KARIM'S POV
Pagpasok ko sa kwarto, akala ko mawawala na ang bigat sa dibdib ko dahil sa kaba nang makasalubong ko si Miguel.
"Captain..." boses ni Miguel mula sa labas.
Napabuntong hininga ako. Karim, kaya mo 'to!
Huminga pa ako ng malalim bago ko pagbuksan ng pinto si Miguel at naglakad papaupo sa upuan na malapit sa kama ko.
"May kailangan ka pa?" pangunguna ko.
Napansin ko ang seryosong paglingon niya sa'kin matapos niyang isara ang pinto. "Gusto kong malaman kung tama nga ang hinala ko..." kalmado niyang tanong na lalong nagpapakaba sa'kin.
Ito na ang kinakatakutan kong event...
"Sino ka?" seryosong tanong niya na nagpahinto sa'kin.
ARVIN'S POV
"May problema ba, Karim?" nilingon ko ang nag-aalalang si Leerin.
Umiling ako.
Ngumiti siya, "H'wag kang mag-alala. Naniniwala akong babalik ang mga ala-ala mo"
"Hm" simpleng tugon ko at binalik ko ang tingin ko sa labas.
Pabalik na kami sa East High matapos ang camp. Dito narin magsisimula ang panibagong yugto ng buhay ko bilang si Karim Davila.
At ang totoong Karim Davila, paniguradong hinaharap na ang unang pagsubok niya bilang Arvin Boreanaz.
KARIM'S POV
Hindi ko magtignan sa mga mata si Miguel habang siya, alam ko na diretsong nakatingin sa'kin ang mga mata niya.
"Anong ibig mong sabihin sa tanong na sino ako?"
"Hindi ikaw ang kilala kong Arvin Boreanaz" expected kong sasabihin niya.
"Kayo ang hindi naniwala sa'kin na hindi ako si Arvin Boreanaz. Kayo ang nagpilit sa akin ng isang kasinungalingan"
Hindi ko inaasahan ang pagbabago ng mga tingin niya sa'kin. Mga tingin na parang puno ng katanungan, "Wala akong pakialam kung sino ka man. Gusto kong malaman kung nasaan ang totoong Arvin at kung paano ka napunta sa katawan niya"
Tuluyan kong inalis ang tingin sa kanya at humarap ako sa napakalaking bintana. "Hindi ko alam kung paano ako napunta sa katawan niya at hindi ko alam kung buhay o patay na siya. Nung mga oras na nagising ako sa katawan na 'to, nasa bingit ng kamatayan ang totoong katawan ko dahil sa aksidente"
"Kung buhay pa siya, saan ko siya matatagpuan?"
"Bakit mo gustong malaman? Ipangangalandakan mo ba na hindi ako ang totoong Arvin Boreanaz?" kapag nangyari 'yon, paniguradong hahatulan ako ng kamatayan.
Pero, gusto kong magtiwala sa kanya.
Sumalubong sa pagharap ko kay Miguel ang mga madidilim niyang tingin at napakamalademonyo niyang ngiti, "Nasa bingit din ng kamatayan si Arvin nang mapunta ka sa katawan niya. At ako ang dahilan ng ito, ako ang naglason kay Arvin"
Dahil sa pagkabigla, hindi ako nakapagreact kaagad. Hindi ko inaasahan na magsasabi siya ng totoo.
Lumapit siya sa bintana na nasa likuran ko, "Tandaan mo 'to, mas gugustuhin ko na na isang mangmang ang nasa loob ng katawan na kinalalagyan mo kaysa sa totoong Arvin. Pero hanggat nabubuhay sa mundo na 'to si Arvin, hindi matatahimik ang buhay ko. Hahanapin ko siya, at ako ang tatapos ng buhay niya"
ARVIN'S POV
Papikit na sana ako nang mabahing ako. "Hmm? Masama ba pakiramdam mo? Kanina ka pa bahing ng bahing" sabi ni Leerin na kanina pa pala ako napapansin.
"Okay lang ako" sa huling pagkakataon, bumahing ako kasabay ng paghinto ng sasakyan.
"Ah, mukhang nandito na tayo"
Lumingon ako sa bintana. Tanaw dito ang isang gate, napakalaking gate ng East High.
"Oh, katulad ng napagkasunduan. Ikaw na bahala sa mga bag namin Karim" nakangising sabi ni Celia at handa na sana siyang tumakbo pababa ng sasakyan nang hilahin ni Eugene ang maliit na bag na nakasuot kay Celia, "P-Pres?..." pagtataka ni Leerin.
"Nakalimutan mo na bang kagagaling lang sa aksidente ni Karim?"
Nagpout naman itong si Celia, "Usapan ay usapan.... nawalan lang siya ng ala-ala at hindi naman siya lumpo"
Binitawan ni Eugene si Celia matapos ng napakalalim na buntong hininga niya, "Sige na, bumaba ka na. Ako na ang magbibitbit ng bag mo"
"Thanks!" may malaking ngiting tumakbo pababa si Celia habang si Eugene ay nangingiti nalang din.
Pagbaba namin sa sasakyan hindi na ako nagulat sa nadatnan ko, dahil narin nakapunta na ako dito dati... mga panahon na ako pa si Arvin Boreanaz.
"Ano, tara na?" tumango ako bilang tugon kay Leerin.
Hindi kami tumuloy sa pagpasok sa East High, binaba lang kami rito kaya ito, naglalakad kami ngayon n Leerin kasama sila Celia at Eugene. Same direction din ang pinupuntahan ng ilan pang estudyante kabilang sila Vann.
Pagliko namin, bumungad ang tatlong naglalakihang gusali.
Ito ang mga orphanage. Tama, dahil ang lahat ng mga taong nandito.... mga ulila at walang mga pamilya. Habang ang ilan, dito na bumuo ng bagong pamilya.
"Magkita-kita nalang tayo bukas" paghiwalay ni Eugene sa'min.
"Dito tayo, Karim" sinundan ko nalang si Leerin at Celia.
Pagpasok namin sa gate, sumalubong sa'kin ang tatlong batang babae. Sa mga mukha nila, walang dudang triplets ang tatlong bata na 'to.
"Si Danica, si Nicki at si Aika" pagpapakilala ni Leerin.
"Kuya Karim, nabalitaan po namin na naaksidente po kayo. Okay lang po ba talaga kayo?" sabi ng nasa right side.
"Hindi niyo po ba talaga kami naaalala?" tanong nung nasa left side.
Inaasahan ko na may itatanong 'yung nasa gitna pero napaiwas siya ng tingin at pumunta sa likod ni Leerin.
"Haha, pagpasensyahan mo na. Mahiyain talaga 'tong si Aika" ngumiti ako kay Aika pero nagtago ulit siya sa likod ni Leerin.
"Oy~, Leerin! Karim! Wala ba kayong balak na pumasok?!" sigaw ni Celia na nakadungaw na sa bintana.
Sa pagpasok namin sa loob, hindi ko inaasahan na mas marami palang mga batang nandito.
Sa pagkakatanda ko, isang gusali palang ang orphanage. Pero mukhang naging bagsakan na ng mga ulilang bata ang East Ground.
"Dito ba tayo unang nagkita?" tanong ko pagkapasok ni Leerin sa kwarto ko.
Umiling siya at lumapit sa'kin sa bintana para tanawin ang mga batang nagkalat sa labas, "Nagkakilala tayo nung mga panahon na ginagawang slave ang mga batang katulad natin-- hindi, dahil nagkakilala tayo nung mga panahon na hindi pa ganito kaganda ang East Ground"
Hindi ko makuhang magsalita dahil sa sinabi niya dahil naaalala ko ang lahat. Ang buong East Ground ay ang dating Slave Trading Area. Lahat ng mga walang pamilya, dito bumabagsak-- maging ano man ang edad.
"Matagal ko ng nakalimutan ang nakaraan. Ang mahalaga sa'kin ngayon, ay ang mga ngiti ng mga bata. Hindi ko gustong maranasan nila ang mga naranasan natin, kaya naman... gagawin ko ang lahat para lumakas sapat para maprotektahan ko sila"
Sa pagkakataon na 'to, kusang lumitaw ang ngiti sa labi ko.
Hindi na masamang napunta ako sa katawan na 'to, dahil ang mga taong nakapalibot sa Karim Davila... ay mga taong may kaparehas ko na nais para sa mundo.
KARIM'S POV
"Hindi ka ba sang-ayon sa mga nangyayari at sa mga gusto kong mangyari?" nilingon ko si Miguel, "Sa oras na mawala ang totoong Arvin Boreanaz, mapapasayo na ng tuluyan ang katawan na 'to. Ngayon gusto kong malaman kung nasaan si Arvin. Naniniwala akong buhay siya"
"Sa East Ground, nabubuhay sa katauhan ni Karim Davila"
Kung gusto kong mabuhay, kailangan kong sumunod sa agos. Kailangan kong makuha ang buong tiwala ni Miguel. Habang nandito ako sa katawan ng isang Arvin Boreanaz, hawak ni Miguel ang buhay ko.
Ito ang katotohanan na kailangan kong tanggapin at tiisin. Dahil sa isang pagkakamali lang, maaaring buhay ko ang maging kapalit.
To be Continued ...