PINILIT ni Laiza na magpakahinahon habang tinatahak ang daan patungong Maynila. Hindi siya makaramdam ng antok dahil sariwa pa ang mensahe ni Trevor.
Let’s annul the marriage.
She sent him a message to stop him from leaving, bago niya pinaharurot ang sasakyan paalis ng set na nasa lokasyon ng Bicol.
Nag-ri-ring ang kanyang telepono dahil tumatawag si Madellaine. Alam niyang nag-aalala ito sa kanya. Kailangan niyang mag-focus sa pagbalik sa Maynila kaya hindi niya ito pinapansin. Ramdam ni Laiza ang bigat sa kanyang damdamin. Alam niya na katapusan na ng kanyang career at laman siya ng balita kinabukasan dahil sa masamang balitang hatid ni Monica Paraiso.
But she’d rather chose her marriage. It’s because she loves Trevor!
Inabot siya ng alas singko ng umaga nang makarating sa gusali ng kanilang apartment. Halos takbuhin niya ang elevator matapos maisara ang pintuan ng kotse sa parking. Pinindot niya kaagad ang numero ng palapag ng tirahan nila.
“Please, please!” Panay ang pindot niya sa numero na para bang bibilis ang pag-akyat niyon kung sakali. Mariin niyang kinagat ang labi.
Iniisip niya pa lang na tuluyang mawawala si Trevor sa kanyang buhay ay para na siya nitong pinapatay. Hindi niya kaya. Si Trevor ang naging buhay niya sa loob ng limang taon; simula ng makarelasyon niya ito noong disiotso siya. Alam niya sa sarili na napagod na ito sa kahihintay sa kanya sa loob ng pagsasama nila, ngunit sana ay bigyan siya nito ng pagkakataon—huling pagkakataon. Bumukas ang elevator. Tinungo niya ang numero ng kanilang apartment at saka iyon binuksan.
“Trevor? Love?”
Madilim ang kabuuan ng living room at tanging bed side lamp lang ang nakabukas. She saw two pieces of luggage beside the long couch where Trevor was sitting. Nakapatong ang magkabilang siko nito sa tuhod habang magkasalikop ang mga daliri. Natutop ni Laiza ang bibig at nagsimulang lumuha matapos muling ibalik ang tingin sa bagahe nito. Handang-handa na talaga ito sa pag-alis. Lumingon ito sa kanya.
“It’s good that you’re back,” anito sa malamig na boses.
“Listen, Trevor, I-I’m here na. W-we can now celebrate our anniversary. Yey!” aniya sa pinasiglang boses.
Nilingon niya tuloy ang kitchen kung saan may mga nakahandang pagkain.
Oh, my god! Mas lalo siyang nakunsensiya matapos makita ang naka-set na mesa. May mga nakasindi pang kandila na natunaw na, kaunti na lang at tuluyan nang mamamatay. Nagawa nitong maghanda sa gabing iyon.
“Love…” Nilingon niya ang lalaki. Nais niyang magpaliwanag.
Tumayo si Trevor. “Laiza, this marriage, sira na! We are just a couple living in the same house! We pretend that we do not know each other outside! Pakiramdam ko ay naglalaro lang tayo sa relasyon natin. Hindi natin maramdaman ang isa’t isa because you spent too much time on your career. Sa loob ng mahigit dalawang taon, hindi kita naramdaman!”
“Akala ko ba ay susuportahan mo ang pangarap ko?” naluluhang sumbat niya rito.
“Damn it! Hindi ba kita sinuportahan? Kahit nga ang umakto na masaya sa ibang babae tuwing may event ka ay ginagawa ko. Sabihin mo nga sa ‘kin, sino sa mga kaibigan natin ang nakakaalam na may relasyon tayo? Wala! Kahit pamilya ko ay inilihim ko ang tungkol sa’yo dahil ayaw ko na mag-alala sila sa ‘kin. Kapag nalaman ng mommy ko, ng kapatid ko na may busy akong asawa, iba ang magiging dating sa kanila n’on kaya nagpanggap ako na ayos lang ang lahat!”
“Pero, Trevor, we love each other, right?”
Tumindig ito ng tayo at saka marahas na napapikit. “I’m sorry, but love is not enough for this marriage to keep going on! We need time for each other!”
“Trevor... please don’t go!” nagmamakaawang aniya rito. Masyadong masakit ang mga nagaganap at hindi niya na iyon kinakaya.
“I’m sorry, Laiza. Pero paulit-ulit na! Hindi na ako masaya sa set-up natin!”
Napahagulgol siya sa sinabi nito. Iyon na yata ang pinakamasakit sa lahat ng narinig niya. Alam niya, malaki ang kasalanan niya bilang asawa nito. Marami siyang pagkukulang. Unang-una na nga sa listahan ay ang hindi niya pagganap bilang asawa nito sa loob ng dalawang taon. May katotohanan ang sinabi nito. Bibihira silang magkita simula nang umarangkada ang karera niya sa trabaho.
Trevor actually supported her dream. Hindi ito nagkulang at ipinaramdam nito sa kanya na mahal siya nito. He spent millions just to support her movies, her drama. Isa na nga roon ang Sweet Lies at ang trabaho na ginagawa niya ngayon. Mas mahinahon na ang lalaki nang muling magsalita.
“I have to go. I am giving you this apartment. My lawyer will talk to you sooner para pag-usapan kung ano ang mga dapat sa kasal natin. Sabihin mo sa kanya kung magkano ang danyos na kailangan mo.”
Lumapit si Trevor sa kanya. “Goodbye, Laiza…”
Hindi siya makaimik sa sinabi nito. Puro paghikbi ang kanyang isinasagot. Niyakap siya nito at saka siya hinalikan sa sentido.
“I am wishing you the best. I will still support you in your career,” ang huling mensahe nito sa kanya.
Lumayo ito sa kanya at saka hinila palabas ang dalawang naglalakihang mga maleta. Napaupo na lang si Laiza sa maroon na carpet. It was really over between and her and Trevor. Ramdam ni Laiza ang pagkawala ng kalahating parte ng kanyang damdamin nang magsara ang main door. Napahagulgol na lang siya dahil sa sakit na kumukurot sa kanyang puso. Ang lalaking napili niya para magkaroon ng pamilya ay tuluyan nang lumayo sa kanya.
***
YAKAP ni Laiza ang mga tuhod niya at parang tanga na nakatitig lang sa bintana. Inabangan ang tuluyan na pagliwanag ng ka-Maynila-an. Dumadampi na ang sinag sa kanyang hungkag na damdamin sa pagitan ng salamin ng bintana, ngunit tila siya wala sa sarili na nakatulala.
Alam niya na sa umagang iyon ay mawawala rin ang isa pa sa mahal niya sa buhay, ang kanyang trabaho. Naglandas na naman ang butil ng kalungkutan sa kanyang pisngi nang maalala si Trevor na dalawang oras nang umalis sa kanilang love nest. Habang nasa ganoong estado siya ay pumailanlang ang ring ng kanyang cellphone sa tahimik niyang mundo. Tinanggap niya ang tawag nito at nai-set sa speaker mode.
“Laiza? Are you okay?” Boses mula kay Madellaine.
“I’m not…” Napaiyak siyang muli.
“Oh… I know. Kadarating lang namin dito sa Sucat. Kumalat na ang nangyari kagabi pati na ang larawan ninyo ni Mr. Suatenco,” tukoy nito sa kanyang ama. “Where are you?”
“Mad, gusto mong pumunta dito sa apartment ko ‘di ba? I am allowing you to come here now. I… I need a friend…” Lumuha na naman siya.
“Okay. Sa Market Market na lang ako magpapababa sa van. Magtataxi na lang ako papunta r’yan.”
Alam ni Laiza na sumasakay ito sa van ng crew. Hindi kasi mayaman ang pamilya ni Madellaine at mayroon pang tatlong kapatid na pinag-aaral. She’s a breadwinner kaya walang panahon sa buhay pag-ibig kahit na beinte nueve anyos na ito. Wala itong sasakyan at hindi rin ganoon kamahal ang mga gamit kung wala itong makukuhang regalo mula sa mga talent at management.
Nang putulin niya ang tawag nito, nagbilin si Laiza sa security gamit ang maliit na telepono sa pader na mayroon siyang kaibigan na pupunta sa kanyang unit. Ibinigay niya ang pangalan ni Madellaine. Nagpatuloy siya sa kanyang pag-iyak. Wala pa siyang panahon na harapin ang balita tungkol sa kabit-issue niya sa kanyang ama. Masyado kasing masakit ang kanyang kalungkutan dahil sadyang mahal niya si Trevor. Ang balita pa lang kasi ng kanilang hiwalay ay sobra-sobrang masakit na.
May ilang minuto bago niya narinig ang doorbell. Nakapaa siyang naglakad patungo sa main door. Bumungad ang mukha ni Madellaine.
“Oh my! What happened to you?”
Hindi niya ito nasagot at sa halip ay niyakap niya ang babae. Umiyak siya sa balikat nito.
“Pwede bang papasukin mo na muna ako? Tara sa loob. Baka ma-chika tayo rito.”
Iginiya siya nito papasok sa loob ng kanyang living room. Namamangha ang mata nito sa nakikita. Nakita nito ang set-up sa dining area.
“Ano ‘to? May pa-party?” takang tanong nito.
Tumango lang siya. Party sana! Ngunit “party gone wrong” na ang set-up na iyon sa kasalukuyan.
“Grabe! Ang yaman pala talaga ng daddy mo! Ang ganda at ang laki nitong apartment mo! Yayamanin!” Ang tinutukoy nito ay ang businessman niyang ama-amahan na Amerikano.
“Mamaya ka na mamangha! Nag-e-emote pa nga! Ano ang chika minute?” aniya rito. Mabuti na lang talaga at dumating ang kanyang manager, kailangan niya ng kausap.
Bumuntonghininga ito at tinabihan siya sa sofa. “Kung magtanong ka, parang hindi mo alam! Pugtong-pugto na nga ‘yang mata mo! As usual, umingay ‘yung isyu kagabi. Ang eksaheradang Gidget, nagpost sa Instabrag niya! Ha’yun! Dahil mainit ang pangalan mo ngayon sa publiko, mabilis na kumalat ang isyu! Ang luka-luka, ang sarap sabunutan!” Si Gidget Guidote ay second lead niya sa pelikula na gumaganap na may gusto kay Manuel, ang bidang lalaki sa istorya.
Hinawakan siya nito sa kamay. “Pero ano ba ang totoo? I want to know bilang manager mo para alam ko ang gagawin.”
“Hindi ako kabit ni Mr. Suatenco,” simpleng sagot niya.
“Naniniwala ako! Pero sabihin mo sa akin kung paanong nangyari na magkasama kayo sa hotel room? I-is it a one-night-stand? Tinakot ka ba niya katulad noong—”
Pinutol niya kaagad kung ano ang sasabihin nito. Ang pangyayaring naganap ilang buwan na ang nakaraan ay ayaw na niyang balikan pa at nais niya nang ibaon sa limot. “Forget it! Mr. Suatenco will never do unprofessional things sa ‘kin. He’s a good man!”
“Pero, I want to understand,” pilit nito.
Nakagat ni Laiza ang ibabang labi. “I’m sorry, Mad. Hindi ko maaaring sabihin sa’yo. Hindi dahil sa hindi ako nagtitiwala, kung hindi dahil nag-promise ako sa isang tao na isikreto ‘yon.”
“Whew! Good to hear that! I understand.”
“I want to sleep. Ayos lang ba kung samahan mo ako? I have a lot of clothes here. Alam ko rin naman na pagod ka na. Hindi ako makatulog, Mad. Kailangan ko ng kasama. Mababaliw ako kapag mag-isa.”
“Are you sure?”
Tumango siya.
“Aayaw pa ba ako? One-time experience din ‘to, noh! Ang makitulog dito sa bongaliscious na condo!”
Naaaliw siya sa babae. Sobrang seryoso kasi nito kapag nasa publiko sila o kaya naman ay kapag trabaho ang usapan. Sinamahan siya nito sa kanyang silid.
Ganoon na lang din kabilis ang panlalaki ng mata nito nang tuluyan na makapasok sa loob ng master’s bedroom.
“Oh, my God!” Natutop ni Madellaine ang bibig nang makita ang malaking frame ng kanyang wedding picture. Halos sinasakop niyon ang malapad na pader sa tapat ng super king size bed. Hindi maipagkakaila na ikinasal siya.
“You—” Nilingon siya ng kanyang manager.
Oh! Shoot! aniya sa sarili nang mapagtanto ang nakita nito.
“Asawa mo si Trevor Lombardi?”