CHAPTER 1

2148 Words
“Hindi na kita gusto, Grasya. Hindi na kita mahal. Wala na akong nararamdaman para sa iyo. Kahit na lumupagi ka pa sa harapan ko ay walang halaga sa akin.” Napako sa kinatatayuan si Grace Love 'Grasya' Manafa. Pakiramdam niya ay lumulubog ang kinalalapatan ng kanyang mga paa nang mga sandaling iyon, at unti-unti siyang nahahatak pababa. Awtomatikong pinamukalan ng mainit na luha ang kanyang mga mata—ang mga mata niyang nakatingin sa binatang nakatayo sa harapan niya. Nasa gitna sila ng malawak na sala ng malaking bahay ng mga Morenzo. “Sev...” Severen Morenzo. Ang una at nag-iisang lalaking hinangaan ng puso niya. Ang tanging gusto niyang maging asawa at makasama hanggang sa kanyang pagtanda. Ang kanyang kababata. Nagbuga ito ng hangin, na tila iritado, tapos ay tinalikuran na siya. Inagapan niya ito sa kamay. Humawak ang nanlalamig niyang palad sa palapulsuhan nito. Muli itong pumihit paharap sa kanya. “Bitiwan mo ako,” matigas nitong sabi. Mababa lang ang boses nito, subalit puno iyon ng talim at disgusto. “M-may nagawa ba akong hindi mo nagustuhan?” tanong niya, gumaralgal ang tinig. Kumikirot ang puso niya. Hindi nagbago ang malamig na ekspresyon sa mukha ng lalaki. “I just don’t like you now. Wala kang kailangang gawin. Nagbago lang ang damdamin ko.” Nagsikip ang dibdib niya. Ayaw na nito sa kanya? “P-pero ang sabi mo, huwag akong magkagusto sa iba. Na dapat ay hintayin kita... Sabi mo, gusto mo akong pakasalan...” Pumalatak si Sev. “Nakatatak na ba sa utak mo iyan? Na pakakasalan kita? Para guminhawa na ang buhay mo at makaahon ka na sa kahirapan?” Namilog ang mga mata niya, sunud-sunod ang ginawa niyang pag-iling. Hindi na niya napigilan ang tuluyang pagbagsak ng mga luha niya. “Nangangamoy oportunista ka,” matalim nitong sikmat sa kanya. Si Severen ay mula sa mayamang angkan. Buo ang pamilya nito. Si Grasya naman ay anak ng driver ng Pamilya Morenzo. Wala na siyang ina at wala ring mga kapatid. Nag-iisang anak lang siya, sapagkat maagang naghiwalay ang kanyang mga magulang. Ang usap-usapan ng mga tao sa lugar nila, iniwan daw ng ina niya ang kanyang ama dahil pobre lang ang tatay niya. Nakiapid sa lalaking may kuwarta ang kanyang ina. Lalaking may pera, pero may asawa at kaliwa’t kanan ang mga babaeng ikinakama. Nahawa sa sakit ang ina niya, at kalaunan ay namatay. Dahil sa masamang reputasyon ng kanyang ina, ay wala ring gustong makipagkaibigan sa kanya. Tanging ang anak lang ng amo ng tatay niya ang hindi umiwas at lumayo sa kanya. Si Severen… Pareho silang isinilang at nagkaisip sa Santa Catalina, sa lugar na malayo sa siyudad. Sa mga pilapil ng palayan nila natagpuan ang sarili nilang liwasan. Ang sariwang hangin ang nagsisilbing lambat ng kanilang mga halakhak. At ang purong kalangitan ang saksi ng kanilang matatamis na ngiti. Mula pagkabata ay ito palagi ang umaalalay sa kanya. Ito ang kakampi niya. Ito ang palaging nasa tabi niya. Kapag naghuhugpong ang mga tingin nila ay pareho nilang nakikita ang kislap ng pagmamahal sa mata ng bawat isa. Gusto nila ang isa’t isa, sigurado si Grasya sa bagay na iyon. She even wrote him ninety-nine letters. Sa ikasiyamnapu’t siyam na liham niya isinulat ang totoong nilalaman ng puso niya. Sinabi niyang mahal niya ito, na walang pagdadalawang-isip namang tinanggap at tinugon ng kababata. She was only eighteen then, and he was twenty-one. Tatlong taon ang tanda nito sa kanya. Nangako itong pagdating niya sa wastong gulang ay pormal siya nitong aaluking maging asawa. “Grasya, when you turn twenty-one, please be my wife.” Puno ng senseridad ang tinig ni Severen nang sabihin nito ang mga katagang iyon. “Hindi ka puwedeng umibig sa iba. Akin ka lang habambuhay. Akin lang ang puso mo. Hindi mo maaaring ibigay sa iba iyan.” Nangilid ang luha sa mga mata niya. Sobrang lakas ng pintig ng puso niya. Kumakabog sa walang kapares na tuwa. Masayang-masaya siya. Natutop niya ang tapat ng bibig at sunud-sunod ang ginawang pagtango. “Kapag bente-uno anyos na ako, buong-puso akong magpapakasal sa iyo,” pangako niya. Mula sa likod nito ay inilabas nito ang maliit na kahon. “Nandito ang lahat ng liham na ibinigay mo sa akin. I’m going to keep the ninety-ninth letter, and you keep the rest. Kukunin ko ulit ang lahat ng iyan sa iyo kapag dumating na ang araw ng pag-iisang dibdib natin.” “Iingatan ko po ang lahat ng liham, Señorito!” “'Sev.' Please, call me Sev.” “Sev...” “You’re going to be my wife, okay?” Tumango siya. Naging masaya sila. Walang araw na hindi nito sinabing gusto na nitong dumating ang araw na maging lehitimo na siyang asawa nito. Pero kinailangan nitong magtungong Maynila. “Babalik ako, Grasya. Tapusin mo ang pag-aaral mo. Dahil pagbalik ko, magpapakasal na tayo,” sabi nito sa kanya. “Hihintayin kita. Tatlong taon na lang naman, twenty-one na ako.” “Yes, three years. Just three more years. Wait for me. Huwag na huwag kang titingin sa ibang lalaki.” He left Santa Catalina and became the Deputy Director of Morenzo CoreTech—ang kompanya ng pamilya nito. Ito rin ang nakatakdang maging CEO ng kompanya kapag nagretiro na ang ama nito. Naging laman ito ng mga financial newspapers. Nakikita na ito palagi sa telebisyon kapag ang paksa ay may kinalaman sa komersyo. Naging matunog ang pangalan nito. Marami ang humanga kay Severen. At si Grasya ay masaya sa mga naaabot ng kasintahan. Palaging laman ng taimtim niyang mga dasal ang binata—na patuloy pa itong magtagumpay. Sa loob ng tatlong taon ay ilang beses niyang binalak na bisitahin ito sa Maynila. Pero palagi itong tumatanggi. Marami raw itong inaasikaso at wala itong mailalaang oras sa kanya. Ayaw din daw ng ama nitong mahati ang atensiyon nito. Kalaunan ay hindi na ito tumawag sa kanya. Hindi na ito nagparamdam. Ngunit pinanghawakan niya pa rin ang binitiwan nitong pangako sa kanya. Iningatan niya pa rin sa puso niya ang damdamin niya para rito. Tahimik siyang naghintay. Pero bakit parang ibang tao ang bumalik ng Santa Catalina? Wala na ang maamong kinang sa mga mata nito tuwing nakatitig sa kanya. Wala na ang matamis na ngiti sa mga labi nito—ang ngiting palagi nitong pinagkakaloob sa kanya noon. Ang tunog ng boses nito ngayon ay mabigat at magaspang. Hindi na katulad ng dati na magaan at puno ng lambing. Pilit niyang sinalubong ang mga mata ng binata. “H-hindi ako oportunista.” Umangat ang mga kilay nito. “You’re not? But why do I feel like you’re after my money?” Tumikom ang mga kamay ni Grasya. “Hindi totoo iyan!” “Anong kaguluhan ang nangyayari rito?” tanong ng isang boses na pamilyar sa kanya. Boses ng ina ni Severen—si Señora Renata. Lumapit ito sa kanya at hinaklit siya sa siko. Ubod lakas siya nitong sinampal sa pisngi. Napaigik siya at nasapo ang bahagi ng mukhang pumupulso ngayon sa sakit. Patuloy lang ang pag-agos ng mga luha niya. “Señora...” “Ganiyan kang umasta sa harapan ng amo mo? Mal educada! Napakabastos mo!” Itinulak siya ng ginang palayo sa anak nito. Kumalat ang mapait na lasa sa bibig niya. Hindi siya mal educada. May pinag-aralan siya, at hindi siya bastos. Pinukol siya ng matalim na tingin ni Renata. “Ano ang ginagawa mo rito sa loob ng bahay? Ang pagkakaalam ko, ang tatay mo lang ang nagtatrabaho sa Pamilya Morenzo. Kaya dapat ay hindi ka pumapasok na lang dito nang walang permiso mula sa amin. Hindi ka bisita. Hindi ka mahalagang tao. Isa kang hampaslupang uhaw sa yaman!” Ang mga salitang iyon ay nagpasikip sa dibdib ni Grasya. Nagpahapdi sa lalamunan niya. Sumulyap siya kay Severen, at nakita niyang balewala lang itong nagkibit-balikat. Sa reaksyon nitong iyon siya mas higit na nasaktan. Noon pa man ay tutol na ang mga magulang ni Sev sa ginagawa nitong pakikipaglapit sa kanya. Nagmatigas lang ang kababata, at hindi ito nagpapigil sa ama at ina nito. Subalit ngayon, ramdam niyang hindi na siya matimbang sa puso. Muli siyang tumingin sa binata. “Sev—” “Tonta!” nanlilisik ang mga matang sikmat sa kanya ni Señora Renata. “Saan ka kumukuha ng lakas ng loob na tawagin sa pangalan niya lang ang anak ko?” Dumagundong ang malagom na boses ni Señor Silvio, ang ama ni Severen. “Ano ang tingin mo sa sarili mo? Kapantay mo ba ang estado namin?” Ipinaparamdam nitong mas mataas ang antas ng mga ito kumpara sa kanya. Matagal naman na niyang alam iyon. Nanginig ang mga kamay ni Grasya. Kada pitik ng puso niya ay may kaakibat na kirot. Itinaas ng ginang ang kamay nito. “Tawagin n’yo ang mga guwardiya, at palabasin n’yo ang babaeng ito!” hiyaw nito. “Napaka-ilusyunada! Winisikan lang ng kaunting atensyon ng anak ko, umasa na! Anong klaseng utak meron ka? Utak biya!” Ang biya ay isang maliit na uri ng isda. At ang tingin ng mga magulang ni Sev sa kanya ay kasingliit ng nabanggit na isda ang utak niya. Tumingin siya sa kababata. Nakapinid lang ang mga labi nito. Wala itong balak na salungatin ang mga mapanlait na salitang ibinabato sa kanya ng ina at ama nito. Wala itong planong ipagtanggol siya. Hindi naglipat-minuto ay dumating na ang mga guwardiya. Mabilis na pumulupot ang kamay ng mga ito sa magkabilang braso niya—tila bakal sa higpit at diin. Napapaigik siya. Napapasinghap sa sakit. Ramdam na ramdam niya ang pagpiga ng mga ito sa laman ng mga braso niya, nanunuot sa buto niya. Habang kinakaladkad siya ng mga ito palabas ng malaking bahay, ay nanatiling nakapako ang mga mata niya kay Sev. Nakatingin lang ito pabalik sa kanya, ngunit walang emosyong nakasilip sa mga mata nito. Blangko lang ang mga iyon. Malamig. Wala itong pakialam sa kanya. “Sev...” Umiling lang ito at tumalikod na. Kulang ang sabihing nadurog ang puso niya. Itinulak na siya ng dalawang guwardiya sa labas ng gate. Sa lakas ng pagkakatulak ng mga ito sa kanya ay sumubsob siya sa mabatong lupa. Nagasgas ang maliliit niyang mga palad. Nasugatan ang mga tuhod niya. Narinig niya ang tunog ng bakal—ang tunog ng mataas na gate na isinasarado. Pero hindi pa rin siya nag-angat ng mukha. Ang mga luha niyang walang ampat sa pag-agos ay diretsong pumapatak sa lupa. Sunud-sunod. Sumabay pa sa pagluha niya ang pagkulog ng kalangitan. Napaigtad siya sa lakas niyon. Subalit hindi pa rin siya umalis mula sa kinasubsuban. Ang mga mata niya ay nakapako lang sa ibaba. Ang mga kamay niya ay nakadaklot sa palda ng suot niyang bestida. Marumi na iyon. Muling kumulog, at sa pagkakataong iyon ay bumuhos na ang malakas na ulan. Humalo sa tubig ang mga luha niya. Basang-basa siya. Mariing naglapat ang kanyang mga ngipin. Masamang-masama ang loob niya. Pakiwari niya ay may aspileng tumutusok sa puso niya nang mga sandaling iyon. Nasa ganoon siyang posisyon nang marinig niya ang ugong ng papalapit na sasakyan. Nag-angat siya ng mukha. The headlights momentarily blinded her, but when she blinked the glare away, she realized the car was no ordinary one. It was a sleek, black luxury vehicle—imposing and rare, the kind only a privileged few could ever own. Hindi iyon pamilyar sa kanya, kaya sigurado siyang hindi iyon pag-aari ng Pamilya Morenzo. Nakatitig pa rin ang luhaan niyang mga mata sa sasakyan nang ibinaba ng sakay niyon ang salamin ng bintana sa likurang upuan. When the window in the backseat slowly rolled down, she saw a face so cold, yet burning at the same time. Sharp, chiseled cheekbones. A jaw carved with strength. A nose straight and refined. Bold, perfectly arched brows. His hair was darker than obsidian. And eyes that were the lightest shade of hazel green. Tila kulay ng dahong tinamaan ng sikat ng araw. At sa likod ng mga matang iyon ay may nagtatagong apoy. Pinapaso siya. Tinutupok. Inuubos. Puno ng intensidad at misteryo ang uri ng matiim nitong pagkakatitig sa dako niya. Sa loob ng kung ilang segundo ay nabalot siya sa nakabibinging katahimikan, habang tila may hindi nakikitang lubid ang gumagapos sa kanya—hindi niya magawang iiwas ang tingin dito, ni hindi niya magawang kumibo. Tahimik lang siyang nakamata sa lalaki. Walang nakasungaw na emosyon sa mukha nito, pero ang mga mata nito ay nakatitig pa rin pabalik sa kanya. Hindi siya nilubayan hanggang sa tuluyan nang lumampas ang sasakyan sa kinaroroonan niya. Nakita niya ang muling pagsarado ng bintana. Saka niya lang napansing pigil-pigil niya pala ang paghinga. Hindi niya kilala ang taong iyon. Ang taong taglay ang mukhang hindi matinag. Pero umukit agad sa utak niya ang imahe nito—nakakaintimida. Nakakapangatog-tuhod ito. “S-sino iyon?” piping tanong niya sa hangin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD