"Ginisang ampalaya na naman?" maktol ni Duncan nang makita kung ano ang nakahain sa lamesa. Nakasimangot siyang umupo sa silya.
"Masustansya ang ampalaya, Duncan. At masarap ang pagkakaluto ko d'yan kaya huwag ka ng mag-inarte pa at kumain ka na lang," ani Lily kay Duncan habang ngumunguya. Natawa ito nang makita ang nakalamukos na mukha ng anak. "Hindi mo pa nga natitikman itong ampalaya mapakla na agad ang mukha mo?"
"Pero, Ma. Kahapon pa natin ito ulam. Wala bang karne man lang?"
"Kuya Duncan, buti nga may kinakain ka pa," sabi ng siyam na taong gulang na si Sasha. Nakaupo ito malapit kay Lily at masayang ngumunguya.
Pinandilatan ito ni Duncan.
"Hoy, kinakausap ba kita?" angil niya. "Huwag ka ngang sumasabat sa usapan ng matatanda kung hindi ka naman kinakausap. "
"Ang arte mo po kasi."
"Ano'ng sabi mo?"
"Tama na 'yan, Duncan. Huwag mo nang patulan ang kapatid mo. Limang taon ang tanda mo sa kanya. Just eat."
"Just eat, Kuya Duncan. Mukha ka na pong malnourished na zombie," natatawang wika ni Sasha habang ngumunguya.
Bigla kinuha ni Duncan ang baso na may lamang tubig sabay tingin kay Sasha.
"Duncan! Ano'ng gagawin mo?"
Kaswal na uminom sa hawak na baso si Duncan. Nang matapos ay sinulyapan niya ang ina habang nakataas ang kilay.
"Nothing, Ma."
"Good. Akala ko bubuhusan mo ng tubig si Sasha, e."
"Huh? Of course not. Bakit ko naman bubuhusan ng tubig ang bubwit na 'yan? Sayang lang ang tubig sa kanya. Iinumin ko na lang."
"Duncan! Huwag mo ngang tawaging bubwit ang kapatid mo," saway ni Lily.
"Ano po ba ang bubwit, Ma?" tanong ni Sasha.
"Ibig sabihin nito puwet ng bubuyog," sagot ni Duncan. "Mukha ka kasing puwet ng bubuyog. Ampangit mo." Sabay tawa nang malakas.
"What?!" nakasimangot na bulalas ni Sasha sabay ingos sa kapatid. "Very funny, Kuya Duncan."
"Hayaan mo. Bukas ginisang repolyo naman ang lulutuin ko para maiba naman."
"Ma! Alam kong vegetarian ka pero pakiusap naman huwag mo akong idamay," nakangusong reklamo ni Duncan. Hindi siya kumakain bagkus ay pinaglalaro lang sa pamamagitan ng kutsara ang pagkain na nasa pinggan. "Omnivore ako. Mas gusto ko ang balanced diet. Tutubuan na ako ng mga dahon at sanga sa kinakain natin."
"Sige, Duncan. Kapag naging puno ka na, ibebenta kita at ng may pakinabang naman sa iyo."
"Ma!" maktol ni Duncan. "Seryoso ako. Isang linggo na tayong puro gulay. Magmanok o baboy naman tayo. O kahit isda. Pangako, hindi ako magrereklamo." Itinaas pa ng bata ang isang kamay.
"Mahal ang karne ngayon. Nagtaas sila ng presyo."
"Bakit kasi natanggal kayo sa Mamita Dress Shop, Ma?" nakangusong tanong ni Duncan. "Hindi na tuloy tayo makakain nang maayos."
Sandaling natahimik si Lily, inaalala ang mga nangyari last week. Tinanggal pa rin ito ng owner ng Mamita kahit na sinabi na ng donya na huwag itong gawin. May isang salita ang matanda. Business is business. Rules are rule. At may hinanakit man, hindi ito masisisi ni Lily.
"Dahil sa isang spoiled brat na batang babae. A slight misunderstanding. Long story."
"I hate that girl. I hope she rots in hell," nakatiim-bagang na sabi ni Duncan
"Don't say that, okay? That girl is just a kid like you. Bahala na ang Elohim sa kaniya."
"Yeah, right," matamlay na wika ni Duncan sabay subo ng pagkain.
"See? Kinain mo rin," natatawang turan ni Lily. "Magpasalamat ka na lang at may kinakain ka pa. Hindi mo gayahin itong si Sasha. Kahit anong ihain ko kinakain niya. Walang angal. Walang reklamo."
"Patay-gutom kasi," bulong ni Duncan habang ngumunguya.
"Ano 'yon, Duncan?"
"Wala, Ma. Sabi ko gutom kasi siya."
"Masarap po kasi lahat ng mga luto mo, Ma. Kaya lahat ng luto mo favorite ko at talagang kinakain ko," nakangiting wika ni Sasha sa ina. Nagbigay pa ito ng isang matamis na ngiti.
"Salamat, Sasha. 'Yan ang gusto ko sa 'yo. Lagi kang nagsasabi ng totoo," nakangiting puri ni Lily sabay yakap kay Sasha at halik sa noo nito. "Sige na, kumain ka pa."
Inikot ni Duncan ang mga mata.
Ke bata-bata pa magaling na mambola ng Sasha na 'to, naisaloob ni Duncan.
TUMUTUNOG ang kanyang cellphone.
May tumatawag.
Hinagilap ni Duncan and cellphone sa kanyang tabi. Nang malaman kung sino ang tumatawag ay umusbong ang ngiti sa kanyang mga labi.
"My Precious, kumusta?"
"Break na tayo," sagot ng babae sa kabilang linya.
Parang binuhusan ng nagyeyelong tubig si Duncan. Agad siyang napabangon.
"A-Ano'ng sabi mo?"
"Maglinis ka nga ng ears mo. Ang sabi ko break na tayo."
"Teka, my Precious, hindi magandang biro 'yan."
"Nakita ko na pictures mo sa sss. Ang pangit mo pala."
"Pero my Precious..."
"Sinungaling ka. Sabi mo kamukha mo si Elijah Wood. As if! Anlayo kaya. Mas kahawig mo pa si Gollum. Ang pangit mo!"
"Let me explain, Precious."
"Find another one, Duncan. I don't deserve you. At pakisabi sa mga classmate mo na tigilan na nila ang pangungulit sa akin. Nakakadiri."
"Please naman, Precious. Huwag mo 'kong iwan. You are my life, the moon and the star in my lonely, lonely world."
"Korny mo!"
"Hindi ko kayang mabuhay nang wala ka."
"Mabuti at nang mamatay ka na."
Naputol ang linya.
Ang walanghiya! Nakuyom ni Duncan ang kamao. Mayabang talaga ang Precious na 'yon. Ang buong akala niya ay matatanggap siya nito kapag natuklasan na hindi siya kaguwapuhan. Sa isang buwan nilang samahan, kung relationship ba itong matatawag, inakala niya na tuluy-tuloy na ang swerte niya. Complete package si Precious. Maganda na, sobrang yaman pa. Cheerleader sa school nila. Isang dakilang imbentor ang ama. May malaking kumpanya ng printer sa Laguna. Mansyon. Mamahaling mga sasakyan. Akala niya magbabago na ang kapalaran niya. Pero gaya ng mga madalas mangyari sa mga nakikipagrelasyon sa text at social media, isang kahangalan lang pala ang lahat.
Marahil may ibang dahilan si Precious. Baka rason lang nito na pangit siya kaya nakipag-break. He's not that ugly, anyway. Laging sinasabi sa kaniya ng kanilang Ma na guwapo siya, at naniniwala siya rito. May hinala siya na may kinalaman ang batang kasama palagi ni Precious kaya nagbago bigla ang trato nito sa kaniya.
Ang batang kamukha ni Michael Jackson!
Ito ang bata na laging nakabuntot kay Precious sa school. Sa tingin niya nasa kinse anyos ang edad nito. Ito ang naghahatid-sundo palagi kay Precious sa tuwing schooldays nila sa Purvil High gamit ang isang mamahaling sasakyan. Masyado itong mapagmasid gaya ni Sherlock Holmes. Hindi tuloy niya malapitan si Precious dahil bago pa siya makalapit ay tila may third eye ang bata na nararamdaman ang bawat kilos at presensya niya. Tila pinag-iinitan siya nito. Agad siya nitong hinaharangan at tinatanong kung anong kailangan niya kay Precious. Sa kasawiang-palad, wala siyang maisagot dahil ang totoo, bukod sa magka-schoolmate lang, wala ng iba pang koneksyon na umiiral sa pagitan nila. Kaya naman nakuntento na lang siya na sa social media makipagkaibigan kay Precious, at sa tulong na rin ng mga kaklase niyang babae na kaibigan nito.
Minsan ay naiisip niya na nagbabalat-kayo lang ang bata na isang mini version ng King of Pop. Na ang totoo ay isa itong alien mula sa ibang dimension na nagsisilbi kila Precious at sa imbentor nitong ama. But of course, it is nonsense. That boy doesn't look like an alien. A freak, maybe, but not an alien.
Pero sino nga ba talaga ang bata na 'yon? Maaaring hindi ito simpleng bodyguard lang. Pero ano? Isa kaya itong manliligaw ni Precious na kasing-yaman din ng mga ito? Uso pa ba ang fixed marriage sa panahon ngayon?
Bakit ba kasi siya pinanganak na mahirap? Sobrang daya ng pagkakataon. Hindi ito ang buhay na gusto niya. He loves beautiful things. Pero sa kasawiang-palad, mahirap makuha ang mga ito. Sadyang pera ang nagpapatakbo sa mundong ito. Mga hangal lang ang magsasabi ng hindi.
Biglang dumagundong ang napakalakas na saliw ng musika sa katabing kwarto. Sa kwarto ni Sasha.