V

1250 Words
V ALEYNA Pinagmamasdan ko ang kagandahan ng kabilugan ng buwan habang buhat ang aking bagong silang na sanggol. Napatingin ako sa kanya at hindi ko napigilang halikan siya sa noo. Tila lahat ng sakit na aking nadarama ay naghilom nang kaninang isinilang ko siya at masilayan sa unang pagkakataon. Nagbunyi ang buong kaharian. Dumalaw ang aking Amang Hari maging ang aking mga kapatid. Tama lamang ang ibinigay kong pangalan sa aking anak na ang ibig sabihin sa salitang romano ay magiting at kapayapaan. "Reyna Aleyna.... Dahan-dahan akong pumihit paharap sa kanya. "Mahal na Hari..." Nakangiti siyang nilapitan kaming dalawa. Alam kong abala siya sa buong araw na pamumuno ng buong kaharian. "Aking Hari..." "Aking Reyna..." Nilapitan niya ako at ginawaran ng halik sa aking noo gayon rin ang aming sanggol. Simula mga bata kami ay nandito na siya sa tabi ko. Hindi niya ako iniwan sa lahat ng pagkakataon. Sa hirap man o kalungkutan ay nandoon siya upang samahan ako. "Maaari ko bang mabuhat ang ating anak?" Buong asam niyang sambit. Marahang ibinigay sa kanya ang aming anak. Kita ko ang saya sa kanyang mga mata nang muling mabuhat ang aming anak. "Mahal na Santa Elena... Maraming salamat po sa ibiniyaya ninyong sanggol sa amin." Buong galak na sambit niya habang nakatingala sa liwanag ng buwan. "Hinintay ka namin buong araw..." nakangiti kong sambit. Napatingin siya sa akin at napangiti. Iyon na yata ang pinakamagandang ngiti na nakita ko mula sa kanya. "Ang aming pinakakamamahal na anak... ang aming munting Prinsipe..." Napatingin ako sa aming anak. Saktong iminulat niya ang kanyang mga mata at napatitig sa kanyang Ama. Lumikot ang sanggol at napahikab. Napangiti na lamang kaming dalawa. Sila na ang dalawang bagong buhay ko ngayon. "Ano! Sumagot ka!" Muling sigaw ni Prinsesa Charlotta. Nananatiling nakatutok sa'kin ang punyal na hawak niya. "Charlotta! Itigil mo 'yang kalapastanganan mo at ibigay mo sa'kin ang anak ko!" Galit na sigaw rito niHaring Charlie. Simula nung mag-isang dibdib sila ng Heneral ay ngayon ko lang muli siya nakita. Napakalaki ng pababago niya. Hindi ko maunawaan kung bakit labis ang galit niya sa'kin ngayon. "Ano bang nagawa kong mali sa'yo?! Ako na ang nagmamakaawa h'wag mong idamay ang anak ko." Pakiusap ko sa kanya. Kung maaari akong lumuhod ay gagawin ko. H'wag lamang may mangyaring hindi maganda sa aking anak. Pinanlilisikan pa rin niya ako ng tingin. Napakalalim ng kanyang poot base sa pagtingin ko sa kanyang mga mata. Hindi ko nga naman siya masisisi sapagkat isa siya sa nadamay sa kalupitan ko nang mailuklok akong Reyna. "Nasawi ang aking asawa, at ang lahat ng iyon ay dahil sa'yo!" Naikuyom ko ang aking kamao sa sinabi niya. Bakit ako ang sinisisi niya sa pagkamatay ng Heneral? "Wala kang karapatang mambintang ng isang bagay na walang katotohan!" Sigaw ni Charlie sa kanya. "Sinungaling! Alam kong kagustuhan mo 'yon! Baka nga inutos mo nga diba? Umamin ka na! Pinatay mo siya! Pinatay mo si Argus!" "Tumahimik ka!" sigaw ko kanya. Taas noo akong nakatitig ng mariin sa kanya. Pinipigilan ko ang pagpatak ng luha ko. Kahit pa na may binitawan akong mga masasakit na salita noon sa Heneral ay dala lamang 'yon ng labis na sakit na naramdaman ko. Pagkasawi ng puso kong minahal siya. Ngunit, kahit kailan ay hindi ko magagawa na patayin siya. Oo, malupit akong mamuno. Oo, wala akong kina-aawaan. Pero para sa mga taong hindi mabuti ang hangarin lang 'yon. Oo, matigas ang puso ko-na siyang nararapat kong ipakita upang hindi ako maliitin ng ibang opisyales ng konseho na nais akong mapababa sa pagiging pinuno. Hindi naman pwede na kay Haring Charlie ko iasa ang pamamahala ng lahat. Gusto kong maging tulad ng mga nagdaang reyna na matapang at kinatatakutan. At higit sa lahat ay magaling sa pamumuno. Sunod-sunod lamang ang ingay sa labas ng palasyo dahil sa nagaganap na digmaan. "Alam kong labis kang nagluluksa sa pagkamatay ng 'yong asawa, pero hindi 'yon sapat na dahilan upang pagbintangan mo ang mahal na Reyna." Mahinahon na sambit ni Charlie sa kanyang kapatid. Sa gitna ng laban ay hindi pwedeng walang mawawala. At iyon ay marapat lamang na tanggapin. "Kung hinayaan mo nalang sana siya na hindi maging Heneral ng kahariang ito, sana ay hindi siya lumaban at nasawi sa digmaan na ito!" Humahagulgol na sambit niya. Muli niyang itinutok sa anak ko ang punyal na hawak. Pasugod na sana ako sa kanya pero pinigilan ako ni Charlie. "Kaya ang kapalit ng buhay ng asawa ay ang sanggol na ito! Hindi niyo ako mapipigilan!" Itinaas niya ang punyal at akmang isasaksak na sa anak ko. "H'waaaaagggg!" Mabilis na tumakbo si Haring Charlie patungo sa kanya at napigilan ang kanyang kamay kung saan hawak niya ang punyal. "Itigil mo 'to Charlotta!" Kita ko ang pagsiklab ng galit sa mga mata niya. Napatakip na lamang ako ng bibig sa mga nasasaksihan ko. Hindi ko na alam ang gagawin ko. Natulos ako sa kinatatayuan ko. Hinila ni Charlie si Charlotta palabas ng bulwagan. Pilit niyang inaagaw rito ang punyal. Hindi ko na alam ang nangyari nang tuluyan silang makalabas. Tick... Tock... Napatingin ako sa suot kong orasan. Pinakatitigan ko ito. Nangunot ang noo ko nang mapansin na hindi gumagalaw ang kamay ng orasan pero tumutunog pa rin ito. "Mahal na Reyna..." Napatingin ako kay Charlie. Nasa dulo siya ng bulwagan habang buhat ang aming anak. Nakangiti siyang palapit sa'kin. Nakaramdam ako ng ginhawa sapagkat ligtas na ang anak ko sa kamay ng babaeng 'yon. Napangiti ako nang tuluyan siyang makalapit sa akin at inaabot sa akin ang anak namin. Buong galak kong kinuha ang aking anak. Mabuti at tulog pa rin siya. "Ligtas na... siya..." Mahinang sambit niya. Napatingin ako sa kanya. Napaubo siya at may lumabas na dugo sa kanya bibig. Nanlaki mga mata ko dahil doon ko lang napansin ang punyal na nakatarak sa kanyang likuran. Bumagsak siya sa balikat ko. Sabay na kaming napaluhod. Ibinaba ko muna sa gilid ang aming anak. Saka ko muli siya dinaluhan. Paulit- ulit kong tinatapik ang kanyang pisngi. "Charlie! Charlie!" Napatingin siya sa akin at nakangiti lamang. "Patawad...kung...'di ko matutupad ang pangako ko..." Paputol-putol na wika niya. "Hindi Charlie! Mabubuhay diba? H'wag ganito, parang awa mo na." Tuluyan akong humagulgol. "Tandaan mo... Isa ka sa oras ko, kaya mahalaga ka. Kahit saang panahon man... Nandoon ako." Iniangat niya ang kamay niya at hinaplos ang pisngi ko. "Mabuhay ka... h'wag mong sayangin ang oras mo sa lungkot... Mabuhay ka ng masaya..." Pahina ng pahina ang tinig niya. "Sa bawat tumatakbong oras ay katumbas ng pagtakbo ng buhay natin. H'wag mong sayangin ang oras mo, lagi mong tatandaan na kahit ano'ng oras o saan mang panahon ay nandoon ako..." Rumerihistro sa isipan ko ang sinabi niyang 'yon. Tuluyan siyang pumikit at lumaylay ang kamay niya. Napatulala ako. Tuloy-tuloy ang pagtulo ng luha ko. "Charlieeeeeeee!" Buong hinagpis na sigaw ko. Wala na siya... Bakit kailangan mangyari ang lahat ng ito? Napatingala ako. Hinawakan ko ang orasan. "Hinihiling ko! Kung ito'y isang bangungot ay gisingin niyo na ako! Nagmamakaawa ako! Gasingin niyo na ako!" Paulit-ulit kong inaalog ang orasan. Nagbabakasakali ako na kung gumana iyon ay mababago ko ang lahat ng ito. Hindi ganito... Tick... Tock... Tick... Tock... Napatingin ko muli sa orasan. Palakas ng palakas ang tunog. Nang tingnan ko ang paligid ay pulos dilim lamang ang nakikita ko. Walang ibang nandoon kundi ako lamang. Napatayo ako. Pagkatingin ko sa orasan ay gumagalaw na ang kamay nito. Kasabay ay ang tila pagkahulog ko sa kung saan. Napapikit na lamang ako.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD