Mabilis ang paglipas ng mga araw sa mansyon ng mga Veracruz, pero sa bawat umaga, tila mas dumarami ang tanong sa isip ni Jessica.
Hindi niya alam kung bakit gano’n na lang ang t***k ng puso niya tuwing makikita si Jayden—ang anak ng kanyang among babae, ang lalaking hindi man lang marunong ngumiti pero parang laging may bigat na dinadala.
“Jess, bilisan mo raw sabi ni Ma’am Veronica, darating daw ang mga bisita,” tawag ni Liza habang nag-aayos ng mga bulaklak sa mesa.
“Oo, sandali lang,” sagot niya, sabay ayos ng kurtina sa malapad na bintana ng dining hall.
Paglingon niya, nandoon na naman si Jayden. Tahimik lang itong nakasandal sa pinto, hawak ang cellphone, pero halatang kanina pa siya pinagmamasdan.
Ang liwanag ng umaga ay tumatama sa kanyang mukha, nagbibigay ng lalim sa matatalas niyang mata.
Hindi nagsasalita si Jayden. Ngunit ang presensiya niya—ramdam mo kahit hindi siya gumagalaw.
“Sir…” mahina niyang sabi, “baka gusto n’yong umupo muna habang nag-aayos kami—”
“Hindi ako sanay na inuutusan, Miss Jessica,” putol ni Jayden, malamig ang tono, pero may bahid ng biro sa dulo.
Napayuko siya, nahihiya.
“Pasensya na po, Sir. Hindi ko naman po ibig—”
“Relax,” sabay lakad ni Jayden palapit. “Hindi ko naman sinabi na galit ako.”
Habang lumalapit ito, pakiramdam ni Jessica ay parang lumiit ang paligid.
Amoy niya ang pabango nito—mahal, pero hindi malakas. Yung tipong umaalingasaw lang pag malapit na malapit.
“Ngayon alam mo na kung bakit mahirap makipag-usap habang nag-aayos ka ng kurtina,” dagdag ni Jayden, nakatitig pa rin sa kanya.
Parang hindi niya alam kung mag-aalis ng tingin o tititig din ito pabalik.
“Sir, baka po makita tayo ni Ma’am Veronica—”
“Then act like you didn’t see me.”
At tumalikod ito, tumungo sa veranda, parang walang nangyari.
Huminga nang malalim si Jessica.
Bakit gano’n? Ang bawat salitang binibitawan ng lalaki ay may kasamang bigat, pero sa ilalim noon ay may kakaibang init—isang bagay na ayaw niyang pangalanan.
---
Kinahapunan, nagdatingan ang mga bisita. Mga kasosyo ng pamilya sa negosyo, puro pormal, puro mamahalin ang suot. Abala si Ma’am Veronica sa pag-aasikaso, samantalang si Jayden ay tahimik lang sa isang tabi, nakamasid sa lahat.
Mula sa kusina, pinapanood ni Jessica ang bawat kilos niya.
“Ang guwapo talaga ng anak ni Ma’am,” bulong ni Liza habang naglalagay ng alak sa tray. “Pero sayang, suplado.”
Ngumiti lang si Jessica. “Baka may dahilan.”
“Dahilan o babae?” tawa ni Liza. “Sabi nila, playboy daw ‘yan dati, puro ligaw tapos iiwan. Hindi bagay sa mukha niya pero bagay sa reputasyon.”
Hindi na siya sumagot, pero sa loob-loob niya—ayaw niyang maniwala.
Kahit pa anong sabihin ng iba, may kung anong sinasabi ang mga mata ni Jayden tuwing magtatama ang kanilang paningin. Hindi iyon mata ng manlalaro.
Parang mata ng taong nagtatago ng sugat.
---
Pagkatapos ng handaan, halos maghahatinggabi na nang matapos si Jessica sa kusina. Pagod man, nagdesisyon siyang magligpit pa ng ilang kalat sa hardin.
Tahimik na ang paligid. Ang mga ilaw sa veranda lang ang nakabukas.
Habang pinupulot niya ang ilang basag na baso, napalingon siya nang makarinig ng mahina pero pamilyar na tinig.
“Hindi mo kailangang gawin ‘yan mag-isa.”
Nandoon si Jayden, nakatayo, nakasuot ng itim na coat, hawak ang dalawang basurang bag.
“Sir, kaya ko naman po—”
“Hindi ko naman tinatanong kung kaya mo,” aniya habang pinupulot ang natirang bote. “Ang tanong, gusto mo bang lagi kang pagod?”
“Trabaho ko po ito.”
“Trabaho mong masaktan din?”
Napatigil siya. Ang tinig nito ay mababa, halos parang may ibig sabihin sa likod ng mga salita.
“Hindi ko po alam ang ibig ninyong sabihin.”
“Alam mo.”
Tahimik.
Matagal silang nagtitigan bago siya muling nagsalita.
“Kung minsan, Jessica… may mga taong pinipiling mapagod para lang makalimutan na sila’y nasasaktan.”
Hindi niya alam kung para sa kanya ba iyon, o para sa sarili ng lalaki. Pero sa gabing iyon, parang unang beses niyang nakita ang tunay na si Jayden—hindi ang anak ng mayaman, hindi ang suplado o misteryosong amo. Kundi isang lalaking may bigat sa dibdib na pilit niyang itinatago sa likod ng malamig na titig.
“Good night, Sir,” mahina niyang sabi, pilit na ngumiti.
“Good night,” sagot nito, pero hindi pa rin umaalis ang tingin.
At nang tuluyan siyang lumakad papasok ng bahay, tanging ang mga mata ni Jayden ang sumunod sa kanya—hanggang sa tuluyan siyang mawala sa liwanag.
---
Sa attic, hindi makatulog si Jessica. Paulit-ulit sa isip niya ang mga sinabi ni Jayden.
Habang sa kabilang dulo ng mansyon, si Jayden naman ay nakaupo sa study room, hawak ang cellphone, nakatitig sa isang lumang larawan—isang larawan ni Jessica noong araw na unang beses niya itong nakita sa probinsya.
Tahimik siyang ngumiti ng mapait.
“Hindi mo kailangang malaman,” bulong niya. “Hindi mo kailangang malaman kung bakit kita inilapit sa akin.”