"MARICON... COME on now... don't make this hard for us..." anang malagom na tinig. Nangatog sa takot si Maricon. Wala siyang ibang magawa kundi ang yakapin ang sarili. Hindi talaga tinantanan ng demon si Maricon mula nang makauwi. Nang dumating ang mga magulang ni Maureen ay agad na niya itong iniwanan. Natatakot siyang madamay sila. Nagawa niyang makaalis sa ospital dahil nakahiram ng rosary sa mga magulang ni Maureen. Hindi na siya umuwi sa Laguna para makasama ang ina dahil ayaw niya rin itong madamay. Sa condominium unit siya dumiretso. Nagsaboy siya ng asin sa buong unit. Matapos ay nagkulong siya sa kuwarto at ipinasok doon ang lahat ng santo. Pero matigas ang demonyo. Bulong pa rin nang bulong. Alam ni Maricon na anytime ay magpapakita ang demon at iyon ang ayaw niyang mangyari.

