KATAPAT

3030 Words
THE DAWN OF LOVE  (THE LADY SOLDIER & THE UNBEATBLE SUPERSTAR BOOK 3)  By: Joemar Ancheta  Teen Bromance Novel By: Joemar Ancheta  Prologue   Kumusta mga tol? Sa mga nakakikilala na sa akin, tingin ko hindi ko na kailangan pang magpakilala, kung ano ang buhay ko at kung kanino akong anak. Ngunit para sa katropa natin diyang hindi pa ako kilala, tawagin ninyo akong Jetro o kaya sa palayaw kong ibinigay ng Lolo at Lola kong Jet. Pakiusap lang, huwag akong tawaging Baby Jetro dahil hindi na ako baby pa. Masalimuot ang buhay ko. Hindi lahat ng tao maiintindihan ang family background ko. Iyon ay kung maituturing ngang pamilya ang kung anong meron ako. Sorry for being rude na para bang lumalabas na wala akong utang na loob sa mga taong nag-aruga, nagmahal at nagpalaki sa akin. Madali nga lang kasing husgahan ako kasi hindi ninyo napagdaanan ang buhay na mayroon ako. Well, if you define normal family as conforming to the standard or common na may nanay, tatay at anak, then absolutely hindi normal ang pamilya ko. Ampon ang Mommy ko na umapon rin sa akin? Hindi ko nga alam kung paano ako nabuo. Hindi ko kasi sila maintindiha. Basta hindi ko tatay ang kinalakhan kong si Daddy Bradley at hindi ko rin naman totoong Mommy si Mommy Shantel na ampon rin ng Papa Zayn at Mama Sheine ko. Sino sa inyo dito brad ang isa lang semilya na ipinasa sa inang nagbuntis lang dahil binayaran at walang pagmamahal sa sanggol na ipinanganak niya. Ano ako kuting o kaya’y puppy? Ang masaklap, di ko rin nakilala si Daddy Matt dahil nauna pa siyang namatay bago ako isinilang. Ang masakit, bago pa man namatay si Daddy at bago pa man ako ipanganak ay nakaplano nang ipamigay ako sa mga hindi ko naman talaga kadugo samantalang may lolo at lola din naman akong magulang niya na sana ay mag-alaga at mag-aruga sa akin. Ngunit ang nangyari, inihalintulad ako sa isang pet na ipinamigay lang sa mga taong hindi ko kaano-ano bukod sa sila nga ang nagpalaki sa akin. Ngayon, sabihin ninyo sa akin kung paano ko lubos maintindihan ang buhay kong simula pa lang ay marami ng sigalot na di ko maihanapan ng kasagutan. Ginawa lang yata ako sa mundo to fulfill a dream of having a son or grandson. Okey na okey naman ang buhay na 'yun, hindi ba brad? Ipinanganak ako dahil lang sa kagustuhan nilang may buhay na alaala ang namatay na si Daddy Matt. Iyon lang ba ang papel ko sa mundo. Isang buhay na alaala ng isang yumao, isang tugon sa kahilingang magkaroon ng apo? Isang eksperiment na sanggol. Hindi dahil ako ang nagkukuwento dito ay ako lang ang pangunahing tauhan. Kung sanay kayo sa bida na mala-anghel, may mabuting ugali at makatao, hindi ako iyon. Kaya hindi ko hinihingi ang awa ninyo o kahit simpatya. Isasalaysay ko ang kuwento ng buhay ko sa paraang gusto ko at sa kung ano ang totoo. Magalit kayo sa akin, kamuhian o kaya murahin ng murahin ngunit sasabihin ko sa inyong wala akong pakialam. Ito ako mga tol, e, ito ang buhay ko. Tanggapin man ninyo ako o kaiinisan wala na ako doong magagawa. Kung pagkatapos ng paglalahad ko ay mamahalin din ninyo kung sino talaga ako ay isang bonus na lang na maituuturing iyon sa akin. I neither intend to please nor impress anybody. Ito ang naging buhay ko NOON. Buhay ko na kahit pa pagsisihan ko ay naging bahagi na nang pagkasino ko NGAYON. Kung pagmamahal lang ng pamilya at lahat ng mga nakapalibot sa akin habang lumalaki ako ang sukatan ng pagiging isang mabuting tao, siguro santo na ako ngayon. Hindi kasi sila lahat nagkulang na mahalin ako, pakiramdam ko nga, sobra nila akong minahal na hindi ko na alam ang buhay na salat ng pag-ibig. Lahat ng kailangan ko ibinibigay, lahat ng gusto ko, madali lang hingin kina Papa Zayn at Mama Sheine, pati na rin kina Mama Old ko at Papa Old na mga magulang nang namayapa ko nang ama na si Daddy Matt. Lahat ng pag-aaruga, pagmamahal at pangangailangan ko ay ibinigay sa akin nina Mommy Shantel at Daddy Bradley. Lumaki akong sunod ang layaw. Nag-uumapaw ang ibinigay nila sa aking pagmamahal. Idagdag pa ang di matatawarang atensiyong ibinibigyay ni Papa Rave at Mama Dave at ang walang tigil na suporta ni Tita Miley. Ang mga tita ko naman na anak nina Mama Sheine at Papa Zayn ay nagsisipag-aral na sa ibang bansa kaya ako na lang ang tanging binebeybi at focus ng kanilang pagmamahal. Ang nakakalungkot nga lang talaga, lahat sila hindi ako maintindihan. Well, siguro kasi, nagrerebelde ako noon sa bagay na wala naman na silang magawa pa. Mga bagay na nangyari na ngunit heto ako’t may galit dahil sa hindi normal na simulain ng aking buhay. Ang kuwentong ito ng buhay ko ay hindi lang iikot sa kung anong klaseng pamilya mayroon ako. Sinasaklaw din nito ang buhay namin ng dalawang mahalagang taong naging bahagi ng kung sino ako ngayon na may iba ring family background na hindi ko maintindihan. Paano ko ba sila nakilala? Ano ang kanilang nagawa para makilala ko ang aking pagkasino? Ano ang kanilang naibigay para lang magising ako sa mga katotohanan sa buhay? Sila ang makikilala natin sa aking paglalahad.     Chapter 1   Mahilig sina Daddy noon na mag-picnic sa Beach sa Batangas. Madalas kaming naglalagi roon lalo na tuwing bakasyon. Sa murang edad ko ay naturuan na ako noong lumangoy kaya hindi ako takot sa tubig. Maliit palang ako, ayaw ko nang binebeybi ako o kaya binabantayan. Magsasampung taong gulang na ako noon. Pagkatapos kong nakipagkulitan kina Mama Sheine at Papa Zayn at kina Daddy sa paggawa ng Sand Castle nang tumayo ako at pinagmasdan ang aming pinaghirapan. Namangha ako sa husay ng aming pagkakagawa. Pawis nga naman ang ipinuhunan namin para mabuo iyon. "Hayan, ang ganda di ba anak? Tumayo ka muna diyan at kunan kita ng picture." Pakiusap ni Mommy Shantel sa akin. "Dad naman, e. Ayaw ko. Kayo na lang ang kukunan ko." "Sige na anak. Isa lang para may remembrance naman tayo rito." "Andami ko na ngang pictures. Ayaw ko." Pamimilit ko. "Jetro, ayaw ko ng ganyan. Mag-behave ka nga!" "Kasi naman, bakit kasi hindi na lang kayo..." napakamot ako. Tumayo na lang ako at ngumiti akong humarap sa camera kahit naiinis ang loob ko. "Hayun, behave na behave naman ang baby ko ngayon ah. Ngiti pa anak, yung ganitong ngiti oh." Ipinakita ni Daddy Bradley ang gusto niyang ngiti ko. "Dapat pamatay" Huminga ako ng malalim. Nakita ko sa mukha nilang lahat ang sobrang saya dahil nakikita nilang sumusunod ako sa gusto nila. Bihirang-bihira mangyari iyon, kadalasan kasi mahirap akong mapakiusapan sa gusto nila. Nakahawak pa nga si Daddy Brad sa kamay ni Mommy Shantel na may hawak na cellphone. Para ngang gusto niyang siya na lang ang kumuha ng picture ko. Hinahanapan ako ng magandang anggulo. "Ganito dapat ang kamay mo apo oh, gunting-guntingan lang." hirit ni Mama Sheine sa akin. Pinaghiwalay niyang ang hintuturo at gitnang daliri niya at ang iba pang mga naiwang daliri ay nakasaklob sa palad niya. Inilagay niya iyon malapit sa mukha niya. Tinignan ko lang ngunit hindi ko ginawa. Ang korni. Ang luma. Nakakatawa. “Sige na, ganito lang apo oh?” Napakunot ako ng noo. "Anong gunting-gunting naman dude! Dapat astig apo, yung parang nakikipagboksing lang! Ganito lang oh!" Pangontra ni Papa Zayn. Ipinakita pa ni Papa Zayn ang gusto niyang tutularan ko. Parang nakikipagsuntukan lang ang ayos niya. Sumuntok-suntok siya sa hangin. "Marunong pa kasi kayo sa bata, e di kayo na lang kaya magpakuha ng litrato. Ikaw Tita Sheine, maganda yan kapag nakalublob ka sa tubig para sa gunting-gutingang peg mo at ikaw naman Tito Zayn doon ka sa harap ng barbecue-han, pasok sa banga ang boksing-boksingang pa-effect mo. Diyos ko, nililito ninyo yung bata!" pabirong singhal ni Tita Mailey. Tahimik at napapangiting nakamasid lang si Daddy Bradley habang kumakain na ng barbecue. "O 'yan anak ha! Ganyan. Bibilang si Mommy ng tatlo ha." Si Mommy Shantel. Napakaluwang ng kanyang ngiti. Lahat sila nakangiting nakatingin sa akin. "Ready." Ginaya ko ang ngiti ni Daddy Bradley. Hindi naman sa pagbubuhat ng sarili kong bangko, marami ang nagsasabing guwapo ako. May kapayatan man ngunit taglay ko ang kaguwapuhang bihirang-bihira na makita sa mga kasabayan kong kabataan. May kakapalang kilay, nangungusap na mga mata, matangos ang ilong, mamula-mula ang makipot kong mga labi at makinis na kutis. Sa edad ko ay marami nang napapadalawang tingin sa akin. Bata pa ako no'n ha, paano na lang kaya kung nagbinata na ako? Mayabang ba? E, sa may ipagmamayabang naman talaga e. "Ayos 'yan. Ganyan ang ngiti!" tuwang-tuwa si Daddy Bradley sa nakikita niyang panggagaya ko sa ngiti niya. Nakipag-apir pa ito kay Tita Miley na nagthumbs up pa sa akin. "Anak tingin lang sa camera ...One!" si Mommy Shantel. Ginaya ko ang gunting-guntingang sinabi ni Mama Shein "Hayun, ang cute apo. Ganyan dapat!" napapalakpak pa si Mama Sheine na nakamasid sa akin. Kumunot ang noo ni Papa Zayn. Alam kong hindi niya nagugustuhan ang ginawa ko. Dapat kasi boksing-boksingan. "Two..." pagpapatuloy ni Mommy Shantel sa pagbibilang. Mabilis kong ginaya ang boksing-boksingan ni Papa Zayn. Itinaas ko pa nga ang isang paa ko para sa aking isang matinding sipa. "Oh Yan! That's my boy! Huh! Galing ah! 'Yan ang astig na porma apo!" si Papa Zayn. Kinindatan pa ang natalong si Mama Sheine. Lahat nakatingin sa akin. Natutuwa sa siguradong maganda at cute kong kuha. Bago makapagbilang ng THREE at mapindot ni Mommy Shantel ang camera ay mabilis akong sumipa patalikod. Pinagsisipa ko ang pinaghirapan naming sand castle. Nakatalikod sa camera. Parang nangangarate lang ako. Ngunit kahit ilang shots pa ang kunin nila ay likod ko lang ang makukuha. Iniiwas kong iharap ang aking mukha. Tumatalon-talon at tuwan-tuwa habang sinisira ko iyon at siyempre kasama na din yung kagustuhan nila at yung happy moment nilang sa wakas ay makunan ako ng bagong magandang picture. Tulad ng dati, frustrated na naman sila sa akin. "Jetro! Stop it! Ano ba!" singhal ni Mommy Shantel. "Too late. Grabe talaga itong batang ito. Nakunan mo ba?" si Daddy Bradley halata ang panghihinayang sa boses niya. Huminga ng malalim si Mommy Shantel. "Paano ko makunan e magbibilang palang ako dapat ng Three tumalikod na siya at sinira yung pinaghirapan natin. Kahit sana humarap lang ng minsan." Nanlumo sina Mama Sheine at Papa Zayn. Nagkatinginan sila. Si Tita MIley ang sumabay sa akin sa pagtawa ngunit nang pinandilatan siya ng mata ni Mommy kaya kaagad itong tumahimik at sumubo na lang sa hawak niyang barbecue. Seryoso na nakatingin sa akin si Mommy Shantel. Ibinigay niya ang camera kay Daddy Bradley na nakakunot din ang noo. Lumapit sa akin si Mommy Shantel. Hinawakan niya ang braso ko. "Anak, hindi ba puwedeng mag-behave ka naman kahit sa mga pagkakataong may pinagagawa naman kami sa'yo?" Nakita ko sa mga mata niyang hindi siya natutuwa sa inasal ko. "Sorry Mom." Nangingiti kong sagot. "At ngumingiti-ngiti ka pang parang natutuwa kami sa ipinakita mo. We are expecting you to please behave naman, anak. Kung hindi ka nahihiya sa amin ng Daddy Bradley mo, kahit kina Papa Zayn mo na lang oh!" "Hindi ba kayo nagsasawang kunan ako ng picture, Mom?" "Iba ito anak. Pinaghirapan natin yung castle na 'yan para makunan muna natin ng picture tapos sinira mo lang ng gano'n. What is your problem?" mataas na ang boses ni Daddy. Alam ko, galit na siya. Nakita ko iyon sa kaniyang mga mata. "Di ba sabi ko naman kanina ayaw ko. Kayo itong mapilit e. saka kung gusto naman pala ninyo ng souvenir e di ba dapat yung castle na lang na gawa sa sand ang kinunan niyo? Bakit kailangan kasama pa ako e yun lang naman ang pinaghirapan natin?" pagdadahilan ko. "O, e ayaw mo pala bakit mo pa kami pinaasa. Anak naman..." Gusto kong sumagot ngunit di ko naman alam ang ikakatwiran ko. Lumapit si Mama Sheine sa amin. "Shantel anak, hayaan mo na. Nangyari na. Nagsorry na ang bata." "Oo nga 'Ma, nagsorry na. 'Yan lagi ang ginagawa niyan kapag gumagawa ng katarantaduhan, magsosorry pero mamaya gagawa na naman ng kung anong ikagagalit namin ng Daddy niya. Hindi ko na alam kung paano siya disiplinahin. Sobrang tigas ng ulo!" "Hayaan mo na. Bata lang 'yan" pakiusap ni Mama Sheine. "Kaya tumitigas ang ulo niyan kasi sa tuwing napagsasabihan nandiyan kayo lagi ni Papa na kontrahin ako. Hay, naku bahala na nga kayo." Tumalikod siya ngunit nakailang hakbang palang siya ay nilingon niya ako. "Pag-uwi natin sa bahay mag-uusap tayo ha!"  Tumalikod na rin ako. "Where are you going apo?" tanong ni Papa Zayn. "Diyan lang ho." Sagot ko. Hindi ko siya nilingon. Sa totoo lang napahiya ako sa mga sinabi ni Mommy Shantel sa akin. Oo, hindi sila iba sa akin pero sa ayaw kong pinagtataasan ako ng boses e. Gumagawa daw ako lagi ng katarantaduhan. Matigas daw ang ulo ko. Hindi ako madisiplina. Bawal bang maging masaya bilang bata? "Okey ka lang apo?" hinawakan ni Papa Zayn ang balikat ko. Umupo siya sa harap ko. "Okey lang ho ako, 'Pa. Diyan lang ako sandali." Sagot ko. "Gusto mo samahan kita?" tanong ni Papa Zayn. "Pa, di naman ho ako mawawala. Diyan lang ho ako oh! Wala ho tayo sa gubat. Nasa beach ho tayo." Sagot ko. Nakukulitan lang ako. "Okey. Kakain na tayo mamaya kaya huwag kang magpakalayo-layo, okey?" bilin niya. "Sige po." Maikli kong sagot. Sa totoo lang, gusto kong magpakalayo-layo. Magsasampung taong gulang na nga ako pero bakit parang paslit pa rin kung ituring nila ako. Isa pa naiinis na ako sa kung anong buhay mayroon ako. Binibiro-biro na ako sa klase namin tungkol sa pagkatao ko. Bata daw ako na galing lang sa tube o kaya batang pinagpasa-pasahan. Hindi ko alam kung paanong lumabas ang balitang iyon.Hindi ko alam kung sino ang nagpakalat. Kakaiba ang pamilya ko sa pamilya nila. Sila kasi mga tunay silang anak. Hindi inampon ng ampon. Kung proud sila na pumunta dalawa sa school ako para ipakita ang suporta nila sa akin, ako hindi. Alam ko kasing pagtatawanan lang ako ng mga kaklase ko. Alam naman kasi nilang hindi sila ang tunay kong mga magulang. Kung tatanungin ako kung kinakahiya ko ang pagsilang ko sa mundo, ang sagot ko "Oo". Nahihiya ako sa mga sinasabi ng kapwa ko bata. Hindi ko alam kung paano ko sasagutin ang kanilang mga masasakit na katotohanang sinasabi nila sa akin. Pamilya kami ng mga inampon. May iaangal ba ako e kung tutuusin tama naman ang sinasabi nila laban sa amin? Katarantaduhan? Iyon ang sinabi ni Mommy Shantel sa akin kanina. Oo, para sa kanila, katarantaduhan at katigasan ng ulo kung bakit sila lagi tinatawag ng aming school Principal. Ngunit alam na nila ang dahilan kung ano ang puno't dulo ng pakikipagsuntukan ko? Iyon ay dahil ipinagtatanggol ko lang ang sarili ko sa ibang mga mapang-aping mga bata. Hindi ko gustong minamaliit at kinukutya nila si Mommy na ampon kaya ampon rin ako. Nasasaktan pa din ako e. Nagagalit ako kapag tinatapakan nila ang mga taong nagmamahal sa akin. Ngunit hanggang kailan ko ipananalo si Mommy at sarili ko sa suntukan? Hanggang kailan ko ipaglalaban ang lahat ng kamaliang ito sa aking pagkasino? Oo nga't sikat sila. Kaya nga naging open sa lahat ang buhay ng aking pamilya kasi sino ba naman ang hindi nakakakikilala sa kanila bilang mga sikat na artista. Baog si Mommy. Dating bulag si Daddy. May mga naikalat na scandal sila na hanggang ngayon nasa internet pa rin. Bakit kaya parang wala lang sa kanila kung ano ang tingin sa amin ng ibang tao, ni minsan kaya hindi nila naisip kung paano naman ako? Anong mukha ang ihaharap ko sa mga kababata ko? Paano ko ipaliliwanag ang tungkol sa kanila sa mga taong makikitid ang isip? Sila ay may natatawag na kadugong nanay at tatay. May mga kapatid, normal at buo ang pamilya. Ako, nasaan ang tunay na nanay ko? Ni hindi nga masabi nina Daddy kung nasaan ang nanay ko o kahit lang sana may maipakitang litrato. Paano nila ako madidisiplina kung di nila maintindihan ang pinanggagalingan ng pagiging ganito ko? Sa murang edad ko, ipinangako ko sa sarili kong hindi ako magiging katulad nila. Hindi ako susunod sa kung anong kababuyang ikinalat nila sa internet. Kinukutya at pinagtatawanan. Sinasabihang mga scandal king and queen. Kapag naririnig ko iyon na sinasabi nila sa pamilya ko ay nabubuo ang galit sa aking dibdib. Bakit ba kasi sila ganoon? Bakit hindi sila noon nag-ingat? Bakit ako inampon e may mga kadugo naman ako na siya dapat mag-alaga sa akin? Naglakad ako palayo sa tent namin. Galit ako sa mundo. Nakapasarap lang may mapagbuntungan sa nararamdaman ko. Umupo ako sa isang malaking bato. Nakaramdam ako ng inggit nang makita ko ang ilang mga batang kasama nila ang nanay at tatay na lumalangoy sa dagat. Ang ibang mga batang kasalo ang normal na pamilya. Naroon ang kanilang nanay na nag-aasikaso sa pangangailangan ng kanilang anak. Ang mga batang nasa balikat ng kanilang mga tatay habang naghahabulan sila ng iba pa nilang mga kapatid. Isang kumpleto at normal na pamilyang kahit kailan ay wala ako at sigurado akong hindi kailaman ako magkakaro'n kung gagaya lang ako sa kanila. "Blag!" "Aray!" singhal ko. May tumamang bola ng volleyball sa batok ko. Malakas iyon kaya ang noon ay pangit na na mood ko ay nagiging matinding galit. Pinulot ko ang bola. Hinanap ko kung kanino iyon at dumikit ang tingin ko sa nakita kong tumatakbong batang marahil ay kasing-edad ko din lang na palapit sa akin. Mas matangkad ng bahagya sa akin, may kaputian...nakakadala ang ngiti. Ngiting ahhh... ewan...basta...sige na nga ... may hitsura. Pagkalapit niya sa akin ay tinanong ko siya.   "Bola mo 'to?" kunot ang noo ko. Halatang sumasabog sa galit. "Oo, pasen..." hindi pa niya nakumpleto ang salitang "pasensiya na" ay malakas kong ibinato sa mukha niya ang bola. Nagulat siya sa inasal ko. Doon nagsimula ang aso’t pusa naming turingan ng batang ‘yon. Ang batang iyon ang magiging malaking bahagi ng buhay ko. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD