Chapter 10 : Linton's POV

1379 Words
Minsan lamang sila kumain nang sabay, sapagkat hindi nagkakasalubong ang kanilang mga oras. Pagsapit ng gabi ay aalis siya at siya namang pag-uwi ng kaniyang asawa galing sa trabaho. Pagdating ng umaga ay ito naman ang lilisan at siya naman ang maiiwang mag-isa sa bahay. Ngunit sa kabila ng kakulangan sa komunikasyon, pinipilit ni Linton na maging normal ang kaniyang pamilya. Kahit hindi sila nag-uusap ng asawa ay nagkukunwari silang walang alitan kapag kaharap ang dalawang anak. Sapagkat ang pinakamahalaga sa lahat ay ang kapakanan ng mga bata. At ngayon nga, hindi pumasok sa trabaho ang kaniyang asawa upang magpahinga. Sa hapagkainan sila ay nagkwentuhan, nagbiruan at nagtawanan. Naudlot lamang iyon nang may kumatok sa pinto. Tumayo si Linton. Siya na ang magbubukas ng pinto sa sala. Nang makita kung sino ang umabala sa kaniyang umaga, napanganga ang kaniyang bibig at namilog ang mga mata sa kaba. Napagtanto niyang hindi niya matatago ang anino ng kaniyang kasalanan. Walang reaksyon sa mukha ng babae at parang patay itong nakatayo lamang roon. "J-Jovena, anong ginagawa mo rito?" sinubukan niyang patatagin ang tinig ngunit nautal pa rin sa pagsasalita. At dahil sa pangamba, lumabas siya sa bahay, isinara ang pinto at hinila ang babae palayo. Ngayon lamang natakot muli si Linton- natakot siya sa sarili niyang multo. "Hindi ako nandito para mag-eskandalo, Linton." Tumingin ang ginang sa harap ng bahay. "Hinahanap ko ang anak ko." Natigilan si Linton at napaisip. Naalala niya ang huling oras na nakita niya si Kenjie. Hinatid niya ito sa eskwelahan kahapon nang umaga. Hindi ba umuwi ang bata pagkatapos ng klase? "Wala rito si Kenjie," aniya. Muling tumitig ang babae sa tapat ng bahay at naghihinalang tumingin sa kaniya. "Hindi siya umuwi kahapon." "Wala ba siyang pinagpaalam sa 'yo? Baka nawili lang iyon kasama ang mga kaibigan niya." "Kailan mo siya huling nakita?" Nagdalawang-isip si Linton na sabihin ang totoo. Naalala niya ang itsura ng bata nang makita niya ito kahapon, walang saplot at bugbog ang katawan- halos patayin na ng sariling ina. "Hindi ko siya nakita kahapon. Ang huling kita ko sa kaniya ay iyong..." Hindi niya madugtungan ang sasabihin dahil baka marinig ng kaniyang asawa. "Iyong ano? Iyong nagse-s*x tayo sa bahay?" At ang demonyita na ang nagdugtong. Napasinghap si Linton at lumingon sa pinto ng tahanan. "Hinaan mo ang boses mo, Jovena. Nandito ang asawa ko," pagbabanta niya na hinigpitan ang hawak sa braso nito. "At ano naman kung marinig niya?" Napangisi lamang ang babae na parang nawiwiling makita ang natataranta niyang mukha. "Inuulit ko, wala rito si Kenjie at hindi ko pa nakikita ang batang iyon simula kahapon. Umuwi ka na, Jovena," pagtataboy niya na marahas din itong tinulak. "Kung iwan ka man ni Kenjie, kasalanan mo. Kapag nagsumbong siya sa pulis, kasalanan mo." "Kapag nagsumbong siya, damay ka rin Linton." Ngunit bale-wala ang pananakot niya sa babae. Sa halip, siya ang natakot dito. Anuman ang pag-iwas, alam niyang madadawit siya sa gulo. Hindi siya nagsalita kahit alam niya ang nagaganap sa loob ng bahay ni Jovena. Malalaman din ng kaniyang pamilya ang pakikipagrelasyon niya sa ibang babae. "Sige na bumalik ka na sa pamilya mo," untag nito sa kaniyang pananahimik, "Alam ko naman na nagsasabi ka ng totoo." Mapanlibak itong ngumiti bago tumalikod. Pinanood niya ang paglisan ng babae. Napabuntong-hininga siya nang mapagtanto kung ano ang pinasok niyang gulo. Tila kumuha siya ng malaking bato na ipupukpok sa sariling ulo. Nasaan ka na Kenjie? Saan ka napadpad? Lumabas sa pinto ang kaniyang asawa. "Hon, sino iyon?" Lumapit siya at iginiya muli ito papasok sa bahay. "Wala 'yon. Ahente lang ng sigarilyo," pagsisinungaling niya. *** Hindi mapakali si Linton nang umagang iyon. Nag-aalala siya sa sinapit ng batang lalaki. Kung hindi ito umuwi sa ina kahapon, saan ito nagpunta? Ang huling kausap niya sa bata ay nang binigyan niya ito ng uniporme at inihatid niya sa eskwelahan. Bakit kaya hindi na lang hanapin ni Jovena ang anak sa paaralan kung saan ito nag-aaral? Nang tanghaling tapat ay nagpaalam siya sa asawa na may pupuntahan lamang. Nais niyang bigyan ng babala ang binatilyo. Kung madawit man siya sa gulo, at least ginawa niya ang tama. Sakay ng sariling motorsiklo, bumiyahe siya at nakarating sa Kaadlaman Elementary School. Nakita niyang labasan na ng mga bata kaya hindi na siya pumasok pa sa loob. Naghintay na lamang siya sa parking lot at hinubad ang helmet sa ulo. Tanaw niya roon ang gate ng paaralan kaya hindi na siya lumipat pa ng pwesto. Tatlumpong minuto ang lumipas bago niya matanawan ang batang lalaki. Nakahinga siya ng maluwag nang makitang ligtas naman ito at mukhang naghihilom na rin ang pasa nito sa mata. Naisip niyang lapitan na ang binatilyo ngunit natigilan nang mapansing may kasama itong mga kaibigan. Kung hindi umuwi si Kenjie, saan ito nanatili kahapon? Hindi kaya, nakikitira siya ngayon sa mga kaibigan niya? Nakita niyang sumakay ang apat na kabataan sa jeepney. Naisipan niyang sundan nang palihim ang mga ito upang malaman ang kasagutan sa kaniyang mga tanong. Isinuot niya muli ang helmet, sumakay sa motor at sinundan ang sasakyan. *** Katulad ng pinangako ni Hiraya, nagtipon sila sa loob ng treehouse upang ipaliwanag sa mga ito kung bakit niya naisipang itago si Kenjie. Hindi na sila pumasok pa sa loob ng treehouse. Nakatambay sila sa swing at doon nag-usap. Naudlot lamang ang kanilang kwentuhan nang may mamataan silang lalaking papalapit sa kanilang gawi. Napatayo nang tuwid si Hiraya mula sa pagkakaupo sa swing. Kinabahan siya sapagkat bago sa kaniya ang mukha ng lalaki. Sino ito? Gayunman, isang malaking ngiti ang ibinigay ni Kenjie bago ito binati. "Mang Linton!" Kilala nito ang misteryosong lalaki. "Anong ginagawa mo rito?" "Sino 'yan?" tanong ni Mayumi dahil hindi rin niya kilala. "Kinakasama ng nanay ko," wika lamang ni Kenjie. Nagtataka ang mga mata ni Hiraya habang sinusuri ang kaanyuan ng bagong nilalang. Matangkad ito, moreno ngunit may itsura. Alam niyang maraming naging kasintahan ang ina ni Kenjie ngunit ito ang unang pagkakataon na nakakilala siya ng isa. Sa unang back-skip ay hindi niya nakilala ang lalaki. "Sinundan kita papunta rito dahil hinahanap ka sa akin ni Jovena. Nandito ka lang pala," napabuntong-hininga na wika nito nang makaharap sila. Nang marinig ni Hiraya ang pangalan ng babae ay nanghinala na siya. Kumapit siya sa braso ni Kenjie at masamang tinitigan ang lalaki. "Hindi na siya uuwi!" Handa siyang makipaglaban kahit kanino para maipagtanggol ang kaibigan. Tinitigan lamang siya ni Linton . "Narinig mo ko, 'di ba?" anas niya at nagbabanta ang tingin dito. "Kung nandito ka para sunduin si Kenjie, umalis ka na. Hindi siya sasama!" "Aya!" saway ni Kenjie sa kaniya. "Hindi ako nandito para kunin siya," paliwanag ng lalaki, "Pero totoong hinahanap siya ni Jovena." Tila nakaramdam ng pag-asa si Kenjie nang marinig iyon. "Talaga bang hinahanap ako ni Mama? Ibig-sabihin ay may pakialam siya sa akin." Malungkot itong napangiti. Hindi alam ni Linton kung paano ipapaliwanag kay Kenjie na ang mukha ni Jovena nang umagang iyon ay hindi mukha ng isang inang nag-aalala sa anak. Nakaramdam ng awa ang lalaki. "Hindi ko sasabihin kay Jovena na nandito ka. Huwag kayong mag-alala." Tumingin ito kay Hiraya. "Kayo na ang bahala kay Kenjie. Aalis na ako." "Tuparin mo ang sinabi mo," pagbabanta pa rin ni Hiraya sapagkat hindi siya nagtitiwala rito. Nag-iwan lamang ng ngiti ang lalaki sa kaniya bago tumalikod at bumalik sa motor. Sinundan nila ito ng tingin hanggang tuluyang makaalis. "He's cool!" wika ni Mayumi na parang nangarap pa. "Matipuno at lalaking-lalaki." "Ewww!" pang-aasar naman ni Oscar at napa-irap pa, "Ang tanda na n'on! Ang weird talaga ng mga tipo mo." Napailing din si Kenjie sa sinabi ni Mayumi, ngunit hindi nito sinabing babaero ang manong. "Hindi ako nagtitiwala sa kaniya," pag-amin ni Hiraya na tumingin kay Kenjie. "Mabait naman siya, Aya. Siya ang tumulong sa akin kahapon kaya ako nakapasok sa paaralan," pagtatanggol nito. Pero nagdududa pa rin ang puso ni Hiraya, lalo pa't ngayon lamang niya nakilala ang lalaki. "So, alam niya kung anong ginagawa ni Jovena." "Uh, ganoon na nga." "Kahit alam niya, wala siyang ginawa para makatakas ka! Isa rin siyang kasabwat sa krimen. Sabi nga ni Martin Luther King, to ignore evil is to become accomplice to it!" "Sabi nino?" "Ah! Basta, mag-ingat pa rin tayo sa kaniya." ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD