Chapter 27

2077 Words
"Young Ladynne Asyanna isuko mo na ang sarili mo sa racial forces," utos ni Hydrox. "Sandali! Bakit mo ako pinapasuko sa kasalanang hindi ko naman ginawa?" saad ko. "Bakit mo ba pinagpipilitan na wala kang kasalanan, Asya? Kitang-kita mismo ng mata namin. May mata kami young Ladynne nakita namin!" buwelta ni Dylenea. "Oo, may mga mata nga kayo. Pero, mga bulag kayong lahat!" giit ko. "Racial forces dakpin si Asyanna," utos ni Lorde Ignacio. "Wala akong ginawang kasalanan!" sigaw ko at naglaho. Lumitaw ako sa Gránn, sa Viaple Castle. Agad kong tinungo ang silid ko at sinara ito. Umupo ako sa higaan habang nanginginig ang mga kamay ko. Hindi nila ako maaaring hulihin. Dapat ang hinuhuli nila ang nilalang na nagkasala at hindi ako iyon. Tumayo rin ako kaagad at nagpalit ng damit. Kailangan ko nang magpakalayo. Nang matapos na akong mag-ayos lumabas din kaagad ako ng silid. "Asya, saan ka pupunta?" tanong ng espiritu. "Malayo sa kanila. Hindi nila ako maaaring ikulong, hindi," sagot ko. "Pero Asya, lalo mo lang pinapatunayan sa kanila na nagkasala ka nga. Huwag kang tumakas. Alam mong hindi lang ang Magia ang hahabol sa'yo, buong Azthamen," saad niya. "Pero Asilah natitiyak kong ako nga ang maiipit dahil ako lang nakikita nilang salarin," giit ko. "Young Ladynne Asyanna lumabas ka ng kastilyo at sumuko nang maayos sa amin!" rinig kong sigaw mula sa labas. "Asya sumuko ka na, pakiusap," ani Asilah. "Hindi Asilah. Hindi ako susuko at aakuin ang kasalanang hindi ko naman magagawa," giit ko at naglaho muli. Hindi nila ako mahuhuli. Lumitaw ako sa Eshner Forest sa pinakapusod ng gubat. Nilapitan ko ang punong Marcas at tiningala ito. "Young Ladynne batid ko ang pinagdadaanan mo ngayon. Nalulungkot ako at gaya ng landas na tinahak niya ito rin ang tatahakin mo," usap nito sa'kin. Napakunot noo ako. Sinong tinutukoy niya na kagaya ko ay ganito rin ang tinahak. "Sinong tinutukoy mo?" kyuryos kong tanong. "Si Asilah," sagot ng Marcas. "Ang nagmamay-ari ng espada at punyal?" pagtitiyak ko baka kasi kapareho lang ito ng pangalan ng espiritu. "Tama ka Asyanna, siya nga," sagot ng Marcas. "Anong nangyari?" usisa ko. "Ilang taon na ang lumipas nang maganap ang pangyayaring iyon. Sariwa pa rin sa isip ko ang lahat. Si Asilah ay sumali ng Seeker Game at pinalad na manalo. Marami ang nainggit sa kaniya noon. Kabilang na si Ladynne Dalcah ang namayapang asawa ni Lorde Irman at ang ina ni Dylenea na siya namang kaaway mo ngayon. Hindi kasi makapaniwala ang Ladynne na nanalo ito samantalang baguhan lamang ito. Sa sunod na taon muling sumali si Asilah at sa pangalawang pagkakataon nakuha niya ang titulo at tropeyo. Dahil sa tagumpay na iyon naisipan niyang sumali rin sa Azthia Tournament na lalong ikinagalit ni Ladynne Dalcah. Dahil maging sa tournament ay kalaban niya ang Seeker Game Victor. Naalarma siya sa kakayahan ni Asilah. Natatakot siyang manalo ito. At, nangyari nga ang kinatatakutan niya. Nagwagi si Asilah. Pero, kasabay ng pagkapanalo niya nagkaroon din ng kontrobersiya. Nang yakapin ni Asilah ang nakalaban niya sa championship battle, bigla itong nawalan ng malay at bumagsak sa kaniya. Ang akala lang niya ay nahimatay ito. Ngunit, natuklasan na ito ay wala nang hininga. Pinagbintangan si Asilah sa krimen na iyon at ang totoong salarin ay hindi nakita. Gaya mo ay tumakas si Asilah. Hinabol siya noon ng mga Racial Forces. Nakasagupaan pa niya ang mga rebelde. Nang mga panahon ding iyon nagdadalang-Magium si Asilah. Hindi lang iyon nahalata ng lahat dahil sa kapal ng kasuotan niya. Napadpad siya rito at tinulungan ko siya. Itinago ko siya sa mga naghahabol sa kaniya. Dito rin niya ipinanganak ang sanggol. Panandaliang nakatago ang mag-ina pero nahanap din nila mga ito. Sa tulong ng librong Argon natunton nila si Asilah. Nakipaglaban ang ina hindi lang para sa sarili niya kundi para rin sa anak niya. Pero, hindi nagtagumpay si Asilah. Kahit pa na malakas siya hindi niya nakaya ang lakas ng Argon. Nahuli siya ng Racial Forces at ikinulong sa prisoner's chamber. Sa araw ng paglilitis sa kaniya nakagawa siya ng paraan para makatakas. Agad siyang nagtungo rito para sana kunin ang anak niya pero wala na ito. Dahil nang mga panahong nasa Karr siya may isang di kilala ang kumuha ng sanggol. Kinalaban ako nito at wala akong nagawa para protektahan ang sanggol. Sa tingin ko isang rebelde ang kumuha at natitiyak kong pinaslang nila ito. Gumuho ang mundo niya sa nangyari sa anak niya. Sa galit niya bigla na lang lumiwanag ang buo niyang katawan hanggang sa hindi na siya nakita. Naiwan na lang sa lupa ang espada niya at ang kuwentas na suot niya. Simula noon hindi na muling nakita pa si Asilah," salaysay ng Marcas. "Sandali. Kung ganoon ang nangyari bakit sinabi mo sa'kin noong una na pinalabas ni Lorde Ornelius na sa bundok ng Asilah niya nakita ang espada na narito lang pala sa Eshner Forest?" nagtatakang tanong ko. "Para hindi sila magduda," sagot nito. "May sasabihin ako sa iyo, Marcas. May nakakausap akong espiritu at sinasabi niyang siya si Asilah. Totoo kayang siya iyon?" sabi ko. "Marahil siya nga iyon, Asya. Pero, maaaring may nagpapanggap lang na siya para linlangin ka," tugon ng Marcas. "Naguguluhan pa rin ako. Kung nagdadalang-Magium si Asilah may posibilidad na si Lorde Irman ang ama, tama?" tanong ko. "Iyan ang hindi ko masasagot Asya. Wala akong karapatan na sagutin iyan," sagot nito. Naguguluhan talaga ako. Bakit parang may kulang? Hindi maliwanag ang mga pangyayari sa akin. "Marcas, hindi ba't ang dami mong alam? Lalo na sa mga nilalang na nabubuhay dito?" tanong ko rito. "Oo, Asyanna. Pero, hindi lahat. May gusto ka bang malaman?" sabi nito. "Si Odette, ang ina ko. May alam ka ba tungkol sa kaniya?" tanong ko. "Odette? Wala akong kilalang Odette Asya," sagot nito. "Dahil siguro sa pangkaraniwang Magium lang ang ina ko," sabi ko na lang nang bigong malaman ang tungkol sa kaniya. "Narito si young Ladynne Asyanna!" rinig kong sigaw sa paligid kaya nanlaki ang mga mata ko. "Kailangan ko nang umalis Marcas. Hanggang sa muli nating pagkikita," paalam ko at biglang naglaho. Pero, paglitaw ko agad akong nakulong ng isang magic shield. Sinubukan ko itong sirain gamit ang espada ko pero hindi ko ito mawasak. "Hindi mo talaga iyan masisira young Ladynne Puerre," biglang salita sa likuran ko. Nilingon ko ito at sinamaan ng tingin. Siya ang sumalungat kanina kay Lorde Irman. Ang layo talaga ng ugali niya kay Serfina. "Dahil ang Argon ang may gawa niyan. Batid mo naman siguro kung gaano kalakas ang librong iyon, hindi ba?" dagdag pa niya. Umiwas lang ako ng tingin dahil hindi ko nagugustuhan ang reaksyon ng mukha niya. "Paumanhin young Ladynne pero kailangan kang dakpin at pagbayarin sa ginawa mong paglabag sa batas," ani Lorde Ignacio at nagpakawala ng kapangyarihan. Tinamaan ako nito kaya nawalan ako ng malay. Sa Prisoner's Chamber... Naalimpungatan ako sa lamig ng sahig na dumadampi sa mukha ko. Bumangon ako at sinandal ang sarili sa pader. Nakuha nila ako. Wala manlang akong nagawa para iligtas ang sarili ko. Kagaya ni Asilah nahuli nila ako sa tulong ng Argon. "Gising ka na pala, Asya," biglang sabi sa labas ng rehas na bakal. Lumapit ako rito para tingnan kung sino ang kumakausap sa akin. "Dylenea?" bulalas ko. "Nagulat ka ba? Ako hindi. Batid ko na mahuhuli ka nila. Mabuti nga sa iyo. Masyado mo kasing ginalingan," wika niya kaya napakuyom ako ng mga kamay. "Wala akong kasalanan. Patutunayan ko iyon sa inyong lahat!" giit ko. "Paano mo patutunayan kung ang lahat iniisip na ikaw ang salarin?" pang-uuyam na sabi niya. Mas lumapit ako sa rehas at sinakal siya sa leeg. "Hindi ako ng pumaslang sa kaniya! Wala akong kasalanan!" nanggigigil kong sabi. "Bitiwan mo ako bastarda!" saad niya pero hindi ko siya pinakinggan. "Tama na iyan!" biglang sigaw ng pamilyar na boses kaya nabitawan ko si Dylenea. "Ama!" bulalas ni Dylenea. "Lorde Irman," sambit ko. "Iwan mo na muna kami Dylenea," utos sa kaniya ni Lorde Irman. Agad siyang umalis at naiwan kaming dalawa ni Lorde Irman. "Lorde Irman," sambit ko ulit. "Asya, bakit ka tumakas?" tanong niya kaya napayuko ako. "Bakit mo iyon ginawa? Hindi mo ba alam na dahil sa ginawa mo lalo kang pagdudahan ng lahat?" dagdag pa niya. "Lorde Irman, hindi ko siya pinatay," saad ko pero malungkot lang siyang ngumiti. Kaya, kinabahan ako. Maging siya rin kaya nagdududa sa'kin? Huwag naman sana dahil masasaktan ako kapag totoo nga. "Oo, naniniwala ako sa'yo," sabi niya kaya nakahinga ako nang maluwag. Kahit na nagbago na ang tingin ng lahat sa'kin. May naniniwala pa rin sa'kin. Kahit papaano may kakampi pa rin ako. "Alam kong maniniwala ka sa akin Lorde Irman dahil—" "Pero, dahil sa ginawa mong pagtakas. Nabago iyon. Paumanhin Asya pero mukhang tama sila. Kasi kung hindi ikaw ang pumaslang hindi ka tatakas at haharapin mo ang paglilitis nang walang pag-aalinlangan," dugtong niya kaya natulala ako sa kaniya. Parang gumuho ang pag-asa ko dahil sa sinabi niya. Parang nabibiyak ang puso ko. Pakiramdam ko parang pinagtaksilan ako ng sarili kong ama. "Hindi, Lorde Irman. Pakiusap huwag kang maniwala sa kanila," pagmamakaawa ko pero umiwas lang siya ng tingin. Doon na dumausdos ang luha sa aking mga mata. Tiningnan ko lang siya pero hindi na siya tumingin muli sa akin. "Lorde Irman," tawag ko pero tumalikod na siya sa akin. "Nagkamali ako ng pagkilala sa iyo. Akala ko naiiba ka ngunit katulad mo rin pala siya," huli nitong sabi bago umalis. Humagulhol na ako ng iyak sa pag-alis niya. Hindi ko maipaliwanag kung bakit ako nasasaktan sa pagtalikod niya. Kahit na wala naman kaming koneksyon. Marahil ay sa maikling panahon tinuring ko siyang parang tunay kong ama. Nasasaktan ako dahil maging siya na akala ko kakampi ko, na paniniwalaan ako ay magagawang talikuran ako. "Asya, tahan na," mahinahong sabi ng tinig ni Asilah. "Asilah bakit? Bakit nangyayari sa akin ito? Hindi dapat ito nangyayari sa akin. Wala akong kasalanan. Alam mo iyan. Bakit ni isa wala sa aking naniniwala?" giit ko habang umiiyak. "Shh, Asya wala kang kasalanan. At, huwag mong sabihin na walang naniniwala sa iyo. Narito pa ako Asya, narito pa ako. Naniniwala ako sa iyo at paniniwalaan kita kahit ano pang mangyari," sabi nito. "Pero, wala ring mangyayari Asilah. Aanhin ko ang pagtitiwala mo sa akin. Hindi ako maililigtas ng pagtitiwalang sinasabi mo. Ni wala ngang nakakaalam na naririto ka pa. Na hindi ka talaga nawala," saad ko. Hindi siya nakasagot sa sinabi ko. Dahil totoo naman. Paano siya tetestigo sa akin e ako lang ang tanging nakakarinig sa mga tinig niya. Kapag nalaman ng lahat na kinakausap ko ang espiritu ni Asilah lalong hindi sila maniniwala sa akin. Kriminal pa rin ang tingin nila kay Asilah dahil sa nangyari. "Asya—" "Huwag mo muna akong kausapin, pakiusap. Gusto ko munang mapag-isa," walang ganang sabi ko nang tumigil na ako sa pag-iyak. "Masusunod, Asya," malungkot nitong sabi. Bumalik ako sa puwesto ko at tumitig sa kawalan. Iniisip ko kung bakit nahantong sa ganito ang lahat. Dapat sa umpisa pa lang hindi na ako sumama sa kanila. Sana nanatili na lang ako sa Gránn. Kung maibabalik ko lang ang lahat hindi sana ako ngayon nakakulong. "Oh, kumusta Asya?" biglang tanong sa labas. "Umalis ka na!" sigaw ko nang makilala ang boses ng kumausap sa akin. "Bakit mo ako pinapaalis Asya? Hindi ka ba masaya binisita kita? Siguro wala pang bumisita sa iyo rito?" tanong niya. "Hindi kita kailangan. Alam kong natutuwa ka sa nangyari sa akin. Kaya huwag kang magpanggap na naaawa ka sa akin," sabi ko. "Tama ka, Asya. Natutuwa nga ako sa nangyari sa iyo. Dahil simula sa araw na ito hindi mo na masisira ang araw ko. Hindi ka na makakatakas sa kasalanan mo. At, tinitiyak kong mabubulok ka sa Isle of Madness," ani Onaeus kaya napakuyom ako ng mga kamay. Hindi iyon mangyayari. Hindi! "Umalis ka na!" sigaw ko. "Masusunod young Ladynne," sabi niya at tumawa. Napasuntok ako sa sahig dahil sa inis. Hindi ako maaaring makulong. Kailangan kong makatakas. "Anak," rinig kong tawag sa'kin kaya agad akong lumapit dito. "Ama!" sambit ko at niyakap siya kahit na may rehas sa pagitan namin. "Tahan na anak," sabi niya dahil umiiyak na naman ako. "Ama, hindi ko iyon ginawa. Hindi ko siya pinaslang," iyak kong sabi. "Alam ko anak. Huwag kang mag-aalala. Itatakas kita rito," sabi ni Lorde Ornelius kaya hinigpitan ko ang pagyakap sa kaniya. "Maraming salamat sa pagtitiwala...aking ama," wika ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD