Chapter 18

2147 Words
Tumabi ako kay Sheena at inakbayan niya ako. Sinuyod ko ng tingin ang kabuuan ng battlefield. Mas marami ang nanonood kumpara sa Seeker Game. Mas kaabang-abang kasi ang Azthia Tournament dahil karamihan sa mga champ ay mga young Lorde, Lorde, young Ladynne at Ladynne. O, di kaya mga miyembro ng Racial Forces. "Ito ang magic canon. Kapag ito ay bumuga, isang magic force ang lalabas mula rito. Ang mahikang iyon ang sumisimbolo sa bawat champ. Kabilang na ang kapangyarihan nito at anyo. Ang dalawang mahika na lalabas mula sa canon ang siyang magtutuos. Champs, inuulit ko, hindi pinahihintulutan ang p*****n. Ang siyang lumabag ay may kakaharaping karampatang parusa. Panalangin ko ang inyong tagumpay. Nawa'y walang mapahamak ni isa sa inyo," sabi ni Hydrox. Nagkatinginan kami ng mga champ at mababakas sa mga mukha namin ang determinasyon na manalo. Maya-maya, bumuga ng magic force ang magic canon. Kulay lila ito kaya nagkatinginan kaming tatlo. Ako, si Onaeus at si Chaross. Kulay lila kasi ang opisyal na color-coding ng Magia. Pumaibabaw ang magic force na iyon at sumabog nang malakas. Lahat ng atensyon ay nakatuon na dito dahil inaabangan ng lahat kung sino ang nilalang na unang sasabak sa elimination round. Unti-unting nakabuo ng isang wangis ang magic force. Pinakita nito ang isang nilalang na tumatakbo sa isang kagubatan. May kinakalaban din itong mga mababangis na nilalang. Napasinghap ang lahat nang maipamalas nito ang taglay nitong kakayahan. Matapos manood ang eksenang iyon, napatingin sa'kin ang lahat. "Mga kababaihan at kalalakihan! Ang unang sasabak sa elimination round ay ang nag-iisang young Ladynne Asyanna Puerre ng Gránn!" anunsyo ni Hydrox. Umingay ang paligid. Sinisigaw nila ang pangalan ko. "Asya! Asya! Asya!" sigaw nila. Nagbigay ng daan ang mga champ para makadaan ako. Dahan-dahan akong naglakad at tinungo ang sentro ng battlefield. Maya-maya, bumuga na naman ang magic canon. Isang kulay-rosas ang lumabas mula rito kaya natukoy ko na kung sino ang makakalaban ko. Si Noreem Gemisiu. Pinanood namin ang pangyayari sa kaniya. Magaling din siyang makipaglaban. Ginagamit niya rin ang brilyante niya at minsan pinagsasabay niya ito sa mga kilos niya. Masasabi kong malakas siya at malaki ang tiyansang matalo ako. Dalawang punyal lang naman ang hawak ko. Kumpara sa kakaiba niyang sandata at isang malakas na brilyante. "Muli, isa pang champ ang sasabak sa elimination round, young Ladynne Noreem Gemisiu ng Wembrech!" ani Hydrox. Nag-ingay din ang mga sumusuporta sa kaniya. Naglakad si Noreem papunta sa direksyon ko. Seryoso ang mukha niya. Ibang-iba sa Noreem na nakilala ko. "Ang unang elimination round sa Azthia Tournament ay sa pagitan nina young Ladynne Asyanna Puerre at young Ladynne Noreem Gemisiu! Gránn laban sa Wembrech! Magium laban sa Gemium! Sino kaya ang makakapasok sa semi-finals? Ang kahanga-hangang young Ladynne kaya o ang kumikinang na young Ladynne? Sino?! Azthamen saksihan natin ang pagtutuos ng dal'wang young Ladynne! Simulan na ang laro!" ani Hydrox kaya lalong umingay ang paligid. "Asya, kung ako sa iyo, sumuko ka na lang," wika ni Noreem. "Patawad. Ngunit, mahihirapan ka sa akin," tugon ko kaya napataas siya ng kilay. Nagsukatan kami ng tingin. Mukhang matinding labanan ang mangyayari sa amin. Tumakbo siya sa direksyon ko kaya naman hinanda ko ang sarili ko. Sinangga ko ang sandata niya. Mabuti na lang at medyo may kahabaan ang punyal na hawak ko. Kaya hindi ako nahirapan na ikabig ito. "Asya, mahihirapan ka lang. Ayokong masaktan ka," sabi niya sa gitna ng labanan namin. "Huwag kang mag-aalala sa akin. Nasa tournament tayo. Huwag kang magpadala sa emosyon mo," asik ko sa kaniya. "Kung iyan ang nais mo, Asya. Pagbibigyan kita," sagot niya at pinatamaan ako ng kapangyarihan niya. Nagmula ito sa palad niya. May draconian ring na lumabas sa kamay niya kaya natitiyak kong nagmula iyon sa hawak niyang brilyante. Napaatras ako sa lakas nito. Ramdam ko ang malakas na enerhiya ng brilyante. Mukhang mahihirapan nga akong patumbahin siya. Hinawakan ko nang mahigpit ang hawak kong punyal at sinugod siya. Nagpakawala siyang muli ng enerhiya pero agad akong naglaho. Hindi man malakas ang kapangyarihan ko. Makakatulong pa rin ito sa akin. "Asya, magpakita ka!" sigaw niya kaya nagtaka ako. Hindi niya ako nakikita? Tiningnan ko ang sarili ko. Buo pa naman ako. "Asya, nailabas mo na ang kakayahang tumagal sa paglaho. Kaya, mo nang maging invisible," usap ng espiritu. "Paano nangyari iyon?" kyuryos kong tanong. Pero, hindi na ako sinagot pa ng espiritu. Nawala na naman siya sa tabi ko. "Asya!" sigaw na naman ni Noreem. Pagkakataon ko na ito. Tumakbo ako papunta sa kaniya para sana atakihin siya. Pero, may humarang sa'kin. Kaya napatigil ako. Tiningnan ko si Noreem ginagamit niya ang brilyante niya. Batid na kaya niyang naging invisible ako? "Kung akala mo maiisahan mo ako, Asya. Nagkakamali ka. Alalahanin mo ang batong hawak ko? May kambal diwa ang brilyante ko at kaya ka niyang makita," sabi ni Noreem kaya bumalik ang tingin ko sa kambal diwa ng brilyante niya. Isang makisig na nilalang. May hawak itong salapang at masama lang itong nakatingin sa'kin. "Dadaan ka muna sa akin bago mo masaktan ang panginoon ko," sabi nito kaya pumosisyon ako. Mukhang mahihirapan ako rito. Mas malaki siya kumpara sa'kin. "Puwes, simulan na natin," hamon ko. Inikot niya ang hawak na salapang at may enerhiyang namumuo mula rito. "Asya, pagsamahin mo ang dalawang punyal," utos ng espiritu. Nagtaka ako sa sinabi ng espiritu. Bakit ko pagsasamahin ang dalawang magkahiwalay na punyal? "Bakit?" tanging lumabas lang sa bibig ko. "Sundin mo na lang ang inutos ko," sabi nito kaya agad kong pinagtabi ang dalawang punyal. Pero, wala namang nangyari. "Pinagloloko mo ba ako?" inis kong tanong rito. "Mali 'yong ginawa mo. Hanapin mo ang parte kung saan ito may koneksyon," sabi nito. Tiningnan ko nang mabuti ang dalawang punyal. Wala nga itong koneksyon. Hindi akma ang hawakan nito hanggang sa pinakadulo ng talim nito. Pinagpalit ko ang posisyon nito at nagulat ako sa naging resulta nito. Dahil sa ginawa ko naging buo ito. Para itong bagay na nasira pero muling naayos. Isa na itong malaking punyal. Mas naging mabigat nga lang ito. "Ito na 'yon?" sarkastikong tanong ko sa espiritu. "Hintayin mo ang pagbabago Asya," sabi nito kaya hinintay ko ang pagbabagong sinasabi nito. Pero, walang nangyari. Tiningnan ko ang kambal diwa at naghahanda na ito sa pagsugod sa akin. "Bahala na," bulong ko at naunang sumugod. Naglaban kaming dalawa. Mas mabilis itong gumalaw kaya nahihirapan akong sundan ang kilos nito. "Sige lang Asya labanan mo ang alagad ko. Bilisan mo naiinip na ako rito," sabi ni Noreem. "Maghintay ka, tatapusin ko lang itong alagad mo," sabi ko. Nagpatuloy lang kami sa paglalaban. Hindi talaga ako makatiyempo na saktan ito. Dahil parang batid nito ang kilos ko. Kaya, naman nainis na talaga ako. "Pasensya ka na at kailangan ko itong gawin," sabi ko at tinangkang maglaho pero hindi ako nakaalis sa puwesto ko. Dahilan kaya nasugatan ako sa braso ko dahil sa atake nito. Bakit hindi gumana ang kapangyarihan ko? "Asya, hindi mo magagamit ang kakayahan mong maglaho kapag nasa invisibility dimension ka," sabi ng espiritu. Sinamaan ko ng tingin ang kambal diwa. Gagantihan ko rin siya. Sumugod ako at sinubukang sugatan siya. Pero, agad siyang nakaiwas. Inatake ko siya ulit pero hindi ako nagtagumpay. Nabitawan ko pa ang sandata ko. "Sumuko ka na, Asya," ani Noreem. "Hinding-hindi ako susuko!" sigaw ko at nilapitan ang punyal. Paglingon ko sa direksyon ng kambal diwa papunta na ito sa'kin. Agad kong pinulot ang punyal at sinangga sa salapang nito. Napaluhod ako sa lakas ng puwersa nito. Pilit kong tinutulak palayo ang sandata nito. Pero, hindi ko talaga kaya. Wala akong sapat na lakas para matalo ang isang kambal diwa. "Asya, mag-iingat ka!" sigaw ng espiritu. "Ahhh!" sigaw ko at bigla na lang nagliwanag ang punyal. Nagulat ako sa kakaibang kapangyarihan nito. Dahil halos kapareho nito ang kapangyarihan ng espada ni Asilah. "Ahhh!" sigaw ko pa rin habang unti-unting nagkakaroon ng kislapan ang mga sandata. "Asya, anong ginagawa mo?" tarantang tanong ni Noreem pero hindi ko siya pinansin. Mas diniinan ko pa ang pagkakadikit ng mga sandata. "Asya, huwag mong sasaktan ang alagad ko!" naiiyak niyang sabi. "Asya, bumitaw ka na!" sigaw ng espiritu. Dahil naawa ako kay Noreem, bumitaw ako sa kislapang nagaganap sa mga sandata. Napaatras ang kambal diwa at handa na sanang sugurin ako nang bigla itong nawala. Marahil ay ibinalik na siya ni Noreem sa tinitirahan nito. "Bakit parang kasing lakas ng espada ang punyal?" tanong ko sa espiritu pero hindi ito nagsalita. Napabuntong hininga na lang ako at bumalik sa pagiging visible. Narinig ko na ulit ang ingay ng paligid. "Asya," sambit ni Noreem at tumingin sa braso ko. "Simulan na natin ang totoong laban," seryosong sabi ko at hinanda ang punyal. Hinanda niya rin ang sandata niya at sumugod sa'kin. Naglabanan kaming dalawa at humahanap talaga siya ng tiyempo na saktan ako gamit ang kapangyarihan niya. "Asya, anong nangyari sa punyal mo?" nagtataka niyang tanong. "Pagbabago," sagot ko at naglaho. Lumitaw ako sa likuran niya at tinulak siya. "Oops, paumanhin," pang-aasar ko. Sinamaan niya ako ng tingin kaya nginisian ko lang siya. Pero, napawi iyon nang ibuka niya ang dalawang palad ng kamay niya. May lumabas doong dalawang brilyante. Pinalilibutan ito ng mga draconian ring. Akala ko nag-iisa lang ang brilyanteng hawak niya. "Noreem! Noreem! Noreem!" sigaw ng iba. Napa-tsk na lang ako. Tiningnan ko ang hawak kong punyal at nakaisip ako ng gagawin. Hindi ko alam kung may mangyayari ba sa gagawin ko. Pero, susubukan kong pag-isahin ang punyal at ang mahika ko. Kagaya ng ginagawa ko sa espada. Pumikit ako at hinawakan nang mahigpit ang punyal. Pinalabas ko ang mahika mula sa katawan ko at nilipat ito sa punyal. Pagmulat ng mga mata ko napangiti ako sa nasaksihan. Nababalutan ng liwanag ang punyal kagaya rin ng espada. "Asya! Asya! Asya!" sigaw din ng iba. "Nakita niyo iyon! Ginagamit ni Noreem ang dalawa niyang brilyante. Samantala, si Asyanna ay pinagsama ang mahika niya at ang punyal!" manghang sabi ni Hydrox. Nagsukatan pa kami nang tingin bago sinugod ang isa't isa. Nagpakawala lang siya ng enerhiya samantalang ako sinasangga ko lang ito ng punyal. "Sino sa tingin ninyo ang mananalo?!" ani Hydrox habang naglalabanan kami ni Noreem. "Ahh!" daing ko nang tamaan ako ng kapangyarihan niya. Agad akong naglaho at lumitaw sa tabi niya. Tinutok ko sa kaniya ang punyal kaya napatigil siya. Natahimik ang mga nanonood. "Hindi mo ako matatalo," sabi ni Noreem at nagpakawala ng enerhiya na hindi ko naiwasan. Napaatras ako at napahandusay sa lakas ng puwersa nito. "Naku, ano iyon! Nasaktan ni Noreem si Asyanna," komento ni Hydrox. Inis akong bumangon at kinuha ang punyal. Nagpakawala na naman si Noreem ng enerhiya. Pero, naisangga ko ang punyal. Kaya, bumalik ito sa kaniya. Tinamaan siya nito at napatalsik. Napasinghap ang lahat. Agad akong tumayo at pinuntahan ang direksyon niya. Nakapikit ang mga mata niya at mababakas sa mukha niya ang pagod. Nawalan siya ng malay ibig sabihin natalo ko siya. "Mga kababaihan at kalalakihan! Nagtapos na ang unang elimination round at ang una nating semi-finalist ay walang iba kun'di si Asyanna Puerre ng Gránn!" anunsyo ni Hydrox kaya naghiyawan at nagsigawan ang mga sumusuporta sa'kin. Nilibot ko ng tingin ang buong battlefield. Halos lahat sila natutuwa sa pagkapanalo ko. Napapikit ako at napangiti. Nagawa ko rin! "Binabati kita Asya!" masayang bati ng espiritu. Umalis na ako roon dahil may susunod pang maglalaban. Kinuha na rin nila si Noreem at dinala sa Healing Wing para gamutin ito. "Hindi mo pa sinasagot ang katanungan ko. Bakit magkatulad ang punyal at espada? Bakit pareho ang naging reaksyon nito sa mahika ko?" tanong ko. "Hindi ko iyan masasagot, Asya," sabi nito kaya napatawa ako. "Syempre masasagot mo iyan. Ayaw mo lang magsalita. Pero, 'di bale na lang hihintayin ko na lang ang sagot mo sa tamang panahon," sabi ko at tuluyang umalis ng battlefield. Kailangan ko rin kasing magtungo ng Healing Wing para magpahinga at ipagamot ang sugat na natamo ko. Sa Healing Wing... Matapos gamutin ang sugat ko, hindi muna ako nagpahinga. Pinuntahan ko muna si Noreem para alamin ang kalagayan niya. Kaibigan ko pa rin siya kaya nag-aalala ako sa lagay niya. "Kumusta ang pakiramdam mo?" tanong ko sa kaniya. "Medyo maayos naman na, Asya," nanghihinang sagot niya. "Paumanhin at nasaktan kita," sabi ko. "Wala iyon. Parte iyon ng laro. Nga pala napahanga mo ako kanina. Kaya mo pa lang tumagal sa paglalaho. Mabuti na lang at may kakayahan ang alagad ko na makakita at makatungtong sa dimension na kinaroroonan mo. Kung hindi, baka natapos na kaagad ang laban," ani Noreem kaya napatawa ako. "Sa totoo lang nagulat talaga ako. Hindi ko pa kasi nagagawa iyon, kanina lang," pag-aamin ko. "Pero, nakakahanga ka talaga. Binabati kita Asya at sana makaabot ka ng championship round. Sana rin walang mangyaring masama sa iyo," sabi niya. Nag-usap pa kami nang matagal ni Noreem bago ako nagpasya na bumalik sa silid ko at magpahinga.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD