya. Pero sabagay, si Ryan na ang date ni Akeesha kaya wala na siyang pag-asa pa.
Hindi kaya sinadya niyang ako ang ayain niya dahil magkasama kami ni Akeesha. Baka ginagamit lang niya ako para mapalapit kay Akeesha. Nice. Sa ganda kong ito ay gagamitin lang ako ng walang modong lalaking ito. Pero sige, maggagamitan kaming dalawa. Gagamitin ko si John para pagselosin si Ryan. Gagamitin ko siya para manumbalik ang pagmamahal sa akin ni Ryan.
Tama nga siguro si Aileen, si John ang makakatulong sa akin para mabawi ko si Ryan. Kailangan kong makausap ng masinsinan si John. Kung pareho kami ng nasa isip, mas mabuting mag-usap kami upang matulungan namin ang isa't isa. He might be a big help. Who knows, right?