Chapter 1

1053 Words
“SIGURADO ka na ba sa desisyong mong ‘yan?” tanong kay Riki ng kanyang tiyahin na si Tita Amelia. Kasalukuyan niya itong kausap sa luma niyang cellphone. “Oho Tita. Basta ho siguradong may mapapasukan ako diyan.” “Kailan mo balak magpunta dito?” “Sa lalong madaling panahon ho sana. Kung pwede eh mag-aayos na ako ng mga papeles ko.” “O siya, sige. I-memessage ko sa’yo ang mga papeles na dapat mong ayusin para makapag-ayos ka na. Ako nang bahala sa lahat ng gastos. Basta siguraduhin mo na desidido ka sa desisyon mo ha.” Naexcite siya bigla. “Oho Tita, siguradong-sigurado na ho ako. Gusto kong magpunta diyan para makapagtrabaho.” “Natutuwa ako at naisip mong mag-abroad pamangkin. Hala sige, susuportahan kita diyan sa desisyon mong iyan. Sana bago matapos ang taon e nandito ka na. Kausapin ko ang nanay mo.” “Sige ho Tita, maraming salamat ho ulit.” Aniyang hindi na mawala ang ngiti. Ipinasa niya ang cellphone sa kanyang ina na nakikinig lang sa usapan nilang mag-tiya. Mula sa munting sala ng kanilang bahay ay iniwan na niya ang kanyang ina. Nagtungo siya sa maliit lang din nilang kusina na kanugnog ng sala para maghanda ng kanilang hapunan. Sinimulan niya ang pagluluto para sa kanilang hapunan. Habang naririnig ang boses ng inang si Aling Mona na nakikipag-usap sa kapatid nito ay hindi niya mapigilang mapangiti ng maluwang. Kagaya ng ina ay hindi na maalis sa kanyang labi ang ngiti sa naging magandang pag-uusap nang kanyang tiyahin. Bente tres anyos si Enriketa - o Riki sa mga nakakakilala at kaibigan niya. Isa siyang simpleng babae sa kanilang lugar na may napakagandang mukha. Sikat siya sa kanilang lugar hindi lang dahil sa napakaganda niya kundi dahil isa siyang napakabait at magalang na bata. Palagi siyang may nakahandang ngiti para sa mga kakilalang nakakasalubong niya. Madaming kalalakihan sa kanila ang nagtangkang manligaw sa kanya pero walang pumasa. Hindi siya pihikan. Wala palang sa isip niya ang pakikipagrelasyon o umibig sa kahit na sinong lalake o maaring sabihing hindi pa tumibok ang puso niya kailanman. Hindi siya nakatapos ng kolehiyo. Nasa third year college na siya sa kursong Secretarial ng maaksidente ang kanyang ama sa pagsasaka ng maapakan ito ng mga nagwawalang kalabaw. Nahirapan na itong makalakad simula noon at nahirapan nang magtrabaho ang kanyang ama kaya tumutulong nalang ito sa pagtitinda ng mga gulay sa maliit nilang puwesto sa palengke. Ang ina niya ang kasama nito. Apat silang magkakapatid. Isang lalake ang sumunod sa kanya ng tatlong taon at isang kambal na pitong taon naman ang pagitan sa kasunod niyang lalake. Hindi kalakihan ang nakikita nila sa pagtitinda at pinagkakasya lang ang lahat ng kita sa lahat ng gastusin nila kasama ang gamot ng kanyang tatay. Kaya nagpasya siyang tumigil na muna sa pag-aaral na labis na tinutulan ng kanyang mga magulang. Pero walang nagawa ang mga ito ng siya ang kusang huminto. Tumulong siya sa pagtatrabaho para magkaroon ng pandagdag sa kanilang gastusin. Gusto din sanang huminto ng kapatid niyang lalaki subalit hindi siya pumayag. Sapat nang siya ang huminto sa kanilang magkakapatid. Nasa high school palang ito at elementary ang kambal ng mga panahong iyon. Hindi kailangang huminto ang mga ito. Namasukan siyang kahera sa isang maliit na convenience store sa may bayan. Hindi kalakihan ang sahod pero sapat na iyon para kahit papaano ay mapunan ang kakulangan sa mga pangangailangan nila. Magkagayunman, kahit mahirap sila ay masaya silang pamilya. Bukod sa buo sila ay mababait ang kanyang mga magulang at malapit sila sa isa’t-isa. Isang pamilya sila na nagtutulungan. Mahal na mahal ni Riki ang pamilya niya at gagawin niya ang lahat para sa mga ito. Iyon lang ang bagay na mayroon siya – ang kanyang pamilya. At hindi niya hahayaang mawala iyon ng basta-basta. Kaya ni minsan ay hindi niya nagawang tumingin sa mga lalaking nakapaligid sa kanya. Wala sa bokabularyo niya ang salitang pag-ibig. Wala hangga’t hindi niya naiaahon ang pamilya sa kahirapan. Nagsipag siya at ibinuhos ang buong atensiyon sa pagkita ng pera para ipandagdag sa gastusin nila sa araw-araw. Ilang linggo bago ang araw na iyon ay pumasok sa isip niyang mag-abroad. Kahit anong trabaho basta makapag-abroad lang siya at legal. Sinabi niya iyon sa kanyang ina. Sa una ay tinutulan iyon pareho ng kanyang mga magulang. Ayaw ng mga itong malayo siya at maari naman siyang makapagtrabaho nang nasa Pilipinas. Nag-aalala din ang mga itong mapalayo siya dahil kapag nagkataon ay iyon ang unang beses na mapapahiwalay siya sa mga ito. Pero mayroon siyang mga pangarap at buo na ang kanyang desisyon. Para sa pamilya kaya siya lalabas ng bansa. At binanggit niya sa mga ito ang tungkol sa kanyang Tita Amelia. Katakot-takot na diskusyon pa ang nangyari sa pagitan niya at ng mga magulang bago nagpasya ang mga itong kausapin na ang kanyang tiyahin. At iyon nga ang araw na iyon. Nakababata itong kapatid ng kanyang ina at nakapag-asawa ng isang Briton mahigit sampung taon na ang nakakaraan. Ngayon ay maganda na ang buhay nito sa abroad at doon naninirahan. Bagamat kapatid ito ng ina at paminsa-minsan ay napapaldahan sila sa mga pagkakataong sobra silang nangangailangan ay hindi sila maaring umasa nalang palagi sa tulong nito o ng kahit na sinong tao. Hindi sila mapagsamantala at nakaasa nalang kung kani-kanino. Mabait ang kanyang tiyahin at kampante siya kung doon siya mapupunta sa poder nito. Kasalukuyang itong nasa London at alam niyang hindi biro ang kikitain niyang pera kapag doon siya nakapagtrabaho. Nang sabihin niya ditong gusto niyang makapagtrabaho doon ay natuwa ito. Ayon dito ay kakailanganin niya ng visa. Pero dahil mas madali ang makakuha ng visit visa ay iyon ang isinuhestiyon ng kanyang tiyahin sa halip na working visa. Anim na buwan ang validity ng visit visa at sa loob ng mga panahong iyon ay marami ng pwedeng mangyari sa kanya. Sa gitna ng paghihiwa ng mga gulay ay hindi niya maiwasang isipin ang mga posibilidad na mangyari habang nasa ibang bansa na siya. Ang pinakaimportante ay mabibigyan na niya ng magandang buhay ang kanyang pamilya. Maipapagawa na niya ang maliit nilang bahay. At maipagpapatuloy na niya ang kanyang pag-aaral. Ang lahat ng iyon ay naging motivation niya para lumakas ang loob niyang mag-abroad at malayo sa kanyang pamilya – para sa kanyang pamilya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD