Ang mga tiyuhin ko nag-apiran na naman. Nakakita ng bagong miyembro nila.
“Pawis mo,” sabat ni Charlie nang kumuha ito ng tissue at pinunas ang pawis ko.
Kumuha pa ito ulit ng isa pang tissue at pinunas naman ang dungis ko sa pisngi saka kinuha si Leo.
“Tapos ka na kumain?” tanong ko rito.
“Oo. Sige na, ilalabas ko na itong bata at pawis na pawis na rin. Tapusin mo na ang pagkain mo,” sabi ni Charlie at tumayo na pagtapos na uminom ng tubig.
“Ayaw patalo!” ngingisi-ngisi pang bulong ni Lola sa tabi ko.
Pagtapos na kumain ay ibinigay sakin ni Charlie ang bata at tumulong sa pagsisinop.
Habang abala sila sa loob, nasa terrace naman kami ni Lola at nagpapaantok.
“Apo, anong balak mo kay William?” tanong ni Lola habang nilalaro si Leo.
“Hindi ko din po alam, Lola. Mahal na mahal ko po si Charlie, pero alam ko namang hanggang kapatid lamang ang turing niya sa akin. Idagdag pa po na sa dami ng nanloko at nanakit sakin, ang hirap na maniwala na magugustuhan pa ako,”
“Ganito apo, sumugal ka nang umamin kay Charlie. Yon lang naman nagpapabigat sayo diba? Kunin mo na ang sagot para makausad ka na. Kung gusto ka rin ni Charlie, eh di panalo. Kung hindi naman, eh di kay William. Apo...dumidiskarte rin tayong mga babae.”
“Sana kasing tapang mo po ako, Lola,”
“Kaya mo. Kaya mong maging matapang. Matapang ang lahi natin, ikaw lang ata ang naligaw eh. Nagmana ka sa tatay mong under ng Mama mo,”
“Lola talaga.”
“Sige, inaantok na ako. Galaw-galaw apo ha, di ka pabata. Bukas-bukas mawawala na kami, paano ka ng makakasama?”
“Lola naman! Hindi pa po kayo mawawala, magiging maid of honor ko pa po kayo,”
“Eh paano?” iiling-iling ni Lolang sabi at nagtungo na sa kwarto niya dito sa katabi lamang ng terrace.
“Anak, tulog na tayo?” yaya ko sa anak ko at tumango naman ito.
Inakay ko ito papasok ng bahay at kinalong paakyat sa aking kwarto.
Nang inaayos ko na ang kumot naming mag-ina para matulog, nagulat ako nang biglang bumukas ang pinto ng kwarto ko at pumasok si Charlie.
“Anong kailangan mo?” tanong ko at bahagyang napabangon.
“Dito na ako matutulog. Sa kwarto ko matutulog si William,” sabi ni Charlie at wala manlang pag-dadalawang-isip na naghubad ng suot na pang-itaas na damit, natira lamang ay sando, saka humiga sa kabilang tabi ni Leo.
Nasa pagitan namin ni Charlie si Leo ngayon.
Parang sasabog ang dibdib ko nang iangat ni Charlie ang ulo ni Leo saka pinaunan sa kaniyang braso at niyakap.
“Goodnight, Annie.” Bulong ni Charlie.
“Ahaha, good night talaga sakin,” bulong ko at tinangkang pumihit ng higa patalikod kay Charlie dahil ramdam ko ang tila pag-init ng mukha ko.
Pero hinapit niya ang baywang ko at pinaharap ulit sa kaniya.
“Di makakatulog si Leo nang di ka kayakap,” nakapikit na sabi ni Charlie saka hinigit ako palapit sa kanila.
Napalunok ako ng laway sa mas paglakas ng t***k ng puso ko. Tadhana na ba ang nagpipilit saking umamin?
Marahan kong niyakap si Leo at di napigilang mapangiti nang hawakan na rin ni Charlie ang kamay ko.
Aamin na ako. Wala nang atrasan to. Bukas na bukas paggaling namin ng simbahan, tatapusin ko na ang mga katanungan ko.
Magiging matapang na ako.
Kinabukasan, maaga kaming nagpunta sa simbahan.
Kaming mag-ina ay nakasakay kay Charlie habang sina Mama naman nakay William.
Van ang dalang sasakyan ni William kaya mas maraming sakay.
Pagdating sa simbahan, ganon na lamang pinagkaguluhan si William kaya agad akong hinigit ni Charlie palayo sa mga tao.
“Ganiyan magiging kagulo ang buhay mo kung papapasukin mo sa buhay mo si William, kaya mag-isip ka,” sabi ni Charlie pagpasok namin ng simbahan.
“Hindi naman ako umaasang tatagal siya sa panunuyo. Sanay na ako na umaayaw agad kapag hindi napagbibigyan sa mga gusto.”
“Tama yan, gawin mong aral,” sabi nito at inalalayan kaming mag-ina paupo sa gitnang hilera ng mga upuan.
“Pero ikaw, hindi mo ako sinusukuan,” buong-kaba na sabi ko kay Charlie.
“Malabong sukuan kita,” sagot ni Charlie at hinawakan ang kamay ko.
Jusko, kung ito na po ang senyales, ibigay niyo na ho ito.
Parang maiiyak na ako nang higpitan ko ang hawak sa kamay niya at hindi siya bumitaw.
Pagtapos ng misa ay takang-taka ako nang yayain ni Lola si Charlie na umuwi na kasama si Leo.
Tapos ako, pinagkaisahan nila akong ipagsama raw si William sa pamamalengke.
“Tagalan niyo,” sigaw pa ni Lola bago tuluyang tumakbo ang kotse ni Charlie palayo.
Nang makalayo sila, sobrang awkward namin ni William.
“Halika na, nang makauwi agad,” sabi ko kay William pagtapos na manahimik ng isang minuto.
Pero laking gulat ko nang hawakan ni William ang kamay ko, “Magtagal raw tayo eh.”
“Isa William, bitaw!”
Hindi naman ito nakinig, bagkus ay hinila na ako papunta sa peryahan sa kabilang kanto lamang ng simbahan.
“Peryahan? Seryoso ka?”
“Hindi pa ako nakakaranas nito, nakita ko lang kanina sa daan papunta sa simbahan,”
Hindi ko na matanggihan dahil grabe ang saya sa mukha ni William.
“Sige. Pero saglit lang kita.” Pagsuko ko. “Pero bago yan, magpalit ka muna kung ayaw mong pagdumugan ka na naman ng tao.”
Bumalik kami sa kaniyang van at nagpalit siya ng simpleng t-shirt at cargo pants. Pinagsuot ko na rin ng cap para mas safe.
Pagbabang-pagbaba ay daig pa ang batang nakawala sa bahay sa unang pagkakataon, ganon talaga siya kasabik.
“Saglit lang ha! Ilang laro lamang, William!” paalala ko rito habang naglalakad kami kaso, duda ako na naunawaan pa niya ang mga sinabi dahil naakit na sa firing booth.
At hindi na ako nabigla na ang saglit, inabot na ng kung anong oras. Halos magtalo na nga kami dahil sa walang habas na paggastos ni William dahil sa kagustuhan akong ipanalo ng teddy bear na malaki.
Hindi niya alam, kayang-kaya ko naman kumuha para sa sarili ko. Dito na ako lumaki.
“Akina na nga ako na ang titira,” inip kong sabi kay William.
“Hindi. Kaya ko ito,” pagmamatigas nito.
Napailing na lamang ako at hindi na nagpumilit dahil pansin ko ang pamamawis nito.
Hindi pa nga pala kami nag-uumagahan.
“Ikaw bahala. Dumito ka na muna, wag kang pupunta kung saan ha. Mamimili na ako ng mga kailangan sa bahay,”
“Wag ka mag-alala, hindi naman ako mawawala sayo,” sabi ni William habang nakatitig nang mapang-akit sakin.
Umirap na lamang ako at nagmadali nang maglakad palayo.
“Ang presko!” reklamo ko habang nagmamartsa papunta sa malapit na palengke. “Akala ba niya makukuha niya ako sa mga paganon?”
“Annie,”
Natigilan ako sa paglalakad at marahang humarap patalikod sa tumawag ng pangalan ko.
“Sydney?” bulalas ko.
Patakbo itong yumakap sakin.
“Annie, si Charlie? Nasaan si Charlie?” umiiyak nitong tanong sakin.
Hindi ko alam kung paano ako sasagot, parang nablangko na ang utak ko.
“B-bakit?”
Humiwalay ito sa pagkakayakap at hinawakan ang dalawa kong kamay.
“Annie, alam kong ang kapal-kapal na ng mukha ko sa gagawin ko pero, mali ako ng naging mga desisyon. Tulungan mo ako, last na ito. Hinding-hindi ko na sasaktan si Charlie. Please? Pinuntahan ko siya sa condo niya pero wala siya. Alam mo ba kung nasaan siya?”
“Teka lang...kumalma ka lang. Ano bang nangyari?”
“Annie, tumakas lang ako kay Paolo. Hindi pa rin siya nagbabago,”
Gusto ko siyang murahin pero hindi ko magawa dahil sa nakakahabag niyang itsura.
Pero, parang hindi ko rin kayang pagbigyan na naman siya ngayon.
“K—Kumain ka na ba?” pag-iiba ko ng usapan dahil naiiyak na rin ako.
Kung kailan naman handa na akong lumaban. Hindi ata talaga kami pwede ni Charlie.
Lalo na itong umiyak, “Hindi pa ako kumakain, Annie.”
Hinawakan ko ang kamay nito at hinigit papunta sa pinakamalapit na karendirya.
“Kumain ka na muna,” sabi ko dito habang bumibili ng makakakain.
“Annie...alam mo ba kung nasaan si Charlie?”
“Kumain ka na muna,” pag-iiwas ko sa tanong nito.
“Annie please. Bukod kay Paolo, tumakas din ako kina Mama. Dadalhin na ako nina Mama sa US, gusto kong makita si Charlie.”
Nanginginig ang mga kamay ko nang ibaba ko ang paboritong ulam ni Sydney sa tabi ng plato nito saka isang pares ng kutsara at tinidor. Ipinagbuhos ko na rin ito ng isang baso ng tubig.
Sabay kaming naupo at parang pupunit ang dibdib ko habang nakatitig kay Sydney.
Gusto kong maging maramot sa mga oras na ito. Gusto kong magsinungaling pero parehas ko silang mahal.
“Kumain ka na. Nasa bahay ngayon si Charlie. Dito siya nagbakasyon,” sa wakas ay tugon ko.