Mabuti at hindi pa niya nakakalimutan kung paano gumamit ng telepono. Lalo pa't kapag ganitong oras ay mahilig tumawag si Mayumi upang makipagkwentuhan. Halos kauuwi lang niya galing sa eskwela sapagkat natagalan si Mela na sunduin siya.
Napasulyap siya sa kusina. Naaamoy niya roon ang aroma ng nilulutong putahe. Sa totoo lamang ay na-miss niya ang Ginang at natutuwa siyang makita ito ngayon. Kumikirot ang puso niya kapag naaalala na sa tunay niyang panahon ay nakakulong sa mental hospital ang babae.
Pero ito naman ang dahilan kung bakit siya nandito, upang baguhin ang kapalaran nilang lahat.
"Pinigilan ko si Oscar kanina na guluhin kayo. Oh my gosh, Aya. Bakit ngayon ko lang nalaman na gusto mo pala si Banoy— I mean Kenjie?" Bumalik ang atensyon niya sa teleponong nakatutok sa kanang tainga. Kanina pa nagsasalita si Mayumi ngunit hindi siya nakikinig.
"Hindi ko siya gusto, Mayumi. Atleast hindi romantically. " Iyon ang totoo. Sadyang tamang-akala lang ang mga ito batay sa paraan niya ng pagpapakita ng pagmamalasakit.
Napapagod na rin siyang magpanggap na si Aya. Kung pwede lang sana sabihin ang totoo na nagmula siya sa hinaharap at hinihiram lamang niya ang katawan ni Aya.
Malapit na siyang mag-dise-otso sa tunay na katawan. Malapit na siyang maging ganap na adult. At ang tanging laman ng utak niya ay magampanan ang misyon. Bukod sa age gap, isa pa iyon sa dahilan kaya hindi niya nakikita bilang love interest ang binatilyo.
"Ay sus. Huwag ka nang magkaila. Halata naman eh. Kinikilig ako sa inyo! Hindi ko type si Kenjie para sa 'yo pero dahil bff kita tutulungan pa rin kita sa kaniya. Ano palang nakita mo sa kaniya? Alam ko naman na cute siya pero bukod doon, ano pa?"
"Hay Mayumi..." Napabuntong-hininga siya nang malalim. "Tinawagan mo lang ba ako para dito?"
"Mahalaga ang girl's talk! Kung gusto mo dalawin natin si Kenjie sa bahay nila. Isama natin si Oscar. Alam namin kung saan siya nakatira."
Mali. Nanumbalik bigla ang lahat ng kaniyang masalimuot na alaala— ang walang-malay at duguang katawan ng batang lalaki sa kama, ang pagbagsak ni Aya sa matigas na semento at ang pagkabaliw ni Mela.
"No. It won't work!" medyo lumakas ang kaniyang boses. Nagimbal siya dahil sa pagbabalik ng mga trauma.
Matri-trigger lang ang ina ni Kenjie at baka mangyari ulit ang mga dating naganap.
Kanina, hindi ko na napigilan ang sarili ko. Umiyak ako sa harap niya at may mga sinabi na sa tingin ko ay hindi niya naunawaan.
Oras-oras, minu-minuto, natatakot akong baka mali ako ng ikinilos. Natatakot ako na baka sa pag-uwi niya ay hindi na siya makakabalik.
Ngunit paano kung kapalaran talaga ni Kenjie ang mamatay?
Iwinaksi ni Hiraya ang napakapangit na isipan. Kung nagawang mabuhay ni Lola Dalisay sa panahon niya, magagawa rin niyang buhayin sina Kenjie at Aya.
"Hoy, nakikinig ka pa ba?" untag ni Mayumi. Kanina pa pala ito nagsasalita.
"Y-Yes. Sorry, may naisip lang ako."
"Aya, nakaluto na ako ng hapunan." Tinawag siya ni Mela mula sa kusina. "Huwag kang magpapalipas ng gutom."
Napalingon siya sa babae bago nagpaalam sa kausap. "Mamaya na lang ulit, Mayumi, kakain na kami." Ibinaba na niya ang telepono.
Nagtungo siya sa dining table at nakitang nakahain na roon ang niluto ng babae. Tahimik siyang umupo at nag-umpisang kumain. Pagkasubo niya ng isang beses, naisip niya muli si Kenjie kaya bumaling siya kay Mela na nakaupo sa tapat.
"Mama, pwede niyo po bang dagdagan ang lunch ko bukas?"
Saglit na natigilan si Mela sa pagsandok ng kanin at nagtatakang tumingin sa kaniya.
"Dagdagan n'yo po ng kanin at ulam. Dalawa pong mansanas. Gusto ko rin po ng dalawang balot ng sandwich," request niya.
Parang matatawa ang Ginang sa mga sinabi niya. "Bakit ang gana mo yatang kumain ngayon?"
"I need more energy tomorrow. At Isa pa, alam n'yo naman ang nangyari kanina. Ayaw ko nang mahimatay sa klase," palusot niya. Sa totoo lang, ibibigay ko kay Kenjie 'yong kalahati ng baon ko.
"Oo nga pala, I'm sorry kung nahuli ako kanina," na-guilty na wika nito.
"Wala po iyon. Alam ko namang abala po kayo sa trabaho para mayroon tayong makain at para mayroon po kayong pambili ng gamot ko."
Isa pa ito sa nag-iba. Kahit abala sa trabaho, hindi nahuhuli sa pagsundo sa kaniya si Mama Mela. Priority nito si Aya pero ngayon...
"Mabuti na ba ang pakiramdam mo, Aya? Gusto mo bang lumiban bukas sa klase para magpa-check-up sa doktor?"
"Ayaw ko po." Umiling siya. Gusto niyang makita si Kenjie bukas dahil nangako ito sa kaniya.
"Okay pero kung may nararamdaman ka, sabihin mo sa akin."
Tumango lamang siya at ipinagpatuloy ang pagkain nang tahimik.
"Tapos na po akong kumain. Gusto ko na pong magpahinga." Tumayo siya saka nilapag ang ginamit na pinggan sa lababo.
"Sige, magpahinga ka na, anak. Ako na ang maghuhugas. Tawagin mo lang ako kapag may kailangan ka."
"Salamat po, mama." Napansin ni Hiraya na napaka-casual ng pag-uusap nila ngayon. Hindi katulad ng dati na mas emosyonal si Mama Mela.
***
Pagsara ng pinto sa kaniyang silid ay muling napabuntong-hininga nang malalim si Hiraya. Naisip niyang lahat ng tao ay may internal conflict. Sa pagbabago ng ugali ni Mela, napagtanto niyang mayroon din itong pag-aalinlangan at pinagdadaanan sa sarili.
Sa una niyang Back-Skip o sa unang beses na pagtungo niya sa nakaraan, punong-puno ng pag-asa si Mela na gagaling pa ang anak nito.
Ngunit ngayon parang napapagod na ang ginang sa pag-aalaga kay Aya. Tila ba, tinanggap na nito ang katotohanan na kahit ano pa ang gawin nila ay walang magbabago sa hinaharap.
"This is not good," naibulong niya, "walang nagbagong maganda."
Kung nag-iba ang positibong pananaw ni Mama Mela at napalitan ng negatibo. Siguradong nagbago rin ang pananaw ni Kenjie.
Did he change for better or for worse? Kinakabahan ako...
Lumapit si Hiraya sa kama at hinaluglog ang ilalim ng unan. Nagtaka siya nang mapansin wala roon ang diary ni Aya. Hinanap niya iyon sa book shelves na katabi ng cabinet. Hindi pa rin niya matagpuan ngunit nakita niya ang 3210 cellphone na nakapatong sa itaas niyon. Kinuha niya iyon at sinuri.
"Kailan ito ibinigay ni Mama Mela?" nagtatakang-tanong niya sa sarili. Ipinatong muna niya iyon sa side table.
Sunod niyang hinalughog ang laman ng cabinet at sa wakas natagpuan na rin niya ang hinahanap. Binuklat niya agad ang kuwaderno at binasa ang mga laman niyon.
Nakahinga siya nang maluwag nang mabasang wala namang pagbabago sa loob ng diary. Namatay pa rin ang ama ni Aya dahil sa sakit na POEMS at may dindala pa rin na karamdaman ang batang babae.
Akma na niyang itatabi ang binabasa ngunit natigilan nang may mahulog na sobre na nakaipit sa kuwaderno. Nagtatakang pinulot niya iyon.
"Letter?" Sinuri niya muna ang labas bago niya binuksan ang loob. "Wala naman ganito dati sa diary. Bakit ngayon ko lang ito nakita?" Hinugot niya ang papel at sinimulang basahin ang laman niyon.
Patawad, wala akong lakas ng loob na sabihin.
Iyon ang mga salitang unang nabasa niya at nakasulat iyon sa dulo ng liham. Ipinagpatuloy niya ang pagbabasa ng kabuuan nito. Humigpit ang hawak niya sa liham, nanginig ang mga kamay at halos magusot niya ang buong papel.
Huling liham ito ni Aya para sa lahat ng mga taong importante sa kaniya. Napasapo siya sa bibig habang pinamumulahan ng mukha. Nangilid ang mga butil ng luha sa kaniyang mga mata sapagkat parang gusto niyang maiyak sa mga natuklasan.
Kailan ito isinulat ni Aya? Bakit ngayon ko lang ito nakita?
Noong una niyang back-skip, hindi niya hinalughog ang gamit ng batang babae kaya siguro ngayon lamang niya ito natagpuan. Ang tanging binasa lamang niya ay ang lumang diary nito na isinulat pa noong nakaraang taon.
Bago siya makabalik sa panahon na ito, hindi lang mga pangyayari at pananaw ang nagbago. May nagbago rin sa puso ni Aya. Bukod sa lalong humina ang katawan nito ay natuto pa itong magmahal sa maling pagkakataon.
Kahit anong panahon, kahit saang lugar o kahit kailan na pagkakataon. Itinadhana talaga ang dalawa na maging malapit sa isa't isa ngunit dahil sa kapalaran ng babae na mamatay nang maaga— hindi iyon natupad.
Ilang buwan na lang ang natitira sa buhay ni Aya. Nagbibilang na ito ng mga araw at oras. Kaya pala sumuko na rin si Mela na sagipin ang anak sapagkat sumuko na rin si Aya.
Next week, plano na nitong tumigil sa pag-aaral dahil siguradong magiging malala ang kalagayan ng katawan nito.
Patawad sa inyo, Mayumi at Oscar. Hindi ko sinabi sa inyo ang totoo. Sa bawat tanong ninyo, ang lagi kong sagot ay magaling na ako.
Buang ka, Aya. Alam mong hahanapin ka ng dalawang iyon at susundan ka nila kahit saan ka pa magpunta.
Patawad Mama, hindi ko na matutupad lahat ng pangarap natin. Patawad din sa 'yo, seatmate. Nagsisisi ako na hindi tayo naging magkaibigan. Salamat sa pagtulong mo sa akin sa pag-aaral ko.
Seatmate? Iyon lang ang tawag ni Aya kay Kenjie? Siraulo, ba't hindi mo siya tinatawag sa tunay na pangalan niya! No wonder, he thinks you're not friends!
Mabuti nang itago ko na lang hanggang sa kamatayan ang nararamdaman ko. Tutal ano pang silbi? Mamamatay rin naman ako. Patawad, wala akong lakas ng loob na sabihin.
Mas kailangan ka niya ngayon!
Napaupo siya sa kama at muling inilagay ang huling liham ni Aya sa loob ng sobre. Pinunasan niya ang mga matang basa ng luha. Nakatingin siya sa hawak at pinag-iisipan kung itatago ba ito o itatapon.
***