Chapter 5 : Mang Linton

1212 Words
A/N: Before chapter 5, there's a RED-BANNED chapter the writer wrote --- only available in one of the author's writing account. Red-Band Chapter is a section the writer has written that CAN BE SKIP or REMOVE from the book due to its explicit, triggering, and re-traumatization content. Readers can still follow the story without reading that part. *** Kinaumagahan, nagising siya hindi sa loob ng kwarto ngunit sa labas ng bahay. Napulaw siya sa liwanag nang biglang imulat ang mga mata. Napapikit muli siya, pagkatapos ay paunti-unting binuksan ang talukap ng paningin. Nasa labas nga siya, sapagkat nakahiga siya sa lupa at napapaligiran ng mga puno't halaman. Narinig niya ang kaluskos ng mga dahong sumasabay sa malakas na ihip ng hangin. Mataas na ang sikat ng araw, ibig-sabihin ay patanghali na. Kasabay ng mga huni ng ibong dumadapo sa puno ay ang lagaslas ng tubig sa mabahong estero. Bakit ba napakaganda ng umaga? Ano bang silbi ng umaga sa isang katulad niya? Bumangon at umupo siya mula sa pagkakahiga. Napakislot at napa-aray siya nang maramdaman ang sakit ng pigi at pasa sa mukha. Hinaplos niya ang kanang mata na tila namamaga. Sinuri niya ang sarili at napagtantong wala pa ring saplot ang kaniyang patpating katawan. Nangangamoy na rin siya. Hindi na rin niya matiis ang panghi ng kaniyang balat. Ano bang nangyari? Bakit wala siyang matandaan? Masyado bang masalimuot ang mga naganap kahapon kaya binura agad ng kaniyang isipan? Sumulyap siya sa harap— dito sa kaniyang tahanan. Sarado ang bahay. At sa hula niya'y itinapon siya ng ina sa labas pagkatapos siyang bugbugin at hubaran kahapon. Pilit siyang tumayo, naglakad nang paika-ika upang sumilip sa bintana at napansing patay ang lahat ng ilaw sa loob ng bahay. Sinubukan niyang pihitin ang busol ngunit ito'y nakakandado. Para siyang tinakluban ng langit at lupa na napaluhod sa harap ng bahay. "Anong gagawin ko? Kailangan kong makapasok sa eskwela. Alam kong hinihintay ako ni Aya." Ngunit wala siyang damit at mukha siyang taong-grasa sa amoy at itsura niya ngayon. Ano ang dapat niyang gawin? Wala rin silang kapitbahay sapagkat malapit sila sa kabukiran. Saan siya hihingi ng tulong? Maglalakad siya sa kalsada nang ganito? Tahimik siyang namoblema sa labas ng pinto dahil nangungulila siya kay Aya at nais na niyang makapasok sa eskwela. Subalit wala siyang maisip na paraan upang maayos ang sariling itsura ngayon. Hindi siya maaaring pumasok na nakahubo. "Kenjie?" Ilusyon ba iyon o may tumawag sa kaniya? Unti-unti siyang lumingon upang makita kung sino ang nasa likod. Hindi siya nagmamalik-mata sapagkat tunay na nakatayo si Mang Linton sa likod niya. Nakanganga ang lalaki at tila gulat na gulat nang matagpuan siya sa ganitong kalagayan. *** "Wala ang asawa ko ngayon, nasa trabaho siya tuwing umaga. Ang dalawang anak ko naman ay nasa eskwela," paliwanag ni Mang Linton habang nagtitimpla ng dalawang tasa ng kape. Tumatama ang kutsara sa gilid ng baso at naglilikha iyon ng ingay sa katahimikan ng bahay. Kasalukuyan siyang nasa tahanan ni Mang Linton. Halos maiyak ang lalaki nang makita ang kalunos-lunos niyang itsura kaya inuwi muna siya sa bahay nito upang mabihisan. Samantala, tahimik lamang na pinapanood ni Kenjie ang paghahalo nito ng kape. "Dadalawin ko sana si Jovena ngayon pero..." Napabuntong-hininga ito at naawa ang mga mata nang tumitig sa mukha niyang may black-eye. "Grabe, ang ginawa sa 'yo. Siguro tama ka na kailangan ko nang hiwalayan ang nanay mo," desisyon nito at humigop ng kape sa tasa. "Maghahanap na lang ako ng ibang babae." "Hindi mo dapat niloloko ang asawa mo," wika niya at napatawa lamang ang lalaki na para bang biro ang sinabi niya. "Hindi naman niya malalaman. Gabi ang trabaho ko, siya naman ay umaga. Halos hindi rin kami nagkikita." "Hindi ka ba nakokonsensya sa ginagawa mo? Dahil hindi ka lang mapagbigyan ng asawa mo sa s*x, hahanapin mo 'yon sa iba?" usisa niya ngunit hindi sinagot ng lalaki. Sa halip, inabot nito sa kaniya ang tasa ng kape. "Mamaya na ang interview, kumain ka muna." Napatingin siya sa sinangag, itlog at tocino na nakahain sa kaniyang harapan. Bagong ligo na rin siya. Binigyan din siya ng pinaglumaang underwear at shorts. Maluwag lamang ang suot niyang t-shirt at parati niyang tinataas ang manggas. "Bakit? May problema ba sa niluto ko?" Sa tanang-buhay niya, ngayon lamang siya makakatikim ng maayos na almusal. Nais niyang banggitin ang salitang salamat pero nangatal ang kaniyang labi. At sa halip na magsalita, hagulgol ang lumabas sa kaniyang bibig. Nagtaka ang mga mata ni Mang Linton sa kaniyang inasal ngunit wala siyang balak na magpaliwanag. Marahil hindi na niya kayang dalhin ang pasanin at bigat ng kalooban. Hindi siya umiyak nang matagpuan ang sarili na parang basurang tinapon sa labas ng bahay nila. Kusa nang bumuhos ang kaniyang luha nang maramdaman niyang malayo na siya sa panganib. Para siyang nababaliw na sumubo ng kanin habang umiiyak pa rin. Tumutulo ang luha at sipon niya habang kumakain. Lumayo si Mang Linton, dahil baka maiyak na rin ang manong kung papanoorin siya nito magdamag. Nakatalikod ito habang naghuhugas ng kaldero sa lababo. "May isang guro noon na napahamak dahil sa pagtulong niya," pagsisimula nito ng usapan at napahinto si Kenjie sa pag-iyak. Habang naghuhugas, pinagpatuloy ni Mang Linton ang pagkwekwento. "Isang estudyante mula sa first year highschool ang lumapit sa kaniya at sinabing — ginagalaw ako ni Tito." "Sa awa ng guro, hindi nagdalawang-isip na tumulong. Inilaban niya sa korte ang natuklasan. Ibinigay sa piskal ang salaysay ng estudyante." Malungkot na ngumiti ito nang tumitig sa kaniya. "Pero mali siya ng naging hakbang dahil hindi sapat ang salaysay. Kailangan ng katibayan. Kailangan ng medicol legal mula sa babae." Nagpatuloy si Mang Linton. "Tinago ng kalabang pamilya ang batang babae. Hindi alam ng guro kung saan napadpad ang estudyante. Sabi niya, handa siyang tumulong pero iniwan siya ng batang babae sa ere." Napabuntong-hininga muli ito at napasulyap sa itaas na parang may naalala. "Lumipas ang panahon, nag-kontra demanda ang pamilya ng estudyanteng iyon." "Ang guro na nagmalasakit ay nagkakaso ng paninirang-puri. Pagkatapos, nabaliktad ang lahat. Nawalan siya ng trabaho dahil doon kaya tumigil na siya sa pagtuturo," pagtatapos nito. Inilapag nito ang hinugasang kaldero sa tabi ng lababo. Humarap ito kay Kenjie, mata sa mata bago sabihin ang mga katagang, "Ang guro na iyon ay ako, Kenjie." Natahimik siya nang marinig ang kwento ng lalaki— ang panig nito at karanasan. "Sa mundong ito, minsan kapag ikaw pa ang tumulong, ikaw pa ang madadamay, ikaw pa ang mapapasama. Ngayon naintindihan mo na ba kung bakit hindi kita matulungan? Kapag nagsalita ako, malalaman din ng asawa ko ang ginagawa kong pangangaliwa." Tumalikod muli ito upang magtungo sa kabinet at may hinalughog doon na gamit. "Natuto na ako. Kailangan ikaw ang humarap at magsalita sa harap ng korte. Ikaw dapat ang lumaban at hindi ako. Kaya hindi kita matutulungan, patawad." Nadurog ang puso niya nang marinig iyon ngunit hindi niya masisisi si Mang Linton. May trauma rin na kinakalaban ang lalaki dahil sa karanasan noon. "N-Naiintindihan ko na," sabi na lamang niya. "Papasok ka ba sa eskwela? Ibibigay ko na lamang sa 'yo ang lumang uniporme ng mga anak ko," pagbabago nito ng usapan ngunit nangingilid ang luha nito sa mga mata. Kahit hindi sabihin, lahat sila ay nilalamon ng guilt sa sarili. ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD