PARA kay Bianca, matagal na ang isang linggong paghihintay. Kahit gustung-gusto na niyang gumawa ng hakbang, binigyan pa rin niya ng panahon si Rusty para tawagan siya. Pero pagkatapos ng isang linggo, nagpasya siyang hindi na siya dapat magpatumpik-tumpik pa.
Nami-miss niya ang binata. At habang nagpipigil siyang makita ito, lalong tumitindi ang kanyang pangungulila dito. Mas tumitindi rin ang kagustuhan niyang lumampas sa pagiging magkaibigan ang trato nila sa isa’t isa.
“Manang, nailagay n’yo na ba sa kotse ang lasagna?” tanong niya sa kanilang kusinera.
“Oo, hija, naroroon na. Kung sinuman ang kaibigan mo na pagbibigyan mo ng lasagna ay siguradong masisiyahan. Sinarapan ko talaga ang pagkakaluto roon,” anito.
Napangiti si Bianca. “Talaga, Manang? Salamat. Hayaan n’yo, may pasalubong kayo sa akin mamaya pag-uwi ko.”
“Aasahan ko iyan,” maluwang ang ngiti na sabi nito. “Ang ganda ng bihis mo, hija. May date ka ba?”
Napangiti siya. “Manang, nagiging tsismosa na yata kayo? Aalis na ako. Kapag hinanap ako ni Mama, sabihin n’yo na lang na tawagan niya ako sa cell phone.”
“Siya, mag-iingat ka.”
Itinatapik-tapik pa ni Bianca ang mga daliri sa manibela habang nagmamaneho. Sa UST Hospital ang tungo niya. Ayon sa card na ibinigay ni Rusty, sa ospital na iyon ang schedule ng clinic nito sa araw na iyon.
Ilang sandali lang ay papasok na siya sa compound ng ospital. Pakiramdam niya ay umaayon sa kanya ang pagkakataon. Bukod sa mabilis ang kanyang biyahe, nakahanap din agad siya ng pagpaparadahan ng kotse.
Bitbit ang lasagna na pinuntahan na niya ang Medical Arts Building kung saan naroroon ang clinic ni Rusty.
“There you are,” mahinang sabi ni Bianca nang makita ang mismong clinic. Bahagyang nakabukas ang pinto kaya isang mahinang katok lang ang ginawa niya at itinulak na rin iyon. “Hi!” bati niya sa sekretaryang napatingin sa kanya. “Nandiyan ba si Doctor Washington?”
Tumayo ito para salubungin siya. “May pasyente po siya sa loob. Magpapatingin po kayo, Ma’am?”
Saglit siyang nag-isip bago umiling. “No. I’m his friend. Puwede bang dito ko na lang siya hintayin? Wala naman yatang ibang pasyente na nakapila.”
“Wala pong naka-schedule pero usually po, may dumarating na walk-in. Ine-expect po ba niya kayo? Ano po ang pangalan ninyo?”
“Bianca. And you?”
“Laura po.”
Matamis na ngiti ang ibinigay niya kay Laura. “Nice meeting you, Laura.”
Gumanti ng ngiti ang sekretarya. “Baka medyo matagalan po ang pag-check up niya sa pasyente. Manood po muna kayo ng TV.” Gamit ang remote control ay binuksan nito ang maliit na TV na naroon. “Hihinaan ko lang po nang kaunti ang volume para hindi maka-distract sa kanila.”
“Okay.”
Tulad ng clinic ni Rusty sa Cardinal Santos, maaliwalas din ang clinic na iyon. Kapansin-pansin na napakalinis ng paligid. Organisado ang lahat ng gamit na nakikita niya.
Habang nakaupo ay panaka-nakang naririnig ni Bianca ang boses ni Rusty, nagpapayo sa pasyente. Mayamaya, isang kakaibang tunog ang narinig niya.
“What’s that noise?” kaswal na tanong niya kay Laura.
“Heartbeat po ng baby.”
“Really?” namamanghang tanong niya, saka tumahimik at pinakinggan uli ang tunog. She was awed. Hindi niya alam kung paano ipapaliwanag ang nararamdaman nang mga sandaling iyon. Iyon ang kauna-unahang beses na nakarinig siya ng t***k ng puso ng sanggol na nasa sinapupunan pa lang ng ina.
Hindi alam ni Bianca kung ang pagiging babae niya ang naantig sa narinig. Naisip niyang puwede ring sa kanya mismo mangyari ang bagay na iyon. Bigla ay parang gusto na niyang magkaanak agad. At siyempre pa, ang tanging pumasok sa isip niya na magiging ama ng kanyang anak ay si Rusty.
Nang tumigil ang pinakikinggan niyang tunog ay kaswal siyang umayos ng upo. Nang mapansin niyang nakatingin sa kanya si Laura ay nginitian niya ito. Mayamaya ay muli niyang narinig ang boses ni Rusty. At base sa salita nito, tapos na ang pagsusuri nito sa pasyente.
Umunat siya sa pagkakaupo. At kahit alam niyang maayos ang suot ay hinagod pa rin niya ang harap niyon.
“Come back after two weeks, Misis. Malapit na ang due ninyo. Para ngang nagmamadaling lumabas ang baby,” narinig niyang bilin ni Rusty habang inihahatid sa pintuan ang pasyente. Nang bumaling ito sa gawi niya ay nanlaki ang mga mata nito. “Bianca?”
“Surprised?” nakangiting sabi niya. Tumayo siya.
“Indeed. Halika, dito tayo.” Bumaling ito sa sekretarya. “Laura, pakikatok na lang ako kung may darating na pasyente. Kung med rep, hayaan mo na lang sila na maghintay muna.”
“Hindi ka naman tumawag,” malambing na sumbat niya nang naroon na sila sa consultation room.
Natapik nito ang noo. “I’m very sorry, Bianca. I’ve been so busy the past week. Baka hindi ka maniwala kung sasabihin ko sa iyong nagplano talaga ako na tawagan ka. I even planned to treat you to dinner. Kaso nga lang, plano lang din ang lahat. Tatlo ang CS operation ko na naka-schedule. Pero nagkaroon ako ng ilang emergency cases. Iyong lima, normal delivery. `Tapos, mayroon pang dalawa na ginawan ko ng hysterectomy. Emergency iyon kasi malaki na ang myoma na nakita namin sa ultrasound at wala nang tigil ang bleeding. Iyon na ang pinakamabuting solusyon, tutal ay nasa menopausal stage na rin naman sila.”
“Three CS, five normal, two hysterectomies in just one week? Wow, Rusty! Ang yaman mo na sa professional fee,” biro niya.
“Nasa average lang ang singil ko. Hindi ako nananamantala sa pasyente, lalo at alam kong hindi kayang magbayad ng mahal ng karamihan sa kanila,” sincere na sagot nito.
“I’m impressed,” nakangiting sabi niya, saka tumayo. “By the way, dinalhan kita nito.” Ipinatong niya sa mesa nito ang Pyrex dish.
“What’s this?” tanong nito habang inaalis ang takip ng lalagyan.
“Lasagna.”
“Mukhang masarap.” Huminga pa ito nang malalim. “Amoy-masarap.” Kumindat ito. “Thanks.”
Kinilig si Bianca sa pagkindat ng binata. “I don’t need your ‘thank you,’” mahinhing sabi niya. Sinundan niya ito ng tingin nang lumapit ito sa isang drawer at kumuha ng platito at tinidor.
“So, may kapalit pala?” pabirong tanong nito. “Hahatian ko ang sekretarya ko, do you mind?”
“No, I don’t. Talagang dinamihan ko talaga ang dinala ko.”
Nang makapagsalin ito sa platito ng lasagna ay saglit na lumabas ito para ibigay kay Laura ang pagkain. Agad din itong bumalik. “Kakainin ko na. Ito na ang lunch ko ngayon. Ikaw?”
“Actually, I was thinking we could eat lunch together. Pero kung balak mong iyan na ang kainin for lunch...” Nagkibit-balikat siya.
Effective naman ang sinabi niya. Muling tinakpan ni Rusty ang Pyrex dish at ipinasok sa personal refrigerator na naroon. “Well, in that case, puwede rin namang kainin ko na lang ito mamayang merienda. Come on, may utang ako sa iyo. Para makabawi naman ako sa iyo kahit simpleng lunch lang.”
Natuwa si Bianca sa narinig. Hindi na siya nagpatumpik-tumpik pa at tumayo na. “Shall we?”
Tumango ito.
Paglabas nila ay naantala sila ng dalawang medical representative na naghihintay rito. Sandaling kinausap nito ang mga iyon. Nang sa wakas ay aalis na sila, saka naman may lalaking pumasok sa clinic.
“Doc, `yong misis ko, dinudugo. Idineretso ko na sa emergency room.” Larawan ng pagkataranta ang mukha nito.
Parang kinilala pa ito ni Rusty. “Si Mrs. Rivera? Six months pa lang ang dinadala niya, `di ba?”
“Yes, Doc. Ang kaso, nadulas siya sa banyo kanina habang naliligo.”
Napatingin sa kanya si Rusty, nanghihingi ng pang-unawa ang mukha. Nadismaya siya. Hindi niya maintindihan kung bakit parang laging may humahadlang sa kanila. Pero hindi naman siya puwedeng magpakita ng pagkainis. Naiintindihan niya ang sitwasyon ng binata.
“It’s all right,” nakangiting sabi niya. “Emergency iyon, `di ba?”
“I’m so sorry, Bianca.”
“You shouldn’t be,” maagap na sabi niya. “Sabihin na nating mayroon akong listahan. At humahaba na ang utang mo sa akin.”
“Babawi ako kapag nakaluwag na ako sa oras.”
“Kung pangako iyan, huwag mo nang sabihin. Mabuti pang gawin mo na lang. I’ll go ahead.” Lumabas na siya ng clinic.