CHAPTER 6 - Masamang tangka ni Anastacia

1733 Words
UMUUSOK pa ang laman ng mangkok na dinala ni Ofelia. Ang aroma ng sampalok ay nakakagana at ang puting-puting butil ng kanin ay waring makunat at tamang-tama upang buhusan ng malapot na sabaw. "Kumain ka na habang mainit pa." Tumango si Anastacia bagaman nanatiling nakatanaw sa labas ng bintana. "Gusto mo ba, sabayan kitang kumain? Baka makaligtaan mo na naman ang oras at malipasan ka ng gutom." Hindi sumagot si Anastacia... hindi rin tumango. "Masamang pinaghihintay ang grasya. Baka magtampo--" "Huwag kang mag-alala, kakain ako." "Gusto mo ba, saluhan kita para kung may kailangan ka e, makuha ko agad sa kusina?" Umiling si Anastacia. "Hindi na. Ako na ang bahala. Sige na, kumain ka na rin." Ipinihit ng dalagang ina ang katawan paharap sa kausap. "O sige. Basta't kapag may kailangan ka e, tawagin mo lang ako. Naroon lang naman ako sa kusina. Mamaya na ko babalik para kunin iyang tray." "Hindi na. Ako na lang ang magdadala ng mga ito sa kusina pagkatapos kong kumain." Napabuntong-hininga si Anastacia nang makalabas si Ofelia, at ang pinto ng silid ay lumapat. Dumako ang paningin niya sa pagkaing nakahain sa lamesita. Katakamtakam ang pagkakaayos niyon sa ibabaw. May kanin, piniritong isda, tubig, kubyertos, serbilyeta, platitong naglalaman ng patis puro na may siling berde, at ang pamutat ay saging na lakatan at minatamis na niyog na mura. Wala sana siyang balak kumain dahil pakiramdam niya'y puno ang kanyang bituka. Subalit nakaramdam siya ng gutom habang tinitignan ang niluto at dinalang pananghalian ng pinsan. Magana siyang kumain at ... naubos iyon, maliban sa saging. "Hindi pa rin nagbabago ang timpla mo sa sinigang, Ofelia. Ikaw ang pinakamasarap magluto ng sinigang." Gumuhit ang matipid na ngiti sa kanyang mga labi. Alam na alam ni Ofelia ang mga gusto at hilig niya. Hindi lamang sa ulam, ultimo sa maliliit na bagay. Kabisado nito kung ano ang paborito niya. Paboritong kulay, paboritong bulaklak, paboritong prutas, paboritong cologne at pabango, paboritong damit at kung ano-ano pa. Halos lahat ng sikreto niya ay alam din nito. Nasasabi niya rito ang nararamdaman; ang mga naiisip at saloobin. Alam nito kapag siya ay masaya, malungkot, kinikilig at may nagawang kalokohan. Matiyaga itong nakikinig. Nauuna pang tumawa kapag masaya siya, mas kinikilig kaysa sa kanya at tumutulo ang luha kapag nasasaktan siya. Ang lihim niya ay lihim din nito at iniingatang mabulgar. Wala itong pinagsasabihang kahit sino... kahit sariling mga magulang. Madalas nitong akuin ang mga nagagawa niyang mali upang hindi mapagalitan ng mama niya at tumanggap ng parusa mula sa kanyang papa. Maging ang mga problemang hindi niya masabi sa sariling ina ay nasasabi niya kay Ofelia. Naging ate niya ang pinsang kahit malayong kamag anak at anak lamang ng kanilang kasambahay ay itinuring niyang pinakamatalik na kaibigan. Si Ofelia ang palaging nagpapalakas sa loob niya, at kahit may pagkamaldita siya ay palaging inuunawa. Lumapad ang ngiti niya nang maalala ang araw na nagpaalam itong sasama sa tiyahin upang makapasyal sa probinsiya. Umandar ang pagkasutil niya. Niyakap niya ito at hindi binitawan; umiiyak pa siya. Kahit anong paliwanag ang gawin nito at pangangakong babalik kaagad ay hindi niya pinayagang umalis at siya'y iwanan. Hanggang sa hindi na nga ito sumama at niyakap siya nang mahigpit upang tumigil na sa pag-iyak. Ilang ulit na bang kung ano ang gusto niya ay pinagbibigyan nito; ang laging nasusunod? Kaunting kibot lang niya ay naroon na ito, hindi siya pinababayaan; hindi iniiwanan. Kaya naman minahal niya si Ofelia. Ito lang ang nag-iisang tao, maliban sa kanyang mama ang nagmamahal at nakauunawa sa ugaling mayroon siya. Ito lang ang tinuturing niyang kakampi at pwedeng pagkatiwalaan... at hanggang sa mga oras ito ay hindi siya iniiwanan. Muli siyang bumuntong-hininga upang paluwagin ang naninikip na dibdib. Naalala niya ang nangyari kanina... Naglalakad-lakad siya sa kanilang sala. Pabalik na siya sa kanyang silid nang mapadaan sa nakabukas na silid ng tatlong anak. Nang makita ang mga ito ay muli niyang naalala ang nangyari sa kanya. Muling umahon sa kanyang dibdib ang matinding poot! "Mga hayup! Pagkatapos ng ginawa ninyo sa akin ay nag-iwan pa kayo ng mga batang magpapaalala ng kahayupan niyo! Ang pagkasuklam ko sa inyong lahat ay sa tatlong anak ng kung sinuman sa inyong pito ang makatitikim. Pahihirapan ko rin sila gaya ng pagpapahirap niyo sa akin! Hindi... mas masahol na pasakit ang ibibigay ko sa kanila. Mas masaklap, mas mapait. Pagdurusahan nilang tatlo ang pagiging anak ng isang dimonyo!" Pinasok niya sa silid ang triplets. Gigil na gigil siya, galit na galit! Hindi nababawasan ni gahanip ang nararamdaman niyang pagkamuhi. Kuyom ang kanyang mga palad. Nanginginig ang kanyang mga braso sa inis na hindi kailanman maaalis anumang paliwanag ang marinig. Wala siyang pakialam kung sabihin ng lahat ng tao na makitid ang kanyang utak; na walang kasalanan ang mga bata; na hindi dapat madamay. Gusto niyang makaganti, iyon ang umuukilkil sa kanyang isip. Maiibsan lamang ang ngitngit niya kung mawawala ang mga ito sa paningin. Makakalma lamang siya kung hindi na maririnig ang maingay at nakabubuwisit na iyakan ng tatlong supling! Lumapit siya sa kuna. Sa una... sa ikalawa, at sa ikatlo, pagkaraan ay muling naglakad pabalik. Masamang tingin ang ipinupukol niya sa laman ng rektanggular na higaan para sa mga batang maliliit, sa tatlong sanggol na payapang nakahiga. "Mga impakto! Mga anak ng hayup!" mahina niyang sambit. Ramdam niya ang pag-init ng mga mata. Kung ang naglalagablab niyang damdamin ay mapasisingaw sa dalawang bolang itim na naroon... nagawa sana niyang tupukin ang mga ito. Ramdam niya ang panginginig ng kalamnan sa tindi ng poot na nararamdaman. Nagmamarakas ang kanyang mga tuhod sa papanabik na makitang walang buhay ang tatlong sanggol. Ang nakikita niya sa loob ng kuna ay mukha ng pitong lalakeng humahalakhak. Nagkakatuwaan habang pinaglalaruan ang buo niyang katawan; ang kaselalanang kanyang pinakaiingatan! "Hindi kayo dapat mabuhay... ang dapat sa inyo ay mamatay bago pa kumalat ang kamandag! Hindi ako magpapalaki ng mga dimonyo sa loob ng pamamahay ko. Papatayin ko na muna kayo bago tubuan ng mga sungay at maitarak sa akin. Buburahin ko na kayo sa mundo. Ako ang nagsilang sa inyo kaya nasa akin din ang karapatan upang bawiin ang buhay na ibinigay ko. Ako ang magpapasya kung mabubuhay kayo o mamamatay. Kayo ang sasalo ng kaparusahan. At ang aking hatol... kamatayan!" Mabilis niyang kinuha ang isang unan at itinakip sa mukha ng isa sa tatlong sanggol! Malakas na pag-iyak ng dalawa sa triplets ang nagpaigtad sa kanya. Natigilan siya at mabilis na nilinga ang pintuang walang harang, kasabay nang pag-angat sa unan na ipinantakip sa mukha ng anak na nasa gitna. Otomatikong lumipat sa nag-iiyakang sanggol ang kanyang paningin. "Magsitigil kayo mga impakto! Ang ingay-ingay niyo. Tigil!" Halos ungol lamang ang lumabas sa nakalapat niyang mga ngipin. Nagtatagis ang kanyang mga bagang dahil nakukulele sa matinis na tinig ng nagpapalahaw na mga anak. Marahil ay naramdaman ang paghihirap ng kaputol kaya nag-iyakan.Tila humihingi ng saklolo upang mailigtas ang kapatid na ang buhay ay nalagay sa panganib. Gusto niyang busalan ng bote o ng binalumbong lampin ang bibig ng mga ito upang matigil. Subalit nagbago ang kanyang isip; kinalma ang sarili. Paulit-ulit siyang nagbuga ng hangin at saka ibinalik ang maliit na unan sa batok ng anak. Inayos pa niya ang nagusot nitong hinihigan, at ibinalik ang malapad na lamping nakabalot sa paanan. Mabilis ang ginawa niyang pagkilos. Patingin-tingin pa sa pintuan. Nag-aalala sa biglang pagsulpot ng pinsan. "H-hindi dapat malaman ni Ofelia ang balak ko! Siguradong pipigilan niya na naman ako. Mag-aaway lang kaming dalawa. Natitiyak kong hindi siya papayag sa gusto ko. Dahil sa buwisit na mga batang 'to ay nagulo na ang buhay namin. Hindi na kami natahimik!" Tinapunan niya ng malisik na tingin ang tatlong anak at saka nagmamadaling lumapit sa pintuan ng silid. Sinilip niya muna kung naroon si Ofelia. Luminga siya sa kaliwa't kanan, at nang masigurong wala ang pinsan ay pakandirit na humangos patungo sa silid na tinutuluyan. Nang makapasok sa loob... ni-lock niya agad ang pinto. Nangangatog pa ang kanyang mga kamay at butil-butil ang pawis sa noo nang kumatok si Ofelia. Hindi siya sumagot, at nagtengang kawali. Ang akala niya ay titigil na ito sa pagkatok at pagtawag sa kanya kung hindi niya pagbubuksan. Ngunit patuloy pa rin ito at lalong nilakasan ang pagsigaw. Pinunasan niya ang mukha gamit ang kumot na basta na lang hinila. Muli siyang sumagap at nagbuga ng hangin. Inayos pa niya ang suot na damit bago nilapitan ng pintong ipininid. Gusto sana niyang iwasan ang pinsan ngunit napilitan na siyang pagbuksan. Baka matakot ito at mag-alala; baka mag-isip na may nangyaring masama sa kanya. Ang maliit na siwang sa pintuan ay nilakihan na niya, pagkatapos ay tumalikod na. Namintana siya upang maitago ang panginginig ng mga kamay at pamamawis ng noo at mukha. At muli, humarap sa kanya ang dating Ofelia na kilala niya. Matiyaga pa rin ito sa pagsisilbi sa kanya, at laging nag-aalala. Animo hindi nakararamdam ng pagod. Palaging nagpapanggap na masaya sa pagbabakasakaling mapagaan ang kalooban niya. Hindi ito dumadaing ng hirap at hindi niya kailanman kinakitaan ng panghihinawang maging ate niya at kaibigan. Pati ang pagiging ina sa tatlong batang isinilang niya ay walang kapagurang ginagampanan. Sinisikap nitong ilapit sa kanya ang mga anak. Subalit hindi niya kaya... ayaw niya. Sa tuwing ilalapit nito ang tatlo ay nangangatog agad siya. Natitipon ang kanyang laway sa ilalim ng dila; nasusuya siya at nasusuka. Naninigas ang leeg niya at animo nag-uurungan ang mga litid at ugat. Kapag sinusulyapan niya ang mga ito... ang pitong lalakeng humalay sa kanya ang nakikita niya. Ang nakangisi at nakakadiring mukha ng mga ito ang titig na titig sa kanya! At tuwing iiwas siya at hindi papansinin ang tatlong anak, nararamdaman niya ang pagdaramdam ng pinsan. Alam niyang nasasaktan ito hindi man magsalita. Mapagmahal ito at madaling magpatawad... hindi tulad niya. Hindi niya mapapatawad ang mga lalaking bumaboy sa kanya at nagbigay ng miserableng buhay. Hindi niya makalimutan ang kahayupan ng mga ito at patuloy na naririnig ang halakhakang tulad ng dimonyo! Umagos ang luha sa kanyang mga mata. Naikuyom niyang muli ang mga palad. Nangangatal na naman siya. Sa tuwing makikita niya ang sariling mga anak; sa tuwing maririnig ang iyakan ay naduduwal na siya. Presensiya pa lamang ng mga ito'y nagtatayuan na ang mga balahibo niya sa katawan! "Patawarin mo ako, Ofelia. Patawarin mo ako kung hindi kita mapagbibigyan. Hindi maaaring mabuhay ang mga anak ng dimonyo! Kailangang silang mamatay!"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD