KINABAHAN nang husto si Sanya nang wala siyang makuhang sagot mula kay Maxine nang katukin niya ito sa banyo. Halos gibain na niya ang pinto sa pagkatok. Naiiyak na rin siya. May sugat si Maxine. Paano kung sinasabi nitong okay lang ito kahit hindi? Paano kung masama ang mga saksak na nakuha nito at nawalan na ito ng malay sa loob ng banyo? O hindi kaya ay… namatay na ito?
Ipinilig niya ang kaniyang ulo. Iwinaglit niya ang senaryo na naglalaro sa utak niya.
“Maxine, please, buksan mo ang pinto! Ano bang nangyari sa iyo diyan?!” Umiiyak niyang sabi.
Akmang kakatok na sana siya nang biglang bumukas ng marahan ang pinto. Napahinto siya sa pag-iyak nang makita niya si Maxine na nakatayo sa harapan ng pinto. Nakalagay sa likod nito ang isang kamay at seryosong nakatingin sa kaniya.
Ganoon na lang ang tuwa ni Sanya nang malaman niyang buhay pa rin ang kaniyang kaibigan. Sinugod niya ito ng yakap. “Thanks God! Akala ko kung ano na ang nangyari sa iyo dito kasi hindi ka sumasagot, e!” Masayang sabi niya dito. “Ano ba kasi ang nangyari sa iyo at hindi ka-- Ugh!”
Natigilan si Sanya nang may maramdaman siyang tumusok sa kaniyang likod. Nagtatakang napatingin siya kay Maxine. Nanlilisik ang mga mata nito at may luhang nagbabadyang malaglag.
Lumuwag ang pagkakayakap niya sa kaibigan. Umatras siya ng dalawang hakbang at doon ay nakita niya ang hawak nitong kutsilyo. Hindi makapaniwalang napatingin siyang muli kay Maxine. Sinaksak siya nito sa likod gamit iyon habang nakayakap siya dito.
“M-maxine… B-bakit?” Masakit ang saksak sa likod niya pero mas masakit ang puso niya dahil hindi niya matanggap na nagawa siyang saktan ng kaibigan na itinuring na niyang kapatid dahil sa tagal ng kanilang pinagsamahan.
Doon na tuluyang nalaglag ang mga luha ni Maxine. “Bakit? Bakit hindi, Sanya?! Ito na ang pagkakataon para tuluyang mawala ka sa buhay ko. Ako na ang papatay sa iyo. Pwede ko namang sabihin sa mga pulis na iyong baliw na stalker mo ang pumatay sa iyo tapos nakaligtas ako, `di ba? Papaniwalaan naman nila ako dahil may sugat ako…” anito at alanganing ngumisi.
Napailing si Sanya. “Hindi kita maintindihan. Bakit mo ako gustong mamatay?”
“Dahil ginawa mo akong anino! Palagi mo akong hinihigitan. Inagaw mo sa akin si Edward. Mahal ko siya, Sanya, pero anong ginawa mo? Nagpaligaw ka pa rin sa kaniya at sinagot mo pa!”
“P-pero ang sabi mo, okay lang sa iyo--”
“Sa tingin mo ba okay lang sa akin iyon?! Kaibigan mo ako pero hindi mo alam kung ano ang nararamdaman ko?! Kaya papatayin na lang kita!”
“Maxine, hindi naman dapat na umabot tayo sa ganito. Pag-usapan natin ito!”
“Tama na. Mas gagaan ang buhay ko kapag wala ka na. Hindi na ako magiging anino mo lang, Sanya!”
Hindi makapaniwala si Sanya sa mga naririnig niya mula kay Maxine. Sa isang iglap ay nawala na iyong kaibigan niyang masayahin at mahal siya. Parang ibang tao na ito, parang hindi na niya ito kilala. Sa totoo lang, wala siyang ideya na may inggit pala si Maxine sa kaniya. Ramdam niya kasi na totoong kaibigan ito sa kaniya. Nagkamali pala siya. May lihim pala itong galit sa kaniya dahil lang sa inggit sa mga bagay at tao na meron siya. Ngayon ay naniniwala na siya sa sinasabi ng iba na nakakamatay ang inggit. Kaya nitong baguhin ang isang tao at kapag nilamon ka na nito, wala ka nang magagawa. Kokontrolin ka na nito kapag nasakop na nito ang utak mo!
Magsasalita pa sana si Sanya pero sinugod na siya ni Maxine ng kutsilyo! Mabuti na lang ay nakaiwas siya. Mabilis siyang lumabas ng banyo at isinara iyon. Tatakbo sana siya palabas ng kwartong iyon nang bigla niyang naapakan ang katawan ni Vincent. Nadapa siya pero agad din siyang tumayo sa takot na maabutan at mapatay si Maxine. Sa galit na nakita niya kanina sa mata nito ay alam niyang hindi ito nagbibiro sa sinabi nitong papatayin siya nito.
Tinakbo na niya ang pinto palabas ng kwarto. Narinig niya ang pagbukas ng pinto ng banyo at ang sigaw ni Maxine. “Sige, tumakbo ka, Sanya! Pero I swear! Hindi ka makakalabas dito ng buhay!” Labis siyang kinilabutan sa sigaw na iyon ni Maxine. Ibang-iba na talaga ito. Tuluyan na itong nagpalamon sa inggit nito sa kaniya.
Halos lumipad na si Sanya sa kaniyang pagtakbo. Pababa na siya sa hagdan. Mabilis siyang lumingon at malakas siyang napasigaw dahil nasa likuran na pala niya si Maxine. Nanlilisik ang mga mata na itinaas nito ang hawak na kutsilyo para saksakin siya. Naging alerto naman siya at nahawakan niya ang kamay nito gamit ang dalawa niyang kamay.
“Tigilan mo na ito, Maxine! Parang awa mo na!” Nakikiusap na sigaw niya sa kaibigan.
“Mamatay ka na!” sigaw nito sa kaniya.
Habang nagpapambuno sila sa kutsilyo ay parehas silang nawalan ng balanse at nagpagulong-gulong sa hagdan. Sabay silang nalaglag sa ibaba.
Masakit man ang katawan ni Sanya dahil sa bugbog na natamo niya sa pagkakahulog sa hagdan ay pilit pa rin siyang bumangon. Nanlaki ang mata niya nang makita niya si Maxine na nakasandal sa dingding at may saksak ng kutsilyo sa dibdib. Mukhang aksidenteng nasaksak nito ang sarili habang nahuhulog sila kanina.
“Hindi… H-hindi… Hindi!” Panay iyon ang sinasabi nito habang nahihintakutang nakatingin sa kutsilyong nakasaksak dito.
“M-maxine!” bulalas niya.
Tumingin ito sa kaniya. “T-tulungan mo ako. A-ayoko pang mamatay, Sanya! Please!” Takot na takot nitong sabi.
Sa takot niya na baka mamatay si Maxine ay nilapitan niya ito para tulungan kahit hindi naman niya talaga alam kung anong tulong ang magagawa niya sa sitwasyon nito. Hindi na lang niya inisip na gusto siya nitong patayin.
Hindi niya alam kung huhugutin ba niya ang kutsilyo o dadalhin na lang niya ito sa ospital. “A-anong gagawin ko? `Wag kang bibitiw, Maxine, please!” Naiiyak niyang sabi.
Pero isang maling desisyon pala ang ginawa niyang paglapit dito dahil bigla na lang siya nitong sinakal at inihiga sa sahig. Sa higpit ng pagkakapiga nito sa leeg niya ay talagang hindi na siya nito bubuhayin! Hinawakan niya sa kamay si Maxine para aalisin ang pagkakasakal nito pero hindi niya kaya ang lakas na meron ito.
Hindi na siya makahinga! Pakiramdam niya ay ito na ang katapusan niya…
AMINADO si Maxine na labis ang inggit na nararamdaman niya kay Sanya. Oo, sinabi niyang okay lang sa kaniya nang maging kasintahan nito si Edward pero hindi iyon totoo. At ang pangarap na sumikat sa online world na una niyang pangarap ay si Sanya pa ang nakakuha. Pakiramdam niya talaga ay inaagaw nito sa kaniya ang mga bagay at taong gusto niya. Doon na siya nag-umpisang magtanim ng galit sa sariling kaibigan. Hanggang sa iniisip na niya kung wala siguro ito ay mapupunta sa kaniya ang mga bagay na meron ito. Si Edward at ang kasikatan nito sa online world.
Habang sinasakal niya si Sanya ay malaki ang mga ngiti niya. Tamang-tama din naman pala na pumunta siya dito sa bahay nito. Nagkaroon siya ng pagkakataon na mapatay ito. Pwede naman niya itong hayaan na mapatay no’ng stalker nito pero ang gusto niya kasi ay siya mismo ang gumawa niyon. Isa pa, pwede naman niyang sabihin sa mga pulis na ang stalker nito ang pumatay dito. Tapos siya ang pumatay sa stalker pero self-defense lang ang ginawa niya. Pwede niyang gamitin ang kwentong ito para sumikat na siya. Mapupunta rin ang simpatya ng mga fans ni Sanya sa kaniya dahil sa kwentong gagawin niya online. Siya na ang iidolohin ng mga ito. At si Edward, pwedeng maawa ito sa kaniya at sa kaniya na malipat ang pagmamahal nito kay Sanya.
Kaya dapat lang talaga na mamatay na ang kaibigan niya. Panahon na para siya naman ang makaranas ng mga bagay na meron ito!
“Mamatay ka na! Bakit ba ang tagal mong mamatay?!” Naiinis niyang sabi habang sakal si Sanya. Kanina pa kasi niya ito sinasakal pero lumalaban pa rin ito kahit papaano.
Papikit-pikit na si Sanya at sa tingin niya ay nanghihina na ito.
Natigilan na lang si Maxine nang may biglang tumapik sa likuran niya. Paglingon niya ay nanlaki ang mata niya sa gulat nang isang tao ang nakita niya.
“E-edward?!” Hindi makapaniwalang bulalas niya.
Hindi niya inaasahan ang ginawa ni Edward. Bigla siya nitong sinuntok ng malakas sa mukha. Sa lakas ng pagkakasuntok nito ay tumalsik siya mula sa pagkakaibabaw niya kay Sanya. Nagdilim ang paningin niya at tuluyan na siyang nawalan ng ulirat.
HINDI alam ni Sanya kung bakit nawala ang pagkakasakal ni Maxine sa kaniya. Tuliro siyang bumangon habang nahihirapan pa ring huminga. Panay ang ubo niya kaya nakahawak siya sa kaniyang dibdib.
“Sanya! Ligtas ka na!” Nagulat siya nang may humawak sa braso niya na parang tutulungan siyang tumayo.
Agad na bumangon ang takot na may kasamang galit kay Sanya nang makita niya si Edward. “Hayop ka! Lumayo ka sa akin! Bitiwan mo ako!” Pinagsusuntok niya ito pero hinawakan nito ang dalawa niyang kamay.
“Huminahon ka! Wala akong gagawing masama sa iyo! Iniligtas kita kay Maxine!” anito sa kaniya. At dahil doon ay kumalma siya kahit papaano.
Nakita niya si Maxine na nakahandusay sa tabi niya. Mukhang nawalan lang ito ng malay dahil humihinga pa ito. Ngunit patuloy ang pag-agos ng dugo sa sugat nito sa tiyan at dibdib.
“S-si Maxine!” Nag-aalalang sabi niya.
“`Di ba, ang sabi ko sa iyo ay pupuntahan kita dito. Hindi kasi ako makatulog kaya kahit dis-oras na ng gabi ay pumunta pa rin ako. Nakita kong hindi naka-lock ang gate at pinto kaya pumasok na ako. Naabutan kong sinasakal ka ni Maxine kaya sinuntok ko siya. Ano nga pala ang nangyari? Bakit puro kayo dugo?”
“Saka na ako magkukwento. Tumawag ka na lang muna ng pulis at ambulansiya. Kailangan nating madala sa ospital si Maxine!” utos niya kay Edward. Naramdaman niyang totoo ang sinabi ni Edward na iniligtas siya nito kaya kahit papaano ay nawala ang takot niya sa lalaki.
Tumango ito at inilabas ang cellphone upang tumawag ng pulis at ambulansiya. Matapos makatawag ni Edward ay lumabas sila at umupo sa may unahan ng pintuan upang doon hintayin ang tulong…
“Sanya, pasensiya ka na sa nagawa ko sa iyo. Alam kong hindi ko na mababawi ang takot na nagawa ko dahil doon kaya hayaan mong habangbuhay kong pagsisihan iyon. Hayaan mo akong ipakita sa iyo na hindi ko na iyon gagawin sa iyo. Pinagsisisihan ko na ang bagay na iyon…” ani Edward habang nakaupo sila doon.
“Hindi ko alam ang sasabihin ko tungkol sa bagay na iyan pero salamat dahil iniligtas mo ako. Kung hindi ka dumating, baka patay na ako ngayon. Thank you, Edward.”
Ilang sandali pa ay narinig na nila ang sirena ng sasakyan ng pulis. Kasunod niyon ay ang ambulansiya na kumuha kay Maxine para dalhin ito sa ospital. Pati ang bangkay nina Vincent at Thalia sa itaas ay kinuha na rin ng mga ito. Isang pulis naman ang lumapit sa kaniya at inimbitahan siya sa presinto para magbigay ng statement tungkol sa karumal-dumal na nangyari sa bahay nila.
MAKALIPAS ang isang buwan…
Nasa isang presinto si Sanya kung saan nakakulong si Edward. Ngayon ay naniniwala na siya sa pagsisisi nito dahil ito mismo ang sumuko sa mga pulis dahil sa ginawa nito. Kinasuhan ito ng attempted rape. May bahagi ng utak niya na nagsasabing iurong na lang niya ang kasong nakasampa dito pero naisip din niya na dapat nitong pagbayaran ang kasalanang nagawa.
Nandoon siya para dalawin si Edward. Unti-unti ay ibinabalik na rin niya ang tiwala sa dating nobyo.
Sa ngayon ay nasa isang mental hospital na si Maxine. Nagpapagamot ito doon upang bumalik ang katinuan nito. Napag-alaman kasi na nasiraan ito ng bait matapos ang pangyayari. Wala itong ibang bukambibig kundi ang patayin siya. Sa totoo lang, wala siyang galit na nararamdaman sa kaibigan. Bagkus ay naaawa siya sa sinapit nito. Nami-miss na niya iyong mga bonding nilang dalawa. Ito lang kasi ang naging kaibigan niya sa real world.
Si Vincent naman ay nailibing na ng mga pulis ilang linggo na ang nakakaraan. Nang halughugin ang bahay nito ay nakita sa kwarto nito ang napakaraming pictures niya. Ang mas lalong gumimbal sa kanila ay nang matagpuan ang isang bangkay ng babae sa banyo nito. Sa huli ay napag-alaman na nanay iyon ni Vincent na ito rin ang pumatay.
Kahit papaano ay bumalik na sa normal ang buhay ni Sanya ngayon. Balik na ulit siya sa pagba-vlog at paggawa ng videos niya online na alam niyang makakapagpasaya sa mga fans niya. Marami rin ang humanga sa kaniya dahil sa kwento ng nangyari sa kaniya. Mas lalong dumami ang followers niya sa social media.
Maya maya ay dumating na si Edward. Kinumusta lang niya ito saglit at ibinigay ang isang basket ng prutas na pwede nitong makain sa loob.
“Salamat dito, ha. At salamat din kasi dinadalaw mo pa rin ako dito,” ani Edward sa kaniya.
“Wala iyon. Ginawan mo man ako ng masama, iniligtas mo naman ang buhay ko.” Nakangiti niyang turan.
“Ah, Sanya… hindi mo na ba talaga ako mabibigyan ng chance para maging boyfriend mo ulit?” Tila nahihiyang tanong sa kaniya ni Edward.
Inabot niya ang isang kamay nito at masuyo iyong pinisil. “Edward, sinabi ko na naman sa iyo, `di ba? Hanggang kaibigan na lang ang kaya kong ibigay sa iyo. Siguro sa ganoong relasyon tayo mas tatagal.”
Tumango-tango ito. “Naiintindihan ko. Salamat…” sincere nitong wika.
Nag-usap lang sila ng saglit at umalis na rin si Sanya. Pag-uwi niya ay pinagbukas siya ng gate ng kanilang guwardiya. Matapos kasi ang pagpasok ni Vincent sa bahay nila ay labis na nag-alala ang mga magulang niya kaya nag-hire ang mga ito ng security guard sa bahay nila. Ang gusto pa nga ng mga ito ay bigyan siya ng personal bodyguard pero tumanggi siya. Sa tingin naman niya ay wala na siyang followers na katulad ni Vincent.
Kung may magandang naidulot ang pangyayaring iyon sa buhay ni Sanya, iyon ay ang nagkaroon na ng oras ang mga magulang niya sa kaniya. Kung namatay daw siya sa kamay nina Vincent at Maxine ay baka hindi mapatawad ng mga ito ang sarili. Inilalaan na ng dalawa ang weekend sa kaniya. Family day, kumbaga.
Diretso agad si Sanya sa kaniyang kuwarto. Humiga siya sa kama at inilabas ang cellphone. Nag-Live siya sa f*******: upang kumustahin ang mga followers niya.
“Hello, guys! Kumusta naman kayo? Ako? I am so tired!” Nakangiti niyang sabi sa mga viewers niya. Kumaway pa siya at nag-flying kiss.
“HELLO, guys! Kumusta naman kayo? Ako? I am so tired!”
Napangiwi ang isang babae habang hawak ang kaniyang cellphone at pinapanood ang Live ni Sanya. Mas lalong sumama ang mukha niya nang kumaway pa si Sanya at nag-flying kiss.
“Pabebe! Hindi naman maganda!” inis na bulalas niya.
Matagal na siyang follower ni Sanya Ortega. Simula nang pagkaguluhan ang mga videos nito sa social media ay palagi na siyang nakabantay sa f*******:, i********:, Twitter at Youtube channel nito. Pero kung ang iba ay iniidolo si Sanya, siya ay hindi. Naiinis siya sa naturang babae! Para kasi sa kaniya ay maganda lang ito pero wala naman itong utak.
Ibinato niya ang cellphone sa inis. Tumayo siya at humarap sa salamin. Nadismaya siya nang makita ang sariling repleksiyon. Deformed kasi ang kalahati ng mukha niya kaya marami ang nagsasabing kahindik-hindik ang anyo niya.
Oo na, aaminin na niya. Naiinggit siya kay Sanya dahil maganda ito!
“Ang pangit ko! Ang pangit ko!” malakas niyang sigaw sabay balibag ng salamin sa sahig.
Muli niyang dinampot ang ibinatong cellphone. Patuloy pa rin ang Live ni Sanya sa f*******:. Pinakatitigan niya ang masayang mukha ng dalaga. Ipinangako niya sa sarili na balang araw ay magkakaharap din sila ng babaeng kinaiinggitan upang burahin ito sa mundo!
THE END