Kabanata 20. Resulta ng Unang Pagsubok

1388 Words
“Sige na ilabas mo na kung ano man iyan” panghihikayat naman ng matanda. Natuon ang lahat ng atensyon kay Eros. Inilabas nito ang pitakang leather na kapansin- pansing niluma na ng panahon. Ano naman kayang iniingatan nito? Pera Ipinatong ng binata ang isang lumang litrato sa lamesa sa harap ni lola Huling. Nakisilip rin siya. Tatlong tao ang nandoon. Lalaking siguro’y nasa early thirties at babaeng balingkinitan na magandang nakangiti na siguro ay nasa late twenties na at isang batang lalaking bungi na napakalawak ng ngiti sa mukha. Singkit iyon at maputi. Family picture panigurado ni Eros. “Iyan po ang lagi kong dala at iniingatan ko po ng mabuti dahil iyan ang nagpapaalala sa akin nuong maayos at masaya pa ang aming pamilya” mababa ang tonong wika ni Eros na hinahawak hawakan ang harapang buhok. “Bakit, hiwalay na ba ang mga magulang mo?” tanong ng matanda. Tila nahihiyang sumagot si Eros. “Hindi po pero hindi ko na ramdam na buo ang pamilya ko.” Tumango- tango ang matanda. Naaawa siya kay Eros. Akala niya napakasuwerte ng lalaki dahil nasa city ito ang mukhang may pera pero mayroon din pala itong kinikimkim na problema. Mas masuwerte nga siya, si lola Huling lang ang pamilya niya pero napunan na nito ang pagiging ama at ina pati pagiging matalik na kaibigan. “Ngayon, sasabihin ko na ang susunod kong ipapagawa. Tula para sa apo ko. Bumalik nalang kayo dito 'pag tapos na” nakangiting wika ni lola Huling. “Yown boss Joey, kayang kaya mo iyan!” masiglang sambit ni Junnyboy. Narinig niyang mahinang tumawa si Joey. Kung ano- ano nanaman ang naiisipan ng Inang, baka sa susunod paakyatin na sa bundok para kumuha ng endangered animals. “Easy yan kay kuya Eros” singit naman ni Aljur. “Hindi man po ako magaling sa mga salita, gagawin ko po iyan sa lubos ng aking makakaya” kakamot kamot na sagot ni Eros. Duda siya sa reaksyon nito a. “Aasahan namin kayo” sagot ng matandang tumataas taas ang kilay saka bumalik sa pagkain. Natapos silang lahat kumain at sabay- sabay na umalis. May mga flashlight ang mga cellphone ng mga ito at sila Aljur ay maingay sa daan. Sobrang dilim na ng paligid sana ay hindi sila mapano. Pumasok siya sa loob at naghugas ng lahat ng pinagkainan. Si lola Huling ay nagpupukpok ng kaniyang nganga. Nang matapos siya ay naupo sa gilid ng matanda. “Inang ano po ang resulta ng una ninyong pagsubok?” curious na tanong niya. “Ikaw ano sa tingin mo?” balik tanong nito sa kaniya. Napaisip naman siya. Walang kahirap hirap kay Joey ang pagpapaalam sa pamilya nito, si Eros ay isinama pa ang kaniyang tito at tita para makilala sila. Tiyak ang pagdududa ng mga ito. Aminado siyang namangha sa magandang singsing na iniingatan ni Joey pero mas naantig siya sa litrato ng pamilya ni Eros. “Tingin ko po mas lamang si Eros ngayon” sagot niya. “Mmm ikaw naman ang magti- timbang niyan. Pinagawa ko lang iyon para malaman kung tatanggapin ka ng pamilya nila at siyempre ay katapatan na rin. Hindi ka puwedeng itago. Katapatan ang susi sa lahat ng relasyon at kung wala ito, dadami nang dadami ang lamat sa isang relasyon hanggang sa gumuho iyon. Ayaw ko naman na ang mapapangasawa mo ay malihim, magagaya ka sa mga mag- asawang maghihiwalay pagkatapos ng kasal. Dito mo rin makikita kung nasan at ano ba ang prayoridad nila? Pera, karangyaan o uunahin ang pamilya?” mahabang wika nito saka dahan dahang tumayo. Naiwanan siyang nagi-isip. Eros’ POV Mukhang dehado ako ngayon ah! Akala ko puchu puchu lang yung Joey na iyon may singsing palang may diyamante. “Maalam ka bang gumawa ng tula pinsan?” tanong ni Anton. “Hindi nga e” matapat na sagot niya. “Patay ka kuya” singit ni Aljur. Nang nasa balon na sila ay tuwang tuwang nagtungo si Aljur sa balon at idinawdaw ang mga kamay at naghilamos doon. “Huy, kelangan mo mag- tabo diyan” saway niya rito. “Ih ayos lang yan” saka ito tatawa-tawang umahon. Nang makauwi nga sila ay nanonod lang ng dokumentasyon sa TV sila tito Arthur at tita Julie. Si Emma ay nakabusangot na nakaupo sa pang isahang sofa. “Oh bakit ang sama ng mukha mo kulaspag?” tanong ni Anton sa kapatid. “Ewan ko sa’yo kulaspog” inis na sagot nito saka sinamaan ng tingin ang kapatid. “Tampo iyan at hindi kasama” singit ni Aljur. “Bawal dun ang bata” dagdag pangi-inis pa niya sa pinsan na lalong lumukot ang mukha. Napakatulis ng nguso niyon na puwede nang sabitan ng kaldero. “Madadaya kayo! Ayaw niyo lang akong isama” nakabusangot parin itong nakatuon ang pansin sa TV. “Sila mama ang sisihin mo, sila ang hindi nagpasama sa’yo e” singhal dito ni Anton. “Heh! Kainin sana kayo ng aswang dun” “Hindi kami gusto nun, ang gusto ng aswang babaeng kulot na panget” panga- asar pa ni Aljur. Natatawa na rin siya sa lalong pagguhit ng inis sa mukha ni Emma. “Itigil niyo na nga iyan, ang iingay ninyo” sabat naman ng kaniyang tito saka nilakasan ang volume ng TV. “Ay pa, fiesta pala bukas kila Mareng Rona ah. Inimbitahan ako e” sabi ng kaniyang titang tila may ka- chat sa cellphone. “Yown may sayawan! Sama ka pinsan a” tuwang tuwang sabi ni Anton. “Basta hindi ako magsasayaw. May Helena ako e baka mag-selos yun” wika niya. “Sus hindi pa naman kayo, dadalo doon ang mga magagandang dalaga. Pag pumunta pa si Dolores baka malimutan mo si Helena” “Sino ‘yon?” curious na tanong niya. “Taga kabilang barangay yun, anak nila Aling Dolor.” “Sexy ‘yun kuya” sabat ni Emma na parang hindi na galit. Nakarinig ng tsismisan. “Ay oo, walang wala si Helena. Malaman ‘yun e hindi patpatin” nakangising wika ni Anton. Bakas sa mukha nitong may gusto sa Dolores na iyon. “Kayo ata ang may gusto e, ligawan niyo na” sagot niyang kunwa’y hindi interesado. Kahit pa anong sabihin ng mga ito. Hindi niya maipagpapalit si Helena. “Wala kaming pag-asa dun.” Ugh! Hindi niya matitikman ang kaguwapuhan ko! Reserved na ito. Joey’s POV 1 point for me, 0 for Eros Gumuhit sa kaniyang mukha ang ngiti ng maalala ang pagkamangha sa mukha ng mga tao sa hapag ng ipakita niya ang magandang singsing. Lalo na ang mukha ni Helena. Kumakanta- kanta pa sila ni Junnyboy habang naglalakad. Nagigitara ito sa daan at kahit madilim ay hindi sila natatakot. “Ang ganda ng performance mo boss kanina, palakpak sila sa iyo e. Kila Eros laging umaalis si Aling Huling eh. Ayaw yata ng boses ni Eros” saka ito tumawa ng malakas. Ngumiti rin siya. Mas lalo siyang ginanahan at napansin nga rin niya ang bagay na iyon. “Pano pala ang tula boss?” tanong nito. “Ako na ang bahala doon” sagot niya. Alam na niya ang gagawin at hindi siya mahihirapan man lang. Nakauwi silang maga- alas otso na. Nanonood lamang sa sala ang kaniyang ama at ina. Ang kaniyang kapatid ay nasa hapag kainan parin, may hawak na hanger at bakas ang yamot sa mukha na nakabantay sa anak na parang sinisipsip lamang ang kinakain. Siguro ilang oras na ang mga itong nagtititigan sa pag- kain. “Anak kumain ka na diyan, may sisig” wika ng kaniyang ina sa boses na parang hapo. “Nakakain na po ako kila Helena 'nay” sagot naman niya. “Ah sige kumusta ang panghaharana ninyo?” pagu usisa nito. “Mabuti naman po, tuwang tuwa ang mag lola” nakangising sagot niya. Hindi na niya ninais sabihin pang may nakisingit na karibal. Hindi naman siya importante. Pasasaan ba't ako na ang pipiliin ni Helena. "Mabuti naman, siguraduhin mong mapapasagot mo iyon ha" “Saka nga pala, piyesta bukas kila ninang Dolor mo. Pupunta tayo” singit ng kaniyang ama. Sa’n nga ba yun? Limot na niya. Matagal na nang hindi siya nakakapunta sa kaniyang ninang. Ang laki na ng utang nun sa akin ah! Susunod: Sa Sayawan
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD