ISANG araw bago ang class reunion ay bumiyahe na si Bianca papunta sa Sierra Carmela. Hindi kalabisang sabihin na halos wala nang espasyo ang backseat ng pickup sa dami ng kanyang dala. Karamihan ay mga damit at sapatos bukod pa ang maraming toiletries.
Itinatapik-tapik pa niya ang mga daliri sa manibela habang nagmamaneho. Hindi niya masabing excited siya sa class reunion pero gusto niyang um-attend. Siguro ay dahil hindi naman taal na taga-Sierra Carmela ang kanilang pamilya. Third year high school siya nang tumira sila doon. Nang mag-transfer siya sa Sierra Carmela Academy, kahit naging kasundo niya ang lahat ng mga kaklase, hindi siya nagkaroon ng masasabing malalapit na kaibigan. Ang konsolasyon lang niya, hindi niya naramdamang outcast siya sa mga ito.
Pagkatapos ng graduation ay umalis na sila ng Sierra Carmela. Ang pangunahing dahilan ay ang pag-aaral niya ng kolehiyo sa Maynila. Pangalawa, pareho silang mag-ina na mas gusto ang buhay sa lungsod. Pinagbigyan lang nila ang lolo at lola niya sa father side na subukan ang buhay roon. Kamamatay lang noon ng papa niya sa isang aksidente kaya pakiramdam ng mga ito ay kailangan ng mga itong akuin ang responsibilidad na naiwan ng anak. Pero pagkatapos ng dalawang taon, hindi na nga sila nakatagal sa tahimik at parang mabagal na usad ng buhay sa probinsiya.
Hindi masisisi ni Bianca ang ina. Likas na negosyante ito. At sentro ng negosyo nito ang Maynila kung saan naroroon ang mga kaibigan at kakilala nito. Habang pinag-aaral siya sa kolehiyo, parang hinipang lobo sa paglaki ang bawat negosyong sinimulan ng kanyang ina.
Isang taon bago niya natapos ang kursong Economics—na dikta lang ng kanyang ina kaya kinuha niya, dahil wala siyang maisip na kurso—masaganang-masagana na ang buhay nila. Secured na ang kinabukasan nila dahil sa maayos na investment na ginawa nito. Bukod doon, hindi rin ito tumigil sa pagpapalago ng iba’t ibang negosyo nila. Nagkalat sa Kamaynilaan at mga karatig-probinsiya ang mga sangay ng water refilling station na pag-aari nila. Mayroon din silang franchise ng tatlong sikat na mga fast-food chains sa bansa. Dalawa ang pag-aari nilang building sa commercial district ng Quezon City. Pinapaupahan nila iyon bilang office at business spaces. Idagdag pa ang export business nila ng mga handicraft goods.
Maging ang hobby ng kanyang ina ay pinagkakakitaan nila. Mahilig ito sa kabayo. Anim sa mahigit sampung kabayong inaalagaan nito ay madalas mag-uwi ng panalo sa bawat karerang sinasalihan.
Kaya naman ni minsan ay hindi naranasang magtrabaho ni Bianca. Bakit pa? Baka mas malaki pa ang allowance na ibinibigay sa kanya kaysa sa magiging suweldo niya. Sa laki ng perang pumapasok sa kanilang mga negosyo, kahit maghapon siyang mahiga ay may kakainin siya.
Sa loob ng ilang taon pagkatapos niyang magtapos ng kolehiyo ay ganoon ang ginawa niya, na kinunsinti rin ng kanyang ina. Party dito, party doon ang buhay niya, pati ang walang katapusang pagsa-shopping hindi lang sa Maynila kundi pati na rin sa ibang bansa. Hindi rin nakakaligtas sa kanya ang bawat festival sa mga kilalang lugar sa Pilipinas. Kahit na sabihin pang sa Cebu iyon o sa Davao, dadayuhin niya para lang makisali sa street dancing.
Nang tumuntong si Bianca ng beinte-singko ay nagising din siya, kahit kaunti lang. Nagsisipag-asawa na ang mga kabarkada niya at nakita niyang naiiba ang pananaw ng mga ito sa buhay. At ang masaklap, hindi na rin niya basta mayaya ang mga ito sa paglalakwatsa.
Dahil sa kawalan ng makakasama, nabawasan ang paglabas-labas niya ng bahay. Nakita niya ang kilos ng ina sa bawat araw. Dahil doon ay nagkaroon siya ng interes kung paano nito pinapatakbo ang mga negosyo.
Natutuhan ni Bianca ang operasyon ng water refilling at ang pagpapalakad sa mga fast-food chains. Madali lang i-manage ang mga paupahan, mino-monitor lang ang buwanang pagbabayad ng mga umuupa at mayroong administrator at inspector para sa pagme-maintain ng mga building.
Kahit hinihika siya sa amoy ng rugby at varnish, ilang beses ding binisita ni Bianca ang handicraft factory nila. Inalam niya kung paano ginagawa ang bawat item hanggang sa kung paano iyon ibinebenta sa ibang bansa.
Ang hindi lang pinag-ukulan ni Bianca ng interes ay ang mga pangarerang kabayo. Kahit pa nga sabihin na may pagkakataong milyon ang inuuwing premyo ng isang kabayo ay wala siyang interes sa mga iyon. Siguro ay dahil noong nagsisimula pa lang mag-alaga ng mga kabayo ang mama niya ay muntik na siyang ihulog ng kauna-unahang kabayong pag-aari nila.
Sa huli, sinabi ni Bianca sa ina na gusto rin niyang magkaroon ng sariling business. Para sa kanya ay pinakamadaling negosyo ang water refilling kaya siya na ang naghanap ng mga lugar na pagtatayuan ng iba pang sangay niyon.
Pito ang branch ng water refilling station na nasa pangalan niya. Ang kita ng mga iyon ay sobra pa sa sapat, lalo na kung babawasan niya ang walang tigil na paggasta. Pero dahil likas na gastador siya, hanggang ngayon ay nanghihingi pa rin siya ng allowance sa ina.
Hindi naman siya pinagkakaitan nito, lalo at sa bandang huli ang lahat ng yaman nito ay sa kanya rin mapupunta. Isa pa, malaking kaligayahan na rito na nagkaroon siya ng interes sa negosyo. Tiwala ang kanyang mommy na kung magreretiro ito ay kayang-kaya niyang hawakan ang lahat ng mga negosyong sinimulan nito. Pinagbibigyan lang siya ngayon ng ina na magpakasawa sa pagpapasarap sa buhay dahil kapag dumating ang araw na kailangan na niyang tutukan ang negosyo, hindi na niya basta-basta magagawa ang lahat ng gusto.
Sa ngayon, ginagawa ni Bianca ang lahat ng magustuhang gawin. Iba ang pakiramdam kapag nasusunod ang lahat ng gusto niya. Pakiramdam niya, kayang-kaya niyang paikutin ang mundo sa kanyang palad.
Kung mayroon mang kulang na maituturing sa buhay niya ngayon, iyon ay isang lalaking magmamahal sa kanya. Pero ang kakulangang iyon ay para lang sa kanyang ina at sa mga kaibigan. Bale-wala iyon sa kanya. She had a string of past boyfriends. Mga lalaking higit pa sa bilang ng kanyang mga daliri sa kamay at paa. At alam din niyang mahigit kalahati sa mga iyon ay gusto pa ring makipagbalikan sa kanya.
Pero wala sa bokabularyo ni Bianca ang pakikipagbalikan sa sinuman sa mga ito. Ang tatlong araw, isang linggo, o tatlong buwan na pakikipagrelasyon ay sapat na. Kapag natapos ay tapos na para sa kanya. Ang katwiran niya, kaya natapos ay hindi sila para sa isa’t isa.
Aaminin niyang kalahati sa mga lalaking iyon ay halos siya ang nanligaw. Hindi siya nahihiyang gawin iyon. Liberal na ang takbo ng isip ng madla, walang kaso kung babae man ang magpahayag ng pagkagusto sa isang lalaki. Pag-aaksaya ng panahon ang maghintay siyang ligawan ng lalaking gusto kung puwede namang siya na ang magsabi rito ng kanyang nararamdaman.
Napangiti si Bianca. Libreng-libre siya ngayon kung lalaki ang pag-uusapan. Sa nakalipas na halos dalawang buwan ay “namahinga” siya sa pakikipagrelasyon. Kahit hindi nawawala ang mga manliligaw ay wala roon ang interes niya.
Hindi niya alam kung napagod na rin siya.