"Baka naman mapag-usapan pa natin ito, Mr. Rogers.”
Mula sa office library ay kita ni Elaina ang mukha ni Arkin na hindi nito maipinta. Tila may malaki itong problema ngayon. Simula pa kahapon ay hindi na ito mapakali. Kaliwa’t kanan ang tawag na natatanggap nito sa telepono.
Matapos ang pakikipag-usap nito sa cellphone ay nakita niya kung paano tila nanghina ang katawan nito at bumagsak sa swivel chair. Nag-alangan man, pumasok pa rin siya sa opisina nito upang ibigay ang tinimpla niyang juice.
“M-magpalamig ka muna.”
Kinakabahan niyang alok sa asawa. Napahilot si Arkin sa sariling sentido nang makita siya.
“Kanina ka pa diyan?”
Umiling siya.
“Hindi, kakapasok ko lang.”
Napatango-tango na lamang si Arkin. Bago pa man siya makapagsalita upang ibigay ang kanyang inihandang meryenda sa asawa ay biglang bumukas ang pintuan ng opisina. At iniluwa noon si Donya Octavia, kasama ang babaeng kasama ni Arkin noong isang araw.
Bigla siyang nanliit habang lihim na pinagmamasdan ang babae. Napakaganda nito—parang isang manikang buhay na buhay. Sa ganda at kinis, wala na siyang kalaban laban sa babae.Paano ba naman kase,napaka supistikada nito. Tila rosa na labanos ang balat nito dahil sa mamula mula at puti. At ang liit ng baywang ay bumagay sa maganda nitong mukha.
“Mabuti at naririto ka, may mahalaga tayong pag-uusapan.”
Bungad ni Donya Octavia kay Arkin. Nang dumapo ang tingin nito kay Elaina ay matalim siyang tiningnan. Ano pa nga ba ang dapat niyang asahan sa matapobre at malupit niyang biyenan? Suklam na suklam ito sa kanya—halos isumpa na nga siya ni donya Octavia.
“Tungkol saan, Ma?”
“Tungkol sa mga kasosyo nating patuloy sa pagba-back out.”
Wala man siyang alam sa negosyo, alam niyang may malaking problemang kinakaharap ang kumpanya ng asawa. Kitang-kita niya iyon sa mukha ni Arkin. Simula pa kahapon ay hindi niya ito makausap nang maayos. Problemadong-problemado ito.At kung may magagawa lamang siya ay tutulungan niya ang asawa. Ngunit ano ba ang magagawa ng isang katulad niyang hindi nakapag aral. Isang hamak na No Read No Write siya.Lihim siyang napabuga ng hangin.
Samantala,malalim na nagpakawala ng buntong-hininga si Arkin.
“Hindi ko na alam ang gagawin ko, Ma. Ginagawa ko naman ang lahat para makumbinsi silang bumalik.”
Hindi na napigilang daing ni Arkin sa ina habang napapasandal sa swivel chair.
“Don’t worry, Arkin. Alam kong makakahanap ka ulit ng mga investors.”
Nakangiting saad ng babae saka lumapit kay Arkin at hinalikan ito. Napalunok si Elaina sa ginawang iyon ni Priea. Simpleng halik lamang iyon, ngunit parang sinampal siya ng katotohanang wala siya sa mga babaeng unang minahal ng kanyang asawa.
“Priea, what are you doing here?”
Nagtataka ngunit nakangiting tanong ni Arkin nang makita ang babaeng kasama nito noong isang araw. Para bang nawala ang lahat ng problema nito nang makita ang babaeng tinawag nitong Priea. Tumayo ito at ginantihan ng yakap ang dalaga.
“So what brings you here?”ulit ng kanyang asawa.
“Tita Octavia, told me everything, kaya naparito ako. Alam mo na, maaari kitang tulungan sa mga problems mo, babe.”
Napaiwas ng tingin si Elaina nang lumambitin ang magkabilang kamay ni Priea sa leeg ni Arkin. Ayaw man niyang magselos, ngunit sa ipinapakita ng babae ay hindi niya ito maiwasan.
“I told you, Arkin. Si Priea lamang ang nababagay sa’yo at hindi ang kung sinong babaeng walang pinag-aralan.”
Saad ni Donya Octavia sabay tingin sa kanya, taas ang magkabilang kilay nito. Napatungo siya, napahiya sa sinabi ng matapobreng byenan. Totoo naman—wala siyang pinag-aralan.
Tila doon lamang naalala ni Arkin na naroon pa siya sa silid. Alanganing tumingin ito sa kanya.
“Priea, meet my w-wife… E-elaina.”
Ani Arkin, at hindi niya alam kung bakit tila nag-iba ang ihip ng hangin. Para kasing nag-aalangan pa ang asawa niyang ipakilala siya sa bisita nitong si Priea.
Ngumiti si Priea sa kanya—ngiting hindi man nito sabihin ay may halong pang-aalipusta—saka siya sinipat mula ulo hanggang paa.
“Oh, your wife.Akala ko maid. No wonder why, Tita Oct—”
“Elaina, maaari bang iwanan mo muna kami nina Mama? May mahalaga lang kaming pag-uusapan.”
Si Arkin ang pumigil sa sasabihin sana ni Priea. Nahihiya siyang tumango sa asawa. Gustuhin man niyang manatili upang makasama ito, ngunit hindi maaari. Si Arkin na mismo ang nagsabi, at naiintindihan niya iyon. Isa pa, wala naman siyang alam tungkol sa negosyo nito.
Kahit mabigat sa loob ay lumabas siya ng library room. Napabuntong-hininga siya habang dala pa rin ang meryendang sana ay ibibigay niya kay Arkin, ngunit hindi na niya nagawa dahil sa biglaang pagdating nina Donya Octavia at Priea.
Minabuti niyang bumaba na lamang. Mas mainam iyon kaysa maghintay na muli siyang tawagin ni Arkin.
Habang patungo siya sa kusina ay hindi sinasadyang narinig niya ang usapan ng dalawang kasambahay.
“Wala pa ring pinagbago si Senyorita Priea, ‘no? Ang kinis at ganda-ganda pa rin niya.”
Si Sonia iyon habang nag-aayos ng mesa.
“Oo nga,” sagot ni Doray. “Sa totoo lang, mas bagay sila ni Senyorito Arkin. Gwapo at maganda. Parehong galing sa pamilyang mayayaman. Kumpara kay Elaina—isang probinsiyana na nga, napakamangmang pa.”
Huminto sandali si Doray bago muling nagsalita.
“Napapaisip tuloy ako… ano bang nagustuhan ni Senyorito Arkin sa babaeng iyon? Hindi kaya ginayuma ni Elaina ang Senyorito natin?”
Sabay lagay nito ng mga plato at kubyertos sa mahabang dining table.
Napalunok si Elaina. Masakit—ngunit may katotohanan ang ilan sa mga sinabi ni Doray. Isa nga siyang mangmang.Ngunit kahit kelan,hindi niya ginayuma ang kanyang asawa upang magustuhan siya nito. Totoong mahal siya ni Arkin at walang halong kahit na anong gayuma iyon.
Ngunit sapat ba iyon upang maranasan niya ang ganitong klase ng panlalait mula sa mga taong nakapaligid sa kanila ni Arkin?Saka lamang niya naisip na Hindi pala basta basta ang mundo ng kanyang asawa. Napakahirap pasukin nito para sa kagaya niyang walang pinag-aralan. At higit sa lahat sa kagaya niyang mangmang.