Tahimik na tinatahak nina Odessa at Randy ang masukal na kagubatan ng Purag. Madilim ang kagubatan dahil hindi makapasok ang sikat ng araw sa sobrang kapal ng mga naglalakihang punong humaharang dito. Halos maligo na sa pawis si Randy at basang-basa na ang nangingitim niyang puting damit na ilang araw na rin niyang suot. Nakailang araw na ba siya sa mundo ni Laurea? Hindi na niya matandaan kung ilang araw na siya rito at pakiramdam niya ay nakailang buwan na siyang nananatili sa kabundukan ni Sinukuan. Kumusta na kaya ang kanyang mga magulang at mga kapatid na iniwan niya sa Tarlac? Pero, naisip din niya si Odessa. Alam niyang sa pagkakataong iyon ay sigurado na siya na may pagtingin siya kay Odessa. Parang mayroon kay Odessa na naging bahagi ng kanyang nakaraan. Naramdaman niya

