Halos hindi maibutones ni Lyrica ang damit niya. Nanginginig ang kanyang mga kamay at pinalabo na ng luha ang kanyang mga mata. Kailangan ay makalabas siya ng kuwarto bago pa matapos sa pagshower si Morris. Ayaw niyang makita nito ang mukha niyang hilam sa luha. Ayaw niyang awa lang ang maramdaman nito sa kanya. Awa? Baka nga hindi ito maawa sa kanya. Baka imbes na awa ay disgusto pa ang maramdaman nito. Ano nga ang tingin nito sa kanya? Desperada. Hah, desperada ang tingin nito sa kanya. At siguradung-sigurado ito na imposibleng tugunin nito ang damdamin niya. Nang sa wakas ay maipasok niya sa ohales ang panghuling butones ng kanyang damit ay saka niya pa napansing sa maling mga butas niya pala naipasok ang mga iyon. Nakagat niya ang labi at lalo siyang napahagulhol. Kahit damit niy

