INAKI'S POV
Malapit nang mag-alas dose at nakaabang lang kaming lahat sa labas ng kwarto ni Akira. Malapit na rin ang pagbilog ng buwan kaya malapit nang magpalit ng anyo ang prinsesa. Nandito na rin ang Hari at Reyna pati na rin ang mga myembro ng konseho. Lahat kami ay nakaabang upang salubungin ang bagong prinsesa ng mga Nine Tailed Fox.
Hanggang sa sumapit na ang alas dose ngunit wala pa kaming naririnig na kahit na ano mula sa kwarto ni Akira. Ramdam ko ang pagkabahala ng lahat sa maaaring nangyayari na kay Akira. Ngunit wala kaming lakas ng loob upang tingnan siya. Hindi kami maaaring sumagabal sa pagpapalit ng anyo niya.
"Wala pa akong nararamdaman na enerhiya mula sa prinsesa," kinakabahang sambit ni Ginoong Nandro.
"Maghintay pa tayo ng ilang minuto," seryosong sabi naman ni Haring Alejandro.
"Ngunit lumitaw na ang bilog na buwan. Sa mga oras na ito ay dapat na siyang nagpalit anyo," naiiyak na sambit naman ni Reyna Rachelle.
Hindi nakatakas sa paningin ko ang pagkuyom ng mga kamao ni Kanji. Maski si Miro ay hindi na rin mapakali at pabalik balik na sa harap ng kwarto ni Akira. Kinakabahan na rin ako dahil hindi ganito ang inaasahan namin.
"Haring Alejandro," pagtawag ni Ginoong Duran.
"Ilang minuto. Maghintay pa tayo ng ilang minuto," punong puno ng pag-asang sabi naman ng Hari.
Nanahimik ang lahat at ipinagpatuloy namin ang pakikiramdam kay Akira. Ngunit kahit na anong pakikinig ang gawin ko ay wala akong marinig kahit kaluskos man lang. Kung isa lamang simpleng araw ito, iisipin kong mahimbing nang natutulog si Akira.
Halos kalahating oras na ang nakakalipas at lahat kami ay hindi na mapakali. Hanggang sa biglang bumukas ang kwarto ni Akira. Lahat kami ay napatingin sa kaniya.
"Akira, anak," maiyak iyak na sabi sa kaniya ng reyna.
"M-mommy? Ano pong ginagawa niyo dito?" hindi makapaniwalang tanong naman Akira.
"I-it's your birthday Akira. Happy birthday!"
Lumapit si Reyna Rachelle kay Akira at mahigpit na niyakap ito. Habang magkayakap ay isa isa kaming tiningnan ni Akira. Mababakas sa kaniya ang pagkalito dahil sa mga hindi pamilyar na taong nakikita niya ngayon.
"Happy birthday our princess," bati naman ni Haring Alejandro kay Akira.
"Akala ko po ay nakalimutan niyo na ang birthday ko," umiiyak na sabi naman ni Akira habang nakayakap sa kaniyang mga magulang.
Ipinikit ko ang mga mata ko at pinakiramdaman ang aura ni Akira. Nanlumo akong tiningnan siya dahil hindi ko maramdaman ang pagiging Nine Tailed niya. Maski ang mga myembro ng konseho ay palihim na napailing. Sa palagay ko ay hindi rin nila naramdaman na nagpalit ng anyo si Akira. Ang ibig sabihin lang no'n ay ang pagiging tao ang nanaig sa kaniya at hindi ang pagiging Nine Tailed Fox.
"S-sino po sila?"
Napalingon ako kay Akira nang magsalita siyang muli. Nakatingin siya sa mga myembro ng konseho.
"Mga kaibigan namin sila anak. Nandito sila upang batiin ka sa iyong kaarawan," pagsisinungaling naman ni Haring Alejandro sa kaniya.
"Maligayang kaarawan sa iyo Akira," pagbati naman ng mga myembro ng konseho sa kaniya.
"Salamat po," nahihiyang sabi naman ni Akira. "Mommy, Daddy, pwede po bang bukas na tayo mag-usap? Gusto ko na pong matulog," baling naman ni Akira sa kaniyang mga magulang.
"Sige anak. Good night."
Pumasok na ulit sa kaniyang kwarto si Akira habang kami naman ay naglakad palabas ng bahay.
"Ibig bang sabihin nito ay hindi nagpalit ng anyo si Akira?" hindi makapaniwalang sambit ni Reyna Rachelle.
"Hindi ito ang inaasahan ko ngunit gano'n na nga. Hindi ko naramdaman sa kaniya ang lakas ng pagiging isang Nine Tailed Fox," dismayadong sabi sagot naman ni Ginoong Nandro.
"Ngunit ano ang mga nakita naming kakayahan niya bilang isang Nine Tailed Fox?" tanong naman ni Kanji na ikinatango ko.
Maski ako ay hindi makapaniwalang hindi nagpalit ng anyo ang prinsesa. Nagpakita na sa kaniya ang mga kakayahan ng pagiging isang Nine Tailed Fox kaya naniniwala kami ni Kanji na kalahi namin siya. Ngunit hindi nangyari iyon. At iyon ang labis naming ipinagtataka.
"Isang malaking palaisipan din sa amin iyan. Ngunit sa ngayon ay kailangan nating tanggapin na hindi nagpalit anyo ang prinsesa," malungkot na sabi naman ni Ginoong Nandro.
"Kayo na muna ang bahala sa kaharian Ginoong Nandro. Maiiwan na muna kami dito ni Rachelle upang samahan ang anak namin," pag-iiba ng usapan ni Haring Alejandro.
"Mag-iingat kayo dito. Sapagkat maaaring sumugod pa rin ang mga Black Nine Tailed Fox," seryosong sabi naman ni Ginoong Duran.
Marahang tumango ang Hari at Reyna. Ilang saglit pa ay bumalik na sa kaharian ang mga myembro ng konseho. Naiwan kami nina Miro at Kanji pati ang Hari at Reyna.
Hindi ko napigilan ang mapatingin sa mga magulang ni Akira. Mababakas sa kanila ang labis na pag-aalala para sa kanilang anak. Sa oras na hindi tuluyang magpalit ng anyo si Akira ay mananatiling isa siyang tao. At kung pipiliin niyang maging kaisa namin, kailangan niyang pagdaanan ang mga pinagdaanan ni Reyna Rachelle upang maging isang ganap na Nine Tailed Fox.
"Sigurado ba kayo sa mga nakita niyo sa anak ko, Kanji at Inaki?" seryosong tanong sa amin ni Haring Alejandro.
"Opo. Kami po mismo ang nakasaksi sa mga kakayahan niya. At bago rin po lumabas ang mga kakayahan niya, tumaas ng sobra ang temperatura ng kaniyang katawan na naging dahilan pa para masunog niya ang kaniyang libro," mahabang paliwanag naman ni Kanji.
"Baka nalaktawan lang ng panahon ang anak natin Alejandro," seryosong sabi naman ni Reyna Rachelle.
"Wala pang Nine Tailed Fox ang nalaktawan ng pagpapalit ng anyo kaya hindi ako sigurado doon. Sa ngayon ay wala tayong ibang magagawa kundi ang maghintay. Kaya ipapakiusap ko sa inyo, Kanji at Inaki, na patuloy na bantayan at sanayin siya sa mga darating pang araw."
Sabay kaming napatango ni Kanji sa sinabing iyon ni Haring Alejandro. Kahit hindi naman niya sabihin iyon ay gano'n talaga ang gagawin namin sapagkat kami nang dalawa ni Kanji ang itinakdang maging tagapangalaga at tagagabay ng prinsesa. Nakatatak na sa dugo namin ang responsibilidad para sa kaligtasan ni Akira. Kaming dalawa ang magiging kasama ni Akira sa paglandas niya sa nakatadhana sa kaniya. Ngunit ang malaking palaisipan sa amin ay kung matatanggap ba niya ang pagkatao ng kaniyang magulang kapag nanatili siyang isang tao.
THIRD POV
Labis ang pag-aalalang nararamdaman ngayon ni Reyna Rachelle. Nangyari na ang kinatatakutan niya, ang hindi pagpapalit ng anyo ng kaniyang anak na si Akira. Mas mahihirapan silang ipaliwanag sa kanilang anak ang tungkol sa mga Nine Tailed Fox. Mas mahihirapan si Akira na tanggapin ang pagiging prinsesa kung siya mismo ay hindi kayang magpalit ng anyo.
"Alejandro, paano natin ipapaliwanag sa kaniya ang lahat?" problemadong tanong niya sa kaniyang asawa.
"Ang totoo ay hindi ko rin alam. Hindi ko napaghandaan ang sitwasyong ito sapagkat malaki ang tiwala kong mananaig sa dugo ng anak natin ang pagiging Nine Tailed Fox. Malaki ang tiwala ko na magpapalit siya ng anyo," mahabang sabi naman sa kaniya ng asawa.
"Ngunit hindi nangyari ang dapat na mangyari. At katulad ng sinabi mo, wala pang Nine Tailed ang nilaktawan ng pagpapalit ng anyo. Ang ibig sabihin lang no'n ay isa siyang tao," umiiyak na sabi naman niya kay Haring Alejandro.
Nagpakawala ng buntong hininga si Haring Alejandro. Hindi na niya alam kung anong pwedeng gawin sa ngayon. Hindi nagpalit ng anyo ang kaniyang anak at wala siyang ibang pwedeng gawin. Isa nga siyang hari ngunit hindi niya matutulungan ang kaisa-isa niyang anak. At hindi niya alam kung paano sisimulan ang pagpapaliwanag sa kaniyang anak.
"Everything will be alright. Naniniwala pa rin ako sa anak natin, Rachelle."
Kahit ganito ang nangyari, ayaw niyang mawalan ng pag-asa. Naniniwala pa rin siya na nananaig pa rin kay Akira ang dugo ng pagiging isang Nine Tailed Fox. Naniniwala pa rin siya na hindi kailangang pagdaanan ng anak ang pinagdaanan ng kaniyang asawa.