Enrolment pa rin nu'ng pumunta ako sa dati kong eskwelahan nu'ng high school. Medyo makikibalita, baka makita ko si Kate. Sabi n'ya second week of June. Naroon ako last week ng May. Malay ba natin.
Ang daming estudyante sa palibot ng eskwelahan. Ang init din ng panahon na nakakaiga ng lakas, nakakatamlay. Pumasok ako ng eskwelahan, masyadong maluwag ang security kaya kahit sino pwedeng maglabas-masok. Ito yung panahon na 'di pa naiisipan ng gubyerno na mag-deploy ng mga pulis sa mga eskwelahan para rumesponde sa mga mangyayaring insidente. Nagkakarambulan kapag ganitong mga okasyon.
Humanap ako ng tatambayan, puno ang canteen at mainit kaya ayaw kong maglagi doon. Puno rin yung palibot na upuan sa puno ng akasya. Wala akong mapuntahan, kaya lumabas na lang ako at pumunta sa may kainan. Tapat lang ng school yun pagtawid. Hindi pa ako nakakalabas ng may mga nakasalubong akong pamilyar na mukha at nakakatanguan. Pero si Dadoy ang bumati sa akin at nagtagal ng paguusap. Gumilid kami para di matangay ng rumaragasang mga tao papasok at palabas ng gate.
"Chris!! Long time no see!", tsaka nagkamay at akap kami ni Dadoy. Dati kong kaklase na 'di naging kasa-kasama ko nu'ng malapit na ang graduation. Nagsimula noon nu'ng J.S. Prom.
"Anong ginagawa mo dito?"
"Bumibisita lang, pre.", sagot ko.
"San ka ngayon?"
"Tumigil ako, pre."
"O, bakit? Anong nangyare?", gitla niyang napatanong.
"Tinatamad akong mag-aral, e. Mago-Octoberian ako. Ikaw sa'n ka nag-college?"
"CCM ako, pre. Criminology."
"Astig!!! Iskolar a!"
"'Indi rin... Backer, pre."
Marami pa kaming napagusapan. Naroon daw siya para samahang i-enrol ang kanyang kapatid na magso-sophomore na. Nagkawalay lang silang dalawa dahil sa dami ng tao at sa ugali ng kapatid n'yang layas, at mahilig tumakas.
"Tara, hanapin natin. Wala naman akong ginagawa, e."
"Tara. Salamat, pre."
"May picture ka ba ng kapatid mo?"
"Eto, I.D n'ya"
"E, si Nikki to, a?", pagkakita ko sa I.D picture.
"Kilala mo kapatid ko?"
"Oo, tropa ng utol ko yan. Nakarating sa amin sa Bulacan yan!"
"Tang-inang bata 'to, ang hilig maglakwatsa. Kaya gustong ipalipat nila Mama sa probinsya e."
"Baka magkakasama sila ng utol ko. Tignan natin sa inuupahan nila Mama; baka nakatambay lang dun."
Ganu'n na nga ang ginawa namin at tinungo ang tinutuluyan nila Mama tuwing weekdays kapag pumapasok sila. Nagre-report na rin sa trabaho ang Mama ko kaya madalas na ring wala sa bahay. Teacher kasi ang Mama ko sa isang elementary school malapit lang din doon.
Nasa harap pa lang kami ng maliit na gate ng apartment ay naririnig na namin sila. Madaling binuksan ni Dadoy ang kandado. Di pa man nabubuksan ang pinto ay naririnig na namin ni Dadoy na malakas sila mag-usap at magtawanan.
"Nikki! Nikki!!!", sigaw ni Dadoy at dinabog na rin ang pinto. Bumukas ang pinto at naroon nga ang hinahanap ni Dadoy na si Nikki. Pero nu'ng mapansin ni Dadoy na may mga babae sa loob ay napigilan niyang mapamura at pagalitan si Nikki.
"Ba't ka humiwalay sa akin, 'di ka nagpapaalam?", nag-usap 'yung mag-kuya. Pinapasok ko si Dadoy sa loob. Tumango lang ako sa utol ko na naggigitara. Naroon din sina Angela, Lorraine, Jessica... at si Kate. Katabi n'ya si Jeric. 'Di makatingin si Kate sa akin mula nang pumasok ako. 'Di ko din naman siya pinansin.
Magkakatabi ng ayos ng upo si Jessica, si Arcy at si Lorraine sa mahabang kahoy na sofa. Si Nikki kanina ay nasa mababang upuan na walang sandalan. Siya ang tanggera at umiinom nga sila ng maabutan namin. Parang naguumpisa pa lang ata sila at etong pagdating namin ni Dadoy ang bumulabog sa kanilang kasiyahan.
'Hindi naman ako umiinom,e. Nagta-tanggera lang ako!", nag-tatalo 'yung magkapatid.
Pinutol ni Dadoy ang girian nila ng kapatid tsaka ako niyaya na mag-yosi sa labas. Alam naman niyang 'di ako nag-yoyosi.
"Pre, daming chicks a..."
"Mga tropa ng utol ko. Nakarating na mga yan sa bahay."
"E, di kilala ka na ng mga yan?"
"Yung katabi ng lalakeng hip-hop tsaka si Angela lang medyo kilala ko."
"Arborin mo naman sa kapatid mo. Malakas ka ba sa kapatid mo?"
"'Di kami nagkikibuan n'yan."
"Pakita mo kung sinong kuya!"
Bumili ng isang gin si Dadoy tsaka pineapple at yelo. Dun kami pupwesto sa kusina. Pagbalik namin ay nagpapahaging na siya kay Jeric. Kursunada ni Dadoy si Kate pero 'di ako umiimik.
"Nikki, babantayan kita a. Dito kami ni pareng Tomas sa kusina. Inom lang kayo d'yan.", malakas na arrive ni Dadoy na nag-aangas.
"Arcy, ako nga pala si Dadoy. Tropa ko 'tong kuya mo since high school!", kinamayan niya ang utol ko.
Pumwesto na kami sa loob ng kusina. Mukhang napaganda ang pwesto namin dahil du'n sila dumaraan para mag-CR.
"Si Angela, pre...", sabi ko kay Dadoy nung unang punta pa lang niya at magsi-CR sana.
"Angela. Tagay ka muna.", yaya ni Dadoy na parang checkpoint. Ininom naman ni Angela.
"Ang taas ng tagay mo kuya!"
"Sana hindi mo inubos para hati tayo!"
Sunod naman ay si Kate.
"Kate, si Dadoy nga pala tropa ko nu'ng high school.", nagpaka-kaswal ako na parang walang nangyari sa 'min.
"Kate, tagay!", inabutan ni Dadoy pero sumenyas na ayaw tsaka nagtuloy agad sa banyo.
"Anlaki ng s**o nun, pre a! Kate pangalan nu'n?", medyo nao-offend ako sa sinasabi n'ya at tinatago ko lang. Pagkalabas ay inalok uli ni Dadoy.
"Kuya, hindi ako tumatagay."
"Masungit 'yung Kate.", sabi ni Dadoy nang makalayo si Kate.
"Si Lorraine ata yan pre...", sabi ko naman kay Dadoy.
"Ikaw si Lorraine, di ba?", tanong ko sa kanya. Maputi si Lorraine. Sweet na may konting tigidig sa mukha. Pero maganda siya. Siguro nagdadalaga lang. Ganu'n din inalok ni Dadoy na tumagay, at tumagay 'din naman.
Syempre si Jessica. Slim, petite na morena, at parang bumbayin ang itsura. Tumagay din pagka-alok ni Dadoy.
"Pre, bili pa tayo.", mas lalong ginanahan na uminom si Dadoy. Wala sa plano kong uminom nu'n.
Napapatagay namin si Jessica, Lorraine at Angela. Kada balik nila sa CR ay ganu'n lang. Hanggang sa nagkaroon na nga ng problema.
"Pre, wag mo namang patagayin mga kasama ko.", si Jeric.
"Bakit, may problema ba 'dun?", sinalubong ni Dadoy ng mamang boses si Jeric.
"Sabihin mo kung anong problema.", sambit pa ni Dadoy.
"E, mga kasama ko yan e.", si Jeric.
"Oo, mga kasama mo nga... anong problema kung tumagay sila? Inalok ko, ininom nila... Anong problema du'n? Ikaw ba tatay nila?", 'di na nakasabat at bumalik na si Jeric kung saan sila nakapwesto.
"Pre, gatungan mo nga dispatsa natin 'yang kupal na yan.", sabi sa akin ni Dadoy. May tama na rin ako kaya may lakas na rin ako ng loob kaya lumabas ako. Pumunta sa umpukan nila Jeric.
"Pre, kung lasing ka na umuwi ka na lang. Maliit na bagay pinalalaki mo e."
"E, yung kasama mo, pre, pinakikialaman 'tong mga kasama ko, e."
"Kasama mo lang. Hayaan mo sila kung gusto nilang uminom. Nakikipwesto lang kayo, e."
"Lorraine... kung gusto n'yo pang uminom, inom lang kayo.", siya ang binanggit kong pangalan pero sa kanilang lahat na babae ko ipinatutungkol yun.
"Ikaw, pre umuwi ka na lang, Lasing ka na, e. Di mo kayang dalhin sarili mo, e.", litanya ko na tuloy tuloy sa kanilang lahat.
"Tol, pauwiin mo na tong tropa mo. Lasing na."
"Kayo, dyan lang kayo... pahinga kayo bago umuwi."
Hindi makaimik ang utol ko nung nagpapalasing-lasing akong kunwari na naglilitanya. Si Dadoy ay gumagatong lang din. "Oo, pre umuwi ka na lang, lasing ka na."
Napaalis namin si Jeric. Nadaan namin sa pangmamama. Sinubukang karayin pauwi ni Jeric si Kate pero hindi siya sumama. Nu'ng ihahatid naman sana ni utol si Jeric pagkalabas lang nila ng pinto ay bumalikwas na rin pabalik ang utol ko. Ayaw magpahatid ni Jeric.
Maya maya lahat kami ay nakapuwesto na sa may kusina. Si Dadoy, Angela, Jessica, Lorraine, Kate at Nikki, at ang utol ko. Du'n ako nag-usisa sa utol ko kung ano ba itong si Jeric.
"Starter daw siya... TST, kaya siya dumikit sa akin para daw protektahan kami. Kami lang magkakakilala, biglang humalo na lang sa amin si, Jeric. Trip n'ya kasi si Kate.", pagkukwento ni utol.
"Sana nagsabi ka.", sabi ko.
"Nagsasabi ka dapat sa Kuya mo, Arcy, pag ganyang mga bagay. Mag-utol kayo, e. Nagsasabihan dapat kayo ng problema.", si Dadoy.
"Kaya nga sabi ko nga sa 'yo, 'di ba nililigawan niya si Kate?", naibalik na namang usapan ni utol.
"E, ano kung nililigawan niya si Kate? Matikas ba yang Jeric para balaan mo ako ng ganyan?", sabi ko.
"Bakit sino ba 'yang si Jeric, pre? Baka uhuging gangster lang yan?", sundot ni Dadoy.
"Starter ng Temple Street.", sumabat si Kate.
"Ha ha ha!!! Ano yung Temple Street, TST? Anak ng pitong kupal??? Ha ha ha," tawa ni Dadoy. Anak ng pitong kuba dapat 'yun, na ang ibig sabihin ay pitong bala ng isang revolver na baril.
"Wala yun! Wag kayong nagpapaniwala sa ganu'n! Matagal nang wala yang TST. Mga uhugin na pumalit. Humihiram lang ng tapang sa pangalan ng tribes 'yan!", sundot pa ni Dadoy.
Ipinaliwanag ni Dadoy sa kapatid ko at mga tropa n'ya na 'wag basta basta naniniwala sa ganu'ng mga pagpapakilala ng mga ganu'ng tao. Isasali daw kasi sila sa TST, at 'di na nila kailangang dumaan pa sa initiation kung lagi lang silang magkakasama. E, puta... budol lang pala. Gusto lang makakalantari si Jeric at si Kate ang target niya.
May second floor ang inuupahan nina Mama na apartment. Pag-akyat ng hagdanan ay yun na ang personal space ni Mama. Hindi namin inakyak yun ni minsan sa araw na yun. Sa may kusina ay meron pang dirty kitchen kasunod nito. May poso dun at lagi siyang basa dahil du'n naliligo ang utol ko o kaya dun ang labahan ni Mama. Sa lugar na iyon ay merong kuwarto na tinutulugan ni utol. Yari ang buong dingding ng kwarto na yun sa plywood at nakataas ng mga 5 feet. May hagdanan pakyat, na kasya lang ang isang tao. Doon na namin pinatulog ang mga babae na wala na rin sa wisyo. Si Dadoy, ihahatid muna pauwi si Nikki. Nasa kwarto na ni utol sina Angela, Lorraine at Jessica. Si utol, ako at si Kate naman ang naiwang magkakaharap sa umpukan na ipinuwesto na rin namin sa dirty kitchen. Inayos na namin lahat bago pa dumating si Mama at kung maabutan man kaming umiinom ay hindi na ganoon kasakit sa mata ni mama na magulo ang bahay.