Chapter Three

2057 Words
NAGISING si Izaria na wala si Virna dahil tanghali na nang magising siya. Siguradong bumiyahe na ito papuntang La Union, ang lokasyon ng kumpanya nito. Abala kasi ito sa mga paparating na supplies ng mga furniture na magmumula pa sa Hongkong. Maulan pero katamtaman lang ang lakas. Humihigop siya ng mainit na kape sa paborito niyang tambayan. Nakatanaw siya sa labas at nag-iisip ng plano para sa araw na iyon. Hindi nahahadlangan ng panahon ang nais niyang makapagpinta. Palaging laman ng isip niya ang lalaki sa farm. Nai-inspired siya kapag naiisip niya iyon. Nahihiwagaan naman siya sa babaeng nakita niya sa pilapil dahil hindi niya malaman kung siya ba ang minamanmanan niyon. Wala naman siyang maisip na atraso kahit kanino. Tahimik ang buhay niya at pagpipinta lang ang kinaaabalahan niya. Isang tunog mula sa kanyang cellphone ang bumasag sa pagmumunimuni niya. Dinampot at sinagot niya ang tawag. Phone number lang kasi ang nag-appear. “Hello! Good morning!” bati niya sa unknown caller. “Oh, yes, it's me!” kompirma niya. Hinintay niyang magsalita ang nasa kabilang linya. Nagpakilala ito. “Oh Ivan! Ikaw pala.” Nagalak siya. “Kumusta? Pasensiya ka na, nawala kasi ang dati kong phone. Nadoon naka-ponebook ang number mo,” paliwanag niya. “It's okay. I got your new phone number from your friend, Shelly. Ia-update ko lang kung may natapos na ba sa mga series mo?” untag mula sa kabilang linya. “Sa series painting ay fifteen pa lang ang natapos ko. Oil painting in 80x60-inches canvas. But, I decided na kapag completed nalang saka ko i-forward sa gallery shop mo. Kailangan ko kasi munang makita ang kabuuan ng nagawa ko bago ko i-dispose,” aniya. “I see. But, I need some more to display. Sold out na kasi lahat ng mga gawa mo and I forwarded the payment to your bank account,” wika ni Ivan. “Thank you so much, Ivan. Don't worry, tatawagan ko si Shelly para samahan ka niya sa bahay para kuhanin ang natirang thirty-five framed canvas ko roon. Mixed-media, and abstract ang mayroon ako sa bahay. Alam ni Shelly kung sino ang kakausapin niya. Well-wrapped na ang mga ‘yon at may price na rin na nakasulat sa artist-tape na idinikit ko sa canvas. Tanggalin mo nalang at bahala ka na sa commission,” bilin niya sa kausap. Matapos ang maayos na usapan nila ay ibinaba na niya ang cellphone. Pagkatapos niyang mag-almusal ay inihanda na niya ang mga gagamitin niya sa pagpipinta. Rain or shine, tuloy ang trabaho niya. Nagdala siya ang tent na kasya lang siyang masilungan at ang mga gamit niya. Naghanap siya ng medyo maayos na puwesto. Malapit sa mga magsasakang naglalagay ng net sa paligid ng mga tumubong binhi para hindi kainin ng mga hayop. Tinulungan siya ni Tata Arman sa paghahanda niya hanggang sa makapagpinta muli. At kagaya ng inaasahan, naroon muli ang lalaking hinahangaan niya. Nauulanan ito habang nakayukong nagtatanim ng palay. Nakasuot ito ng kapote ngunit nakayapak lamang na lumulusong sa maputik na lupain. Napakagandang senaryo para sa kanya ang nakikita para ipinta. Napalapit si Tata Arman sa gawing likuran niya para pagmasdan ang kanyang obra maestra. Kaaahon lang nito galing sa putikan. “Ahm, anak!” tawag-pansin sa kanya ni Tata Arman. ‘Anak’ ang madalas na tawag nito sa mga mas nakababata rito ng maraming taon. Saglit siyang lumingon. “Bakit ho, Tata Arman?” untag niya nguni’t ibinalik muli ang atensiyon sa ginagawa. “Ayos lang ba kung kakausapin ka habang nagdo-drawing?” tanong nito sa kanya. Patuloy lang siya sa pagpipinta. “Ayos lang naman po, Tata. Sanay na rin po ako na kinakausap kahit abala sa pagpi-painting,” malumanay na tugon niya. “Sa madalas mong pagdo-drawing dito, napapansin ko lang na palaging nariyan ang larawan ng binata. Kagaya ngayon, iginuhit mo na naman siya,” pagpuna ng ginoo sa painting niya. Napangiti siya. Tila uminit ang mga pisngi niya sa sinabi nito. Nahihiya kasi siya na pag-usapan ang tungkol sa hinahangaan niya. “Ginawa ko lang po siyang modelo sa obra-maestra ko. Sa araw-araw kong pagpunta dito ay nakikita ko ang kanyang kasipagan at determinasyon sa pagsasaka.” Sandali siyang natigilan at sumulyap sa binata. “Ganoon ba, anak? Tama ka, masipag talaga siya.” “Ano po ba ang pangalan niya?” Ibinalik niya ang atensiyon sa pagpipinta. “RainanTorres ang pangalan niya. Ayon sa nagdala sa kan’ya rito ay gusto niya raw maranasan kung paano magtanim ng palay. Ilang buwan na siya rito bago ka dumating,” tugon ng ginoo. “Gano'n po ba? Nakatutuwa naman ang makarinig ng ganiyan, Tata. Alam n’yo rin po ba kung ilang taong gulang na siya?” “Ang pagkakaalam ko, nasa trenta na siya,” sagot nito. Natigilan siya at napapaisip. Hindi na masama. Tatlong taon lang ang agwat namin. Twenty-seven na ako pero hindi pa nag-aasawa. Sabi sa isip niya. “Bakit mo naitanong, anak?” tanong ng ginoo na bumasag sa biglang pananahimik niya. “P-po? W-wala naman po,” nauutal siya. Hindi lang niya masabi na hinihimay na ng utak niya ang imahe ni Rainan. “Ganoon ba? O sige, ‘nak, maiwan na muna kita. Kukunin ko lang ang meryenda nila.” Sandali munang umalis ang ginoo upang kuhanin ang ipamimeryenda nito para sa mga magsasaka. Tumila na kasi ang ulan. Patuloy siya sa pagpipinta. Kaunti na lang naman ay matatapos na niya. Kalahating oras ang pinakamatagal niyang pagpipinta lalo na kapag three-D at aktuwal ang pinagmulan. Detalyado ang bawat anggulo at aakalaing tunay na larawan. Elementarya pa lamang kasi siya nang makitaan ng galing at talento sa pagpipinta. Maraming parangal na rin ang natanggap niya. Kilalang-kilala ang code name na 'Iza26' bilang signature name niya sa lahat ng mga paintings niya. Nakararating pa ang iba niyang obra sa ibang bansa, at madalas tangkilikin ng mga dayuhang bakasyonista. Ang ilan naman ay makikita sa online lalo na sa social media page niya na may pangalang 'Izaria's Paintings'. Eksaktong natapos niya ang pagpipinta nang makita niya si Tata Arman na may bitbit na dalawang basket. Halatang nabibigatan ito kaya ay iniwanan muna niya ang ginagawa at dali-dali niyang nilapitan ang ginoo. Tinulungan niya itong dalhin sa kubo na hindi naman kalayuan sa kinaroroonan ng tent niya. “Maraming salamat, ‘nak. May isang daan katao kasi lahat ang inanyayahan ko para magtanim dito sa napakalawak na lupain. Manu-mano kasi ang pagtatanim para siguradong nakabaon sa lupa ang ugat ng pinatubong palay. Bawat ektarya ay may kaniya-kanyang kubo at may nakatoka para magpameryenda sa mga tao. Bente katao naman ang hawak ko banda rito,” salaysay nito habang inihahanda ang mga tasa ng kape. Namangha siya sa napakalawak na lupain na pinamamahalaan ni Tata Arman. Halos wala siyang masabi sa kasipagan at tiyaga ng mga tagaroon. Hindi man niya naranasan nguni’t damang-dama niya ang hirap at pagod bilang isang magsasaka. “Teka lang, anak, kukunin ko muna ang biko na nakabilao. Iyon kasi ang ipinaluto ko sa mga katiwalang babae dito sa farm, partner ng kape. Gustung-gusto ng mga tagarito ang kape lalo na medyo malamig ang panahon,” anito. Nakangiting tumango siya habang ipinagpatuloy ang paghahanda ng mga tasa na yari pa sa sartin o lata, ang lumang kagamitan na napreserba pa ng mga tagaroon. Nalula siya sa tatlong malalaking thermos na naglalaman ng tig-limang litrong mainit na tubig. Naroon na ang mga iyon bago niya tinulungan si Tata Arman. May kape, creamer, at asukal nang nakahanda. Kaniya-kanyang timpla na lamang ang mga ito. Masaya siya sa ginagawa niya lalo na kung nakatutulong siya kahit sa simpleng paraan. Maya-maya pa'y dumating si Tata Arman. May dala-dala itong biko na nakabilao. 'Tinupig' ang tawag ng mga ilokano sa biko. Napansin ni Tata Arman ang akmang pag-alis niya. “Oh, ‘nak! Huwag ka munang umalis. Kasali ka rito at samahan mo kaming magmiryenda,” alok sa kanya ng ginoo. Napangiti siya. “Naku, huwag na po. Nakahihiya naman po, Tata,” tanggi niya. Pero lihim siyang natatakam nang maamoy ang mabangong biko. “Aysus! Itabi mo muna iyang hiya na ‘yan, anak. Dito welcome ang mga bisita. Halika na!” kumbida nito sa kanya. Natutuwa siya sa kabaitan ng ginoo. Hindi niya ito natanggihan. “Sige na nga po. Maraming salamat po, Tata,” tuwang sabi niya. Tumulong siya sa paghiwa ng biko gamit ang kutsilyo. Tinuruan siya ni Tata Arman. At nang kinaya na niyang mag-isa ay iniwan muna siya saglit ng ginoo upang tawagin ang mga magsasaka para magmiryenda. Tamang-tama lang ang pagdating ng mga ito at tapos na niyang nahiwa ang biko. Kanya-kanya nang dampot ng tasa ang mga ito at self-service. Nalula siya sa biglaang pag-umpukan ng mga ito. Sa nais niyang magpahuli ay atras siya nang atras dahil siksikan na ang mga tao sa kubo. Magkahalong babae at lalake ang mga naroon. Sa kaaatras niya ay hindi na niya namalayan na malapit na siya sa pilapil. Isang hakbang na lang paatras ay mahuhulog na siya sa maputik na taniman ng palay. Kung kailan ingat na ingat siya para hindi mahulog ay saka pa umatras ang ginang na nasa harapan niya. Nabangga nito ang dibdib niya at nasira ang balanse niya. Humapuhap ang mga kamay niya ng makakapitan. Nang pakiramdam niya na mahuhulog na siya ay pikit-mata na lamang niyang tinanggap ang magiging kapalaran niya. “Saklulo!” iyon lamang ang naisigaw niya. “Naku!” sabay-sabay na sigaw ng ilan sa mga magsasaka. Wala na siyang pakialam kung pagtitinginan, pagtatawanan, o kaawaan siya ng mga tao na nasa paligid niya. Ano pa nga ba ang magagawa niya kung lalagapak siya sa putikan? Bahala na si superman! ang nasa isip niya. Napakabilis ng pangyayari. Naramdaman niya ang pagkabagsak niya. Tama, bumagsak na nga siya. Pero nagtataka siya kung bakit wala siyang naramdamang malamig, walang putik, at hindi siya nabasa. Wala siyang maintindihan sa naghalong mga boses sa paligid niya. Wala naman siyang narinig na tawanan. Kaya naisipan niyang imulat nang dahan-dahan ang mga mata. Unang tumambad sa paningin niya ang mukha ng isang lalaki na halos maglapat na ang tangos ng ilong nito sa ilong niya. Mabango ang hininga nito at ramdam niya ang init ng buga ng hininga nito sa makinis na mukha niya. “Maraming salamat!” ang tanging naiwika niya rito. Napagtanto niya na sa mga braso pala siya ng lalaking ‘yon bumagsak. Sinamantala niya ang sandaling pagkakataon para titigan nang malapitan sa mukha at hindi lang basta mga mata nito ang nakikita niya kung hindi ay ang kabuuan ng mukha nito. Bagaman, narumihan man ng putik ang ilang parte ng mukha nito ay hindi pa rin maitatago ang magandang hubog ng mukha nito. Sapat na sapat na ito para lalo niyang hangaan. Hindi lang basta kuryente ang nararamdaman niya nang mga sandaling iyon. Tumambol pa nang husto ang dibdib niya. Disiplina pa, self, huwag kang bumigay. Akala ko hanggang spark lang. Grounded na buong kaugatan ko sa kuryenteng dala niya. Gosh! I knew, hindi ito panaginip. This is real, self! Sarap sana halikan ang maninipis niyang labi. Kaso, nakahihiya! “Miss… Miss, okay ka lang?” tanong nito na gumambala sa pamamantasya niya. Bahagya siyang kumilos upang ibaba siya nito. Maingat siya nitong inalalayan para makatayo nang maayos. Saka lang niya napagtanto na nasa putikan pa pala ang mga paa ng binata. Malamang ay maagap siyang nasalo nito. Wala na ang kapoteng suot nito kanina. “Maraming salamat ulit,” aniya Gusto niyang tumalon sa tuwa nang mga sandaling ‘yon. Bagaman at nakaramdam pa rin siya ng hiya lalo na at marami ang nakakita sa nangyari sa kanya. Tumabang man ang panlasa niya sa biko dahil sa nerbyus, pinatamis naman ni Rainan ang maghapon niya. Mapupuyatan na naman siya sa kaiisip niya rito. Hindi na niya napansin ang minsang pagnanakaw-tingin nito sa kanya dahil sinusulyapan lang siya nito kapag hindi siya nakatingin. Tila naiwan sa katawan niya ang init ng katawan nito. Nagwawala sa loob ng dibdib ang puso niya at hindi niya ‘yon mapigilan. Samantala, may lihim na naman na nakamasid sa matamis na tagpong iyon sa hindi gaanong kalayuan sa kinaroroonan nila. Iyon na naman ang babae na nakita niya. Pero wala na ‘yon sa kamalayan niya dahil nangibabaw ang masarap na sandali sa buhay niya. Ang sandali na gusto niyang maulit muli.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD