CHAPTER 2

2386 Words
Nasa may patio ng mansion si Jerry, ang tatay ni Amara, palakad lakad ito kasama ng iba pang mga tauhan. Mga nagbabantay sila at palaging nakaalerto. Alam kasi nila na palaging tinutugis ng batas si El Rodrigo. Palaging nakahanda ang mga tauhan anumang oras na may sumugod sa mansion. Tumunog ang telepono ni Jerry. Pag tingin niya ay tumatawag si El Rodrigo. “Boss.” “Halika dito sa opisina, Jerry. Pumasok ka muna at may sasabihin ako.” Mabilis na pinuntahan ni Jerry ang opisina nito na nasa basement ng mansion. Kapag hindi tagadoon, hindi malalaman na mayroong opisina sa basement. Ang lagusan papunta dito ay isang bookshelf. At may kailangan pang pindutin bago bumukas ang pinaka-pinto. “Boss, may ipapagawa po ba kayo?” “Halika. Maupo ka Jerry.” Nang maupo si Jerry sa sofa, naupo din sa harap niya si El Rodrigo. “Hindi naman lingid sa inyo ni Hilda na para ko na kayong kapamilya dito.” “Oo naman boss. Nagpapasalamat nga po kami at pinatira ninyo kami ng libre dito. Kayo pa po ang nagpapa-aral kay Amara. At sa isang pribadong eskwelahan pa po. Napakabuti po ninyo boss.” “Wala iyon, Jerry. Dahil alam kong tapat na tauhan ko kayo, kaya dapat lang na tulungan ko kayo.” Nakayuko lang si Jerry at tahimik na nag-abang ng sunod na sasabihin ni El Rodrigo. “Batid mo din naman, Jerry, na sa edad ko ngayong kuwarenta, ay binata pa ako.” “Opo, Boss.” “Iyon ay dahil hirap akong magtiwala sa babae. Hindi ako makahanap ng babae na nasa kaniya na lahat ng gusto, at mapagkakatiwalaan ko pa.” “Tama naman po kayo boss.” “Kung ganun Jerry, nahanap ko na ang babaeng gusto kong pakasalan.” “Talaga ho?” Gulat na tanong ni Jerry at halatang masaya din siya para sa boss niya. “Oo Jerry. Si Amara. Siya ang gusto kong pakasalan.” “Ho?” Nanlaki ang mata ni Jerry at napalakas ang boses. “Bakit Jerry? Ayaw mo bang ako ang mapangasawa ng anak mo?” “Naku, hindi naman po sa ganun. Pero bakit po anak ko?” “Nasa kaniya na lahat ng gusto ko sa isang babae, Jerry. Maganda. Sexy. Matalino. Masiyahin. At higit sa lahat, alam kong mapagkakatiwalaan ko siya dahil dito siya nakatira at hindi na lingid sa kaniya kung anong klaseng hanapbuhay mayroon tayo.” Nakayuko lang si Jerry at hindi makasagot. Malaki ang utang na loob niya kay El Rodrigo. Bukod sa kinupkop na sila nito, may pinagdaanan din siya na naging dahilan kung bakit naging tauhan siya ni El Rodrigo. Naalala ni Jerry na dati siyang sanggano at siga sa daan. Gumagamit siya ng ipinagbabawal na gamot. Nang minsang langong lango siya sa droga, napag-tripan siya ng mga kapwa drug addict at ginulpi. Iniwan siyang nakahandusay sa daan, duguan at parang wala ng buhay. Napadaan noon ang sasakyan nina El Rodrigo at hinintuan siya. Nagmagandang loob ito na ipagamot si Jerry at dinala sa ospital. Kahit alam ng mga doctor na user si Jerry dahil sa blood tests nito, hindi nila ito sinuplong sa pulis. Dahil ang ospital na iyon ay dalahan ni El Rodrigo ng mga tauhan niya na napapahamak sa mga habulan at awayan. Nagbibigay ng malaking pera si El Rodrigo para lang hindi magsalita ang doctor at mga tauhan sa ospital. Isang maliit na ospital lang naman ito sa bayan nila sa Rizal. “O ano, Jerry? Hindi ka na nakakibo.” “Boss, pwede po bang pag-usapan muna namin ito ni Hilda. Kailangang dalawa po kaming magdesisyon dahil nanay din naman po siya ni Amara.” “Sige, Jerry. Walang problema. At sabihin mo kay Hilda na handa akong magbigay sa inyo ng limang milyon para makapagsimula din kayo ng sarili niyong negosyo. Hindi naman habangbuhay ay mamamasukan si Hilda dito. Tama ba, Jerry?” “Opo, opo boss.” Pabalik balik sa tenga ni Jerry ang salitang limang milyon. LIMANG MILYON? Napakalaking halaga noon, kahit simpleng bahay ay makakabili kami. Nang gabing iyon ay kinausap ni Jerry si Hilda. Nasa may kusina sila noon at gabing gabi na. Tulog na si Amara sa kuwarto nito. May sariling kuwarto si Amara katabi ng kuwarto nilang mag-asawa. “Ano ba yung sasabihin mo at kanina ka pa hindi mapakali?” Tanong ni Hilda sa asawang si Jerry habang naglalapag ng isang tasa ng kape sa harap nito. Dinampot muna iyon ni Jerry at humigop bago siya nagsalita. Nakaupo si Hilda sa harap niya at humihigop na din ng kape nang magsimulang magkuwento si Jerry. “Hilda, gustong hingin ni Sir ang mga kamay ni Amara sa atin.” Muntik nang bumuga ang kapeng iniinom ni Hilda. Hindi niya alam kung tama ba ang narinig niya. “Ano nga uli? Hihingin ang kamay? Bakit? Ano’ng tingin niya kay Amara? Laruan?” Hindi nila napansin na nagising si Amara para magpunta sa banyo pero napatigil sa labas ng kusina nang marinig ang pangalan niya. Tahimik itong nakinig sa usapan ng mga magulang niya. “Oo Hilda, tama ang narinig mo. Gustong pakasalan ni El Rodrigo si Amara.” Napatakip si Amara sa bibig niya at pinigil na mapasigaw. Pero si Hilda, hindi nakapagpigil at tuluyang napasigaw. “Jerry! Dapat hindi ka pumayag! Nahihibang na ba siya? Kuwarenta anyos na siya!” “Hilda, maging mahinahon ka lang. Huwag kang masyadong maingay. Hindi pa naman ako pumapayag dahil sabi ko ay kakausapin muna kita.” “Hindi mo na ako kailangang tanungin, Jerry. Hindi ang sagot ko. Hinding hindi ako papayag na siya ang maging manugang ko!” “Kahit na ang kapalit ay limang milyon?” Napasinghap si Amara at parang nanigas sa kinatatayuan niya. Si Hilda naman ay nagkanda-utal utal sa pagsagot. “Ano kamo? Li…lima? Limang milyon?” “Oo Hilda. Ayon pa kay El Rodrigo, hindi ka naman daw habambuhay na mamamasukan bilang katulong. Maari mo daw gamitin ang limang milyon para makapagsimula ng negosyo.” “Napakalaking pera noon, Jerry! Sayang kung hindi natin tatanggapin!” Biglang nabago ang ihip ng hangin. Kung kanina ay galit na galit si Hilda, ngayon ay bigla siyang naging mahinahon at nag-isip kung ano ang pwedeng gawin sa halagang limang milyon. “Ano ang sasabihin ko Hilda?” “Grasya iyon, Jerry. Tanggapin na natin, pero sa isang kondisyon.” “Ano yun?” “Ibibigay na niya sa atin ang kalahati ng limang milyon, pero hinding hindi niya pwedeng hawakan si Amara hangga’t hindi ito tumuntong ng 18 years old. Kailangang 18 na si Amara kapag ikinasal sila.” Pagkarinig ni Amara nito, hindi niya malaman kung maiinis ba siya o maaawa sa mga magulang niya. Pero sa halip na komprontahin sila, mabilis na tumalikod si Amara at tahimik na umiyak sa loob ng silid niya. Habang umiiyak si Amara, dinampot niya ang paborito niyang laruan na teddy bear. Palagi niya itong kinakausap kapag mag-isa lang siya. Kulay asul ito na may malalaking mata na parang nakatingin sa kaniya. Sa leeg nito, nakatali ang panyo na sampung taon na ang nakalipas, nang itali sa paa niya ng isang batang Ace ang pangalan. Kaya ang pinangalan niya sa teddy bear niya ay Ace. “Ace, ano sa tingin mo? Ano ang mangyayari sa akin kapag naikasal ako kay El Rodrigo?” Tuloy tuloy ang pag-iyak ni Amara habang kinakausap si ‘Ace’. “Ace, sumagot ka naman.” Niyakap yakap niya pa ang teddy bear na parang bata. “Sabagay, pag sumagot ka Ace, matatakot ako.” Umiyak na lang siya nang tahimik hanggang sa nakatulog siyang yakap yakap si ‘Ace’. Kinabukasan, habang naghahain na sila ng almusal, nakaupo na si El Rodrigo sa hapag. Ramdam na ramdam na ni Amara na sinusundan nito ng tingin ang bawat galaw niya. Ilang na ilang si Amara. Muntik pa niyang mabitawan ang hawak na pitsel na puno ng tubig dahil namalayan na lang niya na nanginginig ang kamay niya. “Amara, dahan dahan ka, ano ba ang problema mo?” Bulong ng nanay niya nang lumapit ito sa kaniya, bitbit naman ang baso ni El Rodrigo. Inilapag nito sa gilid ni El Rodrigo ang baso at inutusan si Amara na salinan ito ng tubig. Walang nagawa si Amara kundi tumayo sa tabi ni El Rodrigo. Habang nagsasalin siya ng tubig, naramdaman niya na hinawi ni El Rodrigo ang buhok niya na nakalaglag sa balikat niya. Napapitlag si Amara. “O, Amara, masyado ka namang magugulatin. Inaayos ko lang ang buhok mo dahil malapit nang sumayad sa pitsel.” “Sorry po.” Mahinang sagot ni Amara. Nang papaalis na siya papunta sa loob ng kusina, biglang hinawakan ni El Rodrigo ang kamay niya at pinigilan siyang umalis. “Amara, teka lang. Masyado ka namang nagmamadaling umalis.” “Ah, may pasok pa po kasi ako.” “Saglit lang. Maupo ka muna dito. Magmula ngayon, gusto kong sabayan mo ako sa pagkain ko. Napansin ko na nakakalungkot palang kumain mag-isa.” Walang nagawa si Amara kundi maupo sa tabi ni El Rodrigo. Mabilis na naglapag sa harapan niya ng pinggan at kubyertos si Hilda. Hinawakan pa nito sa balikat si Amara at pinisil ito na parang sinasabing huwag siyang matakot. Si El Rodrigo na ang naglagay ng pagkain sa plato ni Amara. “Ayan. Masarap lahat iyang luto ng nanay mo. Kumain ka nang mabuti Amara.” Dahan dahang dinampot ni Amara ang kubyertos at sinimulang kumain. “Magkuwento ka naman Amara. Kumusta ba ang school mo?” “Mabuti naman po.” “Anong year ka na ba ngayon?” “Grade 10 po.” “Ah, 16 years old, tama ba?” “Opo.” Tumangu tango pa si Amara. “Ano ba ang kursong gusto mong kunin? Sabihin mo lang Amara at ngayon pa lang ay maghahanap na tayo ng magandang school na papasukan mo.” “Gusto ko po sanang maging Flight Stewardess.” Mahinang sagot nito. “Good! Napakaganda ng kursong napili mo! Magpapahanap ako sa sekretarya ko ng pinakamagandang school. Ipapasok kita sa pinakamahal na University dito.” “Naku hindi naman po kailangan. Si Sofia po kasi…” Biglang sumingit si El Rodrigo at hindi naituloy ang sasabihin niya. “Sino si Sofia?” “Siya po ang bestfriend ko at classmate mula pa noong elementarya. Gusto din po kasi niya na maging stewardess. Pero hindi po siya kayang pag-aralin ng parents niya sa mahal na university kaya may napili na po kaming school. Government school po pero maganda naman ang quality ng education.” “Hindi pwede Amara. Gusto ko ay sa isang mamahaling school ka lang mag-aaral. Araw araw kang ihahatid at susunduin ng driver natin.” “Pero Sir, kahit naman po ngayon hatid-sundo na ako ng driver. Pero pag dating po ng kolehiyo, matanda na po ako nun, baka pwede na po akong mag-commute.” “Huwag matigas ang ulo mo, Amara.” Isang madiin at matigas na boses ang lumabas kay El Rodrigo. Biglang natahimik si Amara dahil alam niyang galit na si El Rodrigo. Napayuko na lang si Amara at itinuloy na ang pagkain. Nang araw na iyon, malungkot si Amara nang pumasok sa eskuwelahan. “Hi, Amara!” Pag lingon niya, papalapit na si Sofia sa kinaroroonan niya. Kasalukuyan siya noong nakaupo sa bench sa ilalim ng isang mayabong na puno. Natuwa siya pagkakita kay Sofia. Marami namang kaibigan si Amara pero si Sofia ang pinakamalapit sa kaniya na para na niyang kapatid. Matalino ito kaya scholar ng school nila. “Hi Sofie!” Bati din ni Amara. “Bakit nandito ka? Kanina pa ako umiikot doon sa usual na hintayan natin sa labas ng faculty.” “Ah. gusto ko kasing magpahangin. Ang sarap ng hangin dito.” “Mukhang malungkot ka, may problema ba Amara?” “Sofie…hindi ko alam kung paano ko sasabihin ito. Pero ipangako mo sa akin na hinding hindi mo ito sasabihin kahit kanino.” “Oo naman, Amara. Ako pa ba. Maasahan mo ako dahil magkaibigan tayo at para na din tayong magkapatid.” “Ipinagkasundo na ako ng mga magulang ko sa lalaking pakakasalan ko.” “What? Ang aga naman, ang bata bata mo pa.” “Ang kondisyon naman ay ikakasal lang kami kapag 18 na ako.” “Malapit na yun Amara! Dalawang taon na lang! E ano naman ang problema? Ayaw mo ba?” “Sofie naman ang bata bata ko pa. Ang dami ko pang pangarap sa buhay.” “Hindi naman porke nag-asawa titigil na ang mundo mo. Sabihin mo itutuloy mo pa rin ang pag-aaral mo. Pero teka, sino ba kasi yung lalaki at bakit nga ba gusto ka kaagad pakasalan?” “Hindi mo siya kilala, Sofie. Pero para ko na siyang tatay. Ang totoo niyan, siya nga ang nagpapa-aral sa akin. Matanda na siya. Sa kaniya naninilbihan ang mga magulang ko.” “Ha? Grabe ang tagal na nating magkaibigan pero hindi mo ikinuwento sa akin yan, Amara!” “Shh, huwag masyadong malakas ang boses mo. Sorry kung naglihim ako sa iyo. Pero hindi kasi talaga ako anak mayaman. Akala lang ng mga tao dito mayaman ako kasi hatid-sundo ako ng magarang sasakyan. Pero ang amo ng mga magulang ko ang mayaman.” “Ibig mong sabihin ay matagal nang naninilbihan ang mga magulang mo?” “Oo Sofie.” “Wala namang nakakahiya doon, Amara. Huwag kang mag-alala, hindi naman nagbabago ang tingin ko sa iyo.” “Salamat Sofie. Totoo ka talagang kaibigan.” “Pero bakit ayaw mo siyang pakasalan?” “Matanda na siya Sofie. Pwedeng pwede ko na siyang tatay. At hindi ko naman siya mahal. Ang gusto kong pakasalan ay yung taong mahal ko. At alam ko na mamahalin ako.” Napapapikit pa si Amara habang sinasabi ito. “Naku, e di yung teddy bear mo ang pakasalan mo. Di ba mahal na mahal mo iyon? At higit sa lahat mahal ka din nun dahil ilang taon na buhay na buhay pa din at hindi ka iniiwan.” Napatawa ni Sofia si Amara. Nahampas ni Amara si Sofia dahil totoo naman lahat ng sinabi nito. Ganoon na kakilala ni Sofia ang laruan niyang si ‘Ace’ dahil madalas itong ikuwento ni Amara sa kaniya.

Great novels start here

Download by scanning the QR code to get countless free stories and daily updated books

Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD