Chapter 4

1076 Words
AMY Kinaumagahan ay nagising na lang ako ng may ngiti sa aking labi sa hindi malamang dahilan. Ni hindi ko nga man lang din maintindihan kung bakit 'di mawala sa mukha ko ang pagngiti kong iyon, na tila ba ay napakaganda ng pakiramdam ko ngayong umagang ito, Saktong pagkabangon ko sa maliit na kama ay nakita ko si mama na naghahanda nang magluto para sa aming agahan. "Sweetie, gising ka na? Tara, malapit na 'tong maluto, kakain na tayo," pag-aaya sa akin ni mama kahit pa alam kong kasisimula pa lang naman niya. "Gisingin mo na rin ang Papa mo para sabay-sabay na tayo," mahinahong utos niya sa akin. Nag-umpisa na akong maglakad patungo sa hinihigaan ni papa, roon lamang siya sa lapag nakahiga dahil nga hindi kami kakasya sa iisang kama. "Dad, bangon na raw po kayo, kakain na tayo," mahinang bulong ko kasabay ng aking pagyugyog sa kanyang magkabilang balikat. Hindi naman siya nakinig sa akin at tinalikuran pa ako na para bang walang gumigising sa kanya. "Dad, tanghali na," pagpupumilit ko sa kanya na bumangon na. "Hoy Kairo! Tumayo ka na nga riyan," pasigaw na tawag ni mama kay papa. "Hayaan mo na muna 'yan Amy. Hindi ka pa ba papasok sa paaralan mo?" tanong niya sa akin tsaka niya pinatay ang kalan. Umiwas ako ng tingin at huminga ng malalim, hindi ko alam kung ano ang dapat kong isagot. Nahihiya akong pumasok sa ganitong kalagayan namin ngayon at mas kailangan kong matulungan sila kaysa mag-aksaya ng oras sa pag-aaral ko. Kinagat ko na lang ang ibaba kong labi at nakahalata naman si mama na pinipigilan ko ang sarili kong magsalita. "Kailangan mong pumasok sweetie, wala naman problema kung papasok ka eh. Mayroon ka naman mga gamit na naiwan sa school mo, 'di ba?" usisa pa ni mama sa akin habang inilalagay ang nailuto niyang pritong talong sa hapagkainan, pati na rin ang kapirasong kanin na hindi aabot para sa aming hapunan man lang. Muli akong umiwas ng tingin at sa pagkakataon na ito ay niyuko ko na ang aking ulo. "W-Wala po..." bulong ko sa aking sarili at hindi ko alam kung narinig ba niya ako o hindi. "Ano?" Mukhang hindi niya ako narinig kaya inangat ko ang ulo ko at tumingin ng diretso sa kanyang mga mata. "W-Wala po," nauutal ko pa ring pag-uulit sa sinabi ko kanina. "Narinig na kita noong unang beses mo pa lang 'yan sinabi, Amy. Ang ibig kong sabihin ay kung ano ba ang sinasabi mong wala? Wala kang naiwan sa school na kagamitan mo, gano'n ba?" mataray na tanong pa ni mama sa akin. Gustuhin ko man umatras mula sa kinatatayuan ko ay hindi ko naman iyon magawa dahil nasa likuran ko si papa, baka mamaya ay matapakan ko siya sa oras na gawin ko iyon. Tumango na lang ako ng kaunti at hindi na nagsalita pa dahil baka mas lalo lang din magalit si mama sa akin. Hindi niya pwedeng malaman ang nangyayari sa akin sa school at ang tunay na dahilan kung bakit ayaw kong pumasok, bukod sa katotohanang nasunugan kami ng bahay. "Paanong wala eh araw-araw kitang binibigyan ng maaari mong gamitin sa klase mo? Hindi mo ba nailalagay sa locker mo ang mga 'yun?" Walang tigil sa pagtatanong si mama na para bang hindi siya nauubusan ng itatanong sa akin. "Pero, imposible naman kasing hindi mo nga iyon naiiwan sa loob ng classroom niyo, kasi wala naman din akong nakikita sa loob ng bag mo bukod sa iilan pirasong notebook at ballpen." Hinila ni mama ang maliit na upuan tsaka siya umupo roon at gano'n din ang ginawa niya sa kabila, tinuro niya iyon bilang senyas na maupo na rin ako sa tapat niya. Sinunod ko naman siya dahil wala rin naman ako ibang pwedeng gawin sa ngayon. "Ano, Amy? Magsasalita ka ba o ako na mismo ang pupunta sa paaralan mo para halungkatin ang mga gamit mo at kausapin na rin ang guro mo?" pananakot ni mama sa akin kaya mas lalo lang din akong nataranta. "Isa," sinimulan na niya akong bilangan. "W-Wala po akong gamit sa s-school..." pag-aamin ko, nakatitig lang ako sa sarili kong mga palad na nakapaibabaw sa aking hita habang ako ay nakaupo sa harap ng hapagkainan. "Araw-araw... wala po akong napapakinabangan sa mga... ibinibigay niyo po sa akin," dugtong ko pa at kahit pa may pag-aalinlangan ako kung dapat ko pa ba iyon sabihin ay sinabi ko na lang din. "What?" nanlaki ang mga mata ni mama. "Amy, may mga nang-aaway ba sa 'yo... mga kaklase mo? Sabihin mo sa akin at pupuntahan ko na sila ngayon din!" Bigla kong narinig ang malakas na tinig ng boses ni dad mula sa aking likuran at nagulat ako nang makitang gising na rin pala siya, hindi ko lang alam kung simula pa kailan at kung narinig ba niya ang lahat ng usapan namin ni mama. "'W-Wag na po, Dad..." mahinang sabi ko. Namula ang mukha ni papa at lumabas ang mga ugat niya sa kanyang noo. "Anong huwag na? So ibig mong sabihin ay totoo ngang inaaway ka ng mga kaklase mo?" Hinawakan ni mama ang kanyang batok at inikot-ikot ang ulo niya, na para bang mas hindi pa siya makapaniwala kaysa sa akin. "Magbihis ka na Amy. Ihahatid ka namin ni Kairo sa mismong classroom niyo," ani mama at tumayo na rin kahit hindi pa man siya nakakakain, ni hindi nga man lang niya nagalaw ang plato niya para magsandok ng kanin. "P-Pero Ma--" "No buts, Amy. Get dressed and we're heading towards your school. Sa oras na hindi mo ituro sa amin kung sino ang umaabuso sa kabaitan mo ay ikaw rin ang malalagot," sabi pa ni mama at sa maikling oras na iyon ay nagawa na niyang makapagbihis. "Ano, Kairo? Tutunganga ka na lang ba riyan?" tiningnan ni mama si papa ng matalim na siyang nag-udyok kay papa para kumilos na rin. Hinatak ako ni papa sa braso ko dahil alam niyang magpupumilit pa akong 'wag sumunod sa nais nilang mangyari. Nakalabas na nga kami ng tuluyan sa hut na iyon ng hindi man lang ako nakakapagpalit ng damit at nakapagdadala ng kailangan kong dalhin at bitbitin. Ano ang gagawin ko? Sino ang ituturo ko? Paano kung hindi rin naman siya umamin sa kasalanan niya sa akin? Dapat ko pa ba talagang sabihin ang totoo o muli na lang akong magsinungaling at ituro na lang ang ibang tao, na wala namang kinalaman sa nangyayari?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD