PINAPUNTA ako ni Zayra sa lugar na 'to. Hindi ko alam pero ang weird dahil puro bungo ang nakikita ko at may mga sapot ng gagamba. Piling ko tuloy halloween na.
“What's your order, sir?” tanong sa akin ng waiter na itim na itim sa suot niya.
Tiningnan ko ang menu at kakaiba ang mga pangalan ng pagkain nila rito. Ang weird and at the same time, ang cool din.
“Vampire blood, please.” 'Yon na lang ang na-order ko dahil hindi ko rin alam kung masarap ba ang mga pagkain nila dito.
Nakangiting umalis ang waiter at ilang minuto rin akong naghintay bago makarating ang in-order ko.
Kulay pulang juice na nagmimistulang parang dugo. Ito pala ang vampire blood na nasa menu. Sinubukan ko itong tikman at namangha ako dahil ang akala ko'y ang sama ng lasa nito pero mukhang nagkamali ako. Sakto lang ang tamis at hindi gano'n kaasim ang lasa.
Naisipan kong tawagan si Zayra dahil ilang minuto na siyang late sa oras na napag-usapan namin. Kukuhanin ko na sana ang cellphone ko nang nakita ko siyang naglalakad palapit sa akin.
“Sorry. Wala kasi akong masakyan,” bungad niya habang hinahawi ang mahaba niyang buhok.
“Dapat nagpasundo ka na sa akin," saad ko sa kaniya.
Agad dumapo ang mga mata niya sa in-order kong vampire blood. Mukhang ito ang paborito niya na inumin sa lugar na 'to.
“Hindi mo na kailangang sunduin ako. Anyway, masarap 'yan. Magaling ka mamili,” aniya habang nakatingin pa rin sa juice na iniinom ko kaya naisipan kong senyasan ang waiter at nang maka-order na si Zayra ng gusto niyang kainin.
Agad na lumapit sa amin ang waiter at naghintay na makuha ang mga order ni Zayra.
“Anong plano mo?” aniya habang isinasara ang menu na hawak-hawak.
Ngumiti ako sa kaniya at agad din itong napawi nang mahagip ko ang mga mata niya, iba na ang kulay nito. Hindi na asul gaya ng nasilayan ko noong nakaraang araw.
“Bakit iba ang kulay ng mga mata mo ngayon?” nagtatakang tanong ko sa kaniya habang nakakunot-noo.
Tumawa siya nang malakas na agad kong ikinabigla. Wala akong maalalang may sinabi akong nakatatawa sa kaniya.
“Mas cool ang black atsaka ayaw ko talaga sa asul kong mata. Sabi ni Mageline, maganda raw ang mga mata ko pero naiinis ako sa kulay nito. Naalala ko 'yong nanay ko kapag naalala ko na kulay asul pala ang mga mata ko. I don't hate her, ayaw ko lang talaga sa mga mata ko,” pagkukuwento niya na bakas sa tono ang pagkainis.
Hindi ko alam kung ano ang rason n'on at wala na rin akong balak magtanong pa. Ayaw kong halungkatin ang buhay ng iba.
Wala akong naisagot sa sinabi niya. Mabuti na lang at saktong dumating ang mga in-order niya kaya agad niyang naibaling ang atensyon sa mga 'yon.
Inilapag ng waiter ang mga pagkain sa lamesa.
“Ano ba ang mga gusto ni Mageline?” tanong ko sa kaniya.
Kumuha siya ng dinuguan at puto. Isinawsaw niya 'yong puto sa dinuguan kaya medyo nagtaka ako. Hindi ko pa 'yon nagagawa sa buong buhay ko kaya tumingin-tingin ako sa ibang customer dito at gano'n din ang ginagawa nila, kaya naisipan kong subukan. Kumuha ako ng isang puto at isinawsaw ko iyon sa dinuguan.
“Gusto niya? Mamahaling gamit,” aniya.
“Alam ko naman na gusto niya 'yong mga mahal, yong tipong branded, wala nang bago sa bagay na 'yon,” sagot ko sa kaniya.
Sinubo ko ang puto na isinawsaw sa dinuguan. Masarap nga, akala ko'y kaya ako pinapunta rito ni Zayra dahil sa kulay itim ang paligid dito pero siguro kaya rin niya naisipang makipagkita sa lugar na 'to kasi napakasarap nga naman talaga ng mga pagkain.
“Cute na guy?” aniya na parang nagtatanong pa.
“Alam ko na 'yon. Iba naman,” sabi ko sa kaniya.
Nag-isip pa siya bago magsalitang muli.
“Gusto niya ng mga lalaking mahahaba ang buhok.”
Napaisip naman ako sa sinabi niya. Hindi ko gusto ang mahabang buhok pero si Bliz, mahaba ang buhok niya kaya siguro maraming babae ang nagkakandarapa sa kaniya. Gano'n na ba talaga ang type ng mga babae sa panahon ngayon?
“Ano pa?” tanong kong muli.
“Gusto niya 'yong medyo maangas ang datingan at hindi 'yon lalaking nagmamakaawa para lang sa love,” aniya.
Kumunot ang noo ko dahil sa sinabi ni Zayra at alam ko rin na may nais siyang iparating sa mga salitaan niya pa lang, halatang-halata ko na. Alam ko na gusto niyang sabihin na napakadesperado kong tao.
“So, sinasabi mo ba na ayaw sa akin ni Mageline dahil nagmamakaawa ako sa pagmamahal?” seryosong tanong ko sa kaniya.
Tumango lang siya sa akin. Gusto ko sanang mainis dahil hindi man lang siya aware sa mararamdaman ng isang tao — hindi man lang niya naisip na baka nasasaktan na ako. Kakaibang babae.
“Ano pa?” Ininom ko 'yong juice at hinintay siyang magsalita.
“Gusto niya 'yong nag-e-effort at siyempre, magaling sa kama.” Tiningnan niya ako sa mga mata at gusto kong humagalpak sa tawa dahil sa sinabi niya.
“Seriously? Bakit? Magaling naman ako! Mukha bang nanghihina ang mga tuhod ko pagdating sa s*x? Nakakailang round ng kami!” wala sa sariling sabi ko na dahilan ng pagtawa niya nang sobrang lakas.
“Hindi ko sinabing hindi ka magaling. Huwag kang palaban.”
Tumatawa pa rin siya habang ako nakakunot na ang noo ko. Kakaiba rin 'tong babaeng 'to, malakas siya mang-asar.
“Ano pa?” tanong kong muli sa kaniya.
Tumingin siya sa akin. Huminto na siya sa pagtawa at sumeryoso na ang kaniyang mukha.
“Puntahan mo siya sa bahay nila. Dalhan mo ng kulay itim na rosas,” sabi niya sa akin.
Agad akong napaisip sa suggestion niya, itim na rosas? Hindi ko alam na gusto niya pala ang itim na rosas dahil ang alam ko ay mahilig siya sa sunflower.
“Sige.” 'Yan na lamang ang nasabi ko dahil wala akong karapatang magtananong, kaibigan siya ni Zayra kaya dapat magtiwala ako sa kaniya.
Nang matapos na kami kumain ay hinatid ko siya sa bahay nila. Sakto lang ang kanilang bahay, hindi gano'n kaliit, hindi rin gano'n kalaki. Kulay itim ang pintura at maganda ang pagkakagawa rito.
“Pasok ka,” aya niya sa akin pero tumanggi ako.
“Aalis na ako dahil makikipagkita pa ako kay Bliz. Gusto ko sanang pumasok sa bahay n'yo pero kailangan kong puntahan 'yong kaibigan ko, bye,” paalam ko sa kaniya bago ako umalis.
Hindi na siya nagsalita pa at pumasok na siya nang dire-diretso sa loob ng bahay niya.
Sumakay ako sa kotse at nagsimulang magmaneho. Tinawagan ko si Bliz dahil magkikita rin kami ngayon.
“Nasaan ka na?” bungad ni Bliz sa akin nang masagot niya na ang tawag kk.
“Malapit na, sorry,” I answered.
Binilisan ko pa ang pagmamaneho dahil ilang oras na akong late sa napag-usapan naming oras. Hinatid ko pa kasi si Zayra kaya gahol na gahol na ako. Nakahinga ako nang maluwag nang makita kong malapit na ako sa street nina Bliz.
Mayamaya'y narating ko na ng bahay ni Bliz. Walang anu-ano'y pumasok ako kaagad sa loob at pinuntahan ang puwesto kung nasaan siya. Hindi na ako hinaharang ng mga guwardiya dahil kilalang-kilala na nila ako.
“Bro, ang tagal mo. Anong pag-uusapan natin?” tanong sa akin ni Bliz nang makita niyang papalapit na ako sa kaniya.
“Gusto kong alamin mo kung sino 'yong lalaki ni Mageline.”
Napanganga siyang bigla, halatang nabigla siya sa sinabi ko. Ang hindi ko alam, kung ano ang dahilan ng pagkagulat niya. Bakit gano'n na lamang ang kaniyang naging reaksyon?
“B-Bakit?” nauutal niyang tanong.
Tinapik ko ang braso niya at nginitian siya. Buo na ang desisyon ko. Dapat nga'y dati ko pa ginawa ang bagay na 'to. Dapat dati ko pa naisipan na putulin na ang taling nag-uugnay kay Mageline sa lalaki niya.
“Akin lang si Mageline,” I answered.
I smiled widely. Gusto ko bumalik sa akin si Mageline. Kung sino man 'yong lalaking 'yon, handa ko siyang burahin sa mundo.
“Bro. 'Yong nangyari noong araw na 'yon. Okay ka lang?” nag-aalalang tanong niya sa akin.
“Oo naman,” sagot ko sa kaniya.
May pinag-usapan pa kami tungkol sa business pero nagdesisyon na rin ako kaagad na umuwi dahil gusto ko nang magpahinga. Nagpaalam ako sa kaniya at agad niya naman akong naintindihan.
Sumakay akong muli sa kotse at nagsimulang magmaneho. Mayamaya'y narating ko na ang bahay kaya naman agad kong ipinarada ang aking sasakyan sa garahe.
Bumaba ako at nagsimulang maglakad patungo sa loob ng kuwarto. Humiga ako sa kama at napabuntong-hininga. Hindi ako sanay nang wala si Mageline sa tabi ko. Miss na miss ko na siya.
Hindi ko maiwasang malungkot dahil wala si Mageline sa piling ko sa mga oras na 'to. Wala akong mayakap sa malamig na gabi. Pakiramdam ko ay kaunting oras na lang at mababalot na ako ng yelo, wala akong maramdamang kahit katiting na init.
“Bumalik ka na Mageline,” bulong ko sa hangin.
Nagbabakasakaling pakikinggan ako ng Diyos, baka lang sakaling tuparin niya na ang kahilingan ko.