Flashback
“Ma, sino yang batang kasama n’yo?” tanong ni Maristel sa Donya nang makita itong may hawak-hawak na batang babae.
“Ah… siya si Ayana. Anak ng isang tinutulungan ko sa Feliza Foundation,” magiliw na sagot ni Donya Feliza. Tinawag niya si Alma para kunin ang bata at pakainin sa kusina.
“Bakit po siya narito?” tanong ni Maristel at sinundan ng tingin ang batang babae.
“Dalawang linggo nang pumanaw ang nanay niya,” panimula ng Donya nang makapasok na sa komedor ang bata.
“Hindi siya maaaring manatili sa Foundation ko dahil wala pa siya sa tamang edad. Balak na siyang ipasa sa DSWD, pero naawa ako. Nakipag-ugnayan ako sa DSWD na kung maaari, ako na lang muna ang kukupkop sa bata. Pumayag naman agad sila dahil alam nilang hindi ko pababayaan ang bata.”
“Kukupkupin n’yo ang bata?”
“Oo. Dito na siya titira sa atin, kasama natin. Alam kong matagal ka nang nasasabik sa anak na babae.”
“Pero Ma, pinaalam n’yo na po ba ito kay Miguel?”
“Hindi pa. Mamaya sa hapunan sasabihin ko sa kanila ni Joshua. Alam kong papayag ang anak ko. Malaki na si Joshua, at matagal na tayong walang bata sa bahay na ito,” sabi ng Donya at sinulyapan si Maristel na hindi maitago ang excitement sa mga mata.
“Pwede ko po bang puntahan ang bata?” nakangiting tanong ni Maristel.
“Oo naman. Sige, samahan mo siya. May tatawagan lang ako.”
“Sige po,” masayang sabi ni Maristel at lumakad na papunta sa komedor.
“Bakit ayaw mong kumain? Ayaw mo ba ng spaghetti?” tanong ni Alma sa batang babae na nakaupo lang at nakatingin sa pagkain pero hindi ginagalaw.
Lumapit si Maristel nang makita ang bata.
“Sige, Alma, ako na ang magpapakain sa kanya,” sabi niya at naupo sa tapat ng bata.
“Anong gusto mo? Ayaw mo ba ng spaghetti?” magiliw na tanong ni Maristel.
Sinulyapan lang siya ng bata at muling ibinalik sa pagkain ang mga mata.
“Anong pangalan mo?” malambing na tanong ni Maristel.
“Aya po.”
“Ang ganda naman ng pangalan mo. Gusto mo bang tumira rito?”
“Hindi po,” mabilis na sagot ng bata.
“Ayaw mo rito? Bakit?”
“Gusto ko po sa Mama ko.”
“Alam ko iyon. Pero pwede mo rin akong maging Mama.”
“Bakit po? Wala na rin po ba ang anak n’yo?” tanong ng bata at nilingon si Maristel.
“Hindi. May anak ako—si Joshua. Wala siya ngayon, nasa school pa. Mamaya pa siya darating. Pero wala akong anak na babae tulad mo.”
“Eh hindi naman po kayo ang Mama ko. Wala na po ang Mama ko. Kinuha na siya ni Papa God,” sagot ng bata at bigla itong naiyak.
Mabilis na lumapit si Maristel.
“Huwag ka nang umiyak. Kasama na ni Papa God ang Mama mo. Masaya na siya doon. Isa pa, malulungkot siya pag nakita kang umiiyak.”
“Iiyak din po ba siya?”
“Oo, kasi umiiyak ka. Kaya dapat huwag ka nang umiyak, ah?”
“Pag po ba hindi na ako umiyak, hindi na rin iiyak ang Mama ko?”
“Oo. Hindi siya iiyak. Matutuwa pa siya pag nakita kang masaya.”
“Talaga po?”
“Oo.”
“Sige po. Hindi na po ako iiyak,” sabi ng bata. Pinunasan niya ang mga luha sa pisngi at pinilit na ngumiti kay Maristel.
“Ayaw ko pong umiyak si Mama sa heaven, kaya hindi na po ako iiyak.”
“Tama iyon. At matutuwa ang Mama mo kung kakain ka.”
“Talaga po?”
“Oo,” sagot ni Maristel at inilapit sa bata ang plato ng spaghetti para pakainin ito.
“Sige po, kakainin ko na po ito,” nakangiting sabi ng bata at hinawi ang mahabang buhok na nagkalat sa mukha.
“Oo, ubusin mo iyan. Pagkatapos, maliligo ka at mamasyal tayo.”
“Mamasyal? Saan po tayo pupunta?”
“Bibili tayo ng mga laruan mo at mga damit.”
“Laruan po? Sabi ni Mama, huwag daw akong magpabili ng mahal na laruan sa palengke kasi wala siyang pera,” sabi ng bata habang kumakain at hindi pansin ang nagkalat na sauce sa pisngi.
“Hindi tayo bibili ng mahal. Yung mura lang pero maganda at gusto mo.”
“Talaga po? Oh sige po, uubusin ko po ito at hindi na po ako iiyak para hindi na malungkot sa heaven si Mama.”
Matapos kumain ni Aya, pinaliguan siya ni Maristel kay Alma at pinabihisan na rin. Gaya ng pangako, namasyal sila at namimili ng mga gamit para sa bata.
Sa Tragora Mall sila namasyal—ang mall na pagmamay-ari ng pinakamayamang pamilya sa bayan ng San Miguel, ang mga Tragora.
“Tragora Mall? Ito po ba yung mall ni Donya Feliza?” tanong ni Aya nang makapasok sila.
“Oo. Sa Lola Feliza ang mall na ito, kaya pwede mong kunin ang lahat ng laruan na gusto mo,” magiliw na sagot ni Maristel.
“Talaga po? Pwede akong kumuha ng marami?”
“Oo naman. Lahat ng gusto mo, kunin mo.”
“Salamat po!”
Matapos nilang maikot ang mall at mamili ng lahat ng kailangan ni Aya, dumaan sila sa McDonald’s para magmeryenda bago umuwi.
“Salamat po, Tita Maristel. Ang dami n’yo pong pinamili sa akin. May mga damit pa po. Salamat po talaga,” nakangiting sabi ni Aya habang kumakain.
“Lahat ng iyan galing kay Lola Feliza. Sa kanya ang mall na ito, kaya walang bayad ang mga iyan. Kaya dapat kay Lola Feliza ka magpasalamat. At isa pa, Tita Maristel na lang ang itawag mo sa akin. Huwag na ‘Mam Maristel.’ O kaya, kung gusto mo, Mama Maristel na lang?”
“Tita Maristel na lang po muna. Baka magalit po sa akin ang anak n’yo pag narinig niya ako,” sagot ng bata habang halos maubos na ang large fries at sundae.
“Mabait ang Kuya Joshua mo. Siguradong magugustuhan ka niya,” nakangiting sabi ni Maristel habang aliw na aliw panoorin si Aya na kumakain ng fries na sinasawsaw sa strawberry sundae.
“Masarap ba?”
“Opo, masarap na masarap. Dati po, Tita Maristel, pag kumakain kami ni Mama sa McDo, maliit na fries lang pinapabili ko kasi alam kong wala siyang pera. Ngayon po, binilhan n’yo ako ng malaking fries. Siguro po, marami kayong pera.”
Natawa si Maristel bago sinagot ang bata na patuloy pa rin sa pagkain.
“Dahil tinawag mo akong Tita, bibilhan pa kita ng isang malaking fries para may kainin ka sa bahay.”
“Talaga po? Bibilhan n’yo rin po ba si… ano nga po ulit pangalan ng anak n’yo?”
“Joshua. Kuya Joshua na lang itawag mo sa kanya.”
“Ah, opo. Si Kuya Joshua po ba, bibilhan n’yo rin ng fries?”
“Ah… hindi. Kasi hindi siya kumakain ng fries dito. Sa ibang restaurant siya kumakain.”
“Ah… ganoon po ba? Di po ba lahat ng bata gusto ang McDo? Hindi po ba gusto ng anak n’yo ang McDo?”
“Alam mo kasi, ang Kuya Joshua mo, feeling binata na kahit 2nd year high school pa lang siya. Binata na ang isip non.”
“Ah,” tanging sagot ni Aya at inubos na ang kinakain para maka-order ulit ng fries na dadalhin sa bahay.
Pagdating nila sa Tragora Mansion, nakangiting bumaba ng magarang sasakyan si Aya, bitbit ang mga pinamili nila at maraming fries.
“Halika na sa loob. Mukhang dumating na ang Kuya Joshua mo. Para makilala mo na siya,” sabi ni Maristel.
“Talaga po? Sige po, bibigyan ko po siya ng fries kahit ayaw niya,” nakangiting sabi ni Aya at pumasok na sa malaking pinto ng mansyon.