Chapter 8 - Greatest fear

1789 Words
Brianna Sa mga sumunod na araw ay masigla na ulit akong pumapasok. Higit pa sa uminom ng energy drink ang energy ko. Nag-aayos na akong muli sa umaga at maagang pumapasok. Naaabutan naman ako palagi ni Sav na naglalagay ng lipstick at nakaharap sa tinted na bintana ng isang kotse. Siguro kung makikita ako ng may-ari ay sisingilin na ako sa araw-araw kong pananalamin sa bintana ng kotse niya. Ang ganda ko kasi talaga sa salamin na iyon. Lagi rin namang nakaparada iyon doon tuwing umaga kaya sinasamantala ko na ang manalamin doon. Naging active na din ako sa mga school activities. Lahat ng sinasalihan ni Ken ay sinasalihan ko din para makasama ko siya. Kahit nga hindi ko naman alam ang iba at wala akong passion sa ganoon ay sinasalihan ko pa rin. Hindi ko alam kung bakit pero pakiramdam ko naman ay iniiwasan niya ako. Kapag nalalaman niya na sumali rin ako sa school activities na sinalihan niya ay nagku-quit kaagad siya. Para bang ayaw niya akong makasama. Wala naman akong choice kundi ang mag-quit na lang din dahil wala namang halaga ang pagsali ko kung hindi ko naman siya makakasama. Ginagalingan ko rin sa klase upang maging top student ako. Baka sakaling mapansin na niya ako kapag naging top student ako. Matalino rin si Ken at isa rin siya sa magagaling na estudyante. Hindi lang pogi at impluwensiya ang meron siya kaya lalo pa akong nai-inlove sa kanya sa paglipas ng mga araw. Sana ay ganoon din siya sa akin. Sana ay panain din siya ni kupido papunta sa akin. Handa naman akong maghintay kahit gaano pa katagal iyon. "Hey, Bea. Punta ka naman ng stockroom. Paki kuha naman ng mga ito." Iniabot sa akin ni Lisie ang isang papel kung saan nakasulat ang mga ipinapakuha niyang mga gamit sa stockroom. Si Lisie ay isa sa mga kaklase ko na kasama kong mag-organize ng gaganapin naming play para bukas. Kasalukuyan kami ngayong nag-aayos ng mga dekorasyon at mga props na gagamitin bukas dito sa theater room. "Lahat ba ng nakasulat dito?" tanong ko sa kanya. Hindi naman gaanong marami ang nakasulat doon. "Oo, magagaan lang naman ang mga iyan. Pakihanap na lang doon isa-isa. Please, ha. Kailangan ko kasi ang lahat ng iyan." Nakangiti niyang sagot. Lisie is nice. Nakasundo ko kaagad siya dahil madaldal din siya at friendly. Natutuwa ako dahil siya ang naging katuwang ko sa decor and props. "Okay, sige. Tatapusin ko lang ito." "Ako na ang gagawa niyan." Inagaw na niya ang ginagawa ko. Iniwan ko na rin naman ito at tuluyan ng lumabas ng theater. Malapit lang naman ang stockroom dito. Nasa dulong bahagi nga lang iyon. Nang marating ko ang stockroom ay kaagad kung pinihit ang doorknob. Hindi ito nakakandado. Agad akong pumasok sa loob at muling isinara ang pinto. Napakaraming stock dito sa loob na kung ano-ano. Tiningnan ko ang papel na ibinigay ni Lisie at isa-isa na ngang hinanap ang mga nakalista doon. Inabot din ako ng ilang minuto bago ko nahanap ang lahat ng nakasulat doon. Inilagay ko ang lahat ng iyon sa isang empty box na nakita ko rin sa loob at binuhat na ang mga iyon. Nangtungo na ako sa pinto para lumabas. Pinihit ko ang doorknob ngunit matigas ito at tila nakakandado. Muli kong sinubukang pihitin ito pero ayaw talagang bumukas. Wala naman itong lock sa loob kaya marahil ay sa labas ito nakakandado. Ibinaba ko muna ang box na buhat ko at kumatok sa pinto. "May tao ba diyan?" tanong ko habang kinakatok ang pinto. Sana ay may makarinig sa akin. Muli kong inikot-ikot ang doorknob. Walang sumasagot sa labas. Paano ba na lock ang pinto? Idinikit ko ang aking tainga at pinakinggan ang labas. "Iyan ang dapat sa mga babaeng malalandi na katulad mo!" Narinig kong sabi ng isang boses babae mula sa labas. Pamilyar ang boses na iyon sa akin. Hindi ako maaring magkamali. Nagtawanan pa ang mga kasama nito. Mga bruha talaga. "Palabasin n'yo ko dito! Buksan n'yo itong pinto!" Halos sumakit na ang mga kamay ko sa pagkatok pero hindi pa rin nila binubuksan ang pinto. Nataranta na ako kaya kinalabog ko na ito ng malakas. Muli kong itinapat ang aking tainga upang pakinggan ang mga tao sa labas ngunit tahimik na. Mukhang umalis na sila at iniwan ako ditong nakakandado. Bakit ba nila ito ginagawa sa akin? Mga letse sila! "Tulong may tao ba d'yan?" Ilang ulit kong kinalabog ng malakas ang pinto ngunit tila walang ibang taong nakaririnig sa akin. Paano ako makalalabas dito? Ano'ng gagawin ko? Hindi ako tumigil sa pagkatok at pagpukpok sa pinto. Baka sakaling may mapadaan na tao. Hindi ako maaaring tumigil. Kailangang makalabas ako dito. "Ang mga brats na 'yun. Humanda sila sa akin kapag nakalabas ako rito. May tao ba d'yan? Tulong!! Tulungan n'yo ko!" Hindi ko tinigilan ang pagkatok hoping na may taong makririnig sa akin from behind. "Tulong!!! Buksan n'yo to! May tao ba d'yan? Please hel--" Bigla kong napigil ang paghinga ko ng biglang namatay ang ilaw. Ang dilim ng buong paligid. Wala akong maaninaw na kahit na ano. Biglang nanikip ang dibdib ko sa hindi ko malamang dahilan. Nahihirapan akong huminga. May munting ala-alang biglang bumalik sa akin. Isang madilim na silid. Nakulong din ako noon sa isang madilim at masikip na silid. Hawak ko ang aking dibdib, hindi na ako makahinga. Hindi ko na rin magawang kumatok pa sa pinto. Diyos ko, ito na po ba ang katapusan ko? Hindi, ayoko pa pong mamatay. Parang awa n'yo na. Marami pa akong gustong gawin. Hindi ko pa nasasabi kay Ken na mahal ko siya. Nanghihina na ako. Unti-unti ng naglalaho ang ulirat ko hanggang sa tuluyan na akong nawalan ng malay. Ngunit bago iyon ay may narinig akong pamilyar na boses ng isang lalaki. Tinatawag niya ang pangalan ko. NAGISING ako sa hindi pamilyar na lugar. Inikot ko ang aking paningin sa buong silid, puro puti lang ang nakikita ko? Puting mga kurtina sa magkabilang gilid ko. Nasa hospital yata ako. Biglang bumalik ang ala-ala ko bago ako mawalan ng malay. Ang madilim na silid na iyon. Napabalikwas ako bigla ng bangon. Muli kong pinagmasdan ang kinaroroonan kong silid at napagtanto ko na nasa clinic pala ako. Nakahinga ako ng maluwag dahil alam kong ligtas na ako. Hinanap ng mga mata ko ang nagmamay-ari ng boses na narinig ko bago ako tuluyang mawalan ng malay. Alam kong siya ang nagligtas sa akin at siya ang nagdala sa akin dito. Nadismaya ako ng hindi ko siya nakita, imbis ay isang lalaking hindi pamilyar sa akin ang mukha ang nakita kong naka-upo malapit sa kinahihigaan kong clinic bed. Abala siya sa kanyang phone kaya hindi niya napapansin na gising na ako ngayon. Guwapo ang lalaki. Kahit nakaupo siya ay halata na maganda ang kanyang pangangatawan. Matangkad din siya base sa haba ng kanyang binti. Marahil ay isa siya sa mayayamang estudyante sa university na ito. Halata sa kutis ng kanyang balat. Pero sino siya? Siya ba ang nagligtas sa akin? Pero hindi ako maaaring magkamali sa boses na iyon. Alam ko kung sino iyon. "Gising ka na pala? Kumusta? May masakit ba sa iyo? Kumusta ang pakiramdam mo? Sandali at tatawagin ko si doktor Luna." "Hindi na," pigil ko sa kanya dahil akma na siyang aalis para tawagin ang doktor sa clinic. "Ayos na ako. Wala namang masakit sa akin. Ahm...Ikaw ba ang nagligtas sa akin?" Umayos ako nang pagkakaupo. Kalmado naman ako at walang ibang nararamdaman. Maayos na rin naman ngayon ang paghinga ko. "Ah, eh, O-Oo. Nawalan ka ng malay kanina kaya dinala kita dito sa clinic." Bahagya siyang kumamot sa kanyang batok. Parang nahihiya pa siya. Kung ganoon, nagkamali pala ako. Baliw na talaga ako, dahil iniisip kong si Ken ang nagligtas sa akin. Pero narinig ko na tinawag niya ang pangalan ko o baka nagdidiliryo lang ako sa mga oras na iyon. Bakit naman niya ako ililigtas? Ni hindi nga yata ako sumasagi sa isip niya kahit sa panaginip niya. "Paano mo nalaman na nasa loob ako ng silid na iyon?" Naisipan kong itanong. Napakasuwerte ko dahil may nagligtas sa akin mula a madilim na lugar na iyon. Takot ako sa dilim. Iyon ang biggest fear ko. Ayaw ko sa kahit na anong madilim na lugar. "Napadaan kasi ako at narinig ko ang ingay na nagmumula doon. Naisip ko na may tao sa loob." "Ganoon ba? Maraming salamat sa pagliligtas mo sa akin. Kung hindi mo ako tinulungan baka tuluyan na akong namatay sa lugar na iyon." "W-Wala iyon, pero paano ka ba nakulong sa silid na iyon? Stockroom iyon hindi ba?" Bakas sa mukha niya ang kyuryusidad. Marahil ay nagtataka siya. Alam kong ang mga brats ang nagkulong sa akin doon. Pero marami pa rin akong katanungan. Gaya ng paano nila nalaman na naroroon ako sa loob ng stockroom na iyon? Alam ba nilang takot ako sa dilim kaya sinadya nilang patayin ang ilaw? Hindi ko alam kung sasabihin ko ba sa lalaking ito ang lahat. Dapat ba akong magtiwala agad? Ngayon ko lang siya nakita at ni hindi ko pa alam ang pangalan niya. Hindi ako nagsalita ngunit tila nabasa niya ang nasa isip ko. "Ako pala si Avin. Avin Orbiz. I'm a first-year nursing student." Inilahad niya ang kanyang kamay sa harapan ko. Tinanggap ko naman iyon at nakipagkilala. "Brianna Lopez, Bea na lang for short." "Ang ganda naman pala ng pangalan mo. Kasing ganda mo." Nag-init ang mukha ko dahil sa sinabi niya. Pakiramdam ko biglang namula ang pisngi ko. Bolero pala ang isang ito. Bahagya akong ngumiti at nagpasalamat. Binitiwan na rin niya ang kamay ko. Mukha naman siyang mabait at matino. Tumingin siya sa pambisig niyang orasan bago muling nagsalita. "Talaga bang ayos ka na? Medyo namumutla ka pa." Tanong niya at halatang naniniguro. Nag-aalala ba siya sa akin? "Oo, ayos na ako. Salamat ulit. Paano ba ako makakabawi sa iyo sa pagliligtas mo sa akin?" "Wala iyon. I'm always here to help. Pero p'wede na siguro sa akin ang date. By the way, ito pala ang number ko. Puwede mo akong tawagan anytime." Iniabot niya ang isang maliit na papel kung saan may nakasulat na mga numiro. Wala naman akong nagawa kundi ang tanggapin iyon. "D-Date?" Napanganga ako sa sinabi niya at inulit ang sinabi niyang date. Siya naman ay ngumiti ng malapad na lalong nagpaguwapo sa kanya. "I need to go. May klase pa kasi ako. See you around!" Dinampot na niya ang mga gamit niya na nakapatong sa isang upuan. Iniwanan niya ako ng magandang ngiti bago tumalikod. Napatitig naman ako sa mga numiro niya na nakasulat sa papel. Seryoso ba siya? Gusto niya akong i-date? P'wede bang iba na lang ang hilingin niya?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD