Chapter 33

1865 Words
"Asyanna...Asyanna...mahal ko. Gumising ka mahal ko...Asyanna," tawag ng isang tinig. Nagising si Asyanna sa isang panaginip. Nakita niya sa kaniyang panaginip ang isang babae. Tinatawag nito ang nagngangalang Asyanna. Pero, hindi niya mamukhaan ang tumatawag dito. "Simula nang marinig ko ang pangalang Asyanna hindi na ito nawala sa isip ko," sabi ni Asyanna sa isip niya. Napahilamos siya sa kaniyang mukha. Litong-lito na talaga siya sa nangyayari. Una, wala siyang maalala. Pangalawa, bumabagabag sa isipan niya si Asyanna. Pangatlo, sasalakayin nila ang walong kaharian. "Nabuhay ba talaga ako para sa tatlong suliranin na ito?" tanong muli ng isip niya. Maya-maya, may kumatok sa pintuan kasabay ng pagtawag sa kaniya. "Asyanna?" tawag nito. Agad siyang tumayo at pinagbuksan ito. "Jamir? Anong ginagawa mo rito?" nagtatakang tanong ni Asyanna. "Pinasusundo ka ni Necós, As... Annaysa," sagot ng revro. "Ah, ganoon ba? Halika na," ani Asyanna at naunang maglakad. "Tuluyan na ngang nabura ang mga alaala mo, Asyanna. Gusto kitang tulungan. Pero, papaano?" sabi ng isip ng binata. Lingid sa kaalaman ni Jamir may nagmamasid pala sa kaniya, ang galit na si Sanara. Sa Punong Bulwagan... "Mabuti at narito ka na Annaysa," masiglang sabi ni Necós. "Ipinatawag mo raw ako?" tanong ni Asyanna. "Siyang tunay Annaysa. Dahil may mahalaga kang gagawin ngayon," sagot ng panginoon ng Rebellion. Napatango na lang ang Magium young Ladynne na tila naintindihan ang nais iparating ng kausap. "Mga minamahal kong revro ngayon na ang araw na pinakahihintay natin! Ang araw na kukunin natin ang para sa atin. Ang araw na babagsak ang mga kalaban natin!" sigaw ni Necós kaya umingay ang paligid. Napangiti naman si Asyanna dahil nakikita niya ang pagkakaisa ng Rebellion. Pero, sa pinakadulo naroon ang binatang revro at malungkot na nakatingin sa direksyon niya. Hindi nito gusto ang pagbabagong nangyayari sa Magium young Ladynne. Tila wala na itong pakialam. Basta sumusunod na lang ito sa utos ng panginoon nila. "Kailan ka babalik sa dati, Asyanna? O, babalik ka pa nga ba?" tanong ng isip ni Jamir. "Annaysa, itatalaga kita bilang heneral ng Rebellion para mas magabayan ang lahat ng revro!" sabi ni Necós. Tumango lang si Asyanna at ngumiti. Hindi ito tumutol bagkus ay buong pusong tinanggap ang binigay na posisyon sa kaniya. "Mga alagad ko sabay-sabay nating pabagsakin ang walong kaharian! Sabay-sabay nating angkinin ang Azthamen!" sigaw muli ni Necós. "Rebellion! Pabagsakin ang mga namumuno sa Azthamen!" sigaw rin ni Asyanna kaya lalong nadagdagan ang ingay ng Rebellion. Tumingin si Asyanna kay Necós. Malawak naman siyang ngumiti dahil natitiyak niyang babagsak na ang walong kaharian sa muli nilang pagsalakay at mapapasakaniya na ang buong Azthamen. "Annaysa, inumin mo ito," sabi ni Necós at inabot kay Asyanna ang isang maliit na bote. Nagtaka naman ang Magium young Ladynne sa binigay nito. "Ano iyan?" usisa ni Asyanna. "Pampalakas ng loob," sagot ni Necós. "Pero, hindi ko na ito kailangan. Hindi naman ako pinanghihinaan ng loob, Necós," sagot ni Asyanna. "Panginoon, Lorde," paglilinaw ni Necós. Kaya inulit ni Asyanna ang sinabi niya. "Hindi naman ako pinanghihinaan ng loob, panginoon," ani Asyanna pero ngumiti lang ang panginoon ng Rebellion. "Kakailanganin mo iyan, Annaysa," sabi ni Necós kaya binuksan ni Asyanna ang bote. Iinumin na niya sana ito nang makarinig siya ng tinig. Parehong tinig sa panaginip niya. "Asya! Huwag mong iinumin iyan!" kaya napakunot noo siya. "Bakit Annaysa may problema ba?" nagtatakang tanong ni Necós. Umiling lang siya at tuluyan nang nilagok ang laman ng bote. Hindi na niya pinakinggan pa ang pagsusumamo ng tinig sa kaniya. Pagkatapos niya itong lagukin nakaramdam siya ng kakaiba sa lalamunan niya. Naninikip ito at parang pinapaso. "Anong nangyayari?" tarantang sabi ni Asyanna habang hawak ang lalamunan niya. "Huwag kang mag-aalala. Panandalian lamang iyan," pagtitiyak ni Necós. Maya-maya ay nawala nga ang kakaibang nararamdaman ni Asyanna sa lalamunan niya. Pero, may nagbago sa kaniya. "Tayo na sa Gránn at paslangin silang lahat!" sabi ni Asyanna. Nagulat si Jamir sa biglang pagbabago ng ugali nito. Parang naging rebelde na rin ito. "Asyanna, hindi ikaw iyan. Bumalik ka na," pagsusumamo ng isip niya. Sa Viaple Castle... Nagmamadaling pinuntahan ni Onaeus ang kaniyang ama dahil sa nabalitaan niya. Hindi siya makapaniwalang pinaghahanap ng ama nila ang bastarda at kriminal niyang kapatid. Lalong nadagdagan ang inggit at galit niya sa Magium young Ladynne. Nang marating ang silid ng ama kumatok siya muna bago pumasok. Naabutan niya sa loob si Illyós na ngayon niya lang nakita. "Lorde Onaeus," ani Illyós at yumuko sa kaniya. Hindi niya ito pinansin at hinarap ang ama. "Ama, ano itong nabalitaan kong pinapahanap ninyo si Yanna?" diretsahang tanong ni Onaeus. "Nawawala pa rin siya, Onaeus," sagot ni Ornelius. "Pakialam ko kung nawawala pa rin siya. Tiyak kong pinaslang na siya ng mga rebelde," sabi niya. "Onaeus, kadugo mo pa rin siya," saad ni Ornelius. "Na kinasusuklaman ko. Hindi ako makapaniwalang ginagawa niyo ito ama. Kriminal si Yanna. Hindi ka ba natatakot na baka mapahamak ka dahil sa paghahanap sa kaniya? Hindi ka ba nababahala na baka pagdudahan ka ng konseho? Ama?" giit ni Onaeus. "Wala akong pakialam kung mapahamak man ako. Wala akong pakialam kung pagdudahan nila ako. Mas mahalaga sa akin ngayon si Asyanna," ani Ornelius. Napakuyom ng kamay ang panganay na anak ni Ornelius. Hindi siya makapaniwala na mas pipiliin ng ama niya ang bastarda kaysa sa kaligtasan nito at posisyon sa konseho. Galit na umalis si Onaeus sa silid ng kaniyang ama at tinungo ang silid ni Asyanna. Ginulo niya ang mga ito at sinira ang mga gamit. "Asyanna! Kahit na wala ka na rito hindi ka pa rin niya kinakalimutan!" gigil niyang sabi at ilang ulit na sinuntok ang higaan. Saka lang siya napatigil nang makarinig ng pagsabog mula sa labas. Nagsigawan ang mga Magium. Kaya dali-dali niya inayos ang sarili at kumaripas ng takbo. "Sinasalakay tayo! Sinasalakay tayo ng mga rebelde!" tarantang sigaw ng Magium. Napakuyom siya ng kamay sa narinig. "Nagsisimula na naman sila," sabi ng isip niya. Dumiretso kaagad si Onaeus sa tarangkahan para abangan ang mga rebelde. Nagulat si Onaeus sa dami nito. Hindi niya inakalang ganoon karami ang bumubuo sa Rebellion. "Anong kailangan ninyo mga rebelde!?" pasigaw na tanong ni Onaeus. "Ang Gránn!" sagot ng rebelde kaya napahawak nang mahigpit ang binata sa espada niya. Nakatitiyak siyang magiging madugo ang labanan. "Lorde Onaeus pinababalik ka ni Lorde Ornelius sa loob," sabi ng Magium Crafter. Nilingon ito ni Onaeus at binigyan ng matalim na tingin. "Hindi. Ako ang mangunguna sa mga Magium," giit ni Onaeus. Walang nagawa ang Magium Crafter dahil matigas ang ulo nito. Maya-maya may umabante sa batalyon ng mga rebelde. Base sa tindig nito isa itong babae. Naisip kaagad ni Onaeus na ito ang heneral ng Rebellion. Pamilyar ito sa kaniya lalo na sa tindig nito. "Lorde Onaeus, hindi po ba iyon si young Ladynne Asyanna?" tanong ng Magium Crafter. Pinagmasdan ni Onaeus ang galaw nito. Parehong-pareho sa galaw ng bastarda niyang kapatid. "Hindi iyan ang bastarda. Batid natin na hindi siya aanib sa Rebellion," giit ni Onaeus habang pilit kinukumbinsi ang sarili na huwag maniwala sa sinabi nito. "Avante!" sigaw ni Asyanna kaya nagsimulang sumalakay ang mga rebelde. "Ipagtanggol ang Gránn!" sigaw ni Onaeus. Huminga siya nang malalim at nagbigay ng hudyat. "Avante!" malakas na sigaw ni Onaeus. Sa mga sandaling iyon naganap na nga ang kinakabahala ng Gránn, ang biglang pag-atake ng mga rebelde. "Magium Crafter! Magium Seccu! Huwag hayaang makalapit ang mga rebelde!" sigaw ni Onaeus. Sa kabilang banda, nagpupumilit naman na makalapit ang mga rebelde. "Revro! Kailangan makalapit tayo sa kastilyo para makuha natin ang Gránn!" sigaw naman ni Asyanna. "Heneral, hindi po kami makalapit hinaharangan po kami ni Onaeus," ulat ng sugatang rebelde. Nainis si Asyanna kaya tumakbo siya papunta sa direksyon ni Onaeus. Abala ang Lorde sa pakikipaglaban kaya hindi niya napansin ang paglapit ng Magium young Ladynne. Dahil sa kagustuhan ni Asyanna na makalapit na sa kastilyo sinugatan niya ang braso ni Onaeus. Bumagsak si Onaeus at gulat na gulat sa nangyari. Hinawakan niya ang braso niyang duguan at tiningnan ang may gawa niyon sa kaniya. Nanlaki ang mga mata niya nang makilala kung sino ito. Halos hindi siya makapaniwala na nasa harapa niya ito. "Yanna," sambit niya. "Hindi Yanna ang pangalan ko," sagot naman ni Asyanna. "Nagpapatawa ka ba? Ikaw si Yanna. Asyanna Puerre ang pangalan mo. Isa kang bastarda," sabi ni Onaeus pero seryoso lang ang mukha ni Asyanna. "Hindi ako si Yanna. Ako si Annaysa," ani Asyanna at tinapat sa kaniya ang talim ng espada. Hindi nakagalaw si Onaeus sa puwesto niya. Hindi siya makapaniwalang nasa harapan niya ang bastarda at pinagtatangkaan nito ngayon ang buhay niya. "Tama nga si Lorde Ignacio. Isa kang rebelde. Napaslang mo ang Magium Crafter sa Azthia Tournament. Kaya, hindi na ako magtataka kung isang araw umanib ka sa kanila. At, nangyari na nga, isa ka nang salot sa Azthamen," sabi ni Onaeus pero nagtataka lang na nakatingin sa kaniya ang Magium young Ladynne. Hindi niya kasi maintindihan ang sinasabi nito. "Hindi ka makapagsalita kasi natamaan ka, 'di ba?" dagdag pa ni Onaeus. "Hindi ko maintindihan ang pinagsasabi mo Magium," inis na sabi ni Asyanna dahil pinagpipilitan nito na Asyanna ang pangalan niya. "Anong nangyari sa iyo, Yanna? Bakit bigla na lang na itinatanggi mo na ikaw si Asyanna? At, bakit mo pinagpipilitan na Annaysa ang pangalan mo?" nagtatakang tanong ni Onaeus. "Ikaw ang hindi ko maintindihan Magium," sagot naman ni Asyanna at tinaas ang espada. Nanlaki muli ang mga mata ni Onaeus. "Papaslangin niya talaga ako!" 'di makapaniwalang sabi ng isip ni Onaeus. "Paalam, Magium," ngising sabi ni Asyanna at tutuluyan na sana ang Lorde nang may humarang na salapang sa espada niya. Inis niyang tiningnan ang may gawa nito. Nagulat si Onessa sa nakita. Hindi siya makapaniwalang nasa harapan niya ngayon ang nawawala nilang kapatid. "Yanna?" sambit nito at halos maluha-luha na. Kumunot ang noo ni Asyanna dahil sa pangalawang pagkakataon tinawag siyang Yanna ng mga kalaban niya. "Annaysa ang pangalan ko," paglilinaw ni Asyanna. Si Onessa naman ang napakunot ng noo. Nagtataka siya't sinabi iyon ng kapatid niya. "Yanna, hindi Annaysa ang pangalan mo. Ikaw si Asyanna," paglilinaw ni Onessa. "Huwag mong nilalason ang isipan ko Magium," galit na sabi ni Asyanna at inatake ang Magium Ladynne. Agad namang sinalag ni Onessa ang espada niya. "Yanna, ano ba! Bakit mo kami kinakalaban?! Gumising ka nga!" inis na sabi ni Onessa. "Sinabi nang hindi Yanna ang pangalan ko!" bulyaw ni Asyanna at inatake muli si Onessa. Sunod-sunod ang ginawa niyang pag-atake rito. Kaya nahihirapan ang Magium Ladynne. "Mag-iingat ka Onessa!" alalang sabi ni Onaeus. "Umalis ka na Onaeus! Hindi mo na kayang makipaglaban pa. Papuntahin mo rito sina Dhavene at Daneve," utos ni Onessa. Agad namang umalis ang sugatan na Magium Lorde. "Nagpaiwan ka talaga rito Magium. Handa ka na bang harapin ang kamatayan mo?" ani Asyanna at ngumisi. Kinilabutan si Onessa sa sinabi nito. Parang biglang natuyo ang lalamunan niya. "Yanna, gumising ka. Hindi ikaw 'yan! Pakiusap bumalik ka na sa amin. Gumagawa naman si ama ng paraan para malinis ang pangalan mo sa Azthamen," pagsusumamo ni Onessa. Napatawa si Asyanna sinabi nito. "Nasisiraan ka na yata ng bait, Magium," ani Asyanna. "Pakiusap Yanna, bumalik ka na sa dati!" sigaw ng isip ni Onessa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD