CHAPTER 3

2260 Words
Nagulat si Grasya nang may kamay ang pumulupot sa palapulsuhan niya. Marahas siyang napalingon at nagulat nang makitang si Sev ang taong humawak sa kanya. “Señorito?” May diklap ng pag-asa ang pumulso sa puso niya. Baka nagbago ang kapasyahan nito at kinansela na ang engagement sa ipinakilalang fiancée nito? Baka naalala na nito ang binitiwang pangako sa kanya noon at gusto na nitong tuparin iyon? Pero nang matitigan niyang maigi ang mukha ng lalaki ay mabilis na lumubog ang pag-asang kakasibol lang sa puso niya. Dahil malamig pa rin ang anyo ng mukha nito. Ang mga labi nito ay mariing nakapinid. Para pa nga itong napilitan lang na lapitan siya. Bumuntong-hininga ang kababata. “What are you doing here?” magaspang nitong tanong sa kanya. “N-nagpunta ako rito para—” Hindi siya nito pinatapos, at muli na namang hinusgahan. “...para guluhin ang engagement party ko? Ano ang gusto mong gawin? Gusto mong ipilit at isiksik ang sarili mo sa akin? Grasya, wake up! I don’t like you anymore! Hindi na tayo puwedeng bumalik sa dati.” Hindi na sila puwedeng bumalik sa dati, tumimo sa utak niya ang sinabi nitong iyon. Napayuko siya. Sa totoo lang ay hindi na niya alam kung ano ang dapat niyang maging reaksyon—tatawa ba siya nang mapakla? Iiyak? Magmamakaawa? O magpaparaya? Hindi na ba talaga nila mababalikan ang dating sila? Kahit nagsisimula na namang humapdi ang lalamunan niya, dahil sa pamumuo ng mapait na emosyon, ay pinili niya pa ring titigan ang binata. “Sev, ayaw mo na ba talaga sa akin?” tanong niya, basag ang boses. Nagtagpo ang mga mata nilang dalawa, at sinubukan niyang ipakita rito ang senseridad ng damdamin niya. Sana’y makita nito kung gaano niya ito kamahal. Kung gaano katotoo ang pag-ibig niya para rito. Hindi nakakibo ang lalaki, subalit lumambot ang matigas na ekspresyon sa anyo ng mukha nito. Dahan-dahan niyang inabot ang kamay nito, pinisil. Kahit nanginginig ang mga kamay niya ay sinikap niya pa ring ibalot sa init ng mga palad niya ang kamay nito. “Hindi mo na ba ako mahal? Lahat ng emosyon mo, ibinuhos mo na bang lahat sa bago mo? Wala na bang natira para sa akin?” Hindi pa rin ito nagsalita. Ibig bang sabihin ng pananahimik nito ay nagdadalawang-isip ito kay Riva? Hindi pa ba ito siyento porsiyentong sigurado sa nararamdaman nito? Nabuhayan siya ng loob. Labis-labis ang pangungulila niya rito. Tumingkayad siya at isiniksik ang katawan dito. Iniyapos niya ang mga kamay sa binata. Pinagbigyan niya ang sarili—niyakap niya ito nang buong higpit. Humagulhol siya sa balikat nito. “Sev! Miss na miss kita! Ang tagal kong hinintay na bumalik ka rito sa Santa Catalina!” “Grasya...” His voice softened like a fading echo. Posibleng mahal pa siya nito. “Puwede bang ako na lang ulit ang mahalin mo? Puwede bang huwag mo nang ibaling sa iba ang damdamin mo? Bumalik ka na lang sa akin, Sev. Sabi mo sa akin, babalikan mo ako, ’di ba? Mahal naman natin ang isa’t isa dati, baka puwedeng ituloy natin ang pagmamahalang iyon? Dahil mahal na mahal pa rin kita.” Umiiyak siya. Mahina lang ang tunog, ngunit lipos ng emosyon. Mabigat naman din ang dahilan niya kung bakit hindi niya agad ito mabitiwan. Malalim ang pinanggagalingan ng emosyon niya. “Severen!” Pareho silang napaigtad ng kababata, at marahas na dumako ang tingin nila sa direksyon ng babaeng malakas na sumambit sa pangalan ng lalaki. Ang nakita nila ay si Riva. Nandidilat ang mga mata nito, tutop nito ang tapat ng bibig. “Riva!” Nataranta si Sev. “Niloloko mo lang ba ako? You’re cheating on me, aren’t you?” Maririnig ang pagkasuklam sa tono ng boses ng babae. Cheating? sambit ng utak ni Grasya. Siya pa ngayon ang nagmukhang nakisawsaw sa relasyon ng mga ito, kahit siya ang kasintahan bago umalis ng Santa Catalina ang binata. Bakit ipinaparamdam sa kanya ni Sev na para siyang nanay niyang nakisabit sa pagsasama ng iba? “No, this isn’t what it looks like! I can explain this!” tensiyonadong bulalas ng binata. “Paano mo ipapaliwanag ang nakita ng mga mata ko? Magkayakap kayong dalawa! Hindi ko akalaing kaya mong gawin sa akin ito, Severen! To think that we just got officially engaged a few minutes ago!” Pagkasabi niyon ay tumalikod na ang dalaga. “Riva—” Ang akma nitong paghabol sa fiancée ay naudlot nang pigilan niya ito sa kamay. Napalingon ito sa kanya, iritado. “Let me go, Grasya,” mariin nitong wika. “Pero...” Nagbuga ito ng hangin. May hinugot itong card mula sa bulsa. “Here.” “A-ano iyan—” Napaigik siya nang marahas na kumuyom ang isang kamay nito sa mukha niya. Pumisil ang mga daliri nito sa magkabila niyang pisngi, pinupuwersa siyang tumingin dito. “There’s fifty thousand pesos on this card. It’s yours now. Basta, manahimik ka na lang. Huwag na huwag kang mag-eskandalo rito. And please, huwag mo nang guluhin ang utak at ang buhay ko.” Mag-eskandalo? Manggulo? Hindi ba siya kilala ni Sev? Alam nitong siya ang tipo ng taong mas pipiliing umiwas na lang sa gulo. “Hindi ko kailangan ang pera mo,” aniya. “Fine, bahala ka!" Muli nitong isinuksok sa bulsa ang card. Gusto na nitong bawiin ang kamay, subalit hindi niya agad magawang luwagan ang pagkakahawak dito. "I said, let me go!” Sumiklab na ang galit nito, at walang patumangga siya nitong itinulak. Natumba si Grasya, ngunit walang pakialam ang kababata niya kung nasaktan man siya. Wala na talaga itong pagpapahalaga sa kanya. Pinanlisikan siya nito ng mga mata. “If I lose my fiancée, I will never forgive you! Huwag na huwag ka na uling magpapakita sa akin!” Ang malakas nitong pagsigaw sa kanya ay bumasag hindi sa tainga niya, kundi sa puso niya. Ang matalim at magaras nitong boses ay dinaig pa ang matalas na punyal na tumarak sa puso niya. “Tanggapin mo na lang, Grasya—na hindi na kita mahal! At hindi na kita babalikan!” Wala nang salitang namutawi sa mga labi niyang nawalan ng kulay. Tinanaw na lang niya ang binatang nagmamadaling lumayo, nais habulin ang babaeng gusto nitong iharap sa altar. Pinagmasdan niya ang pamilyar nitong likod. Maraming beses din siyang pumasan sa likod na iyon—noon. Binalot ng pait ang puso niya. Dahil malungkot mang isipin, ay may palagay siyang hindi na talaga maibabalik ang dating saya nila ng kababata, ang kanyang Severen, ang lalaking iningatan niya sa puso niya. _____ HINDI na malaman ni Grasya kung ano ang direksyong tinatahak niya. Patuloy lang na humahakbang ang kanyang mga paa, walang tiyak na patutunguhan. Sa mahabang daan ay ilang ulit siyang nadapa. Ilang beses na bumagsak ang mga tuhod niya. Nagasgas. Nasugat. Pero wala siyang maramdamang pisikal na sakit. Dahil ang higit niyang iniinda ay ang sakit na pumipilas sa puso niya. Akala niya noon, masuwerte siya dahil ang taong minahal niya ay mahal din siya. Pero mali pala siya. Ang tao palang mahal niya ay ang taong magdudulot ng hindi masukat na pighati sa puso niya. Sa gilid ng daang nilalakaran niya ay ang malawak na taniman ng palay. Nakita niya ang mga pilapil, at muli lang nagsikip ang dibdib niya. Mapait siyang ngumiti sa hangin. “Ganito pala kasakit ang umibig at masaktan. Ganito pala kabigat ang mabigo.” Pakiwari niya ay naubos ang lahat ng lakas niya sa katawan, at mayamaya nga’y umikot na ang paligid niya. Hindi nagtagal ay nawalan siya ng malay. Pagkatapos ng gabing iyon ay wala siyang gaanong maalala. May mga pagkakataong nagigising siya, at nakikita niyang paroo’t parito ang kanyang ama sa silid niya. Nakaguhit ang labis na pag-aalala sa anyo ng mukha nito. Parang nadagdagan pa nga ng maraming taon ang edad nito dahil sa mabigat nitong ekspresyon. Gusto niyang kausapin ang ama. Nais niyang itanong dito kung okay lang ba ito, subalit wala siyang lakas at kaagad ding hinahatak ulit ng antok sa dako pa roon. Nang muli siyang magising ay tahimik na ang paligid. Naitakip niya ang kamay sa tapat ng mga mata nang pumasok ang sinag ng araw sa nakabukas na bintana ng kuwarto niya. Ramdam niyang sobrang tuyo ng kanyang lalamunan, kaya hinila niya ang sarili paupo. “Tay?” paos ang tinig na tawag niya sa kanyang ama. Walang sumagot. “Tay?” muli niyang tawag dito. Katahimikan. Bigla siyang kinabahan. Hindi niya mawari kung saan nanggagaling ang kabang iyon, pero tila iyon malaking kamay na kumuyom sa kabuuan niya. Kumabog ang dibdib niya. “Tay, g-gising na po ako,” sabi pa niya, sadyang nilakasan ang boses para marinig ng ama niya. Nang hindi pa rin tumugon si Gabriel ay bumaba na siya ng kama. Sa unang paglapat palang ng mga paa niya sa sahig ay muntik na agad siyang matumba. Nanlalambot ang mga tuhod at binti niya. Maagap siyang humawak sa headboard ng higaan. Nasa ganoon siyang posisyon nang bumukas ang pinto ng kanyang kuwarto. “Tay—” Pero imbes na ang ama niya ay ang kapitbahay nila ang pumasok—si Manang Rosa. Kamag-anak ito ni Aleng Mameng na may puwesto sa merkado ng Santa Catalina. Matapos pumanaw ni Aleng Mameng, ipinagpatuloy ni Manang Rosa ang pagpapatakbo ng karinderya ng una. Doon sila palaging nagpupunta ni Severen noon tuwing gusto nilang kumain ng bihon guisado, na pareho nilang paborito. Sa pagkakaalala niya sa kababata ay may kumudlit na namang kirot sa dibdib niya. Bumuntong-hininga siya. “Manang Rosa, bakit ka po nandito? Si tatay ho, nasaan?” tanong niya sa matandang babae. Bumadha ang pinaghalong lungkot at pangamba sa mukha nito, bagay na nagpabilis sa pintig ng puso niya. Pakiramdam niya ay may dala itong masamang balita sa kanya. “Manang Rosa, may gusto ka po bang sabihin sa akin?” tanong niya, kalahati lang ang paghinga, dahil kabado siya. Pinaupo muna siyang muli ng matanda sa gilid ng higaan. “Alam mo bang tatlong araw kang nakaratay sa kama, Grasya?” “Po? Tatlong araw?” “Oo, sobrang taas ng lagnat mo. Nagdedeliryo ka na nga. Pinipilit ka lang ng tatay mong kumain ng sopas at uminom ng tubig kapag nagigising ka saglit.” Wala siyang maalala. Hindi nga marahil malinaw ang pag-iisip niya sa loob ng tatlong araw na may sakit siya. Lumingap siya sa paligid. “Eh, si tatay ho? Nasaan si tatay?” Hinanap ulit niya ang ama. Gumuhit ang pag-aatubili sa mukha ng matanda. Tila may iniisip ito, tinitimbang sa utak—isang bagay na hindi nito mapagdesisyunan kung sasabihin na sa kanya o hindi muna. “Manang Rosa,” sambit niya sa pangalan nito. “Kung ano man ho iyan, sabihin n’yo na po sa akin.” Tumikhim ito. “G-gusto ka kasing dalhin sa ospital ng tatay mo. Pero ginawan ng paraan ng mga Morenzo na hindi ka matanggap sa ospital dito sa atin. Lubos na nalugmok si Gabriel. Magkaganoon man, nagmakaawa pa rin siya sa dati niyang mga amo para makahiram ng pera pambili ng mga gamot mo.” Hindi pa man natatapos ni Manang Rosa ang pagsasalaysay nito, ay parang alam na ni Grasya kung paano magtatapos iyon. Nanlamig ang buong katawan niya—bawat himaymay ng kanyang laman ay dinaluyan ng lamig. Nagmakaawa ang tatay niya sa mga ito para lang makahiram ng pera, dahil wala itong trabaho ngayon. Wala rin siyang regular pang trabaho, kaya wala silang naitabing pera. “A-ano’ng ginawa nila sa tatay ko?” “Itinaboy nila si Gabriel.” Nagsikip ang dibdib ng dalaga. Bumagsak ang mga balikat niya. “Hindi na sila naawa sa tatay ko. Napakabuti ni tatay sa kanila...” Tumikom nang mariin ang mga kamay niya. “Pero... pero hindi lang iyan ang problema, Grasya...” Napatingala siya sa matanda. “B-bakit ho, ano pa po ang nangyari?” “Itong sunod kong sasabihin ay hindi ko alam kung gaano katotoo. Pero... pero may nakapagsabi sa aking nakakulong daw ngayon ang tatay mo.” Napatindig ang dalaga, nandidilat ang mga mata. Halu-halo na ang emosyon sa dibdib niya. “Nakakulong? Bakit ho?” “Naku, hindi ko nga rin alam ang buong kuwento. Basta, ang sabi lang sa akin ay nakakulong ngayon ang tatay mo.” “Samahan n’yo po ako, Manang Rosa. Puntahan natin si tatay sa istasyon ng pulis.” Patayo na sana siya nang pigilan siya ng babae sa balikat. Nagtatanong ang mga matang napatingin siya rito. Umiling si Rosa. “Wala sa istasyon ng pulis si Gabriel.” “N-nasaan pala si tatay?” “Sa Villa Serpentis.” Nanghina ang mga tuhod ni Grasya. Dahil ang sinasabing villa ay ang nasa pinakadulong bahagi ng Santa Catalina, Negros Oriental. Liblib ang bahaging iyon noon bago binili ng misteryosong lalaki at pinabakuran. Mataas at solido ang sementadong pader na nakapalibot sa malawak na propiedad. Mula sa labas ay hindi masisilip ang loob. Ang usap-usapan ng ilang tao sa lugar nila, isang malupit na Mafia raw ang may-ari ng villa na iyon. Isang taong brutal at hindi marunong maawa at magpatawad sa kapwa. Nakakatakot daw ito, at dapat iwasan. “Totoo po bang malupit ang may-ari ng Villa Serpentis, Manang Rosa?” “Sabi nila, oo raw. Pero iba na ang may-ari ngayon. Hindi na iyong dati.” “Iba na?” “Oo, pero...” “Pero?” “Kadugo pa rin noong una.” “Magkadugo?” Tumango ang matanda. “Isa pa ring... de Crassus.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD