SILAKBO

1611 Words
CHAPTER 3 "May kinalaman ba ito sa pagsasabi sa'yo ng buong katotohana kahit sa murang edad mo pa lamang? Anak, nagtanong ka e, kaya sinabi namin ang totoo sa'yo. Ayaw naming lumaki ka't mapaniwala sa mga kuwentong hindi totoo pagkatapos kapag nagkaedad ka saka mo kami sisisihin. Wala sa amin ng Mommy Shantel mo ang tunay mong magulang ngunit may pagkukulang ba kami para maging ganyan ka?" tanong ni Daddy Bradley. "Sumagot ka!" singhal ni Mommy. Noon ko lang siya nakitang galit. Noon lang ako pinagtaasan ng boses. Nanatiling tikom ang aking labi. Huminga si Mama ng malalim. Alam kong sa paraang iyon lang niya mailalabas ang pinipigilan niyang matinding galit sa akit. "Maaring may mali at hindi normal ang pamilya natin dahil nga hindi ka talaga galing sa amin. May mga nagawa kami ng Mommy mo in the past na hindi mo gusto pero anak, nakaraan na iyon. Wala na kaming pwede pang gawin pa doon,” maalumanay na wika ni Daddy. “Buti alam ninyo? Di ba? Wala nga kayong magagawa? Ano pang pag-uusapan?” sa loob loob ko lang uli iyon. “Sabihin mo kung anong kulang, ipamukha mo sa amin kung anong sobra nang hindi kami ganito ng Daddy mo. Anak, sinisikap naming mapunan ang lahat sa abot ng aming makakaya. Nangyari na ang nangyari e, nasasaktan man kaming hindi maibigay ang gusto mong normal na pamilya ngunit sinisikap naman naming mapunan ang kakulangang iyon. Mahirap bang intindihin iyon, ha?" puno ng luha ang mga mata ni Mommy Shantel. "Anak, sobrang mahal ka namin kaya kami nasasaktan at nahihirapan sa tuwing napapaaway ka, sa tuwing hindi ka nakikinig sa mga payo namin. Ano bang problema mo at nagkakaganyan ka sa amin?" "Wala!" maikling sagot ko. Iyon ang pinakamadaling sagot. Ayaw kong magpaliwanag kasi alam naman nila ang mali. Napakalaki ng problema ko sa kanila. Nahihiya ako sa mga kababata ko dahil sa mga scandal pa rin nila. Pinag-uusapan na iyon at ikinakahiya ko sa tuwing sumasagi sa usapan. Iyon ang problema. Problemang hindi ko maipamukha sa kanila. Katotohanang alam kong hindi ko na mababago pa. "Wala pala e, so anong pinagkakaganyan mo?” Kinagat ko ang labi ko saka ako yumuko. Ayaw kong magsalita. “Alam mo bang hindi ka na na tatanggapin sa school ninyo ngayong Grade 6 ka dahil sa dami ng away na kinasangkutan mo? Isang taon na lang matatapos ka na dapat ng elementarya ah, hindi ka pa nagtino. Ililipat ka na naman namin ng school tapos sabihin mo sa amin na wala kang problema. Kung wala kang problema anak, kami sa'yo, meron. Pinoproblema ka namin. Iniisip namin kung anong nangyari sa'yo. Ipinagdadasal namin na sana magiging mabuting bata ka, mabuting anak sa amin. Kasi, anak, ikaw na lang ang naiiwang alaala sa amin ng Daddy mo. Umaasa siyang mapapabuti ka sa pangangalaga namin. Gusto sana naming lahat na lumaki kang mabuting tao. Ayaw kong mabigo ang Daddy Matt mo anak. Kasi sa tuwing nagkakaganyan ka sa amin, ako yung nasasaktan para sa kaniya. Hindi ko alam kung paano mo maiintindihan yung sakit na nararamdaman ko pero, anak, mahal ka namin, sobrang mahal pero hindi ko alam kung naa-apreciate mo iyon kasi... kasi.." humihikbi na si Mommy Shantel. Halos hindi na siya makapagsalita.  Lumapit si Daddy Bradley sa kaniya. Inakbayan niya ito hanggang sa hinahaplos niya ang kaniyang likod. Hinalikan niya sa ulo habang umiiyak si Mommy Shantel. May nasaging awa sa damdamin ko. Tumalikod ako. Humakbang para lumayo sa kanila ngunit maagap si Mommy Shantel. Hinawakan niya ang braso ko. "Tatalikuran mo kami? Nag-uusap pa lang tayo ta's tatalikod kang parang wala lang?" "Mom, ano ba kasi ang sasabihin ninyo? Oo, nakipagsuntukan po ako, pero tinamaan ako ng bola Mom, sa tingin ninyo ganun na lang 'yun? Bakit kailangang maungkat pa kasi lahat." "Anak, nagsorry na yung nakatama sa'yo. Aksidenteng tinamaan ka ng bola at humingi siya ng tawad. Ang mabuting bata, marunong tumanggap ng paumanhin hindi katulad ng ginawa mong manakit at hahamon ng away. Oh, tignan mo kung anong nangyari, ikaw pa 'tong pumutok ang labi." "Nakauna lang 'yun. Hindi pa kami tapos!" sagot ko. Isinuntok ko ang kanang kamao ko sa aking kaliwang palad. Nagngingitngit pa din ako. Di ko buong tanggap ang pagkatalo. Gusto kong tapusin ang laban. Gusto kong gawin ang mga ginawa niya sa akin. "Ahh ganun. Hindi ka pa pala tapos. Ganyan ka na ba talaga sumagot sa akin ha? 'Yan ba ang tinuturo namin sa'yo? Hindi ka na nahiya kahit man lang sana sina Papa Zayn at Mama Sheine mo ikaw nahiya o kahit sa ibang tao na lang na nakakita sa maling inaasal mo kanina. Di mo na kami binibigyan ng kahihiyan!" "Bakit Dad? Meron ba kayo no'n? Kayo ba nagkaroon ng hiya sa..." "Anong sinabi mo, ha!” “Wala.” “Ano? Bakit hindi mo maituloy! Sabihin mo, total matapang ka naman e!" Naramdaman ko ang paghila ni Mommy Shantel sa balikat ko. Kitang-kita ko ang pagpupuyos niya. Itinaas niya ang kaniyang kamay para saktan ako ngunit maagap si Daddy Bradley. Inilayo niya ang galit na galit na si Mommy Shantel sa akin. Umiiling-iling pa itong nakatingin sa akin. Kunot ang noo. "Ang bata-bata mo pa pero kapag makapagsalita ka sa amin para na kaming walang kuwenta sa'yo. Ni hindi mo pa nga kayang buhayin ang sarili mo pero kapag sumagot ka parang kaya mo nang tumayo sa sarili mong paa!" lumuluha si Mommy Shantel habang sinasabi niya iyon. Nanginginig ang kaniyang kamay na itinuro ako. Hinila siya ni Daddy Bradley palayo sa akin. Walang lingon silang naglakad palayo sa akin. Pumulot ako ng bato. Ipinukol ko iyon sa malayo. Doon ko ibinuhos ang sama ng loob ko. Nilingon ko sina Daddy at Mommy. Nakaramdam ako ng pagsisisi sa nasabi ko ngunit sana malaman nilang nagkakaganito ako dahil hindi ko din naman lubos na naiintindihan ang lahat. Naguguluhan ako sa kung anong klaseng buhay meron ako. Naglakad ako palayo. Bigla na lang akong naluha. Ayaw kong umiyak e. Pinunasan ko iyon. Nakakaramdam naman ako. May damdamin din naman ako. Hindi ako masamang bata katulad ng iniisip nila. Ito lang ang tanging paraan ko para maitago ko yung pagkalito at lungkot na hindi ako galing sa mga tumatayong mga magulang ko. Walang masabing ina. Ipinamigay ng amang nang namatay ay naisip akong ipanregalo sa mga iiwan niyang kinakasama. Iyon ang lumalabas na nangyayari sa buhay ko. Alam kong mali ang ginawa kong pagsagot-sagot pero pagod na akong makinig lang at tumatahimik. Ginawa ko na iyon noon. Sa tuwing binibiro ako ng mga kaklase ko na may scandal sina Mommy at Daddy sa internet, tumatahimik ako. Umiiwas. Lumalayo. Sinasarili lang ang sakit sa loob ko at pag-iyak. Nang hindi ako lumaban, tinigilan ba ako? Noong sinubukan kong umiiwas sa gulo, tinatanan ba ako? Sa tuwing lumalayo ako sa mga nagsasabi ng hindi maganda sa pamilya ko at sa pagkatao ko at piniling huwag lumaban, nakakatuwa bang marinig ng paulit-ulit na ampon lang ako? Mula nang nag-kinder ako, lagi ko na iyon naririnig sa mga kuya at ate ng mga kalaro ko na in vitro baby lang daw ako. Salitang hindi ko naman lubos maintindihan noon ngunit tumatak sa aking isipan hanggang sa noong walong taong gulang na ako ay ramdam ko na yung sakit ng sinasabi sa akin. In vitro baby na pinaampon din sa mga magulang na dating sikat na artistang may mga scandal pa rin sa interbet. Ganoon kagulo ang pinagmulan ko, ang pamilya ko. May naitulong ba ang pag-iwas ko para tigilan ako? Hindi ba't lalo lang lumala dahil ang ibig sabihin ng pag-iwas ko ay isang kaduwagan. Paano ipagtatanggol ng isang batang kagaya ko ang mga ganoong hindi matarok ng isipan kong pangyayari. Lagi ko na lang bang iiyak ang lahat? Sa mga panahong tinutukso ako, itinutulak dahil sa kaibahan ng pagkapanganak ko, nandoon ba sina Daddy at Mommy para saklolohan ako? Naroon ba sila para ipaliwanag sa mga nanlilibak sa akin ang kaibahan ko sa mga kababata ko? Hanggang na natuto akong lumaban. Suntukan lang ang tanging kaya kong gawin para ipaglaban ang sarili ko. Sinabi ko na noon ang dahiln. Minsan lang. Ngunit alam ko namang wala silang magagawa e. Hindi sa lahat ng panahon kaya nila akong bantayan at ipaglaban. Ako ang gagawa no’n sa sarili ko. Ako ang dapat lumaban. Hindi ko na tuloy mapigilang mapaluha. Oo, Mommy at Daddy, lihim din akong umiiyak. Hindi ninyo alam pero nasasaktan din akong nakikita kayong sumusuko sa katigasan ng ulo ko. Lumingon ako sa pinanggalingan ko. Wala ni sinuman sa kanilang sumunod sa akin. Iyon ang lalong nagpahagulgol sa akin. Pakiramdam ko nagkampi-kampihan sila. Gusto kong may mapagsabihan sa mga nangyayari sa akin sa school ngunit ang iniisip kasi lagi nila, basagulero lang ako. Matigas lang talaga ang ulo ko. Kung alam lang nila na hindi ako yung tipong nagpapa-api. Tama na yung panahong pinagtatawanan lang ako. Itinutulak. Sinisigawang in vitro! Ampon! Anak ng mga malalaswa! Hindi nila alam kung bakit ako patuloy na napapasubo sa gulo. Hindi kasi nila alam na may kailangan din akong patunayan. Wala silang kamalay-malay na nasasaktan ako kapag may naririnig akong hindi maganda laban sa akin at laban sa pamilya ko. Lumapit ako sa tubig. Tinanggal ko ang tsinelas ko at lumusong. Napako ang tingin ko sa batang babae na noon ay nagpapatianod sa alon. Kanina nang humahagulgol ako ay napansin ko na siyang nasa gilid lang din at nagtatampisaw sa mababaw na bahagi. Yumuko ako. isinalok ko ng tubig ang kamay ko at binasa ko ang mukha at braso ko. "Ang bata, tulungan ninyo! Nalulunod ang bata!" malakas na tili iyon ng isang babae hindi kalayuan sa akin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD