GIOVANNI
Pagkalabas na pagkalabas ni Gio sa audition hall nakahinga na siya nang maluwag. Iba kasi talaga ang atmospera sa mga ganoong mga lugar. Halu-halong kaba intimidasyon, frustration at insecurity ang bumalot sa kaniya ilang minuto lang ang lumipas.
Callback kasi ‘yun sa isang role sa pelikula na sinusubukan niyang kuhanin. Halos dalawampu na lang ang nag-audition kanina. Hiling lang niya, sana naman makuha na siya ngayon. Kating-kati na siyang umarte sa harap ng totoong kamera at ‘di na lang sa mga kamera para sa look test.
“Guys, thank you so much for coming back and accepting our invitation for this callback,” banggit ng kalalabas na casting director sa hall. “We will just post on our official page kung sino ‘yung masho-shortlist for the role. Thank you, once again!”
Nagpasalamat na rin ang ibang auditionees at unti-unti nang lumisan sa gusali. Lahat sila halos kaedaran ni Gio, 21-25. Lahat sila mas matatangkad sa kaniya. 5’6” lang kasi si Gio, pero lagi niyang ipinapaalala sa sarili na wala naman sa height ‘yan, basta may talento at magaling ka, makukuha ka. Lahat din ng kasabayan ni Gio, gwapo. Iyong tipong kapag nakasalubong ng kahit sino sa mall ay bibigyan ng second look. Si Gio, sakto lang. Nakukuha naman niya sa charm at karisma. Pero ‘di sa lahat ng oras epektibo.
“Hello, kuya, kumusta,” sambit sa telepono ni Geraldine, nakababatang kapatid ni Gio. “Uuwi ka ba sa graduation ko?” magtatapos na ng hayskul si Geraldine.
“Hello, Geraldine, ayos naman ako,” saglit na inalala ni Gio ang kaniyang iskedyul. “Anong petsa na nga ‘yon? Sensya ka na, ha? Kagagaling ko lang kasi ng audition, medyo ngarag pa si kuya mo.”
“March 30, kuya. Ano, makakauwi ka ba rito?”
“s**t,” napabulong si Gio. May nakatandang petsa ng audition noong araw na iyon. ‘Di niya pwedeng palagpasin.
“Ha, kuya?”
“Ah, oo, uhm,” hindi alam ni Gio kung paano magpapalusot. Bahala na. “Susubukan ko. Hindi ko pa alam, e. Nandiyan naman sina Tita Edna. Si Mama natanong mo na ba?”
“Hindi raw pinayagan si Mama ng amo niyang intsik, e.” malungkot ang tono ni Geraldine. “Kung nandito lang sana si Papa.”
“Nako, bunso. ‘Wag kang mag-alala. Gagawan ko talaga ng paraan. Ra-raket ako para may pamasahe ako.”
Ilang saglit pa ay nagpaalam na rin sila sa isa’t isa. Umuwi na rin si Gio sa kaniyang apartment.
Habang nakahiga siya sa kama sa maliit na apartment sa Quezon City, nags-scroll lang siya sa kaniyang f*******: timeline at nag-aabang ng mga casting calls at auditions. Limang taon na siyang sumusubok sa pangarap niyang ito. Nakukuha at napapansin naman siya pa-minsan minsan.
“‘Di ba siya ‘yung lalaking iniwan sa commercial?” minsan ito ang maririnig ni Gio kapag nakikilala siya ng mga tao sa public. Kasabay nito ang mga matang nakatutok sa kaniya, kinikilala siya, minsan ‘yung iba kinukuhanan pa siya ng litrato. Wala naman siyang pakialam, ngumingiti lang siya.
‘Yung commercial na ‘yun para sa isang fast food chain pa lang ang pinakamalaking break niya sa pangarap niyang umarte sa TV at pelikula. Kadalasan kasi maliliit lang din na roles sa mga commercial ang nakukuha niya. Naging extra na rin siya ng ilang beses sa mga teleserye.
Ninanamnam lang ni Gio ang lahat ng kaniyang karanasan sa pag-arte, kasi alam niya balang-araw na lahat ng iyon ang lalamanin ng kaniyang speech kapag nakuha na niya ang kaniyang unang acting award.
Sa totoo lang hindi kumakasya ang maliit at paminsan-minsang talent fee niya para mabayaran niya ang apartment at gastos niya kaya nagtatrabaho din siya part-time bilang virtual assistant. Para lang may pandagdag. Kapag sobrang kapos talaga, wala na siyang nagagawa kung hindi manghingi sa mama niya na nagtatrabaho bilang domestic helper sa Hong Kong.
Pero hangga’t maaari, ayaw niya. Nahihiya rin siya. Pinili ni Gio na mag-resign two years ago sa trabaho niya sa corporate matapos siyang makuha sa commercial. Pagkatapos kasi noon, medyo sumikat siya at naimbitahan sa mga auditions at maliliit na role sa mga teleserye. Minsan, bilang barista sa coffee shop na laging pinupuntahan ng mga bida, minsan pulis, naging snatcher na nga rin siya sa isang teleserye at siguro ‘yung pinakamalapit sa lead role ay ‘yung maging love interest siya noong bestfriend ng bida pero namatay din ‘yung role na ‘yon noong matapos ang dalawang episode.
Nahirapan siya noon na mag-taping at mag-audition sa iba’t ibang lugar kaya nag-resign na lang siya kaya mula noon nag-full time na siya na i-pursue ‘yung kaniyang mga pangarap. Halos lahat yata ng leaves niyang doon na naubos at lagi ring hindi buo ang kaniyang sinasahod kaka-half day at absent. Nahiya na rin siya sa kaniyang boss. Wala namang magagawa ang kaniyang ina kung hindi suportahan ito sa pangarap niya simula pa lang noong bata.
“‘Ma, kumusta na? Ang tagal mong hindi napatawag, ha?” masiglang bati ni Gio sa ina habang ka-video call ito sa Messenger.
“Ngayon ko lang kasi nahawakan itong cellphone ko sa dami ng trabaho dito sa bahay, kumusta ka ‘nak?” banggit ng ina. Bakas na sa buhok nito ang mga puting buhok. Hindi na rin maitago ang eyebags at wrinkles nito.
Iniisip nito Gio na kapag talaga nakuha na niya ‘yung break na hinihintay niya, pauuwiin na niya ang ina. Mahigit isang dekada na rin ito sa Hong Kong at ayaw na rin niyang mahirapan pa ito. Siya na rin ang magpapaaral kay Geraldine para wala nang inaalala ang mama niya.
“Nakuha ka na ba?” ito ang laging tanong ng ina kay Gio. Bakas lagi sa mga mata ng kaniyang ina ang suporta at pag-asa. Naniniwala pa rin siya sa anak.
Ngumiti lang si Gio at sabik magkwento. “‘Ma, ok naman siguro ‘yung naging performance ko sa callback. Maraming mas gwapo pero alam ko naman na mas magaling ako, ‘no?”
“Naku, ikaw talaga! Kaya bilib ako sa ‘yo dahil bilib ka rin sa sarili mo,” masayang sabi ng ina ni Gio.
“Kanino pa ba ako magmamana? Edi sa ‘yo, ‘Ma?” Bilib nga ba sa sarili si Gio? O baka sinasabi niya na lang ito para hindi na rin mag-aalala ang ina sa kaniya at para itago na lang ang pakiramdam at katotohanan na madalas tuwing gabi, naiisip niya kung may kapupuntahan pa ba itong pangarap niya.
“Nga pala, makakauwi ka raw ba sa graduation ng kapatid mo?”
“‘Ma,” sa ilang saglit nagdalawang-isip si Gio kung sasabihin ba niya sa ina. “Ang totoo kasi, ‘di talaga pwede, e.”
“O, bakit naman? Mahalagang araw ‘yun sa kapatid mo. Alam mo namang hindi ako pwede. Nako, magagalit sa ‘yo ang papa mo kung buhay pa ‘yon.”
“‘Ma, may casting call kasi ang mga directors na napili for Filipinas Film Festival. Alam mo naman kung gaano ka-big deal ‘yon, ‘di ba? Malalaking direktor ang naroon at ‘yung mga tipong sumasali sa mga international film festivals.”
Lumungkot ang ekspresyon ng ina. Wala nang nagawa.
“Pwede ba, ‘Ma, ikaw na rin ang magsabi kay Geraldine na hindi ako pwede? Nahihiya talaga ako, e. Baka kasi ito na talaga ‘yung big break ko. Nararamdamamn ko na, ‘ma.”
“O siya, siya. Wala naman akong magagwa. Lagi mo namang sinasabi sa akin na baka ‘yan na kamo yung big break mo. Basta galingan mo na lang, ha?”
“Salamat, ‘ma!”
“Maiba nga ako, wala ka pa bang girlfriend, ‘nak?”
Napabuntong-hininga si Gio. Ang totoo kasi wala pa. Masyado siyang nakapokus sa pagiging artista niya. Ang huling relasyon pa yata niya ay noong kolehiyo pa siya. Kay Aarone. Una at huling boyfriend niya na hindi rin nagtagal dahil lagi na lang silang nagtatago. At kalaunan naisip din niya na mahihirapan siyang lalong makapasok sa show business kung bading siya.
Iyon ang relasyon na pilit niyang kinakalimutan. Umabot pa nga sa puntong hiniling niya na sana hindi na lang nangyari dahil alam niyang makakaapekto sa magiging career niya. Alam niya kung gaano katalino ang mga tao sa social media na kayang halungkatin lahat ng kaniyang nakaraan.
“Ah, wala pa, ‘Ma,” Hindi rin kasi alam ng pamilya ni Gio ay tunay niyang pagkatao. Mas maganda nang hindi sabihin. Huwan na lang pag-usapan.
Pero ang totoo, nasa estado pa rin si Gio nang paghahanap sa sarili. Madaming beses na may umaligid sa kaniya pero lagi niyang itinataboy. Nakapokus siya sa magiging imahe niya. Kailangan malinis ang kaniyang nakaraan.
Matapos ang kanilang pag-uusap ng kaniyang ina nagtrabaho na siya bilang virtual assistant. Walang minuto sa trabaho niya na hiniling niya na sana bumilis na ang oras, pero wala siyang magagawa kahit mahirap at paulit-ulit ang pinagagawa ng kaniyang amerikanong boss dahil dito siya kumikita.
Ilang araw ang lumipas, may post na sa f*******: ang casting director;
“Final short-list for the roles in the film Sa Mga Alaala directed by Mario Recto”
Hinanap niya ang kaniyang pangalan sa role ni Dino, ang lead role. Giovanni Kristo Cruz, Giovanni Kristo Cruz, Giovanni Kristo Cruz, bulong niya sa sarili habang iniisa-isa ang mga pangalan.
Nakaabot siya sa dulo nang hindi nakikita ang pangalan. Para siyang binuhusan ng malamig na tubig. Kahit sabihin niya sa sarili na sanay na siya sa rejections iba pa rin ang pakiramdam kapag ipinapadama sa ‘yo ng tadhana na hindi ka sapat. Walang linya o words of encouragement ang makakapag-alo sa kaniya lalo’t gustung-gusto niya ito. Tinatanong niya ang sarili kung saan ba siya nagkulang. Inalala niya ‘yung naging performance niya noong audition. Hindi naman siyang nag-buckle o nagkamali, tama naman siguro ‘yung mga ekspresyon na ginawa niya.
Humarap siya sa salamin. May namumuong luha. Naaawa siya sa sarili niya sa ilang beses na niyang pagsubok sa mga ganitong bagay. Kailan nga kaya ang oras niya? Minsan sa pag-scroll niya sa f*******: makikita niya ‘yung mga kaklase niya sa mga litrato at posts na successful na sa kani-kanilang career. Iyong iba abogado na, at ‘yung iba naman matataas na ang posisyon sa mga kompanyang pinagtatrabahuhan. May pamilya na rin ang ilan. Simula noong magtapos sila sa kolehiyo parang pinutol na rin ni Gio ang koneksyon sa mga kaklase, itinuon ang sarili sa pagtupad ng kaniyang mga pangarap.
Wala namang magagawa si Gio kung hindi tanggapin na lang. Hindi rin naman niyang pwedeng ipagpilitan ang sarili. Ang pangako niya, gagalingan na lang niya sa susunod.
“Wala ka namang kwentang magulang! Kailan mo ba ‘ko sinuportahan bilang anak? Hindi ba’t ang inaalala mo lang ay ‘yung iisipin ng ibang tao? Simula bata ako, hindi ko na natutunan makaramdam kasi sa tuwing pipiliin ko ang sariling emosyon lagi niyo akong pinipigilan, sinasabi niyo na mali, na dapat ganito!” sigaw ni Gio habang nakaharap sa telepono kausap ang ina sa video call.
Tahimik lang ang ina, halatang namimili ng sasabihin sa anak.
“Ano, ‘ma, ok lang ba acting ko?” tanong ni Gio habang nagpupunas ng luha. “Ilang araw ko ring pinag-isipan ‘yang monologue na ‘yan para sa auditions sa FFF.”
“Kumusta pala, anak, ‘yong huli mong pinag-audition-an nakuha ka ba do’n?” Naalala ni Gio ‘yong nangyari noong isang linggo.
“Hindi, ‘ma, e.” Bakas sa boses ni Gio ang kalungkutan pero pilit nitong itinatago lalo na’t nahihiya ito sa ina. Hindi na nagtanong muli ang ina ni Gio. Kabisado na niya ang anak. Hindi na makabubuti kung pag-uusapan pa ang bagay na tapos na. Binalikan na lang niyang taong ng anak tungkol sa performance nito.
“Hindi ba masiyadong mabigat, ‘nak?”
“E, kailangan, ‘ma, all-out, e. Kailangan mapansin ako ng mga direktor. Ibibigay ko na talaga lahat.” pagkekwento ni Gio. “Alam mo ba nandoon si Direk Po Badilla? Siya ‘yung Pilipinong direktor na nakapag-Cannes Film Festival. Malay mo, ‘ma, magustuhan niya ako? Ayaw mo no’n makakapag-Cannes—”
“Anak, kung tanggapin mo na lang kaya ‘yung offer ulit sa ‘yo no’ng kumukuha sa ‘yong company?”
Natahimik ng ilang segundo si Gio. Hindi niya ito inaasahang sasabihin ng ina. Hindi niya alam ang sasabihin. Nakatitig lang siya sa pahinto-hintong imahe ng ina sa cellphone. Bakas na rin talaga ang katandaan nito.
“Magko-kolehiyo na si Geraldine. Diyan pa gusto sa Maynila mag-aral. Lalaki na lalo ang gastos natin.”
Napabuntong-hininga si Gio. Inaapuhap ang mga salita. Hindi niya alam kung paano ipaglalaban ang sarili at ang mga pangarap nang hindi nabibigo ang ina.
“Gio, alam kong nararamdaman mo. Isipin mo rin. Ilang linggo na lang magbi-birthday ka na. 25 ka na. Baka naman sapat na ‘yung halos limang taon na paglaban mo sa mga pangarap mo?”
“Pasensya ka na, ‘Ma.” Sa totoo lang, gustong magalit ni Gio sa ina at sarili niya kung gaano siya naging makasarili sa mga nakaraang taon. Gusto niyang sisihin ang tadhana sa ilang beses na pagbibigay nito ng maliliit na pag-asa para ipaglaban pa niya ang mga pangarap. Gusto niyang magalit sa mundo kung bakit hindi na lang siya ipinanganak na magaling, na gwapo, na sana mas madali na lang ang lahat.
“Last na ‘to, promise, ‘ma.” halos pabulong na sabi ni Gio sa ina.
Nag-ensayo si Gio sa harap ng salamin iyong gabi na iyon at ng mga sumundo pang mga gabi. Sa bawat pagbato niya ng linya dama niya ang pagluha. Hindi na lang siguro dahil sa ito ang hinihingi ng karakter, kung hindi dahil na rin sa kaniyang pinagdadaanan at posibilidad na pamamaalam sa kaniyang matagal nang ipinaglalabang pangarap.
Alas sais pa lang ng umaga marami nang tao ang naghihintay sa labas ng audition hall para sa Filipinas Film Festival. Inagahan talaga ni Gio dahil sa tagal na niya sa mga ganitong audition hindi na ito bago sa kaniya.
Halo-halo ang mga tao. May mga bata, matanda, iyong iba naka-costume pa. Posted na kasi sa f*******: ang mga roles na hinahanap ng mga direktor para sa kani-kanilang pelikula at iyong iba naghanda na talaga.
Tinatantya ni Gio ang paligid, naghahanap ng kakilala pero dahil sa daming tao at sari-saring mukha ang kaniyang nakikita mas pinili na lang niyang isaulo nang mabuti ang kaniyang monologue para sa role ni Reto sa pelikulang Walang Alpas directed by Po Badilla. Labing-walong taon lang ang karakter ni Reto sa pelikula, 24 na si Gio kaya umaasa na lang siya na makukuha niya ang role sa pamamagitan ng pag-arte at pagkilos na mas bata kaysa sa tunay niyang edad.
Makalipas ang ilang oras kumuha na sila ng number para makapila na. Iisa lang audition hall at naroon nang lahat ang mga casting directors at iba pang staff sa film festival. Lahat ng auditionees ay bibigyan lang ng tig-isang minuto para magpakitang-gilas. Pagkatapos noon ay tatawagin na agad ng mga direktor ang mga numbers ng mga auditionees na nagustuhan nila ang performance.
Pang-332 si Gio. Halos umabot ng dalawang libo ang mga auditionees.Buti na lang talaga inagahan niya. Hinawakan niya ang number at palihim na nagdasal na sana ito na ang numero na makapagdadala sa kaniya sa limelight.
Pumila na silang lahat. Habang nagi-internalize si Gio sa kaniyang role hindi siya mapakali at makapagpokus dahil sa tapang ng pabango ng kasunod niya sa pila. Sa tuwing ire-recite niya sa utak ang kaniyang mga linya ay parang bisitang kumakatok sa kaniyang bahay ang lakas ng amoy. Napaka-masculine, iyong tipong mailalarawang-diwa mo ang isang eksena sa isang corporate room ng mga CEO. Mukhang mamahalin ang pabango.
Hindi naman talaga ugali ni Gio ang mangausap o kaibiganin ang mga kasunod niya sa pila dahil nakapokus siya sa pagkuha ng role at ‘di naman sa pakikipagkaibigan, pero ngayon nilingon niya ‘yong nasa likod niya.
Mas matangkad sa kaniya ‘yung lalaki. Makintab ang balbas, parang peke. Sa likod ng kaniyang face mask at shades, makinis ang mukha nito. Nakasuot pa ito ng head wrap. Weird, sa isip isip ni Gio. Katamtaman lang katawan, nakasuot ng plain white shirt at jeans. Ilang segundo, nagkakatitigan silang dalawa ni Gio ngunit bumitaw rin ng titig ‘yung lalaki sa likod. Gwapo.
Pinigilan ni Gio ang nararamdaman. Sa totoo lang, ngayon na lang ulit siya na-attract sa lalaki. O ngayon na nga lang ba? Baka kasi masyado siyang abala sa pagpigil ng kaniyang mga emosyon dahil sa kaniyang mga pangarap. I can’t be gay for this dream, lagi niyang isip.
Ibinaling na muli ni Gio ang atensyon sa kaniyang monologue pagkatapos mapagtantong hindi rin naman niya mapipigilan ang amoy ng pabango. Rude naman siguro kung tatakpan niya ang ilong niya gayong mabango naman, matapang nga lang. Hindi rin naman niya pwedeng basta-basta sabihin na, “Kuya, masyadong matapang ‘yung pabango mo. Nadi-distract ako. Pwede bang lumayo ka?”
Inabot niya ang cellphone sa bulsa at binuksan ang camera app upang i-check ang kaniyang itsura. Hindi siya pwedeng ma-haggard. Nakikita pa rin niya sa likod ang lalaking matapang ang pabango. Tinitigan niya ito sandali sa reflection nito sa kamera. Sa ilang milisegundo nagtama na naman ang kanilang mga mata. Ilang segundo muli bago niya mapagtanto na kilala niya ang lalaki sa likod.
“Dean Valli?” biglang lingon ni Gio sa likod niya. Medyo napalakas ang boses niya pero buti na lang natakpan na ni Dean ng palad nito ang bibig ni Gio. May mga ilang lumingon ngunit hindi rin nagtagal ang kanilang atensyon sa dalawang lalaki.
Habang nasa mukha pa ni Gio ang palad ni Dean, mas lalong tumapang ang amoy ng pabango ng binata. Ngunit hindi na iyon ang nasa isip ni Gio.
Siya nga, si Dean Valli! THE Dean Valli.