3RD PERSON POV
Mainit ang sikat ng araw, nasa koral siya ng iilan nilang baboy para linisan ang mga ito. Bata pa ang mga alagang baboy nila kaya di pa pwedeng ibenta ito.
Pinakain, nilinisan at inayos niya ang tirahan ng mga ito bago nagtungo naman sa lugar ng mga tupa para samahan ang mga ito sa madamong parte ng kapatagan.
Habang naglalakad sa likod ng mga tupa ay bumalik na naman sa kanyang isipan ang sinabi ng matanda noong isang araw. Dahil hindi naman siya sigurado sa pahayag nito ay nagawa muna niyang ilihim iyon kay Lila ganun din kay Theo.
Kahit minsan gusto na niyang maniwala sa sinabi ng matandang iyon lalo na nang tumama ang hula nito tungkol sa nalalapit na blood moon na tinutukoy nito. Ganun din ang katotohanan na ilang araw na ang nakaraan pero wala namang pagbabagong nangyayari.
Tahimik at payapa pa rin ang nayon nila ganun din ang mga katabi nitong lugar...
Yun ang inaakala niya. Nagbago ang lahat ng ito, isang gabi ng magising ang lahat dahil sa kakaibang tunog na nagmumula sa labas ng bahay. Ingay ito na para bang boses ng mga nagkakagulong tao.
"Jusko, anong nangyayari?!!"
"Sinong may gawa nito!?"
"Sampung baka ang patay sakin!"
"Halos maubos ang aking mga alagang kambing!" galit na sigaw pa ng isa.
Nang makalabas sila, iyan ang naabutan nilang usapan ng mga tao na nagkakagulo at may hawak na torch ng apoy.
Mabilis na nakipag chismisan ang kanyang tiyahin sa mga kapitbahay, siya naman ay nagmadali para puntahan ang kanilang alaga sa tirahan ng mga ito.
Dala ang lampara, kita niya ang patay na mga alaga, wakwak ang tiyan ng mga ito at ang ilan ay wala pang ulo.
Napahawak na lamang siya sa kanyang bibig para iwasan ang pagbaliktad ng sikmura at mapasuka dahil sa karumaldumal na sinapit ng mga ito.
Nang umaga ring iyon ay samutsaring mga kwento ang namutawi sa buong bayan ng Lunen. Ang balita tungkol sa pagkamatay ng mga alagang hayop nang sabay-sabay at maramihan ay talagang kinatakutan ng mga tao.
Lalo na ang katunayan na may makikitang malalaking bakas ng kuko at kagat ang mga ito. Dahil sa nalaman ay nanumbalik sa kanyang alaala ang nilalang na kanyang nakita sa panaginip noon. Ang halimaw na may maitim na balahibo at matatalas na pangil at kuko.
Nang umaga din iyong ay pinagalitan pa siya ng kanyang tiyahin dahil sa pagkamatay ng kanilang mga alaga.
Kahit alam nitong nangyari naman lahat iyon sa kanilang mga kapitbahay, sinisi pa rin siya nito dahil sa kapabayaan daw niya.
Kaya naman nang sumunod na gabi, kahit umiiyak ang kanyang kapatid. Wala silang nagawa nang sapilitan at walang awa siyang pinag bantay ng kanilang tiyahin sa labas ng bahay kahit alam nitong may gumagalang nilalang na pumapatay sa mga alagang hayop.
Kahit ramdam niya ang takot ay tinibayan ni Red ang kanyang kalooban.
Para sa kanya, mas nakakatakot ang katunayan na wala silang ideya kung ano ba ang hayop o nilalang na may gawa ng pag atake na iyon.
Mga lobo ba galing sa gubat? Oso o baka ang nilalang na nasa kanyang panaginip.
Napailing na lamang siya para alisin ang mga bagay na gumugulo sa kanyang isipan, hindi lingid sa kanyang kaalaman na tinatakot lamang niya lalo ang kanyang sarili dahil sa mga iniisip niya.
Dala ang sandata pangtanggol sa sarili at isang lampara ay nanatili siya para magbantay.
Madilim at napakalamig ng gabi, medyo nakakaramdam na din siya ng antok pero nilalabanan lamang niya iyon.
Para di antukin nagpasya na lamang siya na maglakad-lakad sa paligid ng bahay para bantayan ang buong lugar lalo na ang tirahan ng kanilang mga alaga.
Kasama din niya ang dalawang bantay na asong, may lahing mantika ata kung matulog. Nagkakagulo na sa paligid noong isang gabi, pero ni isang tahol ay wala siyang narinig.
Pero ngayon, gising naman ang mga ito at handa siyang samahan sa kanyang nakatakdang trabaho.
Habang abala siya sa paglingon sa madilim na paligid, para makakita kung anong meron doon. Hindi talaga niya malabanan ang antok at halos napapa-
pikit na siya nang biglang makarinig ng mga sigawan sa di kalayuan.
'Mukhang nanggagaling iyon sa lugar nina mang tonyo!' sigaw pa niya sa isipan habang tumatakbo dala ang patalim na nakakabit sa mahabang kadena.
Hindi pa siya nakalalayo nang may mahagip ang kanyang panigin na parang may mabilis na aninong dumaan sa kanyang likuran.
Napalingon siya at hinanap iyon pero wala naman siyang nakitang kahit ano, mula sa kanyang guni-guni, malaking nilalang iyon, ngunit napakabilis gumalaw.
Dahil nawala iyon sa kanyang paningin kaya naman nagpatulot siya sa pagtakbo para alamin ang nangyayari sa kalapit bahay.
Doon niya naabutan ang isang nilalang na nakadagan sa katawan ni mang tonyo.
Ang lahat ng tapang at lakas ng loob na kanyang inipon kanina at sa mahabang panahon ay parang isang apoy ng kandila na mabilis na nawala dahil sa bagay na nasa kanyang harapan ngayon.
Ang halimaw na nasa kanyang panaginip ay----- totoo?
Ang malakas na t***k ng puso niya ay nagpapaalala sa kanya na totoo ang kanyang iniisip at nakikita.
Nanginginig man ang mga kamay at halos bumigay na ang tuhod sa kaba, pero mas inuna niyang isipin ang kalagayan ng matandang lalaki na nasa ilalim ng halimaw na iyon.
Wala siyang sinayang na oras at nagmamadaling itinaas ang patalim at pinaikot iyon sa ere. Nang may tama na itong lakas ay bigla niyang binitawan ang kadena para kumawala ang patalim patungo sa halimaw.
Kahit malaki ang nilalang na iyon ay kahanga-hanga ang napakabilis nitong pag galaw, halos nadaplisan lamang niya ang braso nito dala ng mabilis nitong pag-iwas.
Haharap pa sana ito sa kanya para sumugod kung hindi lamang nakita nito ang mga taga-nayon na nagtatakbuhan palapit sa kanila, dala ang iba't ibang sandata at apoy.
Ang halimaw ay matulin na tumakbo palayo at papunta sa dereksyon kagubatan. May mga taga-nayon na sumunod dito para masigurado na hindi na ito babalik at makapaminsala pa.
Siya naman ay nawalan naman ng lakas ang kanyang tuhod at tuluyan na itong bumigay dahil sa takot na nadama dulot nang mga pangyayari.
Halos hindi niya naiintindihan ang mga sinasabi ng mga tao sa kanyang paligid dulot nang matinding pagkabigla. Ni hindi nga niya na aalala kung ano ang mga sumunod na pangyayari matapos ng insidenteng iyon.
Habang nagpapatuloy ang kaguluhan sa buong paligid, maririnig ang mga sigawan na puno ng takot at pangamba.
Sa isang banda. May isang tao na nakapanuod lamang sa lahat ng mga nangyayaring ito, suot nito ang isang nakakakilabot na ngiti sa blanko nitong mukha.
"Matapos ang nalalapit na pagdudugo ng buwan, ang Crestmoon pack ay nangangailangan ng kanilang magiging Luna."
"Hm, tama ka dyan, kaya nga kailangan natin silang maunahan, bago pa nila mabuo ang ritwal at magkaroon ng ganap na bagong pinuno."
Nakabalabal ang mga ito ng itim para hindi maaninag ang pagkakakinlanlan ng mga ito, bukod sa liwanag ng buwan na tumatama sa kalupaan, ang madilim na kagubatan ay nananatiling misteryoso kagaya na lamang ng mga nilalang na ito.
Nang ma-siyahan na ang mga ito dahil sa mga nakikita, sabay-sabay nang naglaho ang mga ito sa madilim na kagubatan, ang tanging makikita lamang ay ang nagliliwanag na mata.
KINABUKASAN, mas naging maingay at magulo ang usapan tungkol sa mga pag atakeng naganap at ang pahayag ng mga taong nakakita sa mga ito.
Ang lahat ng nangangamba sa maaring mangyari lalo na ng malaman ng mga ito na hindi na lamang mga alagang hayop ang inaatake kundi pati na rin ang mga tao sa nayon.
Maraming mga nasugatan at may mga naging kritikal pa ang buhay dahil sa pagsugod ng mga halimaw na iyon.
"Uyy Red! okay na ba pakiramdam mo?"
Nabigla siya dahil sa tapik na nararamdaman sa kanyang balikat. Paglingon niya ay nag aalalang mukha ni Theo ang kanyang nakita.
Habang nakatingin siya dito, may mga mumunting alala mula kagabi ang nanumbalik sa kanyang isipan. Kung paano siya tinulungang makatayo at makauwi nito sa kanilang bahay.
"---ed!!!"
"--uyy Red!"
"Huh?" gulat na tanong pa niya.
"Natulala ka na dyan, sabi ko kung ayos na pakiramdam mo?"
"Okay na ko, salamat nga pala sa pagtulong mo sakin kagabi, Theo," aniya, sabay tingin sa paligid ng pamilihan.
Kaya siya nagtungo sa bayan ay para hanapin ang matandang babae na kanyang nakausap noong isang linggo.
"Pasensya na Theo, may pupuntahan lang ako."
"Teka-- uy!!!" pagpigil pa sana nito sa kanya pero dahil sa pagmamadali ay hindi na niya ito napansin.
Hindi niya alam ang dahilan kung bakit napakaraming tao ngayon sa buong bayan. Pansin din niya ang mga di pamilyar na mukha ng mga taong nakakasalubong niya sa daan.
'Dahil sa dami ng tao ngayon nahihirapan tuloy akong hanapin si lola.'
Dahil sa malalim na pag iisip ay hindi niya napansin ang lalaki sa kanyang harapan. Napaigtad lamang siya ng tumama na ang mukha niya sa dibdib nito.
"P-Pasensya na po--" paghingi pa niya ng paumanhin dito. Hindi naman siya pinansin nito at mabilis na humalo sa maraming mga tao sa kalsada.
Halos hindi niya nakita ang itsura ng lalaki pero malinaw sa kanyang alaala ang amoy nito.
'Alam ko ang amoy na yun ah, matapang pero hindi masakit sa ulo at ilong, sa katunayan ay gustong-gusto ko ang amoy na iyon.' isip-isip niya, habang nakatanaw sa pinuntahan ng lalaki.
Nang maalala niya ang dapat gawin ay ipinag sawalang bahala na lamang niya ang nangyari.
"Nasaan na kaya iyong si lola? Baka naman nagtungo na siya sa ibang nayon," napapakamot sa ulo na bulong niya sa sarili.
Ayaw sana niyang sumuko pero pagod na rin siya kaya naman na isipan muna niyang umupo sa gilid ng daan, sa tabi ng tindahan ng prutas.
Napahinga siya ng malalim habang pinupunasan ang noo na basa ng pawis. Pagod at uhaw na rin siya dulot ng kanina pang paghahanap.
"Neng, ito oh maiinom."
Mabilis siyang napatingala dahil sa boses na narinig, bago niya mapansin ang babae, ay mas unang natuon ang nagnining-ning niyang mga mata sa baso ng tubig na hawak nito.
"Salamat po," maluha-luhang pahayag niya. Sa mga oras na iyon, sa kanyang paningin ay nag dilang anghel ang taong ito.
"Wala yun, mukhang pagod na pagod ka kasi, may hinahanap ka ba? Pansin ko na kanina pang pabalik-balik dito."
"A-Ah opo, may napansin ba kayong matandang babae dito na pagala-gala?"
"Matandang babae?" tanong pa nito sa sarili. "Hmm... Teka, ang tinutukoy mo ba ay yung nag eeskandalo dati? Yung parang baliw?"
Parang nabuhay ang lahat ng dugo sa kanyang katawan dahil sa saya, salamat may makakapagturo na kung nasaan ang hinahanap niya.
"Opo, sya nga po!" sabik na sambit pa niya dito.
"Ang pagkaka alam ko ay nasa sentro sya ng bayan ngayon sapagkat ipinatawag siya ng mayor."
"Ipinatawag ng mayor? Alam nyo po ba kung bakit?"
"Hindi rin ako sigurado pero sa tingin ko ay dahil sa propesiya nito. Halos lahat kasi ngayon ng mga tao sa ating nayon at mga katabi pa nito ay naniniwala na sa pangitain ng matandang babaeng yun."
"Ganun po ba, salamat po."