Nakangiting pinagmamasdan ni Gaea and mga bulubundukin na kaniyang natatanaw mula sa kanilang sasakyan.
"23!"
"She's doing it again. Mom, make her stop." ani ng kapatid nitong si Bryan.
Hindi naman ito pinansin ni Gaea at patuloy lamang na pinagmamasdan ang mga bundok at binibilang sa kanyang kamay ang mga bundok na kanilang nadaraanan. Ito rin halos ang kanyang palatandaan kung sila’y malapit na sa kanilang paroroonan. Di niya mapigil ang kanyang tuwa dahil makikita na naman niya ang kanyang kababata—Si Niel. Simula noong siya’y limang taong gulang pa lamang hanggang ngayong sampong taon na siya ay sa tuwing magtatapos na ang klase nila sa paaralan, hindi nakalilimot bumisita ang kanilang pamilya sa isang Isla sa Ilocos. Isa itong isla na pag mamay-ari ng matalik na kaibigan ng magulang nina Gaea at nakagawian na nila na mag bakasyon dito ng dalawang linggo bago muling bumalik sa trabaho sa Maynila ang magulang nito. Bukod sa kanyang kababata, kaya paborito ni Gaea ang pagpunta nila sa isla ay dahil sa isa din ito sa mga panahon kung saan hindi busy ang kanilang mga magulang at hindi mga cellphone ang hawak nito.
Matapos ang ilang minuto ay natanaw na ni Gaea ang pamilyar na estraktura ng b****a ng isla. Binati sila ng mga trabahador na naghihintay ng kanilang pagdating at kinawayan naman ito ni Gaea. Isa sa itinuro sa kanya ng kanyang ina ay ang makisalamuha sa ibang tao ng pantay ano man ang estado nito kahit pa sila’y matatawag na bourgeise o may-kaya sa buhay.
Mga tatlong minuto pa ang kanilang tinahak at bumungad na ang kulay asul na dagat ng Islas de Montero. Buhay na buhay ang isla dahil sa mga katutubong nag sasayaw at mga bisita na nakikisabay sa mga ito. Mataas na rin ang araw at marami ang nag sisilanguyan mapabata man o matanda. Sa bandang kanan ng isla ay makikita ang mga iba’t ibang estraktura tulad ng mga cottage at iilang mga kainan habang sa kaliwang banda naman ay puno ng mga puno ng niyog na nagtatakip sa isang maliit na syodad kung saan nakatira ang ilang mga katutubo. Malinis ang Isla at di gaano karamihan ang tao. Matapos mailapag sa kubo ang kanilang mga gamit, kaagad pumunta si Gaea patakbo sa bandang kaliwa ng isla na hindi gaano pinupuntahan ng ibang tao. Hinanap niya ang isang natatanging puno ng niyog na malapit sa dagat at nakangiting pumunta rito. Nawala ang ngiti niya ng makitang walang taong naghihintay doon. Papalapit siyang pumunta sa puno at pasalampak na umupo sa buhangin.
"Asan ka na Niel" ani nito habang nakanguso na nakatingin sa maganda at asul na asul na dagat.
Napatili siya ng may biglang lumabas sa likod ng malaking bato malapit sa puno na kinaroroonan niya.
“Ahhhhh!”
"Magandang araw din sa iyo, Gaea." natutuwang sambit nito habang hawak ang tyan sa katatawa. Tinignan niya ito ng masama at kalauna'y ngumiti na rin.
Sa wakas, nakita niya na ang pamilyar na kayumanggi nitong balat at mga brasong sa murang edad ay nagsimula ng magtrabaho pati ang itim na itim nitong buhok, may kataasang pangangatawan, matangos na ilong at mata na kulay tsokolate—Si Niel, ang kababata niya.
"Kamusta ang Maynila Gaea? Nakakita ka ba ng mga malalaking eroplano?" excited na sambit nito.
“Oo naman! Nakasakay pa nga ‘ko!”
“Kay swerte mo talaga! Kapag ako'y nalaki na, magpupunta rin ako sa Maynila nang ako naman ang makadalaw sa iyong siyudad.”
Nginitian na lamang ito ni Gaea na ikinatuwa naman ng kaibigan nito dahil sa kulang na dalawang ngipin sa harap ni Gaea. Nag-usap na lamang ang dalawa gaya ng kanilang nakagawian at kalauna’y pumunta sa tindahan malapit sa b****a ng Islas de Montero. Isa rin ang maliit na tinadahan na ito sa kanilang mga paboriting tambayan lalo na’t ka-close nila ang tindera rito na si Aling Mersing. Binibigyan sila nito ng biscuit na masaya naman nilang paghahatian habang tuloy ang kwentuhan sa kanilang nagdaang taon.
Limang taon si Gaea at apat na taon naman ang kapatid niyang si Bryan ng magsimula silang magbakasyon sa Islas de Montero. Tuwang tuwa siya noon pagkat iyon ang unang pagkakataon niyang makakita ng dagat. Natatandaan niya pa, gumagawa siya noon ng castle mula sa buhangin ngunit ito’y lagi lamang nabubuwag. Doon niya nakilala si Niel na pitong taon na ang gulang. Nilapitan siya nito at tinuruan ng tamang pag-gawa ng castle at simula noon ay naging mag kaibigan na ang dalawa. Napag-alaman niyang sa Isla ito nakatira simula ng siya’y pinanganak kaya kapansin-pansin din dito ang kanyang pagtatagalog na hindi tulad ng pang-manilenyo. Isa itong katutubo gaya ng mga ibang tao sa Isla ngunit gayunpaman, natatangi pa rin ang itsura nito dahil sa matangos nitong ilong. Simula ng sila’y magkakilala, isa sa naging libangan nila ang mag-palitan ng kaalaman na kanilang nalalaman. Ibinabahagi ni Gaea ang mga itinuturo sa kanyang eskwelahan habang nagsasabi naman ng kaalaman na nadidiskubre niya sa Isla si Niel.
“Niel, kapag matanda na ako dito ako magpapakasal sa dagat. ‘Di ba pwede iyon?”
“Oo naman ang kaso paanong makahahanap ka ng Kabiyak kung kulang ang iyong ngipin sa harap?” sambit ni Niel habang tumatawa. Bumusangot naman ang mukha ni Gaea at pinag-cross ang kanyang maliliit na braso sa kanyang dibdib. Nakangiti na lamang na pinagmamasdan ni Aling Mersing ang mga bata sa mga pinag-uusapan nito.
“Hmph! Pag-matanda na ako, hindi na ako bungi!” Nakasimangot pa rin na sabi ni Gaea at padabog na umalis sa tindahan at diretsong nagtungo sa puno ng niyog na isa sa kanilang pinagtatambayan. Hinabol naman siya ni Niel na natatawa pa rin at sanay na sa kanyang pagmamaktol ngunit mas lalo lamang siya nainis dito at hindi ito pinapansin.
“Paumanhin na Gaea.. Pansinin mo na ako.” patuloy pa rin ang pagtawa nito ngunit hindi ito pinansin ni Gaea at pasalampak muling umupo sa mga buhangin.
“Kapag tayo’y na-tanda na, ako na lamang ang magiging Kabiyak mo kahit ika’y bungi pa rin. Nais mo ba iyon?”
“Papayag ka? Sabi mo yan Niel!”
“Oo naman, Gaea. Nais mo bang iukit ko pa ito sa puno ng niyog nang hindi natin malimutan ang ating kasunduan?” nakangiting sabi nito habang nakatingin sa kanya. Nakanguso lang itong tinignan ni Gaea at kumuha nga ito ng isang matulis na bato at lumapit sa Niyog na pinagsasandalan ni Gaea. Nag-ukit ito ng isang hugis na puso na may mga letrang “H” at “R” sa loob.
“Ayan. Tayo ang nasa loob ng puso. Ikaw si H, si Hydrangea at ako naman si R, si Reinnielle. ” muli itong ngumiti sa kanya.
“Puso ba ‘yan, Niel? Akala ko’y isang mansanas!” pangaasar ni Gaea. Isa kasi sa mga gawain na mahina si Niel ay ang gumuhit. Nagkamot na lamang ito ng batok at ngumiti sa kaibigan.
Lumipas ang mga araw at naging masaya muli si Gaea. Puro kwentuhan lamang at asaran kasama si Niel at paminsan-minsa’y nakikisama sa iba pang mga katutubo na nagsasayawan pang aliw sa mga bumibisita. Sa huling gabi nila sa Isla, naka-upo lamang sa buhangin sina Gaea at Niel habang nakatingin sa kalangitan na puno ng mga bituin at buwan. Hindi nila nakalilimutang gawin ito bago muling lumisan ng Isla si Gaea. Gustong-gusto kasi nito ang mga bituin at Buwan lalo pa’t kitang kita ito dito hindi tulad sa Maynila na puno na ng usok ang paligid at kalangitan. Tinitignan niya lamang ito kasama si Niel hanggang sa siya’y tawagin na ng kanyang magulang para sa oras ng tulog.
“Niel, alam mo ba na falling star ang tawag sa mga puting bituin na biglang bumabagsak na nakikita natin? Itinuro iyon samin ng guro namin sa Science!”
“P-poling Istar?”
“Oo! Tapos kapag nakakita ka raw nun,pwede ka mag-wish at matutupad!”
Nag-abang ang dalawa kung sila’y may makikita ng falling star ngunit wala silang nakita sa gabing iyon hanggang sa tawagin na nga si Gaea at nagpaalam na sa isa’t isa ang dalawa.
“Sa tuwing nalulungkot ka, tumingin ka lang sa Buwan dahil parehas tayong nakatingin doon gaano man tayo kalayo.” huling sinambit ni Gaea bago muling tumakbo sa kanilang cottage.
Nakangiti itong pinagmasdan ni Niel hanggang sa mawala na ito sa kaniyang paningin.
“Sa susunod muli, Gaea.”