Isa akong guro sa fouth year highschool dito sa Pillar International School. Bago ko marating ang aking propesyon bilang isang guro. Marami na akong hinarap na hirap sa buhay simula pagkabata ko. Maswerte na ang pumasok ako na may laman ang aking sikmura o 'di kaya ay may baon na limang piso pagpasok sa school. Ngunit hindi naging hadlang ang kahirapan namin sa buhay upang makapag-aral.
Sa tuwing nakakakita ako ng mga estudyante kong nahihirapang makasunod sa kanilang pangangailangan upang makapag-aral. Palaging bumabalik sa ala-ala ko ang mga pinagdaanan naming hirap na mag-ina. Makatapos lamang ako ng aking pag-aaral.
Taong isang libo't siyam na daan at siyam na pu't lima nang mamatay sa isang aksidente ang aking ama. Kung kaya't kaming mag-ina na lamang ang natira sa buhay.
Kasalukuyang nasa ika-limang baitang ako sa elementarya nang mamatay ang aking ama. Kung kaya't kinakailangang magtrabaho ng aking ina, upang matustusan ang aking pag-aaral. Higit sa lahat upang mabuhay kaming mag-ina. Naging mahirap sa amin ang mabuhay dahil ang aking ina ay hindi nakapag-aral. Kaya hirapan itong makahanap ng trabaho.
May dalawang linggo na ang nakaraan pagkatapos mailibing ng aking ama. Naisipan ng aking ina na muling maghanap ng trabaho. Narito kami ngayon sa isang restaurant ng aking ina, na si Lita Laguador, upang magbakasakali na pumasok bilang isang waitress.
"Magandang umaga po, ma'am," bati ng aking ina sa isang babae.
"Anong kailangan mo?! Kung mamalimos ka lamang, ay umalis ka na!" mataray na sabi ng babaeng kausap ng aking ina.
Tumingin sa akin ang aking ina at ngumiti ito nang pilit bago muling nagsalita. "Hindi po ako mamalimos. Nais ko po sanang mamasukan bilang isang serbidora, po sana," pagtatapat ng aking ina.
Dahil sa sinabi ng aking ina ay tinitigan siya ng babae nang mula ulo hanggang paa. "Maganda ka naman. Ang tanong? Nakatapos ka ba ng pag-aaral mo?" diretsong tanong ng babae sa aking ina.
"Ka_Kailangan pa po ba ang pinag-aralan?" nauutal na tanong ng aking ina.
Ngumiti na parang aso ang matapobreng babae. Pagkatapos ay muling nagsalita ito nang masasakit na salita para sa aking ina.
"Natural! Paano mo gagawin ang iyong trabaho?! Kung wala kang pinag-aralan?! Alam mo ba ang trabaho na pinapasukan mo?!" inis na tanong ng babae sa aking ina. Ngunit hindi nakasagot ang aking ina, kaya muli itong nagsalita. "Paano mo isusulat ang order ng tao?! At paano ka magkukwenta ng halaga nang kinain nila?! Kung hindi mo alam gawin?!" mataray at galit na tanong ng babae.
Nakaramdam ako ng awa para sa aking ina nang bigla itong lumuha. Kung may magagawa lamang ako ay ginawa ko na.
Nagpahid ito ng kan'yang luha gamit ang kanyang daliri at muling nagsalita. "Sige po, aalis na po kami. Pasensya na po sa abala," pagpapaalam ng aking ina at inakay na ako nito palabas ng restaurant.
Naglalakad kami sa gitna nang mainit na panahon nang biglang mahimatay ang aking ina. Magkahalong takot at galit ang aking nararamdaman dahil sa nangyari ngayon sa aking ina. Galit ako, dahil nakita ko ang babaeng nanghusga sa kakayahan ng aking ina. Kahit hindi nakapag-aral ang aking ina ay may alam din naman itong gawin. Takot ako ngayon dahil ayokong may mangyaring hindi maganda sa aking ina.
"Nanay! Nanay! Gumising ka na po," sabi ko habang inuuga ko ang katawan ng aking ina.
"Nanay, ko!" Tumingin ako sa aking paligid. "Tulong!" malakas kong sigaw. "Tulungan n'yo po kami," sigaw ko habang umiiyak.
Hindi nagtagal ay may tumulong sa aming mag-ina na isang matandang ale at nagmagandang loob ito na dalahin sa pagamutan ang aking ina. Nalaman namin na nagdadalang tao ang aking ina kung kaya't nahimatay ito.
Nang malaman ng aking ina ang kaniyang kalagayan ay nalungkot ito ng labis dahil hindi niya alam kung paano pa kami bubuhayin. Kaya sa mura kong edad ay natuto akong mamasukan bilang isang labandera kasama ng aking ina. Tuwing Sabado at Linggo ay kasama ako ng aking ina sa kaniyang pinaglalabahan ng damit. Ang maliit na halaga na kikitain ko sa paglalaba ang siyang nagiging baon ko sa school.
"Anak, pagpasensyahan mo na ang nanay. Dahil hindi kita kayang bigyan nang magandang buhay," sabi nito habang umiiyak.
"Nanay, huwag na po kayong umiyak. Ang importante po ay magkasama tayong dalawa at nakakain pa rin tayo sa maghapon," tugon ko sa kanya.
Sa mura kong edad ay naging matured ako sa lahat ng bagay. Hanggang sa sumapit ako sa highschool, na ako na ang nagtatrabaho para sa aking sarili upang makapag-aral. Dahil sa hirap ng buhay naming mag-ina ay ginawa ko itong hagdanan upang maging tungtungan ko sa pag-abot ng aking pangarap na maging isang guro.
Nang tumuntong ako sa kolehiyo ay sinabayan ko rin ng pagtatrabaho. Upang matustusan ko ang aking pag-aaral at mabuhay ko ang aking ina at kapatid. Simula ng magdalaga ako ay hindi ako nakaisip makipagrelasyon dahil ang pamilya ko ang priority ko sa buhay.
Pagkatapos ng matagal kong pagsisikap sa pag-aaral ay dumating din ang araw ng aking inaasam na pagtatapos. Ngayon ang araw upang umakyat ako ng entablado para tanggapin ang aking diploma at medalya bilang isa magna c*m laude.
Habang nasa entablado ako at nagbibigay pahayag bilang magna c*m laude ay tumulo ang aking luha ng makita ko ang aking ina dahil kita ko sa kanyang mga mata ang saya. Hindi man niya ako naturuan sa aking pag-aaral pero siya ang naging guro ko upang kayanin ko ang lahat ng hirap sa buhay.
Bumalik lamang ako sa kasalukuyan ng tawagin ako ng isa kong estudyanteng lalaki at bigyan ako ng bulaklak.
"Ma'am Pia, para po sa 'yo." Sabay abot nito sa akin ng isang pulang rosas.
Ngumiti ako at aking tinanggap ang rosas. "Salamat, Christopher, sana, hindi ka na nag-abala pa. At sa susunod huwag mo na akong bigyan ng bulaklak baka kung ano ang isipin ng mga tao," sabi ko sa kanya.
Dahil sa mga estudyante kong lalaki na madalas magbigay sa akin ng bulaklak ay pinag-iisipan ako ng mga kapwa ko guro na nagpapaligaw ako sa mga estudyante ko.
"Ma'am Pia, wala po akong pakialam sa iisipin ng ibang guro," sabi ni Christopher.
Hindi ko alam na nasa likuran ko na pala si Cynthia, ang co-teacher ko na ubod ng tsismosa.
"Teacher Pia, narinig ko ang sinabi ng estudyante mo. Kung ayaw mong mawalan ng trabaho. Ikaw na ang uniwas sa mga estudyante mong nagkakagusto sa 'yo," sabi nito sa akin. Pagkatapos ay nagpatuloy na ito sa paglalakad patungong faculty.
Hindi na ako magtataka kung mamaya ay pag-usapan na naman nila ako. Tama ang aking hinala dahil pagdating ko dito sa faculty ay panay ang bulungan nila pagpasok ko. Ngumiti na lamang ako sa kanila dahil alam ko sa sarili ko na wala akong nilalabag bilang guro.
Kasalukuyang naglalakad kami ni Jaime pauwi ng bahay nang bigla itong magsalita. "Pia, kailan mo ba ako sasagutin?" tanong nito sa akin.
Si Jaime Montenegro, ay co-teacher ko at masugid kong manliligaw. Hindi ko pa lamang magawang sagutin ito dahil gusto ko munang mapagtapos ng pag-aaral ang aking kapatid bago ako makipag-boyfriend.
"Naiinip ka na bang maghintay sa akin?" seryosong tanong ko.
Tumigil ito sa paglalakad at hinawakan ako sa aking mga pisngi. "Pia, mahal na mahal kita. Kaya maghihintay ako sa 'yo," sabi nito at unti-unti niyang inilapit sa akin ang kanyang mukha.
Napapikit na lamang ako nang maglapat ang aming mga labi. May kuryente akong naramdaman ng dahil sa mga halik nito na nagpapatunay lamang na may damdamin din ako para sa kanya.
Naghiwalay lang ang aming mga labi ng may biglang magsalita. "Ang harot talaga! Ang akala mo Santa! Ang totoo, Santa Santita!" galit na sa sabi ng isang babae.
Tiningnan ko kung sino ang nagsalita. Laking gulat ko ng makita ko si Mildred, ang dating kasintahan ni Jaime.
"Sinabi mo pa, Mildred! Kanina lang estudyante niya ang kanyang kalandian! Ngayon naman ay nakikipaghalikan sa co-teacher niya!" mataray na sabi ni Cynthia, ang bestfriend ni Mildred.
Hindi ko sila pinatulan dahil ayaw ko ng g**o. Hindi ko rin kailangang magpaliwanag sa kanila. Ang alam ko pumayag akong halikan ni Jaime, dahil mahal ko rin ito.
Hindi nagtagal ay naging nobyo ko na si Jaime, na naging dahilan nang isang pangyayari na sisira sa iniingatan kong propesyon.
"Bakit mo ako niloko?! Pinaglaruan mo lang pala ako, Ma'am Pia!" galit na sigaw ni Christopher, nang makita kami ni Jaime na magkasabay kumain.
Nagkatinginan kami ni Jaime at mukang nagtatanong ang mga mata nito sa akin. Tumulo ang luha ko nang iwan ako nito.
Tumingin ako kay Christopher. "Ano bang kasalanan ko sa 'yo? Hindi kita niloloko," sabi ko na may kasamang pagtataka.
Hindi ko na hinintay ang sagot ni Christopher dahil hinabol ko na si Jaime.
"Jaime, wala akong alam sa sinasabi ng estudyante ko!" sigaw ko habang hinahabol ko ito.
Tumigil ito at nilingon ako. "Pia, hindi ako makapaniwala, na totoong may relasyon kayo ng estudyante mo! Hindi pa ba ako sapat para sa 'yo?!" galit nitong tanong sa akin at tinalikuran na ako.
Tumulo ang mga luha ko habang habol ko ito ng tanaw. Gustuhin ko mang magpaliwanag sa kanya ay hindi ko na magawa dahil maruming babae na rin ang tingin niya sa akin.
Lumipas ang isang linggo na ako ang palaging usap-usapan dito sa school. Hanggang sa ipatawag ako ng principal namin.
Halos mabingi ako sa sinabi nito. "Miss Laguador, alam mo ang patakaran ng school na ito. At marami na ring mga magulang ang inireklamo ka. Dahil ang mga anak nila ay nasira ang buhay dahil mga pinaasa mo lang sila. Hindi magandang halimbawa sa mga mag-aaral dito, na ang guro nila ay may nobyo kasabay ang pakikipagrelasyon sa kanyang estudyante." Tumayo ito at may kinuhang envelope at inabot sa akin. "Miss Laguador, mas makakabuti pang lisanin mo na ang school na ito," mahabang pahayag nito.
Tumulo ang luha ko nang makita at mabasa ko ang nasa loob ng envelope. Sino pa ang tatanggap sa aking magturo kung nakalagay dito na isa akong imoral na babae.
Tumingin ako sa principal namin. "Ma'am, sana po, bago kayo nagdesisyon. Kinuha n'yo muna ang paliwanag ko. Dahil hindi lang propesyon ko ang sinira nila pati na rin ang pagkatao ko!" sabi ko na may kasamang galit habang umiiyak.
Nang makalabas ako ng principal office ay nakasalubong ko naman si Jaime na kasabay nito si Mildred. Doble-dobleng sakit ang naramdaman ko. Dahil kasabay ng pagkawala ng propesyon ko, ay ang pagkawala rin ng lalaking mahal ko.
Tumakbo na ako papalabas ng Campus.
Habang tumatakbo ako ay rinig ko ang pagtawag sa akin ni Jaime. “Pia,” tawag sa akin nito ngunit hindi ko na ito pinansin.
Simula ng paalisin ako sa school na pinagturuan ko simula makatapos ako ay nawalan na ako ng ganang magturo. Ginawa ko ang trabahong kinalakihan ko, ang maglabada.
Kagagaling ko lang sa pinaglalabahan ko ng damit nang makita ko ang aking ina na hirap magbasa ng kanyang gamot. May awa akong naramdaman para dito kaya naisipan ko itong turuan.
Lumapit ako sa aking ina at kinuha ko ang isang gamot na kailangan niya. "Nay, malaki po ang utang na loob ko sa inyo." Kumuha ako ng papel at lapis at ibinigay ko sa aking ina. "Nay, hayaan mo akong suklian, ang lahat ng sakripisyo mo para sa akin," sabi ko.
Ngumiti ito at lumuha. "Anak, hindi mo na ako kailangang turuan. Matanda na ako para mag-aral," sabi nito habang umiiyak.
Tumulo ang luha ko at niyakap ko ito. "Nay, pagbigyan mo na po akong turuan ka," sabi ko.
Dahil sa pagpupumilit ko sa aking ina ay pumayag itong turuan ko siya. Habang tinuturuan ko ang aking ina ay bumalik ang pagmamahal ko pagtuturo. Kaya ginawa ko ring side line ang mag tutor sa mga bata.
Napaluha ako ng unti-unti na itong nakakakabasa. "A-aso, B-baso at N-nanay," pilit na basa ng aking ina.
"Nay, tuturuan ko naman po kayong magsulat ng pangalan ninyo." Sabay abot ko sa kanya ng papel na may nakasulat na Lita Laguador. "Nay, ganito po ang pangalan n'yo," sabi ko na ikinaiyak nito.
Tumingin ito sa akin. "Anak, maraming salamat. At nagtatiyaga kang turuan ako," sabi nito.
Tumulo ang luha ko at niyakap ito. "Nay, hindi ka man maalam sumulat at bumasa noon. Pero hinubog mo po akong maging mabuting tao," sabi ko.
Lumipas ang panahon ay natuto na rin ang aking ina na magsulat at bumasa.
"Ang galing naman ng nanay ko," puri ko pagkatapos niyang magbasa.
Ngumiti ang aking ina. "Mas magaling ang guro ko. Dahil naging matiyaga ka, na turuan ang matandang katulad ko. Napakaswerte ko sa 'yo, anak." Sabay yakap nito sa akin.
Lumipas ang mga araw ay marami ng nagpapa-tutor sa akin na mga estudyante. Dahilan upang tumigil na ako sa paglalabada kay Mrs. Cruz, ang ginang na tumulong sa aming mag-ina noong mga panahong hirap na hirap kami.
Nang matapos akong mag-tutor ay nagulat ako sa aking naging bisita. Nakita ko si Jaime na may dalang bouquet ng pulang rosas. "Anong ginagawa mo dito?" tanong ko na may pagtataka.
Ngumiti ito at lumuhod sa harapan ko. "Pia, pumunta ako dito upang humingi ng tawad. Hinusgahan kita agad. Boyfriend mo ako, pero ako pa ang unang nanghusga sa pagkatao mo. Patawarin mo sana ako at muling tanggapin sa buhay mo," sabi nito habang umiiyak.
Nagulat ako sa mga sinabi nito. "Paano si Mildred?" tanong ko.
Ngumiti ito. "Nang makita mo kaming magkasabay ay kinausap ko siya dahil sa mga maling impormasyon na binigay niya sa ating principal. Kung kaya't nawala ka school. Inilaban ko sa school ang karapatan mo at napatunayan na rin ng school na walang katotohanan ang sinasabi nila na nagpapaligaw ka sa mga estudyante mo. Nalaman ko rin na si Mildred, ang nag-utos kay Christopher, upang sirain ka kapalit ang hindi niya pagbagsak sa kanyang subject," mahabang paliwanag nito.
Hindi ako makapaniwala na magagawa ni Mildred ang mga bagay na 'yon. Sobrang kagalakan naman ang aking nararamdaman, dahil ang propesyong aking minahal ay muli ko ng magagawa. Pagkatapos ay ang pagbalik ng nag-iisang lalaking aking minahal.
Hindi nagtagal ay nakabalik na ako sa paaralang aking tapat na pinaglilingkuran. Naikasal na rin ako kay Jaime at biniyayaan ng kambal na anak.
Ngayon ay masaya na ako bilang may bahay ni Jaime at ina ng aming mga munting anghel na sina Paula at Jam.
Kahit may anak na kami ni Jaime ay hindi nito ako pinigilan na magturo. Kampante rin akong mababantayab nang maayos ng aking ina ang aking mga anak dahil hindi na ito isang no read, no write na tao.
Ako si Teacher Pia Montenegro, na kahit kailan ay hindi ikinahiya ang inang walang alam. Dahil para sa akin ang aking ina ang aking naging guro upang maging mabuting tao.