Mapait siyang napangiti nang maalala kung paano niya nakilala ang asawang si Arkin. Naaksidente ito, at sa kabutihang-palad ay nakita ng kanyang ama at kapatid. Nang gumaling ang lalaki, inakala niyang iyon na ang huli nilang pagkikita. Ngunit laking gulat niya nang isang araw ay naging bisita nila ito.
Ang pagbisita ni Arkin nang minsan ay nasundan pa ng maraming beses. Kalaunan, naglakas-loob itong magtapat ng damdamin sa kanya. Subalit dahil sa malaking agwat ng kanilang estado at uri ng pamumuhay, tinanggihan ng dalaga ang panliligaw ni Arkin—kahit pa hindi na niya maitatangging may nadarama na rin siya para sa binata.
“Kayraming babae riyan na kasing-lebel mo—mayayaman, magaganda, at higit sa lahat, edukada. Bakit ako? Na simula’t sapol alam mong hindi marunong sumulat at bumasa? Bakit ako, na isang anak-mahirap at mangmang?”
ani Elaina kay Arkin, lihim na nasasaktan sa pagtanggi sa pag-ibig na buong pusong iniaalay sa kanya ng binata.
Buong akala niya ay titigil na sa pangungulit sa kanya si Arkin dahil sa sinabi niya. Ngunit nagkamali siya, dahil mas naging makulit at pursigido ito sa panliligaw sa kanya.
“Hindi natuturuan ang puso, Elaina, kung sino ang dapat na mahalin nito. And I don't care kung ano man ang katayuan mo sa buhay. Ang mahalaga sa akin ay ikaw. Alam ko na may nararamdaman ka rin para sa’kin. Kaya please, marry me.”
Hindi agad nakuhang sumagot ni Elaina, kaya naman ay hinawakan na ni Arkin ang kamay ng dalaga.
“Please, Elaina, marry me,” nagmamakaawang sambit sa kanya ni Arkin.
Kaya naman, dala ng bugso ng damdamin kahit sa kabilang banda ay may agam-agam siya, pumayag siya sa kagustuhan ng binatang Delavega. Nagpakasal siya kay Arkin nang walang kasiguraduhan. Wala siyang ibang pinanghahawakan kundi ang mga pangako nito sa kanya.
At heto nga, buong akala niya ay magiging masaya siya, ngunit nagkamali siya, dahil puro pasakit ang natatamo niya sa malupit niyang biyenan.
“Ano pang tinatanga-tanga mo riyan?! Mag-intindi ka ng sarili mo, parating na si Arkin!”
Napapitlag siya nang biglang sumulpot sa kanyang harapan ang malupit niyang biyenan. Nakapamewang ito habang ang isang kamay naman ay may hawak na pamaypay. Malalim siyang napabuntong-hininga at iika-ikang tumayo at tinungo ang restroom. Ngunit bago pa man siya tuluyang makapasok sa CR ay napatigil din agad siya nang malakas na hinaltak ni Donya Octavia ang braso niya.
“Ipapaalala ko lang sa’yo, ‘wag na ‘wag kang magsusumbong kay Arkin. Dahil kung hindi, alam mo na ang mangyayari sa pamilya mo. Naiintindihan mo?!” galit na babala nito sa kanya.
Napalunok siya at sunod-sunod na napatango kay Donya Octavia. Napangisi sa kanya ang malupit na Donya.
“Good. Mabuti na ang malinaw sa’yo, Elaina. Kung ayaw mo na pamilya mo ang umani sa galit ko sa’yo!” ani nito at pabalang na binitawan siya at nagmamadaling umalis ng silid nilang mag-asawa.
Sunod-sunod na paghinga ng malalim ang kanyang ginawa. Nanghihina siya, napasandal sa pinto ng CR. Hindi niya lubos akalain na ganito ang mangyayari at sasapitin niya sa kamay ng pamilya ng kanyang asawa.
Mabilisan ang pagligo lamang ang kanyang ginawa. Napangiwi pa siya nang makita ang pasa sa kanyang braso. Nang matapos sa pagliligo ay agad niyang inasikaso ang pasa sa braso niya. Hindi iyon puwedeng makita ni Arkin. Magtatanong ang kanyang asawa kung bakit nagkaroon siya ng pasa, gayong sa pagkakaalam nito ay wala naman siyang ginagawang mabigat sa loob ng mansiyon. Pinatungan na lamang niya iyon ng liquid concealer.Matapos ang pag-aayos ay nagpasya siyang bumaba, ngunit makita niya na may kasamang ibang babae ang kanyang asawa. Hindi lang iyon, nakakuyapit pa ito sa bisig ni Arkin na animo’y ito ang asawa ni Arkin.
Imbes na bumaba at salubungin niya ang asawa ay nagmamadali siyang bumalik sa kanilang kwarto ni Arkin. Nasapo niya ang sariling dibdib. Tila nanlambot siya sa nakita niya. Alam niya na gentleman ang asawa niya, pero hindi niya maiwasang hindi makaramdam ng selos. Lalo pa at dalawang linggo din silang hindi nagkita ng asawa.
Bakit ganoon, imbes na siya ang unahin nito, hindi—dahil may iba pala itong kasama sa pag-uwi. Nakagat niya ang pang-ibabang labi. Ayaw niyang mag-isip ng hindi maganda sa asawa. May tiwala siya kay Arkin. Isa pa, pinanghahawakan niya ang mga sinabi nito sa kanya.
Sunod-sunod na pagbuntong-hininga ang kanyang ginawa at nagdesisyon na muling bumaba upang salubungin ang kanyang asawa. Ngunit nagtaka siya nang pagdating niya sa malawak na sala ay wala na roon ang kanyang asawa, maging ang babaeng kasama nito ay wala din doon. Nagtungo siya sa kusina at doon niya naabutan ang mayordomang si manang Erma.
“Ikaw pala, Elaina, may kailangan ka ba?”
Nakangiting tanong sa kanya ng mayordoma. Tipid siyang ngumiti kay manang Erma. Kapag alam ng mga kasambahay na naririto ang kanyang asawa ay hindi nag-aatubili ang mga ito na tanungin siya kung ano ang kailangan niya. Alagang-alaga at busog na busog siya. Kabaligtaran iyon kapag wala si Arkin. Halos gawin na siyang katulong at ginugutom pa ni Donya Octavia.
“Ah, Manang Erma, si Arkin po? Di ba dumating na siya kanina? Nasaan na po?”
nakangiting tanong niya sa matanda
Panandaliang itinigil ni Aling Erma ang ginagawa at kunot-noong tumingin sa kanya.
“Abá’y umalis muli. Hindi ba nagpaalam sa’yo na ihahatid niya si Priea?”
Nawala ang pagkakangiti niya. Napalunok siya at sunod-sunod na umiling sa matandang mayordoma si Elaina.
“H-hindi po, Manang. S-saka sino pong Priea?”
Halos mabulol na tanong niya kay Manang Erma.
“Ah, si Priea. Yung magandang babaeng kasama po ni Senyorito kanina, dating kasintahan po iyon ni Senyorito Arkin—”
“Arlene!”
Agad na babala ni Manang Erma kay Arlene na naputol pa ang iba pa nitong sasabihin.
"Ikaw talaga napakadaldal mong bata ka. Bumalik ka na nga doon sa ginagawa mo."
Saglit siyang natigilan sa sinabi ni Arlene. Tila may kung anong tumusok sa kanyang dibdib. Bakit ganoon? Umalis si Arkin nang hindi man lang sa kanya nagpakita. Ni hindi man lang nagpaalam o tumawag sa kanya upang sabihin na muli itong umalis.
Ganun ba kaimportante ang bisita nito sa kanyang asawa upang mabalewala siya? Lihim siyang napabuga ng hangin at tipid na ngumiti kay Manang Erma at Arlene.
“G-ganoon po ba. Sige po, aakyat na lang po ako ulit.”
“Hindi ka ba kakain, iha? Elaina, maghapon na wala ka pang kain-kain, ah,” saad ni Manang Erma kay Elaina. Nasa mukha nito ang pag-aalala.
Ang totoo, gutom na gutom na nga siya at kumakalam na ang sikmura niya sa gutom. Ngunit nawalan siya ng gana dahil sa kanyang nalaman. Malalim siyang napabuntong-hininga. Pakiramdam niya, balewala na siya sa kanyang asawa.Nasasaktan siya kapag naiisip na hindi man lang siya naalala ni Arkin dahil sa babaeng kasama nito ngayon. Na sinasabi ni Arlene na dating kasintahan ng kanyang asawa.
“Kumain ka na bago ka umakyat sa kwarto n’yo.”
Muli ay si Manang Erma at iginaya siya sa malawak na dining room ng mansyon. Wala na siyang nagawa pa kundi ang umupo sa malaking hapag-kainan. Maya-maya pa ay kasunod na niya si Arlene na may mga dalang pagkain.
“Ang dami naman po yata niyan, Manang,” saad niya nang makita ang inihain na mga pagkain ng mga katulong.
Matamis na ngumiti sa kanya si Manang Erma at pinagsandok siya ng pagkain. Gusto sana niyang tumutol sa pagsisilbi ng matandang mayordoma, dahil hindi naman siya sanay sa ganitong treatment, lalo na at sanay at laki siya sa hirap.Higit sa lahat ay hindi naman talaga ganito ang trato sa kanya ng mga ito kapag wala si Arkin dito sa mansyon.
“A-ako na po, Manang.”
“Hmmm… hayaan mo na pagsilbihan kita. Kahit paminsan-minsan man lang ay gumaan ang buhay mo dito sa mansyon. Sa akin ka pinagkatiwala at ibinilin ng asawa mo kapag umaalis siya. Ngunit wala akong magawa sa malupit mong biyenan sa pagpapahirap sa’yo. Kaya pagpasensyahan mo ako.Patawarin mo ako.”