Agad niyang pinaupo si Elaina sa kanyang tabi. Sa umpisa ay isinulat muna niya ang buong pangalan ni Elaina:
“ELAINA HERNANDEZ DELAVEGA.”
Sa hindi niya malamang dahilan, napangiti siya nang mabasa ang apelyido nito. “Delavega.” Kay sarap bigkasin niyon.
“Here, babe. I-practice mong isulat ang buo mong pangalan.”
Tahimik lang si Elaina habang nakatingin sa papel. Halatang kinakabahan. Kinuha niya ang lapis at dahan-dahang sinubukang iguhit ang unang letra ng kanyang pangalan. Ngunit bago pa man siya makagawa ng isang tuwid na linya, ay agad na napangiwi.
“Ay, bakit parang ang pangit?”
reklamo niya at napasimangot.
Napangiti si Arkin sa reaksyon ng asawa. Lumapit siya nang bahagya, halos dumikit ang kanyang mukha sa balikat nito. Ramdam ni Elaina ang init ng hininga ng asawa sa gilid ng kanyang pisngi kaya lalong tumindi ang kabog ng kanyang dibdib.
“Relax lang, mahal,” bulong ni Arkin, sabay hawak sa kamay ni Elaina.
“Ganito, oh. Dahan-dahan lang. Huwag mong pipigilan ang galaw ng kamay mo.”
Marahan niyang ginabayan ang kamay nito habang sinusulat nila ang letrang E.
Ngunit sa tuwing dumidikit ang kanilang mga balat, pakiramdam ni Elaina ay lumalakas ang kabog ng kanyang puso.
“Ganyan… very good.”
nakangiting saad ni Arkin nang makabuo sila ng maayos na letra.
“Arkin… ang hirap pala nito,”
mahina at may halong tawa ang sabi ni Elaina habang muling sinusubukang isulat ang sumunod na letra.
“Para akong bata.”
“Hindi mahalaga kung parang bata ka. Ang mahalaga, natututo ka,”
malambing na sagot ni Arkin, habang hindi inaalis ang kamay na nakapatong sa kamay ng asawa.
Pagkaraan ng ilang sandali, napuno ng mga letra ng pangalan ni Elaina ang papel. Medyo tabingi, medyo sablay, ngunit bawat letra ay punô ng pag-asa at pagmamahal.
“Tingnan mo oh…”
tuwa niyang sabi habang ipinapakita kay Arkin ang papel.
“Nasulat ko na rin ang pangalan ko! Kahit medyo pangit…”
“Hindi pangit, Elaina.”
Nakangiti si Arkin habang nakatingin sa kanya.
“Sa’kin, ‘yan ang pinakamagandang sulat na nakita ko.”
Saglit silang nagkatitigan. Walang salita, ngunit sapat na ang ngiti at titig ni Arkin para maramdaman ni Elaina na tunay siyang mahalaga rito.
At sa sandaling iyon, pakiramdam niya ay wala na siyang ibang pangarap kundi ang manatili sa piling ng lalaking iyon — habang tinuturuan siya, hindi lang ng mga letra, kundi ng tunay na kahulugan ng pag-ibig.
Muli ay nag-umpisa si Elaina na sumulat sa isa pang bakanteng papel. Isang letra na lamang ang kailangan upang matapos ang buo niyang pangalan, nang sunod-sunod na pagkatok ang nagpatigil sa ginagawa nila ni Arkin.Hindi pa man nakakasagot ang asawa niya upang papasukin ang kumakatok na iyon, ay bumukas na ang pinto ng office library ng asawa. Ang masaya at masigla niyang mukha kani-kanina lamang ay napalitan ng takot nang makita ang madilim at galit na mukha ni Donya Octavia.
“My goodness, Arkin! Naririto ka lang pala,”
ani Donya Octavia na halata sa boses ang pagkadismaya. Hindi nakaligtas kay Elaina ang mapanuri at matalim na tingin sa kanya ng donya. Lalo pang lumukot ang mukha ni Donya Octavia nang makita kung ano ang ginagawa nila ni Arkin. Tila hindi nito nagustuhan iyon.
“Yes, Ma. Tinuturuan ko si Elaina—”
“Kailan ka pa naging tutor, Arkin?”
putol ni Donya Octavia sa iba pang sasabihin ni Arkin. Matalim nitong tinitigan ang long pad at lapis na nasa ibabaw ng table. Napayuko si Elaina. Alam niya na hindi nagustuhan ni Donya Octavia ang ginagawa nilang pagtuturo. At ramdam niya ang malaking pagka-ayaw sa kanya ng matapobreng biyenan.
“Ma, kailangan kong tulungan si Elaina. Kailangan niyang matutong—”
“Nahihibang ka na ba talaga, ha? Bakit nagtatyaga kang turuan ang babaeng ‘yan? Nag-aaksaya ka lamang ng oras at panahon para turuan ang mangmang na ‘yan!”
ani Donya Octavia, sabay bigay ng masamang tingin sa kanya.
Muli ay napayuko si Elaina. Hindi niya kayang salubungin ang galit at mapanglait na tingin ng donya para sa kanya.
“Ma, can you please stop,” ani Arkin at napahilot sa sariling sentido. Hindi niya nagustuhan ang sinabi ng ina tungkol kay Elaina.
“At bakit? Pawang mga katotohanan lamang ang mga sinasabi ko. Hindi ka namin pinag-aral ng ama mo para lamang maging isang tagaturo ng babaeng ‘yan! Look, Arkin, bakit hindi mo pag-isipan ang mga sinasabi namin ng papa mo sa’yo!”
“Heto na naman ba tayo, Ma? Ilang beses ko bang sasabihin sa inyo, si Elaina ang pinakasalan ko, kaya obligasyon ko na siya ngayon.”
Malalim na bumuntong-hininga ang matandang donya. Nasa mukha nito ang hindi pagsuko.
“’Wag kang maging tanga, Arkin. Baka magsisi ka kapag ipinagpatuloy mo ‘yang kahangalan mo!” galit na saad nito kay Arkin, sabay labas ng opisina ng kanyang asawa.
Nahihiya na tumingin siya kay Arkin. Alam niya na siya ang dahilan kung bakit hindi magkasundo ang mag-ina ngayon.