CHAPTER 02

3243 Words
HANGGANG ngayon ay hindi pa rin makapaniwala si Irene sa ginawa ng ina niya. Imbes na kampihan siya nito sa sumbong niya ay talagang mas itinulak siya nito kay Rafael para pumayag sa gusto ng lalaking iyon. Talagang gagawin ng nanay niya ang lahat para maabot niya ang kaniyang pangarap kahit pa ang sarili niyang dignidad ang maging kapalit niyon. Kaya naman hindi siya nagsisisi sa ginawa niyang paglalayas. Ang tanging pinagsisisihan niya ngayon ay kung bakit hindi siya nakinig sa jeepney driver na nakausap niya kanina. Paano ay napaka dilim kasi ng daan na nilalakaran niya. Nakakatakot talaga! Sa sobrang dilim ay wala na siyang makita halos. Literal na nangangapa sa dilim si Irene. Talagang nilalakasan na lang niya ang loob kahit na panay ang paninisi niya sa sarili. Dapat pala ay nakinig na lang siya doon sa jeepney driver. Dapat ay nakitulog na lang siya sa bahay nito dahil mukha naman itong mabait, e. Pero huli na ang lahat para sa pagsisisi ni Irene. Malayo-layo na rin kasi ang nilalakad niya. Sa tingin naman niya ay malapit na siya sa high way kaya ipinagpatuloy na lang niya ang paglalakad. Ang kailangan lang niya talagang gawin ay paglaban ang takot na kaniyang nararamdaman. Masasabi naman niyang isa siyang palaban na tao kaya nga nagawa niyang labanan si Rafael kanina ngunit kapag ganitong wala siyang kasiguruhan sa maaring mangyari sa kaniya ay mas natatakot talaga siya. Medyo may takot din kasi siya sa dilim. Patuloy lang si Irene sa paglalakad nang ilang sandali pa’y may narinig siyang boses ng mga lalaki na nag-uusap. Sa tingin niya ay nanggagaling iyon sa unahan niya. Napahinto siya sa paglalakad at biglang kinabahan. Hanggang sa mula sa kadiliman sa kaniyang unahan ay iniluwa ang dalawang lalaki na magkaakbay na naglalakad at makakasalubong niya. Pasuray-suray ang mga ito at halatang mga lasing. “Puta, pare! Hindi man lang tayo nakaisa do’n sa babaeng iti-nable natin!” sabi ng isa. “Kaya nga, e! Gusto ay magbabayad ulit tayo. Puta lang naman siya!” “Sana naman ay makakita tayo ng libreng babae!” “Naku! Asa ka pa, pare! Nakakasawa na rin kasi mga misis natin. Ang babaho! Ang tatamad maligo!” “Tama ka diyan, pare! Iyong mga babae kasi sa bayan ay mababango at makikinis! Kaya lang gusto naman ay palaging malaki ang bayad bago magpatira! Bwisit!” Napahinto ang dalawang lalaki sa paglalakad nang makita siyang nakatayo sa harapan ng mga ito. Mas lalong nilukob ng takot si Irene kaya naman nanginig na ang buong katawan niya. Sa uri kasi ng pagkakatingin ng dalawang lalaki sa kaniya ay para bang may kung anong hindi magandang gagawin ang mga ito sa kaniya. Mabilis na nagtinginan ang dalawang lalaki at ngumisi. Gusto nang tumakbo ni Irene palayo sa mga ito pero sa sobrang kaba niya ay hindi niya maigalaw ang kahit na anong parte ng katawan niya. “Miss Ganda! Bakit naman naglalakad ka ng mag-isa? Gabing-gabi na, ah!” ani ng isang lalaki at naglakad na ang dalawa palapit sa kaniya. “Gusto mo bang ihatid ka na lang namin sa pupuntahan mo?” tanong pa nito nang nasa harapan na niya ang dalawa. Inisip niya na baka kapag tinarayan niya ang dalawa ay baka masamain ng mga ito iyon kaya mas pinili na lang ni Irene na ngumiti sa kabila ng takot na kaniyang nararamdaman. “H-hindi na po. Hinihintay na po kasi ako ng boyfriend ko sa may high way,” pagsisinungaling niya. Baka kasi kapag nalaman ng dalawa na may lalaki siyang kasama ay matakot ang mga ito. “Sa may labasan ba ang sinasabi mo? Wala naman kaming nakitang tao doon. Saka alam mo ba kung gaano kalayo ang labasan bago mo marating? Simula dito ay maglalakad ka pa ng kalahating oras. Madilim, Miss Ganda. Samahan ka na lang namin,” giit ng isang lalaki. Umiling si Irene. “Hindi na po talaga. Salamat na lang,” aniya at akmang lalampasan na niya ang dalawa pero bigla siyang hinawakan ng isa sa mga lalaki sa kaniyang braso. Ganoon na lang ang pagtataasan ng balahibo ni Irene nang maramdaman niya ang mainit na palad ng lalaki sa kaniyang balat. “K-kuya, bitawan niyo po ako!” “Gusto ka lang naman naming tulungan, Miss Ganda. Huwag kang matakot sa amin…” sabi no’ng isa pang lalaki. “K-kuya, bitiwan mo po ako. Hinihintay na po ako ng boyfriend ko.” Talagang pinandigan na niya ang katwiran niyang iyon. “Wala ngang tao sa labasan. Niloloko mo naman yata kami, e!” “Bitiwan mo po ako kundi sisigaw ako!” pananakot niya. “Ang arte mo, a! Ikaw na nga ang tinutulungan, e! Saka kahit anong sigaw mo dito, walang makakarinig sa iyo!” bulyaw ng lalaking humawak sa kaniya na sinundan pa nito ng nakakatakot na pagtawa. Naging malikot na ang isang kamay nito. Hinawakan na siya nito sa kaniyang isang dibdib at nilamas nito iyon! “Bitiwan mo ako! Tulooong!!!” sigaw niya. Mabilis na tinakpan ng isa pang lalaki ang bibig niya gamit ang mga kamay nito. Takot na takot man ay hindi pa rin niya hinayaan na panghariaan siya niyon. Tinuhod niya ang p*********i ng lalaking hawak siya sa braso. Nang mabitawan siya nito ay kinagat naman niya ang kamay ng lalaki na ang kamay ay nakatakip sa bibig niya. Nabitawan din siya nito at iyon nang pagkakataon niya para tumakbo palayo sa dalawa. Mabilis na tumakbo si Irene pabalik sa pinanggalingan niya kanina habang umiiyak sa labis na takot. Halos hindi na niya makita ang kaniyang dinaraanan dahil sa dilim at luha sa kaniyang mata. Hanggang sa bumangga siya sa katawan ng isang lalaki. Sa gulat niya ay inakala niyang isa iyon sa mga lalaki kanina. “Bitiwan mo ako! Bitiwan mo ako!” Pagwawala ni Irene dahil pilit siyang hinahawakan ng lalaki sa kaniyang kamay. “Tama na! Hindi kita sasaktan!” Nang marinig ni Irene ang boses ng lalaki ay doon lang siya kumalma. Paano ay nabosesan niya ang lalaki. Ito iyong jeepney driver kanina. Parang nakakita ng isang tagapagligtas si Irene nang malaman niya kung sino ang nasa harapan niya. Agad niya itong niyakap ng mahigpit. “T-tulungan mo ako, kuya! Parang awa mo na! Tulungan mo ako!” Iyak niya. “Oo. Huwag kang mag-alala. Kung gusto mo, doon ka muna sa bahay ko para makwento mo sa aking kung ano ba ang nangyari sa iyo,” anito. Hindi na tinanggihan ni Irene ang sinabing iyon ng lalaki. Inalalayan siya nito sa paglalakad at ito na rin ang nagdala ng bag niya. Naglakad sila ng ilang minuto hanggang sa marating na nila ang bahay nito. Tiwala siyang pumasok sa bahay nito. Hindi iyon kalakihan ngunit masasabi niyang malaki iyon para sa isang tao. Sa unang tingin kasi ay nalaman na niya agad na mag-isa lang ito doon. Wala man lang kasing sumalubong dito pagpasok nila. Wala ring nagbukas ng pinto para dito. “Maupo ka muna. Ikukuha lang kita ng tubig…” Itinuro nito ang isang sofa na medyo luma na at may karumihan. Hindi na siya nag-inarte at umupo na lang siya. “S-salamat po.” Hanggang ngayon ay nanginginig pa rin siya sa takot. Tatalikuran na sana siya ng lalaki nang muli itong humarap sa kaniya. “Ano nga pala ulit ang pangalan mo?” Nakangiti nitong tanong. “Irene po. Irene Abalde…” “Ako naman si Norman. Ilang taon ka na?” “Fifteen po.” “Ah…” tumango-tango ito. “Thirty five na ako,” anito at hindi niya malaman kung bakit titig na titig ito sa mukha niya. Maya maya ay tila nahimasmasan ito at mabilis na kumurap. “Ikukuha na kita ng tubig!” At tuluyan na siya nitong iniwan. Pumasok ito sa isa pang pintuan. Makalipas ang ilang minuto ay lumabas ito doon na may dalang isang baso ng tubig. Inabot nito iyon sa kaniya at umupo ito sa upuan na nasa katapat niya. Dinala niya sa kaniyang labi ang gilid ng baso at uminom ng tubig. “Ano nga pala ang nangyari? Bakit parang takot na takot ka?” tanong ni Norman pagkatapos niyang uminom. Inilapag niya ang baso sa may mesita na nasa pagitan nila. “M-may dalawang lasing na lalaki na hinarang ako. P-pakiramdam ko kasi ay may gagawin silang hindi maganda sa akin kaya lumaban ako sa kanila.” Bakas pa rin sa pagsasalita niya ang takot. Ngumiti sa kaniya si Norman. “Mabuti na lang pala at nakasalubong mo ako. Ang totoo kasi niyan ay susundan sana kita at nag-aalala talaga ako sa iyo. Marami kasi ang loko sa lugar na ito. Liblib kasi at hindi masyadong puntahan ng mga tao…” turan pa nito. “Kung mapapansin mo, ang layo ng kapitbahay ko, `di ba?” “K-kaya nga…” “Oo nga pala, bakit ka nga pala nag-iisa? Nasaan ang pamilya mo o mga kaibigan?” usisa nito. Napayuko siya. “Ang totoo kasi po niyan ay naglayas ako sa amin. H-hindi na kasi ako masaya sa nanay ko dahil hindi ko na gusto ang mga ginagawa niya sa akin.” Naiiyak na pag-amin niya. Pilit niyang pinaglalabanan ang luhang nagbabadyang malaglag mula sa mga mata niya. “Ganoon ba? Kung gusto mo, dito ka na lang matulog. Wala namang problema. Pwede ka namang umalis bukas ng umaga. Kahit ihatid pa kita sa gusto mong puntahan. May jeep naman ako, e.” Hindi siya agad nakasagot. Napalinga si Irene sa paligid ng bahay. Bukod sa pinasukan nitong pinto kanina ay may nakikita pa siyang dalawang pinto. Iyong isang pinto ay may kadenang nagsisilbing kandado niyon. May malaking padlock din iyon. Habang ang isa ay bahagyang nakaawang ang pinto. “Iyon nga lang, dito ka sa salas matutulog. Ayos lang ba?” Pagpapatuloy ni Norman. “Wala pong problema. Sige po. Dito na lang muna ako magpapalipas ng gabi. Maraming salamat po, Kuya Norman…” “Walang anuman. Kesa naman pabayaan kita sa labas. Dito ka lang, ha. Ikukuha lang kita ng panglatag at unan.” “Sige. Maraming salamat ulit.” Umalis muna si Norman at pumasok ito sa kwartong nakaawang ng bahagya ang pinto. Kinuha niya ang baso ng tubig upang ubusin na ng tuluyan ang laman niyon. Pero nang iinom na siya ay may napansin siya sa tubig na nasa baso. May nakikita kasi siyang parang kulay puting pulbos na nagpapalutang-lutang sa ibabaw. Maging sa ilalim ay meron din na ganoon. Kumunot ang noo ni Irene. Nagtataka siya kung ano iyon. Hindi niya kasi napansin ang bagay na iyon kanina dahil dire-diretso lang siya sa pag-inom. Sa pagkakataon na iyon ay nakaramdam na siya na parang may mali. Bumilis ang kabog ng kaniyang dibdib at parang may bahagi ng utak niya na nagsasabi na nagkamali yata siya sa pagsama niya kay Norman sa bahay nito. Habang nakatitig siya sa nasa tubig ay nakaramdam siya ng labis na pagkaantok. Unti-unting lumabo ang paningin niya hanggang sa tuluyan na siyang walang nakita. Nataranta na si Irene at hindi na niya alam ang gagawin. Sinubukan niyang tumayo pero hindi na niya nagawa pang iangat ang puwitan sa upuan dahil tuluyan na siyang nakatulog… NAPANGITI si Norman nang mula sa kaniyang kwarto ay narinig niya ang pagbagsak ng baso sa sahig. Hudyat na iyon para lumabas na siya. Bumalik siya sa salas at nakita niya doon si Irene na nakahiga sa sofa at walang malay. Nakalaylay ang kamay nito at hindi kalayuan mula sa kamay nito ang baso na tumapon ang laman. Nilapitan niya si Irene at yumukod para mas mapagmasdan niya ito ng malapitan. May paghangang pinagmasdan niya ang kabuuan ng mukha ng dalagita. Napakaganda nito! Sa tanang ng buhay niya ay ngayon lang ulit siya nagandahan sa isang babae. Kaya naman ng nakita niya itong sumakay kanina sa jeep niya ay hindi na siya makapag-concentrate sa pagmamaneho. Panay ang sulyap niya dito gamit ang rearview mirror sa jeep niya. Kaya naman ipinangako niya sa sarili na makukuha niya ito at maisasama sa kaniyang bahay. Napansin niya agad na balisa si Irene pagkasakay nito. Hanggang sa maibaba na niya ang lahat ng kaniyang pasahero ay hindi pa rin ito pumapara. At nakatulog na nga ito. Sinamantala na niya ang pagkakataon na iyon at dinala niya ito sa mismong tapat ng kaniyang bahay nang gumabi na. Doon niya ito ginising. Hindi man ito pumayag noong una na matulog sa kaniyang bahay ay gumawa naman ng paraan ang tadhana para mangyari iyon. May pampatulog ang tubig na pinainom niya dito. Kailangan niya iyong gawin dahil ayaw niyang gamitan ng dahas si Irene. Baka masugatan niya ito o masaktan. Ayaw niyang mangyari iyon dito. Aaminin ni Norman, pakiramdam niya ay mahal na agad niya si Irene. “Napakaganda mo, Irene… Wala kang kasing ganda! Napakaswerte ko dahil pinagtagpo tayo ng tadhana…” buong pagsuyong bulong niya dito habang wala itong malay. Hinaplos niya ang pisngi nito at hinalikan niya ito sa labi. Napakalambot ng labi nito. Napaksarap halikan nang paulit-ulit. Pero saka na niya iyon gagawin kapag gising na ito para maranasan naman niya ang pagganti nito sa mga halik niya. Tumayo sandali si Norman upang kumuha ng basahan sa kusina. Nilinis niya ang tumapong tubig sa sahig at inilagay sa lababo ang baso. May dinukot siyang susi sa bulsa ng kaniyang pantalon at ginamit niya iyon upang buksan ang malaking padlock sa kwartong kalapit ng kaniyang kwarto. Nang mabuksan na niya iyon ay binalikan na niya si Irene. Binuhat niya ito at ipinasok sa kwartong kaniyang binuksan. May narinig siyang ingay na nagmula sa kadenang kumuskos sa sahig. Gamit ang isang kamay ay kinapa niya ang switch ng ilaw sa tabi ng pintuan. In-on niya ang switch pero hindi umilaw ang ilaw doon. Napailing na lang siya. Kabisado naman niya ang silid na iyon kahit madilim kaya inihiga na niya ang walang malay na si Irene sa kutson at saka siya lumabas ng naturang silid. NAGISING si Irene na masakit ang kaniyang ulo. Parang may kung anong mabigat na bagay na nakadagan sa kaniyang ulo ng sandaling iyon. Pagmulat niya ay sumalubong sa kaniya ang kadiliman. Ngunit kahit madilim ay alam niyang nakahiga siya sa isang kutson. Agad siyang nakaramdam ng takot nang maalala niya ang nangyari. Nawalan siya ng malay at sigurado siyang dahil iyon sa tubig na ipinainom ni Norman sa kaniya. May nakita kasi siyang pulbos sa tubig. Kung ganoon ay nagkamali siya na pinagkatiwalaan niya ang naturang lalaki! Kailangan niyang makaalis kung nasaan man siya ngayon! Bumangon siya at nagpakapa-kapa hanggang sa may mahawakan siya. Isang dingding! Kumapa-kapa siya sa dingding at tumigil siya nang may mahawakan siyang door knob. Walang pagdadalawang-isip na pinihit niya iyon at hinila ang pinto. Pagkabukas niya ay hindi na siya nag-isip at tumakbo na siya. Nakita niya ang pinto palabas. Napaka bilis ng takbo niya. Ngunit nang halos abot-kamay na niya ang pinto ay tila may humila sa kaniyang paa na naging dahilan para madapa siya ng padapa! Muntik nang humampas ang mukha niya sa sahig. Mabuti na lang at naituon niya ang kaniyang dalawang kamay sa sahig. Iyon nga lang, ang dibdib naman niya ang napasama ang tama sa sahig kaya tila nahirapan siya sa paghinga. “Ahh…” daing ni Irene habang pilit siyang bumabangon. Tumihaya muna siya at tiningnan ang paa. Ganoon na lang ang pagkabigla niya nang makita niyang may kadenang nakalagay sa kaniyang paa. May malaking padlock iyon. Kaya pala siya nadapa ay dahil doon. Hinila niya ang kadena pero sagad na iyon at hanggang doon na lang. Tila sinadya ang haba ng kadena para hindi siya makaabot sa pintuan. Habang pilit niyang hinihila ang kadena ay may nakita siyang dalawang tao na nakasilip sa silid na pinagmulan niya. Dalawang babae. “S-sino kayo?” Lakas-loob na tanong niya. Marahang lumabas ang dalawang babae mula sa pagkakasilip. Sa tingin niya ay matanda lamang ng ilang taon sa kaniya ang dalawa. Iyong isa ay mahaba ang buhok at medyo maputi. May hitsura ito kung tutuusin. Kulang lamang sa ayos dahil sa hindi maayos na damit nito. Ganoon din iyong isang babae na walang ayos ang kasuotan. Mga t-shirt na parang pinaglumaan na at shorts na kupas. Maliit ang pangalawang babae na may maikling buhok na umaabot lang sa batok nito. Hanggang balikat lang ito ng katabi nitong babae. “Sino sabi kayo, e?!” ulit niya nang hindi magsalita ang mga ito. Nababanaag niya sa mata ng dalawa ang takot. “Katulad mo rin kami. Kinidnap din kami ni Norman,” sagot ng babaeng may maikling buhok. Bumaba ang tingin niya sa paa ng mga ito at nakita niya na katulad niya ay may kadena din ang mga ito sa isang paa. Marahang tumayo si Irene habang gulo ang utak. “Kinidnap? Hindi mayaman ang pamilya ko. Wala kaming pera ng nanay ko! Nagkamali siya ng taong kinidnap!” sabi niya. “Kami rin naman, e. Ang nanay ko ay tindera sa palengke ng mga gulay. Anim kaming magkakapatid at patay na ang tatay namin. Ito namang si April ay hindi rin naman mayaman.” “Walang trabaho ang nanay ko at ang tatay ko naman ay construction worker. Sampu kaming magkakapatid,” sabi naman no’ng tinawag na April no’ng maliit na babae. “Kung ganoon… bakit niya tayo dinukot? Anong mapapala niya sa ating tatlo?” Naguguluhang tanong ni Irene. Hindi na nasagot ng dalawang babae ang katanungan niya dahil mula sa kusina ay lumabas bigla si Norman. Pawisan ito ay may nakapatong na apron sa damit nito. Halatang nagluluto ito o tapos na itong magluto. Huminto ito sa pintuan papasok ng kusina. “Gising ka na pala, Irene! Pasensiya ka na kung madilim sa kwarto ninyong tatlo. Napundi na kasi ang ilaw pero mamaya ay aayusin ko iyon. Oo nga pala, sumunod na kayo sa kusina. Nagluto na ako ng almusal--” “Hayop ka! Pakawalan mo ako dito!” sigaw ni Irene. “Wala kang mapapala sa akin! Pakawalan mo na lang ako! Pinagkatiwalaan kitang hayop ka tapos ito lang ang gagawin mo sa akin!” Sandaling natahimik si Norman habang matamang nakatitig sa kaniya. Walang imik naman ang dalawang babae na kasama nila. “Iniisip mo ba na kinidnap kita para humingi ng perang kapalit sa pamilya mo?” Umiling si Norman. Naglakad ito ng marahan palapit sa kaniya “Nagkakamali ka, Irene. Ang gusto ko lang ay magkaroon ng pamilya. Isang masaya at buong pamilya!” Huminto ito sa harapan niya. “Pamilya? Anong pamilya ang sinasabi mo?!” “`Eto. Ikaw, ako at sina Laura at April. Tayong apat ay magiging isang pamilya! Ayaw mo ba no’n, Irene? Hindi ba’t ang sabi mo ay naglayas ka sa inyo. Hindi ka na masaya sa pamilya mo kaya tayo ang gagawa ng masayang pamilya!” At ngumiti ng malaki si Norman. Naningkit ang mga mata ni Irene. “Baliw!” aniya sabay dura dito. Lumagapak ang dura niya sa mukha ni Norman. Nagulat si Norman sa ginawa niya. Nanlaki ang mata nito at rumehistro ang galit sa mukha ng lalaki. Hindi inaasahan ni Irene ang pagsuntok ni Norman sa kaniyang mukha. Sa lakas ng pagkakasuntok nito sa kaniya ay tumilapon siya hanggang sa matumba siya. Muli siyang niyakap ng kadiliman at nawalan siya ulit ng ulirat…
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD