"Heneral Annaysa, nakahingi po ng tulong ang mga tumakas na Magium sa Quert. Umatras na po kami dahil hindi namin kakayanin ang puwersa nila," ulat ng revro.
Napakuyom ng mga kamay si Asyanna dahil sa masamang balita. Kung sumama sana siya sa paghabol dito baka nabihag nila ang mga Puerre at mga Magium. Lumapit si Asyanna sa bintana at tinanaw ang mga revro na abala sa pagliligpit ng mga labi. Karamihan sa mga nakabulagta ay mga Magium.
"Ipagbigay-alam sa Rebellion na kapag lumitaw ang dalawang buwan ngayong ika-pito ng Deca, lulusubin natin ang Quert," seryosong sabi ni Asyanna.
"Masusunod heneral," tugon ng revro at umalis.
"Tiyak kong pinaghahandaan na rin ng Quert ang pagsalakay namin. Kaya uunahan na namin sila," sabi ng isip niya.
Lumayo siya sa bintana at nilapitan ang mesa. Umupo siya sa upuan nito at sinuri ang kabuuan ng silid. Nasa silid siya ng Lorde ng Gránn. Matapos niya kasing ibalita sa lahat na bumagsak na ang Gránn ay agad niyang binalikan ang naghihingalong Magium Lorde. Pero, hindi niya na ito naabutan pa. Tanging dugo lamang nito na nagkalat sa sahig ang nakita niya. Batid ni Asyanna na buhay pa ito dahil nagawa nitong makaalis ng Gránn.
"Hindi ako makapapayag na iiwasan lang nila kami at tatakasan," saad ng isip niya.
Kailangan nang may matalo sa digmaan at iyon ang mga namumuno sa Azthamen. Iyan ang nais ng Rebellion. Ang patalsikin ang mga Lorde at Ladynne.
"Masyado yatang malalim ang iniisip mo heneral," puna ni Jamir na kararating lang.
Tumingin sa kaniya ang Magium young Ladynne at napakunot noo. Natawa si Jamir sa naging reaksyon nito. Kaya, napailing na lang si Asyanna. Inisip niya na lang na may sira ang utak ng revro.
"Anong ginagawa mo rito?" usisa ni Asyanna habang nakatingin sa mga mata nito.
"Sasamahan ka heneral. Baka kasi nalulungkot ka at gusto mo ng makakasama o makakausap," sagot ng revro at lumapit sa kaniya.
"Bakit naman ako malulungkot?" nagtatakang tanong ni Asyanna.
"Dahil muntikan mo nang mapaslang ang iyong ama," sagot ni Jamir kaya tinaasan siya ng kilay ng heneral.
Huli nang mapagtanto ni Jamir ang sinabi niya. Hindi na niya ito maaari pang bawiin. Pagka't narinig na ito ng Magium young Ladynne.
"Jamir, maging ikaw naniniwala sa sinasabi nila? Ilang ulit ko bang sasabihin na hindi ko siya ama na hindi ko sila kadugo. Lalong hindi Asyanna ang pangalan ko," giit ni Asyanna kaya alanganing ngumiti ang revro.
"Paumanhin heneral," sabi nito.
Napabuntong hininga na lang si Asyanna. Nagtataka talaga siya kung bakit nila pinagpipilitan na siya si Asyanna, na siya ay isang Puerre. Wala naman siyang matandaan na nakasama niya ang mga ito nang mahabang panahon.
"Ano bang ginagawa ko? Hindi dapat ako humingi ng paumanhin sa kaniya dahil totoo naman ang sinabi ko. Muntikan na niyang mapaslang si Lorde Ornelius. Kailangan na niya talagang bumalik sa dati dahil kung hindi baka mapaslang niya na rin ang totoo niyang ama," alalang sabi ng isip ni Jamir.
"Anong iniisip mo Jamir?" kyuryos na tanong ni Asyanna.
Tiningnan siya ni Jamir sa mga mata at ngumiti. Nagtaka naman ang heneral sa ikinilos nito.
"Heneral, paano kung totoo pala ang sinasabi nila sa iyo? Paano—"
Hindi na natapos pa ni Jamir ang sinasabi niya niyang putulin ito ni Asyanna.
"Jamir, ano bang nais mo iparating? Bakit—"
Pinutol naman ni Jamir ang sinasabi niya.
"Heneral Annaysa..." ani Jamir at saglit na tumigil.
Tumingin-tingin siya sa paligid na parang may hinahanap. Napangiti rin siya nang makita ang hinahanap. Pinuntahan niya ang kinaroroonan nito at kinuha ito. Bumalik din kaagad siya sa tapat ni Asyanna at inilahad ang bagay na iyon.
"Ano iyan?" kyuryos na tanong ni Asyanna.
Tumingin si Jamir sa hawak niya at nagsalita, "Ito ang revotta. Kadalasan ay mukha ng mga nilalang ang nakaukit dito," sagot ni Jamir kaya napailing ang heneral.
"Hindi iyan ang ibig kong sabihin, Jamir. Alam ko ang tungkol sa revotta. Ang tinatanong ko ay ang mga nakaukit diyan," ani Asyanna.
"Titigan mo nang mabuti ang mga wangis nila para makilala mo kung sino-sino sila," sabi ni Jamir at mas inilapit ang hawak na revotta.
Tinitigan ni Asyanna nang mabuti ang mga nakaukit sa revotta.
"Nakikilala mo ba silang lahat?" tanong ni Jamir.
"Sila ang mga Puerre," sagot ni Asyanna pero napako ang mga mata niya sa isang wangis.
Hinawakan niya ang nakaukit ito at pinikit ang mga mata. Palihim na ngumiti ang revro dahil tila inaalala ni Asyanna ang wangis na iyon.
"Bakit kamukha ko ang wangis na ito, Jamir?" nagtatakang tanong ni Asyanna at iminulat ang mga mata.
Napangiti si Jamir sa tanong ng heneral. Unti-unti nang kinakain si Asyanna ng kaniyang kuryusidad.
"Dahil siya ay ikaw. Heneral Annaysa ikaw si young Ladynne Asyanna Puerre ng Gránn. Ang alam ng lahat na isa kang bastarda. Pero, natuklasan mong hindi mo pala tunay na ama ang Lorde ng Gránn. Heneral Annaysa, ikaw ang pinalaking Magium ni Lorde Ornelius," sagot ni Jamir kaya hindi nakapagsalita ang heneral.
Iniisip niya kung totoo ang mga tinuran ng revro. Ayaw niyang maniwala pero ang revotta na mismo ang patunay na siya ay si Asyanna.
"Anong nangyari sa akin Jamir? Bakit wala akong maalala? Bakit hindi ko sila maalala?" usisa ni Asyanna.
Pilit niyang inalala ang mga pinagsamahan nila ng mga Puerre pero sumasakit lang ang ulo niya.
"Nabihag ka ng Rebellion. Pagkatapos ay binago ka ni Necós," sagot ni Jamir.
"Pero, bakit sinabi ni Necós na napaslang ako at muli niyang binuhay?" ani Asyanna na nagtataka.
"Para mapaniwala ka na kakampi mo ang Rebellion. Para magkaroon ka ng utang na loob sa kaniya. At, para gamitin ka laban sa mga namumuno sa Azthamen, sa walong kaharian," sagot ni Jamir.
Napakuyom ng mga kamay ang Magium young Ladynne. Hindi niya inakalang ginagamit lang pala siya ng panginoon ng Rebellion.
"Jamir, nais kong maalala ang lahat. Matutulungan mo ba ako?" ani Asyanna kaya napangiti nang malawak ang revro.
Sa wakas ay nakumbinsi niya rin ito.
"Buong puso kitang tutulungan young Ladynne," tuwang sabi ni Jamir.
Ngumiti rin si Asyanna. Pero, napawi rin iyon nang maalala ang ginawa niya sa kinilala niyang ama. Kaya, nag-alala ang revro sa biglang pagbago ng ekspresyon niya.
"Bakit Asyanna? May problema ba?" alalang tanong ni Jamir.
"Si ama. Nasaktan ko si ama," ani Asyanna at dumaloy ang luha niya sa pisngi.
"Asyanna, hindi mo sinasadya—"
Humagulhol ng iyak si Asyanna dahil kahit na hindi niya sinasadya nasaktan niya pa rin ang ama niya. Ang nilalang na nagpalaki sa kaniya at tinuring siyang parang tunay na anak.
"Tahan na young Ladynne," ani Jamir at niyakap siya.
Nakita iyon ni Sanara na kanina pa pala nakasilip sa pintuan. Nagsalubong ang mga kilay niya dahil ang lalaking iniibig niya ay may kayakap na ibang babae. Inis siyang umalis at nagtungo ng kuwarto. Doon niya nilabas ang galit, inggit at selos na nararamdaman niya.
"Nakakainis ka Asyanna! Argh!" gigil niyang sigaw at tinapon ang mga bagay na malapit sa kaniya.
Ginulo niya rin ang higaan. Nagseselos siya sa pagiging malapit ng heneral at ng lalaking gusto niya.
"Hindi ako makakapayag na maagaw mo siya! Akin lang siya! Akin lang si Jamir!" nanggagalaiting sigaw ni Sanara.
Sa Quert...
"Bakit malungkot ang young Ladynne ng Quert, hmm?" tanong ni Briar sa anak niya na malayo ang tingin sa labas ng kastilyo.
Napabuntong hininga na lang si Sheena. Kapuna-puna nga ang ekspresyon ng mukha niya. Para siyang binagsakan ng langit. Matamlay din ang mga mata niya.
"Ama, inaalala ko po si Asyanna," matamlay na sabi ng Terra Runner young Ladynne.
Inakbayan ni Briar ang anak niya at tumingin din sa labas.
"Sheena, huwag mong alalahanin ang kaligtasan ni Asyanna. Tiyak kong hindi nila sasaktan ang young Ladynne. Lalo pa't siya na lang ang pag-asa ng Rebellion," sabi ni Briar.
"Pero, kahit na ama. Tiyak kong ang Quert ang susunod na sasalakayin nila at ayokong makalaban siya. Ayokong saktan siya ama," alalang sabi ni Sheena.
Ito ang dahilan kung bakit siya malungkot. Natatakot siya na makaharap ang matalik na kaibigan. Natatakot siya na masaktan ito.
"Sheena, kung ayaw mong masaktan ang kaibigan mo. Maaari mo naman siyang iwasan o tumakas ka na lang at magtungo ng Karr," ani Briar kaya humarap sa kaniya ang anak niya.
"Ama, batid ninyong hindi ko iyan maaaring gawin. Isa akong Terra Runner tungkulin ko ay protektahan ang Quert, hindi ang iwan ito para lang makaligtas," tugon ni Sheena.
Hinawakan siya ni Briar sa balikat at mapait na ngumiti. Naaawa siya sa anak niya. Dahil nahihirapan ito sa nangyayari.
"Kung ganoon, wala ka nang mapapamilian pa kun'di ang kalabanin siya kapag nagharap na kayong dalawa," ani Briar kaya lalong nalungkot ang mukha ng Terra Runner young Ladynne.
Hindi niya alam kung kakayanin ba niya na harapin ito. Dahil natatakot siya sa kaya nitong gawin. Pero, mas natatakot siya na masaktan ito dahil wala ito sa sarili.
Sa Gránn...
"Ito na marahil ang silid mo Asyanna," pagtitiyak ni Jamir.
Nilapitan ni Asyanna ang pintuan at hinawakan ang busol. Pero nagdadalawang-isip siya kung papasukin ba ito o hindi.
"Young Ladynne, ano pang hinihintay mo? Baka dumating na rito si Necós mamaya. Hindi mo na magagawa iyan," paalala ni Jamir kaya pinasok na niya ang silid niya.
Nagpaiwan si Jamir sa labas para magbantay. Samantala sa loob ng silid, tiningnan lang ni Asyanna ang lahat na naroon. Nagdadalawang-isip siya kung hahawakan ang mga ito o huwag na lang. Pero, sa huli hinawakan niya rin ang mga ito. Pilit inalala ni Asyanna lahat pero bigo siyang magawa iyon. Wala ni isang alala ang pumasok sa isip niya. Kaya, agad din niyang nilisan ang silid. Nagtaka si Jamir kung bakit mabilis itong lumabas ng silid niya. Pero, hindi na niya kinuwestiyon pa ang Magium young Ladynne tungkol dito. Bagkus ay tinanong niya na lang kung ayos lang ito.
"Young Ladynne, ayos ka lang?" tanong ni Jamir.
Tumango naman si Asyanna bilang tugon. Kaya nabahala ang revro.
"May problema ba siya?" alalang tanong ng isip ni Jamir.
"Ayos lang ako Jamir," sabi ni Asyanna at ngumiti.
Pero, hindi umabot sa mga mata niya ang ngiting iyon.